Friday, August 29, 2014

PASYON, HINDI PARANGAL!


Ika-22 Linggo ng Taon A
Agosto 31, 2014

PASYON, HINDI PARANGAL!

Marami tayong hindi nauunawaan agad. Marami tayong tanong at agam-agam sa buhay. Tulad ni Jeremias, marami rin tayong daing at angal sa Diyos: “Panginoon, ako’y iyong hinikayat, at sumunod naman ako.” Si Saul man, ay isang taong hindi agad nakuha ang lahat at ang kabuuan. Si Saul ang numero unong tagapag-usig sa grupong itinatag ni Kristo.

Noong nakaraang Linggo, nakita natin kung paano iniangat ni Kristo ang dangal ni Pedro. Tumaas siya, ika nga, sa puwesto. Tinawag siyang bato, at sa batong iyong diumano, ay itatatag ni Kristo ang kanyang simbahan. Nakuha ni Pedro ang bahaging ito. Madaling makuha ang bagay-bagay lalo na’t dagdag dangal, dagdag sahod, at dagdag sa ating pagkatao!

Pero ngayon, tila hindi nakuha ni Pedro ang kabuuan. Tulad mo. Tulad ko. Hindi ko maintindihan kung bakit dapat ako magdusa sa pagsisikap itama ang mali, at sa pagsisikap ibangon ang isang lupaypay na sa maling mga pamamaraan. Tulad ni Jeremias, ngali-ngali kong dasalin, “Panginoon, naloko mo ako… Panginoon, naisahan mo ako!”

Balik tayo kay Pedro … Tinawag na Bato. Pero ngayon, nang nagwika si Kristo na siya ay magdurusa, pahihirapan, at ipapapatay, naghalo ang balat sa tinalupan! Nagalit si Pedrong Bato! “Panginoon, huwag nawang itulot ng Diyos!” Naunawaan niya ang parteng dapat siya ay bato. Pinangatawanan niya ang kanyang pagiging muog at pundasyon. Pero hindi niya nakita ang kabuuan, ang kahulugan, ang karunungang nagkukubli sa kahirapan, at tila pagkasadlak sa pagkatalo at pagkagulapay sa pagdurusa o kawalan ng tagumpay.

Ilang beses tayo umangal sa Diyos at nag-reklamo? “Higit kang malakas kaysa sa akin, at ikaw ay nagwagi.” Siguro ay tumakbo sa isipan ni Pedro ito … “Akala ko ba, bato ako?” Kung gayon, bakit kaya si Kristo ay nagwiwika tungkol sa pagkatalo?

Marami tayong nakukuha sa simula, pero marami rin tayong hindi lubos na nauunawaan. At hindi kaiba sa atin si Pedro. Hindi rin kaiba sa atin si Jeremias at si Saul. Sa simula, si Saul ay isang mabangis na taga-usig. Sa simula, si Jeremias ay panay reklamo ang wika.

Tulad mo. Tulad ko. Ngayon ay sana’y pakinggan natin ang ikalawang bersyon ni Jeremias: “Parang apoy na naglalagablab sa puso ang iyong Salita.” Tunghayan rin natin ang ikalawang bersyon ni Pablo: “Ialay ninyo ang sarili bilang handog na buhay … Huwag kayong umayon sa takbo ng mundong ito.”

Oo … tingnan natin muli at unawain ang kabuuan … ang hantungan … ang panawagan sa likod ng tila hindi natin maunawaang kahirapan …

“Kung ibig ninumang sumunod sa akin, limutin niya ang ukol sa kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus, at sumunod sa akin.”

Ano ang tawag sa atin ni Kristo? Hindi ang sumunod sa kanyang yapak … Hindi rin ang sumunod sa kanyang mga salita lamang, kundi ang sumunod sa KANYA! At ano ba ang naging hantungan ng kanyang buhay sa mundo? Pasyon, hindi parangal!

At ano ang kabuuan ng lahat nang ito? Hindi lang parangal, kundi walang hanggang dangal, at walang hanggang buhay!

Nakuha mo ba?

No comments:

Post a Comment