Linggo ng Palaspas (Taon A)
Abril 13, 2014
PALASPAS AT PAHIMAKAS
Linggo na naman ng palaspas. Dagsa na naman ang tao sa mga
simbahan, at tulad nang dati, mayroong darating nang huli sa Misa at
magpupumilit magpabasbas ng palaspas sa labas ng Misa. Marami rin ang mga
magbibiyahe sa probinsiya. Marami ang nagbabalak nang magpunta sa mga beaches,
sa Borawan, Boracay, Matabungkay o saanman.
Para sa mga magsisimba sa araw na ito, mainam na simulan
natin ang pagninilay sa sinabi ng Panginoon sa simula ng pagbasa ng pasyon ayon
kay Mateo: “Ang nakatakdang panahon ay malapit nang dumating.” Ano ba ang
nakatakdang panahong ito?
Madaling sagutin ito, pero hindi madaling ipaliwanag. Sa
simpleng salita, ito ang tinatawag na “oras” ng kaligtasan, ang mahaba at
masalimuot na prosesong itinalaga ng Diyos mula pa sa simula upang ibalik at
ang tao sa kanyang nakatakdang tadhana. Ito rin ang tinatawag na misteryo o
hiwaga ng gawang pagliligtas ng Diyos sa taong naligaw at nagkasala, upang
mapanuto at maibalik sa kanyang piling. Ito ang binabanggit na hiwaga o
misteryo na sa mula’t mula pa ay nasa isipan na ng Diyos na unti-unting
ibinunyag sa mahabang kasaysayan ng kaligtasan, magmula pa kay Abraham, sa mga
propeta, magpahaggang isinilang si Jesus na tagapagligtas.
Inaantok na ba kayo sa aking sagot? Sabi ko sa inyo,
madaling sagutin, pero mahirap ipaliwanag.
Pero hindi mahirap intindihin na lahat tayo ay kailangan ng
tulong mula sa itaas. Hindi mahirap unawain na tayo ay nangangailangan ng
tagapagligtas. Ang Diyos na lumikha sa atin ay siya ring nagliligtas sa atin,
at siya ring may balak para sa ating ganap na kaligayahan.
Nang si Jesus ay isinilang, may pagsasaya. Umawit ang mga
anghel, at nagsipagsaya ang mga pastol, at ang mga unang nakakita sa isinilang
na inaasahang Mesiyas. Nang si Jesus ay pumasok sa Jerusalem, nagsaya rin ang
mga taong malaon nang naghihintay. Dito ngayon pumapasok sa usapin ang
palaspas.
Sa kanilang pagsasaya at mapitagang pagbati sa inaasahang
Mesiyas, nagwagayway sila ng mga sanga, mga palaspas, at naglatag ng mga
balabal sa daan. Kasayahan ang diwa ng unang bahagi ng pagdiriwang ngayon. Ang
palaspas ay hindi lamang palaspas na ipinapagaspas, kundi isang pahimakas …
isang tanda … isang signo … isang pahatid tungkol sa higit na mahalagang bagay.
Ang lahat ng gagawin natin sa buong linggong ito (semana
santa) ay pawang pahimakas. Ang mga ito ay tandang nagtuturo sa higit na
malalim na kahulugan na may kinalaman sa ating kaligtasan. Pero hindi lamang
tanda tulad ng isang tarpaulin, o tulad ng isang watawat. Ang mga tanda na
nakikita natin at ginagawa sa liturhiya ay pawang tandang mabisa na nagsasagawa
at nagsasakatuparan ng kung ano mang itinatanda o isinasagisag.
Sana ay huwag mauwi lamang sa tanda ang ating gagawin sa
buong Linggong ito. Dagsa ang tao ngayon sa simbahan, pero sa Huwebes Santo,
Biyernes Santo at Sabado de gloria, ay mas dagsa ang tao sa languyan, sa
dalampasigan, at kung saan mas malamig.
Nagsimula tayo sa palaspas. Huwag tayong masiyahan sa
kaunting pagaspas. Limiin natin sana at unawaing mabuti at magaling kung ano
ang hatid na pahimakas, kung ano ang ibinubulalas ng ating ginagampanan sa
simbahan.
Iisa lamang ito … ang ating kaligtasang naganap, nagaganap,
at patuloy pang magaganap sa simbahan … ngayon … kung kailan ang nakatakdang
panahon ay malapit na.
Ngayon ang nakatakdang panahon. Huwag sana tayo maghanap pa
ng iba. Si Kristo ang mananakop at tagapagligtas: sa kanyang pagsilang, sa
kanyang pagiging tao, sa kanyang paghihirap, pagkamatay at muling pagkabuhay!
Ang lahat ng ginampanan niya ay bakas at pahimakas ng ating panibagong bukas!
No comments:
Post a Comment