Banal na Santatlo (A)
Hunyo 15, 2014
PANGINOONG MAPAGMAHAL AT MAAWAIN!
May mga taong ayaw nating makasama, makasalamuha, at
makaniig. Mayroong taong kapag pumasok sa grupo ay nagiging simula ng hidwaan,
away, at hiwalayan. Kaunting intriga ngayon; kaunting bulong doon; kaunting
bintang bukas; at kaunting pasaring sa makalawa. Para silang uod, na
unti-unting kumakain sa kaisahan at kapayapaan.
Lahat tayo ay nagiging ganito paminsan-minsan. Tayong lahat
ay may magaspang na bahagi ng pagkatao, at tayong lahat ay may kakulangan
kumpara sa luwalhati ng Diyos!
Luwalhati ng Diyos! Ito ang tanging araw na binibigyang-diin
natin ang isang ginagawa natin araw-araw pero hindi natin pinag-uusapan. Pero
ang luwalhati ng Diyos ay hindi lamang bagay na lutang, hindi lamang bagay na
nakasalampaw sa alapaap, o bagay na walang kinalaman sa atin.
Ang Diyos ay Diyos kahit na hindi natin aminin at tanggapin.
Ang Diyos ay maluwalhati kahit natin hindi luwalhatiin. Pero ang turo ng
Kasulatan, ang turo din ng kasaysayan ay ito … Ang Diyos ay Diyos hindi lamang
para sa Kanyang sarili, kundi para sa iba. Ang Diyos ay sumasaatin. Ang Diyos
ay Diyos sa ganang kanyang sarili, pero hindi lamang ito ang nakagisnan nating
katotohanan. Siya ay Diyos na maylikha, Diyos na tagapagligtas, Diyos na
mahabagin at maawain!
Sa panahon natin, talamak ang pagkamakasarili. Tingnan lang
natin ang mga namumuno sa atin. Bilyon-bilyon ang naglalaho, pero wala raw ni
isa sa kanila ang magnanakaw.
Sa panahon natin, palasak rin ang hidwaan, ang pagkakawatak-watak
ay pagkakanya-kanya. Hila rito; hila doon. Batak dito; batak doon. Hirap tayo
magka-isa at magsama-sama. Pati ang Araw ng Kalayaan ay araw na hindi masyadong
nababanaag ang kaisahan.
Sa araw na ito, araw ng Kaisahan ng Diyos sa tatlong
Persona, diwa ng pagkakabuklod ang dulot sa atin. At walang anumang
makapag-iisa sa ating lahat nang higit pa kaysa sa makilala at madama ang
pag-ibig ng iisang Diyos na tatlong persona, ang Diyos na Ama, Diyos na Anak,
at Diyos na Espiritu Santo.
Maikli ang mga pagbasa natin. Mahaba ang mga paliwanag ng
mga teologo at mga paham. Libo-libong libro ang nasulat na tungkol sa Banal na
Santatlo, pero kakaunti ang hatid sa atin ng Banal na Kasulatan. At ang
kakaunting ito ay sapat na upang makita natin ang higit na mahalaga.
At ito ang higit na mahalaga: “Akong Panginoon ay mapagmahal
at maawain.”
Ito ang kanyang dulot sa atin: “pagpapala mula kay Jesucristong
Panginoon, pag-ibig ng Diyos, at pakikipag-isa ng Espiritu Santo.”
At ito ang kasukdulan … “Sinugo ng Diyos ang kanyang Anak,
hindi upang hatulang maparusahan ang sanlibutan, kundi upang iligtas ito sa
pamamagitan niya.”
Huwag lang manatili sa Diyos ng hiwaga. Damahin natin,
kilalanin at mahalin ang Diyos ng gawa … Siya ay Diyos na mahabagin at
mapagmahal.
No comments:
Post a Comment