Ika-21 Linggo ng Taon A
Agosto 24, 2014
DI-MALIRIP NA PANUKALA AT PAMAMARAAN NG DIYOS
Alam ng lahat ng estudyante ang bagay na ito. Sino sa atin
ang hindi nangamote sa klase noong araw? Sino sa atin ang hindi nakaranas ng
pagkakataong hindi natin tila lubos na maunawaan ang mga pinagsasasabi ng guro?
Pero sa buhay, mayroong bagay na tila mahirap unawain, kahit na gaano pa
kagaling tayo sa eskwela. Magbigay tayo ng ilang halimbawa …
Hanggang ngayon, hindi ko pa rin maunawaan kung bakit
patuloy tayong nagdurusa dahil sa ating gobyerno. Ang aking pagkaalam ay ito …
ang gobyerno ay dapat magpagaan sa buhay ng tao, hindi ang sila ang
nagpapabigat sa buhay ng tao. Sa Pilipinas, ito ang mapait na katotohanan … ang
gobyerno ay pahirap sa taong-bayan.
Isa pang halimbawa … Matagal na akong pari upang makita na
hindi lahat ng may hawak na posisyon o kapangyarihan ay karapat-dapat sa
kanilang titulo o posisyon ng karangalan. May masasamang Santo Papa at may mga
banal na Santo Papa. Hindi ko na kailangang ipagkaila ito. Alam ito ng lahat,
at alam nating lahat na ang huling anim na Santo Papa ay hindi maibibilang sa
kakaunting listahan ng mga masasamang Papa tulad ni Bonifacio VIII, Alejandro
VI, at iba pa. May magagaling na Presidente, at may presidenteng pulpol. Sa
kasawiang palad at sa isang hiwagang hindi pa natin lubos na maunawaan, ay
pinagharian tayo ng mga Presidenteng hindi karapat-dapat man lamang maging
Barangay Chairman!
Pero sabi nga nila, ang buhay ay isang misteryong dapat
isabuhay, hindi isang problemang dapat lutasin.
Ang misteryo ng balak ng Diyos ay isang bahagi ng malawakang
hiwagang ito ng buhay ng tao. Hiwaga na sa unang pagbasa, ay pinababa ng Diyos
si Sabna at ipinalit si Eliakim, na pinagkalooban niya ng susi sa Bahay ni
David. Ganito katindi ang hiwaga ng balak at kalooban ng Diyos kung kaya’t si
Pablo ay napabulalas ng ganito: “Napakasagana ng kayamanan ng Diyos! Di matarok
ang kayamanan, karunungan, at kaalaman ng Diyos!”
Sa panahon natin, puno pa rin ng misteryo. Kailan pa kaya
tayo uunlad bilang bayan? Kailan pa kaya matatauhan ang mga tampalasang
tinatawag na honorable na walang inisip at ginawa kundi ang pansariling
kapakanan at bulsa? Kailan pa kaya maglalaho ang mga teroristang ang ginagawa
ay pumatay sa ngalan ng Diyos at gumawa ng giyera sa ngalan ng Diyos?
Nguni’t sa kabila ng lahat ng ito, isa pang matinding
misteryo ang katotohanang nagagawa at nakukuha pang magtiwala sa Diyos ang mga
taong may pananampalataya, tulad ng mga pinatay at pinugutan ng ulo sa Iraq at
Syria! Ito ang misteryo ng pananampalatayang Kristiano – ang kakayahan at
kahandaang humarap sa pasakit at paghihirap para sa ikaluluwalhati ng Diyos, na
siyang nasa likod ng panalanging binigkas natin ngayon: “Pag-ibig mo’y di
kukupas, gawain mo’y magaganap.”
Nais ko sanang panghawakan nating lahat ang katotohanang
ito. Misteryo ang buhay, oo … marami tayong hindi mauunawaan kahit ano pang
aral ang gawin natin.
Pero ito ang pinalumulutang na katotohanan sa pagpili kay
Pedro na tinaguriang “bato.” Ikaw ay Pedro, at sa batong ito ay itatayo ko ang
aking simbahan, at hindi makapananaig sa kanya kahit ang kapangyarihan ng
kamatayan!”
Kahit ang kapangyarihan ng kamatayan! Wala … Nada … Zero …
Walang ibabatbat ang anuman sa kapangyarihan ng Diyos! Di talaga malirip ang
kanyang kapangyarihan at karunungan! At ito pa ang matindi … mas mabuti na na
tayo ay nasa panig ng siguradong magwawagi, sapagka’t ang puwersa man ng
kamatayan ay walang ibabatbat sa kapangyarihan ng Diyos!
Kailangan pa bang i-memorize yan?
No comments:
Post a Comment