Friday, September 12, 2014

PAGTATANGHAL SA BANAL NA KRUS


PAGTATANGHAL SA BANAL NA KRUS
Setyembre 14, 2014

ANGAL, HANGAL, DANGAL

Magaling tayo sa maraming bagay. Ngayong napipinto na ang tuluyang pagkakaisa ng mercado ng buong ASEAN region, nakikita natin kung saan tayo magaling kumpara sa iba, at kung saan naman tayo medyo nahuhuli. Marami tayong kagalingang hindi makikita sa ibang bansa. Marami rin tayong kahinaan na hindi makikita sa iba.

Magaling din tayo umangal at mag-reklamo kapag tayo ay nalalamangan o nauunahan.

Ganyan ang ginawa ng mga Israelita. Sa una, tuwang-tuwa silang umalis sa Egipto. Nguni’t di naglaon, nang wala na silang eat-all-you-can ng pagkaing maraming bawang at sibuyas, at puro walang lasang pizza (manna) ang kanilang pagkain, matindi ang kanilang angal: “Inialis mo kami sa Egipto para patayin lang sa ilang na ito?”

Hindi nga naman makatarungan ito, ika nga. Mayroong hindi wasto. Mayroong hindi lapat ang upo.

Pero kung sa wasto lang ang pag-uusapan, mayroon ring parang hindi tama sa tugon ng Diyos sa reklamo ng kanyang bayan – ang walang sawang awa sa kanila at kapatawaran. Hindi lang first-aid ang ibinigay ng Diyos sa taong natuklaw ng ahas, kundi ganap na kagalingan, kahit na sila ay walang ipinakita kundi reklamo at pagsaway.

Parang hindi tama ito. Diyos na ang agraviado, siya pa ang nagpakita ng awa. Sa taong hangal, na walang ipinakita kundi angal, ang kanyang isinukli ay dagdag pang dangal.

Nais kong isipin na ang piyesta ngayon ay walang ibang pakahulugan kundi ito. Sa harap ng ating mga angal sa Kanya … sa kabila ng ating pagiging hangal sa harap ng kanyang walang sawang pagpapatawad, minarapat na panatilihin niya ang ating dangal na nakaugat sa kanyang dakilang pag-ibig.

Malayong malayo tayo sa Diyos at sa kanyang pamulat sa akin. Ewan ko kayo, pero inaamin ko na mahirap ang magpatawad. At lalong mahirap ang magpalamang sa kapwa na tila ipinaglihi sa pandurugas at pagmamalabis. Mahirap unawain na ang Pilipinas ay nananatiling mahirap dahil sa mga kagalang-galang na magnanakaw sa gobyerno, lalu na sa kongreso.

Pero hindi ko maiaalis ang katotohanang ang pamulat sa atin ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo ay siyang nababasa natin sa kanyang ginawa sa krus. Bagama’t siya ay Diyos, “hindi nagpilit na manatiling kapantay ng Diyos. Bagkus hinubad niya ang lahat ng katangian ng pagka-Diyos, nagkatawang-tao at namuhay na isang alipin.”

Wala itong lohika, liban sa lohika ng pag-ibig – walang hanggang pag-ibig. Sa harap ng ating angal, sa kabila ng ating pagiging hangal, walang kahulirip na dangal ang kanyang ipinagkaloob sa atin: “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak, upang ang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.”

Wag na sana tayong manatiling hangal sa ating walang patid na angal. Mataas ang ating dangal dahil sa kanyang walang hanggang pag-ibig.


No comments:

Post a Comment