Ika-25
Linggo ng Taon A
Setyembre
21, 2014
HULI MAN DAW
AT MAGALING
Uso ngayon
ang pagiging huli sa maraming bagay. Sa pagkakadiskaril ng MRT, sa mahahabang
linya kahit saan … dahil sa patong-patong na trapiko saanmang lugar sa buong bansa,
malimit na tayo ay magiging huli sa ating pupuntahan. Pati mga pulis ngayon ay
usong-uso sa mga kaso ng ibang uri ng huli, ang hulidap. Pati mga nagsisimba
tuwing Linggo sa mga parokya natin sa Pilipinas, kalahati ay laging huli, at
dumarating kung kailan tapos na ang pagbasa, at tapos ay magkokwentuhan lang sa
simbahan, kundi magpapaypay nang walang patumangga, dahil sa mainit at maingay
ang mga batang nagtatakbuhan.
Kapag huli
tayo ay nangangahulugang kapos ang panahon, o hindi natin nagampanan ang
pagbabantay sa pagdaloy ng panahon. Tayong mga Pinoy ay hindi bihasa magbantay
sa oras. Laging mamaya na … laging may oras pa … laging “hindi naman
magsisimula iyon hangga’t wala tayo,” o kaya’y lagi na lamang “hahabol ako!” At
malimit, ang ibig sabihin ng “hahabol ako” ay magtatakbo para pumila sa
komunyon, kahit hindi niya narinig ang mga pagbasa, at nakinig man lamang sa
homiliya. Malimit rin, ang pakahulugan ng “hahabol ako,” darating kapag oras na
ng kainan, kahit hindi nakisama sa dasalan o kwentuhan … diretsong lamon, ika
nga!
Pero kung
tayong PInoy ay bihasa sa pagiging huli, bihasa rin naman sa pagkekwenta ng
pera kapag may huling dumating na nakalamang, o nabiyayaan, o nabigyan ng higit
kaysa sa tinanggap natin. Iyan ang dahilan kung bakit pumutok ang isyu ng DAP
at PDAF. Merong nalamangan. Merong naisahan. Merong sa kanilang pakiwari ay
nadenggoy sila sa hatian o partihan. Pati ang mga usapin ngayon sa Senado ay
nauuwi sa ganitong bagay – isang medyo nalamangan ang ngayon ay nag-iingay at
nagpupuputak sa Senado upang ibagsak ang isang inaaakala niyang nanagana nang
higit na marami kaysa sa kanyang nakulimbat!
Hindi nga
naman tama. Hindi nga naman wasto at makatarungan … ang mag-asal tulad ng Diyos
na nagkaloob ng parehong pabuya sa mga nagsidatingan na nang palubog na ang
araw, katumbas sa ipinagkaloob sa mga nagpagal at nagsikap mula pa sa medaling
araw!
Sanay tayo
magkwenta kapag ito ang usapan – ang usapin tungkol sa lamangan at isahan!
Tulad ng ginawa ng mga Senador na sapagka’t sila ay lumulubog na sa kangkungan
ay panay bigla ang atungal nang sila ay maputungan ng kaparusahang puedeng
gawin sa ibang tao, pero hindi puede sa kanila. May tinitingnan, kumbaga, at
may tinititigan.
Ganito rin
baga ang Diyos? Nag-asal rin ba siyang tulad ng mga politicong may
ipinakukulong, at may pinalulusot at pinoprotektahan?
Mahirap
unawain ang turo ng ebanghelyo sa biglang wari. Subali’t ito mismo ang hiwaga
ng pag-ibig ng Diyos. Ang hiwaga ng pag-ibig ng Diyos ay nakasalalay sa
katotohanang hindi ito nakukuha sa ordinaryong panukat ng tao. At ang hiwagang
ito ay nagtuturo sa atin ngayon, na ang panukat ng pag-ibig ay ang umibig nang
walang sukat … walang pagtatakal … walang pasubali … walang pagtitimbang!
Kay raming
beses na ako naging huli sa maraming bagay. Kay raming beses na hindi ako
karapat-dapat pagbigyan ng Diyos dahil sa aking pagkukulang at kasalanan. Kay
raming pagkakataong hindi ako dapat pagbigyan pa ng pangalawang pagkakataon.
Subali’t hindi mahilig maglista ang Diyos. Hindi siya benggatibong pinunong ang
lahat ng kaaway at dinuduro at pinagmamalabisan.
Oo … huli
ako sa maraming bagay. Pero gusto kong isipin na tulad ng sinasabi natin
tuwina, “huli man daw at magaling ay huli pa rin,” gusto ko itong baguhin nang
kaunti… ayon sa larawang ipinakikita ng Diyos sa ebanghelyo ngayon … “Huli man
daw at magaling, ay minamahal pa rin.”
Tulad mo.
Tulad nila, mahal ako ng Diyos, huli man ako at duling … huli man ako at walang
pansin sa kanya… huli man ako at salarin! Mahal ako ng Diyos. Tuldok. Tumpak …
Katotohanang mapagligtas na di hamak! Ano pa ang hanap mo?
No comments:
Post a Comment