Ika-18 Linggo ng Taon A
Agosto 3, 2014
TABANG-LAMIG O TUNAY NA BUSOG AT MALUSOG?
Marami tayong salita sa Tagalog na walang katumbas sa
Ingles. Isa na rito ang “tabang lamig.” Ito ay para sa isang taong mataba kung
tingnan, pero hindi tunay na malusog. Kung baga, parang ampaw … husto sa bilog
at pintog, pero tila puro hangin lang ang nasa loob.
At dahil nasa paksa tayo ng mabilog o mapintog, dumako tayo
sa pagkain. Wala akong kilalang hindi gusto ng masarap na pagkain, liban ang
maysakit. Mayroon rin akong kilalang kahit maysakit ay magana pa rin kung
kumain. Pero alam nating lahat na may pagkaing malusog at may pagkaing puro
taba lamang ang dulot. Ito ang naghahatid sa isang taong magkaroon ng “tabang
lamig” o “tabang kanin,” o tabang sopdrink, kung na adik tayo sa sopdrink.
Panay pagkain ang paksa sa una at ikatlong pagbasa. Pero,
tila parang sandwits na pumapagitna ang isang walang kinalaman sa pagkaing
material, pero bunga ng tunay na pagkaing isinasagisag sa mga pagbasa.
Paanyaya ni Isaias na maghanap tayo ng pagkaing hindi
natutumbasan ng pera lamang. Ito ang pagkain ng kalooban ng Diyos na higit pa
sa anumang masarap na pagkain: “Makinig kayo sa akin at sundin ang utos ko at
matitikman ninyo ang pinakamasarap na pagkain.” (Unang pagbasa)
Sagot natin sa unang pagbasa ang siyang turo naman ng
ikatlong pagbasa: “Pinakakain mong tunay kaming lahat, O Maykapal!” Ito ang
buod ng milagrong ginawa ni Jesus nang pakanin niya ang higit sa limang libong
katao (hindi kasama rito ang bata at mga babae!).
Sa buhay natin, kay raming nagpapanggap na masarap,
makinang, maganda at kapaki-pakinabang. Tingnan nyo na lang ang mga larawan ng
pagkain sa Jollibee at McDonald’s. Ang gaganda ng larawan! Pero pag dating ng
order mo, ibang-iba sa nasa piktyur!
Madali tayo malinlang ng palsong pagkain … madali tayong
madala ng kinang ng tila isang diamante kung tingnan, pero pwet lang pala ng
baso. Madali tayo mahuli ng isang tila ginto, pero palara lang naman pala, at
palsong pilak na walang laman kundi panandaliang kinang. Maraming pagkain na parang masarap, subali’t
ang dulot ay sandamakmak na kolesterol o asukal sa katawan.
Tunay na pagkain ang dulot sa atin ng mga pagbasa. Hindi
panlamang tiyan lamang. Tulad ng pinakain ng Panginoon ang limang libo, hindi
lamang tinapay at isda ang kanyang dulot, kundi kung ano ang pinangaral niya
matapos silang busugin – ang pangaral sa tunay na pagkain at sa tunay na buhay
na walang hanggan.
Huwag sana tayo masiyahan sa sarap lamang, sa alat o tamis,
o sa mantikang lumulutang sa pagkain. Huwag sana tayo mabulag sa kinang, sa
ganda, o sa tila magagandang dulot ng mga bagay na hindi nagtatagal.
Ang aking puso ay nakatuon ngayon sa mga Kristiyanong
pinahihirapan ng mga namumuhi kay Kristo sa Iraq at sa Syria. Sa biglang iglap,
sila ay mga refugees, mga taong kahit anong sandali ngayon ay maaaring patayin,
pahirapan, at sikilin. Gutom sila sa pagkaing material. Gutom sila at salat sa
mga bagay na marangya, masarap at kaaya-aya.
Pero mayroon silang pagkaing hindi alam ng daigdig, at hindi
alam ng mga walang pananampalataya. At ito ay sandwits na pumapagitna sa una at
ikatlong pagbasa ngayon … “Sino ang makapaghihiwalay sa atin sa pagmamahal ni
Kristo? Ang paghihirap ba, ang kapighatian, ang pag-uusig, ang gutom, ang
kahubaran, ang panganib o ang tabak?”
Huwag sana tayo masiyahan sa tabang lamig lamang. Hanapin
sana nating lahat ang tunay na kabusugan, at tunay na kalusugan, sa piling ng
Diyos, patungo sa langit na tunay nating bayan!
No comments:
Post a Comment