Thursday, August 7, 2014

SUSURROS DE AMOR (MGA BULONG NG PAG-IBIG)


Ika-19 na Linggo Taon A
Agosto 10, 2014

SUSURROS DE AMOR!

Sandamakmak ang maingay kahit saan ka magpunta. Sa Jollibee, maraming maingay ngayon kasi walang chicken joy diumano. Kaya’t chicken sad raw sila. Sa SM panay ang daan ng maiingay na bata, dala ng mga dyip sapagka’t ngayon, ang mga “outbound tours” na dati-rati ang tawag ay educational tours ay hindi na educational. Tulad ng Family alcohol, hindi lang pang pamilya, pang isports pa. Kahit saan ka magpunta, sa Robinson’s, sa Liana’s, sa Gaisano (kasi nasa Cebu ako habang sinusulat koi to), kay raming ingay … kay lakas ng usapan … nakabibingi ang tawanan at kantyawan.

Pero, hindi nyo ba napansin? Kapag may namamagitan sa dalawang tao, hindi ingay ang maririnig nyo. Makikita nyo na lang na nagbubulungan. Ang mga magsing irog ay hindi naghihiyawan. Ang mga mag-“on” ay hindi nagsisigawan. At lalong hindi nagkakantyawan. Nagpupunta sila kung saan mas tahimik at doon ay nagbubulungan!

Wag kayong madaling maniwala sa mga maingay na pangako. Wag kayong madala sa mga malakasan at madramang bitaw na salita sa harapan na kamera at sa telebisyon. Wag kayong madaling matangay sa mga SONA. Sa tanda kong ito, wala akong napala sa mga bangkang papel, sa mga patunay ng mga gradweyt daw ng TESDA (na 2009 pa pala!), at sa mga numero at makukulay na powerpoint. Sa aking pagiging pari sa loob ng mahigit na 30 taon, sa dinami-dami ng mga fund raising na ginawa ko, ang mga maiingay … ang mga nagbibilang na ng pera bago pa man magbigay sila … ang mga nagtatanong na kung saan ko raw inilagay ang pera kahit hindi pa nagsisimula ang kampanya … sila ang hindi nagbibigay. Ang mga tahimik at walang kibo … ang mga hindi mo mariringgan ng kahit gaputok na tanong o himutok … sila ang nagbibigay mula sa puso, at hindi galing sa bibig.

Surros de amor! Mga bulong ng pag-ibig … ito ang dapat nating bigyang halaga. Hindi ang mga tungayaw … hindi ang maingay na bulyawan … hindi ang madrama at matunog na mga pangakong nakalista sa tubig.

Nakatutuwang isipin ang nangyari kay Elias. Sa bundok Horeb ay nakita niya ang isang kamangha-manghang katangian ng Diyos. Hindi siya nagwiwika sa karahasan, sa ingay, sa madagundong at mapanganib. Nagwiwika siya sa katahimikan, sa kapayakan, sa kahinahunan.

Si Pablo ay binagabag rin ng pag-aagam-agam. Hindi siya natuwa na maraming Israelita ang hindi tumanggap kay Kristo bilang Mesiyas. Ang inaasahan nila ay isang matikas na heneral na mamumuno sa kanila laban sa mga Romano. Ang hinintay nila ay isang maingay na pinunong tatakutin ang mga pagano upang bigyan sila ng minimithing kalayaan. Pero mali sila sa kanilang paghahanap.

Ang mundo natin ngayon ay hindi lamang puno ng ingay. Puno rin tayo ng pangamba. Puno rin tayo ng takot. Sa Iraq at Syria, libo-libong mga kristiyano ang nanganganib. Marami na ang pinatay. Marami ngayon ang nangangambang sila ay patayin, pugutan ng ulo at gawin ng kung ano-anong mga kahalayan at pananampalasan. Ang munting bangka (hindi bangkang papel ni GMA) ng mga sumasampalataya ay patuloy na ginugulo, ginagambala, at hinahampas ng maiingay at masusungit na alon. Puno tayo ng takot.

Ngunit iisang pangaral ang tinutumbok ngayon ng ebanghelyo. Hindi tulog ang Diyos. Hindi siya nagkukubli sa likod ng katahimikan. Batid niya ang nagaganap at patuloy siyang nagbabantay. Ang kanyang pagparoon sa bundok at tanda ng kanyang pakikipagniig sa kanyang Ama, larawan ng katahimikang punong-puno ng kaisahan ng pag-ibig ng Ama at ng Anak. Hindi nakalilimot ang tunay na nagmamahal, sa kabila ng tila walang kibong katahimikan.

Sa gitna ng ating mga suliranin at agam-agam, nais kong isipin na si Kristo ay nagmamasid, ngunit ang pagbabantay na ito ay nakabatay sa makahulugang katahimikan at pananalangin.

Nais ko sanang papagtibayin natin ang katig ng bangka natin. Ang tunay na katigan ng ating pananampalataya ay kung ano ang wika niya ngayon sa atin: “Huwag kayong matakot; si Jesus ito!” At kung tayo man, tulad ni Pedro ay magulumihanan at masapawan ng alon at matakot, ito ang panalangin natin: “Sagipin ninyo ako, Panginoon!”

Magandang ulitin ang kanyang sagot sa atin: “Halika!”

Wag na tayong magpapaniwala sa ingay. Ang Diyos ay wala sa hangin. Ang Diyos ay wala sa lindol. Ang Diyos ay wala sa apoy.

Siya ay nasa katahimikan at kahinahunan. Tara na at magbantay kasama niya. Tunay ngang Siya ang Anak ng Diyos! Wala nang iba. Wala nang dapat hanapin pa. Ito ang mga mahalagang susurros de amor ng Diyos … ang kanyang mga bulong ng pag-ibig!

No comments:

Post a Comment