KABANAL-BANALANG KATAWAN AT DUGO NG PANGINOON (A)
Hunyo 22, 2014
Maraming peke at palso sa ating buhay at kapaligiran. May
pekeng tanso, pekeng diamante, pekeng ginto, at pekeng mga kongresista at
senador. Sa ibang lugar, mayroon ring mga pekeng gatas, hindi tunay na karne,
at palsong mga de lata, na kung minsan ang laman ay bulok nang isda na ginawang
“sariwang sardinas.”
Sa mundong ito na nababalot ng iba-ibang uri ng kaplastikan,
mahirap ang kumilala at kumilatis ng tunay. Mahirap mamili king sino ang
iboboto na hindi tunay at tapat lamang sa araw ng eleksyon, at kapag nahalal
na, ay wala nang kilala kundi ang mga katulad ni Napoles.
Mahirap magtiwala sa peke. Mahirap maniwala sa hindi tapat
at sinungaling. Sa ibang lugar, mayroon ring mga pekeng pari na walang ginawa
kundi magwisik ng banal na tubig at humingi ng bayad. May mga pekeng mga tauhan
ng gobyerno na walang kundi ang mag-abot ng sobre sa araw ng pasko, at matapos
ang pasko ay hindi mo na makikita.
Pero ang tunay na trahedya ay hindi ang katotohanang
maraming peke, kundi ang katotohanang maraming naloloko ng peke at palso.
Tunay, at hindi peke ang turo sa atin ng Panginoon sa araw
na ito: tunay na pagkain, at tunay na inumin. Walang peke sa turong ito. Walang
panlilinlang. Walang panloloko. Panay kapakanan natin ang pakay, hindi
pansariling kapakanan.
Pero bago tayo managana sa tunay na pangaral na ito at tunay
ring kaloob, kailangan natin gumawa ng masusing pag-aala-ala. Kailangan natin
gunitain ang mga kahanga-hangang bagay na ginawa ng Diyos para sa ating
kaligtasan. Kailangan nating ikonekta at idugtong ito sa lubha pang
kahanga-hangang pagkakaloob ng sarili niyang katawan at dugo ng Panginoon, sa
kalbaryo at sa huling hapunan, at sa bawa’t pagkakataong tayo ay dumadalo sa
Banal na Misa.
Walang peke sa Eukaristiya. Walang palso sa kaloob ng Diyos
sa atin, at sa kaloob ng kanyang bugtong na Anak. Walang palso sa kanyang
pangako: “Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay nananahan sa
akin, at ako sa kanya.”
Wala ring peke sa kanyang paghihirap, pagkamatay, at muling
pagkabuhay!
Siya ay Diyos na totoo at tao ring totoo. Siya ay Anak ng
Diyos, at Siya ay Panginoon at tagapagligtas.
Araw ngayon ng totoo. Totoong pagkain, totoong dugo at
inumin. Sa mundong ito na nababalot ng lahat ng uri ng kaplastikan, mayroong
isang hindi man lamang nadungisan ng kasinungalingan at kaplastikan. Hindi biro
ang buhay na walang hanggan. Hindi rin ito pangakong nakasulat sa tubig. Ito ay
pinatunayan niya sa kanyang pagkamatay at muling pagkabuhay.
Ang Eukaristiya ay nunok ng katotohanan. Walang iba ang
nangako nang ganito. Walang iba ang nangaral nang tulad nito. At ang pangaral
na ito ay siyang hanap nating lahat – buhay na walang hanggan … kapiling ng
Diyos at Ama, sa langit na tunay nating bayan!
Saan ka pa kaibigan? Sa peke o sa tunay? Tayo na at
tumanggap ng kanyang Katawan at Dugo sa komunyon.
No comments:
Post a Comment