Friday, August 29, 2014

PASYON, HINDI PARANGAL!


Ika-22 Linggo ng Taon A
Agosto 31, 2014

PASYON, HINDI PARANGAL!

Marami tayong hindi nauunawaan agad. Marami tayong tanong at agam-agam sa buhay. Tulad ni Jeremias, marami rin tayong daing at angal sa Diyos: “Panginoon, ako’y iyong hinikayat, at sumunod naman ako.” Si Saul man, ay isang taong hindi agad nakuha ang lahat at ang kabuuan. Si Saul ang numero unong tagapag-usig sa grupong itinatag ni Kristo.

Noong nakaraang Linggo, nakita natin kung paano iniangat ni Kristo ang dangal ni Pedro. Tumaas siya, ika nga, sa puwesto. Tinawag siyang bato, at sa batong iyong diumano, ay itatatag ni Kristo ang kanyang simbahan. Nakuha ni Pedro ang bahaging ito. Madaling makuha ang bagay-bagay lalo na’t dagdag dangal, dagdag sahod, at dagdag sa ating pagkatao!

Pero ngayon, tila hindi nakuha ni Pedro ang kabuuan. Tulad mo. Tulad ko. Hindi ko maintindihan kung bakit dapat ako magdusa sa pagsisikap itama ang mali, at sa pagsisikap ibangon ang isang lupaypay na sa maling mga pamamaraan. Tulad ni Jeremias, ngali-ngali kong dasalin, “Panginoon, naloko mo ako… Panginoon, naisahan mo ako!”

Balik tayo kay Pedro … Tinawag na Bato. Pero ngayon, nang nagwika si Kristo na siya ay magdurusa, pahihirapan, at ipapapatay, naghalo ang balat sa tinalupan! Nagalit si Pedrong Bato! “Panginoon, huwag nawang itulot ng Diyos!” Naunawaan niya ang parteng dapat siya ay bato. Pinangatawanan niya ang kanyang pagiging muog at pundasyon. Pero hindi niya nakita ang kabuuan, ang kahulugan, ang karunungang nagkukubli sa kahirapan, at tila pagkasadlak sa pagkatalo at pagkagulapay sa pagdurusa o kawalan ng tagumpay.

Ilang beses tayo umangal sa Diyos at nag-reklamo? “Higit kang malakas kaysa sa akin, at ikaw ay nagwagi.” Siguro ay tumakbo sa isipan ni Pedro ito … “Akala ko ba, bato ako?” Kung gayon, bakit kaya si Kristo ay nagwiwika tungkol sa pagkatalo?

Marami tayong nakukuha sa simula, pero marami rin tayong hindi lubos na nauunawaan. At hindi kaiba sa atin si Pedro. Hindi rin kaiba sa atin si Jeremias at si Saul. Sa simula, si Saul ay isang mabangis na taga-usig. Sa simula, si Jeremias ay panay reklamo ang wika.

Tulad mo. Tulad ko. Ngayon ay sana’y pakinggan natin ang ikalawang bersyon ni Jeremias: “Parang apoy na naglalagablab sa puso ang iyong Salita.” Tunghayan rin natin ang ikalawang bersyon ni Pablo: “Ialay ninyo ang sarili bilang handog na buhay … Huwag kayong umayon sa takbo ng mundong ito.”

Oo … tingnan natin muli at unawain ang kabuuan … ang hantungan … ang panawagan sa likod ng tila hindi natin maunawaang kahirapan …

“Kung ibig ninumang sumunod sa akin, limutin niya ang ukol sa kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus, at sumunod sa akin.”

Ano ang tawag sa atin ni Kristo? Hindi ang sumunod sa kanyang yapak … Hindi rin ang sumunod sa kanyang mga salita lamang, kundi ang sumunod sa KANYA! At ano ba ang naging hantungan ng kanyang buhay sa mundo? Pasyon, hindi parangal!

At ano ang kabuuan ng lahat nang ito? Hindi lang parangal, kundi walang hanggang dangal, at walang hanggang buhay!

Nakuha mo ba?

Friday, August 22, 2014

DI MALIRIP NA PANUKALA AT PAMAMARAAN NG DIYOS


Ika-21 Linggo ng Taon A
Agosto 24, 2014

DI-MALIRIP NA PANUKALA AT PAMAMARAAN NG DIYOS

Alam ng lahat ng estudyante ang bagay na ito. Sino sa atin ang hindi nangamote sa klase noong araw? Sino sa atin ang hindi nakaranas ng pagkakataong hindi natin tila lubos na maunawaan ang mga pinagsasasabi ng guro? Pero sa buhay, mayroong bagay na tila mahirap unawain, kahit na gaano pa kagaling tayo sa eskwela. Magbigay tayo ng ilang halimbawa …

Hanggang ngayon, hindi ko pa rin maunawaan kung bakit patuloy tayong nagdurusa dahil sa ating gobyerno. Ang aking pagkaalam ay ito … ang gobyerno ay dapat magpagaan sa buhay ng tao, hindi ang sila ang nagpapabigat sa buhay ng tao. Sa Pilipinas, ito ang mapait na katotohanan … ang gobyerno ay pahirap sa taong-bayan.

Isa pang halimbawa … Matagal na akong pari upang makita na hindi lahat ng may hawak na posisyon o kapangyarihan ay karapat-dapat sa kanilang titulo o posisyon ng karangalan. May masasamang Santo Papa at may mga banal na Santo Papa. Hindi ko na kailangang ipagkaila ito. Alam ito ng lahat, at alam nating lahat na ang huling anim na Santo Papa ay hindi maibibilang sa kakaunting listahan ng mga masasamang Papa tulad ni Bonifacio VIII, Alejandro VI, at iba pa. May magagaling na Presidente, at may presidenteng pulpol. Sa kasawiang palad at sa isang hiwagang hindi pa natin lubos na maunawaan, ay pinagharian tayo ng mga Presidenteng hindi karapat-dapat man lamang maging Barangay Chairman!

Pero sabi nga nila, ang buhay ay isang misteryong dapat isabuhay, hindi isang problemang dapat lutasin.

Ang misteryo ng balak ng Diyos ay isang bahagi ng malawakang hiwagang ito ng buhay ng tao. Hiwaga na sa unang pagbasa, ay pinababa ng Diyos si Sabna at ipinalit si Eliakim, na pinagkalooban niya ng susi sa Bahay ni David. Ganito katindi ang hiwaga ng balak at kalooban ng Diyos kung kaya’t si Pablo ay napabulalas ng ganito: “Napakasagana ng kayamanan ng Diyos! Di matarok ang kayamanan, karunungan, at kaalaman ng Diyos!”

Sa panahon natin, puno pa rin ng misteryo. Kailan pa kaya tayo uunlad bilang bayan? Kailan pa kaya matatauhan ang mga tampalasang tinatawag na honorable na walang inisip at ginawa kundi ang pansariling kapakanan at bulsa? Kailan pa kaya maglalaho ang mga teroristang ang ginagawa ay pumatay sa ngalan ng Diyos at gumawa ng giyera sa ngalan ng Diyos?

Nguni’t sa kabila ng lahat ng ito, isa pang matinding misteryo ang katotohanang nagagawa at nakukuha pang magtiwala sa Diyos ang mga taong may pananampalataya, tulad ng mga pinatay at pinugutan ng ulo sa Iraq at Syria! Ito ang misteryo ng pananampalatayang Kristiano – ang kakayahan at kahandaang humarap sa pasakit at paghihirap para sa ikaluluwalhati ng Diyos, na siyang nasa likod ng panalanging binigkas natin ngayon: “Pag-ibig mo’y di kukupas, gawain mo’y magaganap.”

Nais ko sanang panghawakan nating lahat ang katotohanang ito. Misteryo ang buhay, oo … marami tayong hindi mauunawaan kahit ano pang aral ang gawin natin.

Pero ito ang pinalumulutang na katotohanan sa pagpili kay Pedro na tinaguriang “bato.” Ikaw ay Pedro, at sa batong ito ay itatayo ko ang aking simbahan, at hindi makapananaig sa kanya kahit ang kapangyarihan ng kamatayan!”

Kahit ang kapangyarihan ng kamatayan! Wala … Nada … Zero … Walang ibabatbat ang anuman sa kapangyarihan ng Diyos! Di talaga malirip ang kanyang kapangyarihan at karunungan! At ito pa ang matindi … mas mabuti na na tayo ay nasa panig ng siguradong magwawagi, sapagka’t ang puwersa man ng kamatayan ay walang ibabatbat sa kapangyarihan ng Diyos!

Kailangan pa bang i-memorize yan?

Saturday, August 16, 2014

PANGINOON, ANAK NI DAVID, MAAWA KA SA AKIN!


Ika-20 Linggo ng Taon A
Agosto 17, 2014

PANGINOON, ANAK NI DAVID, MAAWA KA SA AKIN!

Gusto ko ang mga aso. Hindi. Hindi ko sila kinakain, pero gusto ko na may alaga akong aso. Pampaalis ng stress, ika nga nila, at totoong napatunayan ko na ito.

Pero ang pagninilay na ito ay hindi tungkol sa aso, pero tungkol sa taong itinuring na parang aso na dapat sipain, dapat paalisin, dapat huwag pansinin, ni pakinggan.

Ito ang tingin sa mga taong galing sa Tiro at Sidon – mga paganong hindi dapat makahalubilo ng mga Israelita. Pero may dalawang mahahalagang bagay ang laman ng mga pagbasa ngayon. Una, si Jesus ang unang naparoon sa region ng Tiro at Sidon. Siya ang gumawa ng hakbang upang marating ang lugar na hindi pinupuntahan ng mga may pananampalataya.

Ikalawa, ang babaeng Cananea, ay gumawa rin ng hakbang na hindi dapat ginagawa ng isang babaeng wala sa samahang Judio. Lumapit siya kay Jesus. Pinagsikapan niyang buwagin ang bakod na naghihiwalay sa kanya at sa taong tanging sila lamang ang makapagbibigay-tugon sa nilalaman ng kanyang puso.

Ginawa ni Jesus ang hindi inaasahan. Ginawa ng Cananea ang hindi pinapayagan. Pareho silang gumawa ng bagay na hindi pangkaraniwan. Tulad nang hindi pangkaraniwan na ang tuta ay makisalo sa hapag ng kaniyang amo.

Damang-dama ko ang pinagdadaanan ng isang tutang ulila. Tulad ng damang-dama ko ang paghihirap ng mga kristiyanong walang nagmamalasakit liban ang simbahan – ang mga pinag-uusig at hinahabol at pinapatay na parang mga asong pinalalayas sa kanilang mga bahay at mga lupang tinubuan.

Damang-dama ko ang panaghoy ng isang Cananeang walang pumapansin, walang nagmamalasakit, at sa kabila ng kanyang matinding pangangailangan ay iniiwasan ng karamihan.

Pero hindi ko lamang dama ang ginawa ng Diyos para sa mga siniphayo ng tadhana. Batid kong ang ginawa ni Jesus ay siyang nais gawin ng Diyos, tulad ng sinabi ni Isaias sa unang pagbasa: “Ayon sa katarungan at laging matuwid ang inyong gagawin.”

Tuta man ay may karapatan. Tuta man ay pinagmamalasakitan ng Diyos. Si Jesus mismo ang gumawa ng daan nang siya ay magtungo sa Tiro at Sidon. Nguni’t bunsod ng matinding pangangailangan, at bunsod rin ng matimyas na pag-asa at pananampalataya, ay lumapit rin at nangahas ang babaeng Cananea. Nagdasal. Nanikluhod. Naki-usap … “Panginoon, Anak ni David, mahabag po kayo sa akin!”

Maawa ka sa amin Panginoon. Maawa ka sa mga aping tinutugis ng mga halimaw sa Iraq at Syria. Maawa ka sa mga taong pinagtampuhan na ng lipunan at ng tadhana. Maawa ka sa mga taong tila wala nang nakaka-alaala, at pinanawan na ng pag-asa. Tanging ikaw, Panginoon, ang kanilang maaring lapitan. Tanging Ikaw, Panginoo, ang kanilang kaligtasan.

Tuta man ay nais makikain. Tuta man ay mayroon ring damdamin. Tuta man ay mayroong ring panimdim at mithiin. At ako, sa pagkakataong ito, ay nag-aasal tuta na nag-aasam, sumasamo, humihiling … para sa mga taong nag-aasal hayop sa kanilang kapwa tao, para sa mga nagdurusa, sa mga nagdadaan sa matinding pagsubok.

Tuta man akong tila walang kaya, ay nagpapahayag ng lakas ng pananampalataya …yayamang ikaw mismo Panginoon ang lumapit sa aming nangangailangan ng kaligtasan … yayamang ikaw ang unang nagmahal sa amin, unang gumawa ng hakbang, at unang nagkaloob ng wasto at tama, biyaya at pag-asa … kami ay nagsusumamo … Panginoon, Anak ni David, maawa ka sa amin!

Thursday, August 7, 2014

SUSURROS DE AMOR (MGA BULONG NG PAG-IBIG)


Ika-19 na Linggo Taon A
Agosto 10, 2014

SUSURROS DE AMOR!

Sandamakmak ang maingay kahit saan ka magpunta. Sa Jollibee, maraming maingay ngayon kasi walang chicken joy diumano. Kaya’t chicken sad raw sila. Sa SM panay ang daan ng maiingay na bata, dala ng mga dyip sapagka’t ngayon, ang mga “outbound tours” na dati-rati ang tawag ay educational tours ay hindi na educational. Tulad ng Family alcohol, hindi lang pang pamilya, pang isports pa. Kahit saan ka magpunta, sa Robinson’s, sa Liana’s, sa Gaisano (kasi nasa Cebu ako habang sinusulat koi to), kay raming ingay … kay lakas ng usapan … nakabibingi ang tawanan at kantyawan.

Pero, hindi nyo ba napansin? Kapag may namamagitan sa dalawang tao, hindi ingay ang maririnig nyo. Makikita nyo na lang na nagbubulungan. Ang mga magsing irog ay hindi naghihiyawan. Ang mga mag-“on” ay hindi nagsisigawan. At lalong hindi nagkakantyawan. Nagpupunta sila kung saan mas tahimik at doon ay nagbubulungan!

Wag kayong madaling maniwala sa mga maingay na pangako. Wag kayong madala sa mga malakasan at madramang bitaw na salita sa harapan na kamera at sa telebisyon. Wag kayong madaling matangay sa mga SONA. Sa tanda kong ito, wala akong napala sa mga bangkang papel, sa mga patunay ng mga gradweyt daw ng TESDA (na 2009 pa pala!), at sa mga numero at makukulay na powerpoint. Sa aking pagiging pari sa loob ng mahigit na 30 taon, sa dinami-dami ng mga fund raising na ginawa ko, ang mga maiingay … ang mga nagbibilang na ng pera bago pa man magbigay sila … ang mga nagtatanong na kung saan ko raw inilagay ang pera kahit hindi pa nagsisimula ang kampanya … sila ang hindi nagbibigay. Ang mga tahimik at walang kibo … ang mga hindi mo mariringgan ng kahit gaputok na tanong o himutok … sila ang nagbibigay mula sa puso, at hindi galing sa bibig.

Surros de amor! Mga bulong ng pag-ibig … ito ang dapat nating bigyang halaga. Hindi ang mga tungayaw … hindi ang maingay na bulyawan … hindi ang madrama at matunog na mga pangakong nakalista sa tubig.

Nakatutuwang isipin ang nangyari kay Elias. Sa bundok Horeb ay nakita niya ang isang kamangha-manghang katangian ng Diyos. Hindi siya nagwiwika sa karahasan, sa ingay, sa madagundong at mapanganib. Nagwiwika siya sa katahimikan, sa kapayakan, sa kahinahunan.

Si Pablo ay binagabag rin ng pag-aagam-agam. Hindi siya natuwa na maraming Israelita ang hindi tumanggap kay Kristo bilang Mesiyas. Ang inaasahan nila ay isang matikas na heneral na mamumuno sa kanila laban sa mga Romano. Ang hinintay nila ay isang maingay na pinunong tatakutin ang mga pagano upang bigyan sila ng minimithing kalayaan. Pero mali sila sa kanilang paghahanap.

Ang mundo natin ngayon ay hindi lamang puno ng ingay. Puno rin tayo ng pangamba. Puno rin tayo ng takot. Sa Iraq at Syria, libo-libong mga kristiyano ang nanganganib. Marami na ang pinatay. Marami ngayon ang nangangambang sila ay patayin, pugutan ng ulo at gawin ng kung ano-anong mga kahalayan at pananampalasan. Ang munting bangka (hindi bangkang papel ni GMA) ng mga sumasampalataya ay patuloy na ginugulo, ginagambala, at hinahampas ng maiingay at masusungit na alon. Puno tayo ng takot.

Ngunit iisang pangaral ang tinutumbok ngayon ng ebanghelyo. Hindi tulog ang Diyos. Hindi siya nagkukubli sa likod ng katahimikan. Batid niya ang nagaganap at patuloy siyang nagbabantay. Ang kanyang pagparoon sa bundok at tanda ng kanyang pakikipagniig sa kanyang Ama, larawan ng katahimikang punong-puno ng kaisahan ng pag-ibig ng Ama at ng Anak. Hindi nakalilimot ang tunay na nagmamahal, sa kabila ng tila walang kibong katahimikan.

Sa gitna ng ating mga suliranin at agam-agam, nais kong isipin na si Kristo ay nagmamasid, ngunit ang pagbabantay na ito ay nakabatay sa makahulugang katahimikan at pananalangin.

Nais ko sanang papagtibayin natin ang katig ng bangka natin. Ang tunay na katigan ng ating pananampalataya ay kung ano ang wika niya ngayon sa atin: “Huwag kayong matakot; si Jesus ito!” At kung tayo man, tulad ni Pedro ay magulumihanan at masapawan ng alon at matakot, ito ang panalangin natin: “Sagipin ninyo ako, Panginoon!”

Magandang ulitin ang kanyang sagot sa atin: “Halika!”

Wag na tayong magpapaniwala sa ingay. Ang Diyos ay wala sa hangin. Ang Diyos ay wala sa lindol. Ang Diyos ay wala sa apoy.

Siya ay nasa katahimikan at kahinahunan. Tara na at magbantay kasama niya. Tunay ngang Siya ang Anak ng Diyos! Wala nang iba. Wala nang dapat hanapin pa. Ito ang mga mahalagang susurros de amor ng Diyos … ang kanyang mga bulong ng pag-ibig!

Friday, August 1, 2014

TABANG-LAMIG OR TUNAY NA BUSOG AT MALUSOG?


Ika-18 Linggo ng Taon A
Agosto 3, 2014

TABANG-LAMIG O TUNAY NA BUSOG AT MALUSOG?

Marami tayong salita sa Tagalog na walang katumbas sa Ingles. Isa na rito ang “tabang lamig.” Ito ay para sa isang taong mataba kung tingnan, pero hindi tunay na malusog. Kung baga, parang ampaw … husto sa bilog at pintog, pero tila puro hangin lang ang nasa loob.

At dahil nasa paksa tayo ng mabilog o mapintog, dumako tayo sa pagkain. Wala akong kilalang hindi gusto ng masarap na pagkain, liban ang maysakit. Mayroon rin akong kilalang kahit maysakit ay magana pa rin kung kumain. Pero alam nating lahat na may pagkaing malusog at may pagkaing puro taba lamang ang dulot. Ito ang naghahatid sa isang taong magkaroon ng “tabang lamig” o “tabang kanin,” o tabang sopdrink, kung na adik tayo sa sopdrink.

Panay pagkain ang paksa sa una at ikatlong pagbasa. Pero, tila parang sandwits na pumapagitna ang isang walang kinalaman sa pagkaing material, pero bunga ng tunay na pagkaing isinasagisag sa mga pagbasa.

Paanyaya ni Isaias na maghanap tayo ng pagkaing hindi natutumbasan ng pera lamang. Ito ang pagkain ng kalooban ng Diyos na higit pa sa anumang masarap na pagkain: “Makinig kayo sa akin at sundin ang utos ko at matitikman ninyo ang pinakamasarap na pagkain.” (Unang pagbasa)

Sagot natin sa unang pagbasa ang siyang turo naman ng ikatlong pagbasa: “Pinakakain mong tunay kaming lahat, O Maykapal!” Ito ang buod ng milagrong ginawa ni Jesus nang pakanin niya ang higit sa limang libong katao (hindi kasama rito ang bata at mga babae!).

Sa buhay natin, kay raming nagpapanggap na masarap, makinang, maganda at kapaki-pakinabang. Tingnan nyo na lang ang mga larawan ng pagkain sa Jollibee at McDonald’s. Ang gaganda ng larawan! Pero pag dating ng order mo, ibang-iba sa nasa piktyur!

Madali tayo malinlang ng palsong pagkain … madali tayong madala ng kinang ng tila isang diamante kung tingnan, pero pwet lang pala ng baso. Madali tayo mahuli ng isang tila ginto, pero palara lang naman pala, at palsong pilak na walang laman kundi panandaliang kinang.  Maraming pagkain na parang masarap, subali’t ang dulot ay sandamakmak na kolesterol o asukal sa katawan.

Tunay na pagkain ang dulot sa atin ng mga pagbasa. Hindi panlamang tiyan lamang. Tulad ng pinakain ng Panginoon ang limang libo, hindi lamang tinapay at isda ang kanyang dulot, kundi kung ano ang pinangaral niya matapos silang busugin – ang pangaral sa tunay na pagkain at sa tunay na buhay na walang hanggan.

Huwag sana tayo masiyahan sa sarap lamang, sa alat o tamis, o sa mantikang lumulutang sa pagkain. Huwag sana tayo mabulag sa kinang, sa ganda, o sa tila magagandang dulot ng mga bagay na hindi nagtatagal.

Ang aking puso ay nakatuon ngayon sa mga Kristiyanong pinahihirapan ng mga namumuhi kay Kristo sa Iraq at sa Syria. Sa biglang iglap, sila ay mga refugees, mga taong kahit anong sandali ngayon ay maaaring patayin, pahirapan, at sikilin. Gutom sila sa pagkaing material. Gutom sila at salat sa mga bagay na marangya, masarap at kaaya-aya.

Pero mayroon silang pagkaing hindi alam ng daigdig, at hindi alam ng mga walang pananampalataya. At ito ay sandwits na pumapagitna sa una at ikatlong pagbasa ngayon … “Sino ang makapaghihiwalay sa atin sa pagmamahal ni Kristo? Ang paghihirap ba, ang kapighatian, ang pag-uusig, ang gutom, ang kahubaran, ang panganib o ang tabak?”

Huwag sana tayo masiyahan sa tabang lamig lamang. Hanapin sana nating lahat ang tunay na kabusugan, at tunay na kalusugan, sa piling ng Diyos, patungo sa langit na tunay nating bayan!