Saturday, October 26, 2013

Tunay na Tunay!


Ika-30 Linggo ng Taon K
Oktubre 27, 2013

TUNAY NA TUNAY!

Hindi na uso ngayon ang pulp bits. Noong kami ay mga bata pa, tanyag ang Royal Tru-orange, dahil daw may pulp bits. Ewan ko kung ano yon, pero meron ngang bits. Hindi ko nga lang alam kung tunay na galing sa orange ang mga iyon.

Ayaw natin ng peke. Gusto natin ng tunay, ng orig. Pero kahit ganito, marami pa rin ang bumibili ng pekeng Chanel, pekeng kung ano-anong bag o maleta, na kinukumpiska naman sa Japan at sa maraming lugar sa Amerika. Gusto natin lahat tulad ng kung ano ang gamit ni Napoles … trulalu, sabi nga nila … hindi peke at tunay na mamahalin. Hindi kaya ito ang dahilan kung bakit hindi nalulugi ang mga tindahan ng Salvatore Ferragamo sa Greenbelt 5 at iba pang lugar, kahit na ang karamihang Pinoy, kahit man lamang yung Suotmopre Paragwapo ay hindi kayang bilhin ng marami?

Marami nga yatang nabiyayaan ng pork barrel at patuloy na namamayagpag ang mga tindahang ito! Hindi rin kaya ito ang dahilan at ang Rolls Royce ay nagbukas na rin ng tindahan dito? Sabi nila, “the Philippines has arrived!” kahit mga congressmen lang naman ang nakabibili ng ganito.

Ayaw rin ng Diyos ng peke. Ayaw rin ni Sirac na tagapagsalita ni Yahweh ang hindi tunay. Bakit? Sapagkat ang Diyos ay tunay, hindi peke. Ayon kay Sirac, hindi siya bingi sa pagtangis ng mga naaapi, at lalong hindi siya nagbubulag-bulagan sa panaghoy ng mga balo. Trulalu pa rin! Ayon sa salmista, “Dinidinig ng Diyos ang pagtangis ng mga dukha.”

Tunay rin at hindi peke ang pamulat ni Pablo kay Timoteo. Sapagkat totoo, nakuha pa niyang medyo magyabang nang kaunti: “Natapos ko ang paligsahan; naging tapat ako sa pananampalataya.” Aniya, “iniligtas ako ng Panginoon sa bibig ng leon”

May dalawang uri ng taong hatid sa atin ang pangaral ng ebanghelyo: ang Pariseo at ang nangungubra ng buwis. Mayabang ang pariseo. At hindi makatotohanan! Hambog pa at palalo. Peke, sa ating salita ngayon. Bukod sa nagyabang, nagbintang pa!

Pero tapat at tunay ang taga kolekta ng buwis: “Panginoon maawa ka sa akin, isang makasalanan.”

Tunay ang hanap natin, hindi peke. Tunay rin ang gusto ng Diyos, hindi pagkukunwari. Meron tayong dating presidenteng nasakdal at napatunayang kurap, pero pinatawad. Pinatawad ang isang taong hindi man lamang tumanggap ng pagkakamali. Paano magsisisi ang isang hindi tumanggap ng kasalanan?

Pero hindi pulitiko ang ating pinag-uusapan dito, kundi tayo. Tayo ngayon ang mamili: maging pariseo o maging tulad ng taga kolekta ng buwis. Nagkasala nga ngunit kumilala, tumanggap, at nagsisi.

Tunay na tunay. Walang bahid ng pagkukunwari. Walang anino ng pagbabalatkayo. Ito ang pamulat sa atin ng Diyos, na tunay nagkakalinga sa kapakanan natin tuwina.

Friday, October 18, 2013

KUMAPIT NANG MAHIGPIT SA KATIG NG PANGINOON!


Ika-29 na Linggo Taon K
Oktubre 20, 2013

KUMAPIT NANG MAHIGPIT SA KATIG NG PANGINOON

Wala akong maisip na mga salita tungkol sa paghihirap na dumalaw sa marami nating kababayan matapos ang hindi inaasahang lindol sa Bohol at mga karatig isla. Isa lamang ang sumasagi sa isipan ko, na siya ring pinapaksa ng mga pagbasa sa Linggong ito … pagsubok o paghamon.

Hindi biro ang sumailalim sa matinding pagsubok. Tulad ng pinagdaanan nina Moises, kung kailang ang mga basagulerong Amalecita ay patuloy na umaatake sa kanila. Pero hindi lahat ng paghamon ay nakukuha sa pakikipagdigma. Hindi lahat ay nalulutas sa pagiging mainitin ang ulo.

Kung minsan, kailangang magpakumbaba at magtiwala sa ibang uring lakas na hindi galing sa ibaba bagkus sa itaas.

Ito ang kapangyarihan ng panalangin. Pero sa araw na ito, hindi lang simpleng panalangin ang paksa. May kakaibang diin … may kakaibang ibig bigyang pansin. At ito ay may kinalaman, hindi sa pananawa, kundi sa hindi panghihinawa sa panalangin sa Diyos.

Mahirap ngayon ang lahat ng bagay sa ating buhay. Trapiko pa lamang saanmang dako ng Pilipinas ay problema na. Problema ring pumila sa lahat, maging sa supermarket, sa palengke, sa sakayan ng traysikel, o dyip, o LRT. Lahat, ika nga, ay “hassle.” Walang pinipili … walang sinasanto … walang itinatangi – tulad ng lindol na walang pakundangang nagpaguho sa yaman, di lamang nating mga katoliko, kundi ng lipunan.

Kung gaano kahirap ang buhay, ganoon naman kadali ang mawalan ng tiwala, ng pag-asa, ng marami pang iba. Mayroon pa kayang tiwalang natitira sa pamahalaan, lalo na sa Senado at Kongreso? Maibabalik pa kaya ang naglahong pananalig na kapakanang pangkalahatan ang kanilang pakay at naisin?

Para sa mga nasawi dahil sa lindol, alam nating walang anumang kataga ang makapagpapagaan ng mabigat na pasaning emosyonal ng mga naiwan.

Bilang pari, ako ay kaisa sa kanilang panimdim at sa kanilang mga pasakit. Pero bilang pari, mahirap man maunwaan ngayon sa gitna ng matinding pagsubok, tungkulin ko ang ipagmakaingay ang magandang balita na siyang maghahatid sa atin sa liwanag, gaano man kalayo, gaano man katagal.

Ito ang mga pahatid sa atin ng mga pagbasa … Una, kailangan nating manatili sa pananalig at sa pananalangin, tulad ni Moises na nanatiling nakataas ang mga kamay bilang tanda ng pagsamo sa Diyos.

Ikalawa, kailangan natin ng katatagan, tulad ng paalaala ni Pablo: “Ipangaral mo ang ang salita ng Diyos, napapanahon man o hindi; hikayatin mo, pagsabihan, at patatagin ang loob ng mga tao sa pamamagitan ng matiyagang pagtuturo.”

Alam kong lumang tugtugin na ito, pero ito ang malinaw na turo sa atin ngayon … “huwag mong tatalikdan ang mga aral na natutuhan mo at matibay na pinananaligan, yamang kilala mo ang nagturo nito sa iyo.”

Katatagan … katapatan … kalakasan ng loob at ng pananampalataya at pag-asa …

Sukdulan ang halimbawang dulot ng Panginoon … isang balo na hindi nanghinawa, nagpumilit, nangulit, patuloy na nanggambala, at walang patid na nagpahatid ng hinaing … Ito ang larawan ng isang taong may pananampalatayang hindi nabubuwag ng pagsubok, gaano man kapait.

Marami sa atin ang nakakaranas ng matinding pagsubok sa buhay. Hindi ko batid ang nilalaman ng puso ng lahat ng kaharap ko ngayon o nagbabasa nito. Pero ito lamang ang masasabi ko … Alam ng Diyos ang lahat. Naranasan din ng Panginoon ang lahat ng ito. Kaisa natin siya … kasama … kabata … kalakbay at kapanalig.

Hindi siya nagsasawa. Hindi nanghihinawa. Sa habag at pag-ibig sa tanan, kahit na hindi natin ngayon nakikita o nararamdaman.

Manatili sana tayong naka-katig sa kanyang timon. Tularan si Moises, si Aaron, Hur, Pablo, at ang hindi kilalang balo sa ebanghelyo. Kumapit tayong mahigpit sa katig ng pananampalataya sa Panginoon.

Friday, October 11, 2013


Ika-28 Linggo ng Taon K
Oktubre 13, 2013

PUSPOS, TAOS, LUBOS!

Biglang naging tanyag ang salitang iskolar sa Pilipinas. Lahat ng mga nanggagalaiti sa pork barrel na mambabatas ay biglang nagkaroon ng sandamakmak na pagmamalasakit sa mga iskolar. Dati, hindi sila napapansin. Dati-rati, isang tumpok lamang sila para masabing may pinaglalaanan ng pondo. Ngayon, bigla silang bida. Bigla silang nasa sentro ng usapan. Lumang sangkalan  …. Lumang tuntungan … bagong kasinungalingan!

Si Naaman ay isang banyaga .. Hindi siya gusto ng mga Judio. Bukod rito, siya ay may kurikong! May ketong! Bawal sa ganoong tao ang makihalubilo sa mga malilinis. Pero isang hiwaga na lumapit siya kay Eliseo upang humingi ng beauty tips. Kung siguro si Belo ay buhay na, ay paniguradong nagpunta siya kay Belo, hindi kay Eliseo.

Pero sa madaling salita, ay gumaling si Naaman. Walang panama si Belo kay Eliseo. Kahit wala siyang ginawa kundi payuhan si Naaman, na maglulublob sa ilog Jordan. (Kung mayaman ka, mas maganda siguro maglulublob sa bath tub tulad ni Jeane Napoles na puno ng dolyar at Euros!.)

Pero ito pa ang matindi! Bumalik si Naaman, at nagtangkang magbigay ng “bribe” “suhol” … este … pasasalamat pala. Masama ang salitang suhol. Hindi totoong may nasusuhulan sa gobyerno. Paninira lang yan ng mga hindi nabibigyan ng biyaya!

Matapos gumaling ay pilit na nagreregalo siya kay Eliseo. Iba talaga ng taong tumanggap ng isang matinding biyaya … hindi nananatiling tahimik, bagkus pilit na nagpapakita ng pasasalamat.

Pero matindi ang panahon natin ngayon. Mayroon daw tayong epidemic o malawakang sakit na ang tawag ay narcisismo – ang sobrang pagmamahal sa sarili, tulad ni Narciso na umibig sa kanyang sariling larawan sa sapa. Kay rami nito sa facebook … panay ang selfie, panay ang pose, at panay ang post ng mga kinain sa Starbucks. Marami ring ganito sa senado … wala silang ninakaw… wala silang kilala … at wala silang pinirmahan.

Para sa mga narcisista, walang masama, kasi “dapat lang.” May magbigay sa kanila ng biyaya, ang sagot nila ay “dapat lang.” May tumulong sa kanila, ang kanilang bukambibig ay “dapat lang.” May mag magandang-loob sa kanila, ang kanilang tugon ay “dapat lang.” Dapat lang na ako ay bigyan … Dapat lang na ako ay kumuha ng pera … Astig yata ako! Dapat lang na ako ay paglingkuran … Honorable yata ako! Dapat lang na ang mahihirap ay manatiling mahirap … tamad sila … ayaw magtrabaho … at kasalanan ko ba kung ako ay mayaman? Ito ang tanong ng mga narsisistang parang langaw na nakatayo sa likod ng kalabaw.
Sampung mga ketongin (akala nyo daliri, ano?) ang lumapit kay Jesus. Sampung mga ketongin ang gumaling matapos lumapit sa kanya. Kamay at paa … ulo hanggang paa ay pawang gumaling! Milagro!

Pero ito ang matinding milagro. Sampu ang tumanggap ng kalusugan. Sampu ang pinagkalooban ng biyaya. Pero tanging isa lamang ang bumalik upang magpasalamat.

Mabuti pa si Naaman na banyaga. Bumalik at nagkaloob rin ng biyaya sa nagkaloob ng biyaya … nagpasalamat.

Mahirap magpasalamat ang taong ang salita tuwina ay “dapat lang.” Mahirap magkaloob ng karampatang biyaya ang taong hindi kailanman marunong kumilala na siya ay tumanggap nang malaya at pinagkalooban nang malaya rin. Hirap ang narsisista na tumanaw ng utang na loob, tulad ng hirap ang mga korap na tumanggap ng pagkakasala sa taong bayan.

Puspos sila ng “biyaya.” Taos at tagos sa buto ang kanilang tinanggap na yaman. Ngunit kapos sila sa ginintuang kakayahang tumanaw ng pagkakamali at utang na loob.

Tayo man ay puspos ng biyaya mula sa Diyos. Namatay tayong kalalip ni Jesucristong Anak ng Diyos.” Taos sa puso at kalooban ang lahat ng tinanggap natin mula sa Kaniyang kabutihan at pagmamahal.

Pero kapos tayo sa pasasalamat. Kapos tayo sa pagkilala ng biyaya. Tulad ng siyam na hindi man lang tumagos sa kanilang damdamin na sila ay dapat ketongin at mabaho pa rin kung hindi dahil sa kagandahang-loob ng Diyos.

Hindi pa tapos ang lahat. Hindi pa huli ang lahat. Kaya pa natin magpasalamat. Kaya pa natin kumilala ng tama at wasto. Tumulad sana tayo kay Naaman, sa nag-iisang bumalik kay Kristo. Taos-puso tayong magpasalamat. Puspos tayo ng biyaya at pagmamahal. Maging lubos tuwina ang ating pagnanasang maging tulad ng mga taong marunong kumilala, at kumilatis ng tama. “Ang Diyos Ama’y naghahangad lagi, tayo’y pasalamat kaisa ng Kanyang Anak.”

Friday, October 4, 2013

KABIGUAN SA KAPALALUAN; BUHAY SA KATAPATAN!


Ika-27 Linggo ng Taon K
Oktubre 6, 2013

KABIGUAN SA KAPALALUAN; BUHAY SA KATAPATAN!

Medyo nagmamadali si Habacuc. Parang hindi siya makahintay sa kanyang matinding panalangin: “Panginoon, hanggang kailan ako daraing sa iyo at di mo diringgin?” Malinaw at tahasan ang sagot sa kanya ng Diyos: “ang hambog ay mabibigo sa kanyang kapalaluan, ngunit ang matuwid ay mabubuhay sa kanyang katapatan.”

Para tayong si Habacuc lahat. Nagpupuyos ang damdamin natin ngayon sa balitang may kinalaman sa pagkagahaman ng ilang mga namumuno sa atin kasabwa’t ang matatalinong taong ginamit ang talino sa kasamaan, at hindi sa katapatan.

Pero hindi pagpupuyos ng damdamin laban sa ibang tao ang tila sagot sa atin ng mga pagbasa. Sa ikalawang pagbasa, ipinakikilala sa atin si Timoteo, isang batang-batang disipulo ni Pablo. Ano ang tagubilin ni Pablo sa kanya? “Maging masigasig ka sa pagtupad sa tungkuling tinanggap mo sa Diyos nang ipatong ko ang aking mga kamay sa ulo mo.”

Bata pa noon si Timoteo, tulad ng bata pa rin noong araw ang maraming tumanda na sa paglilingkod daw sa bayan. Bata rin ang marami sa aking mga tagabasa, at bata noong araw ang kagaya kong tumanda na sa anumang larangang pinasukan nating lahat sa lipunan.

Subali’t bata man o matanda, hindi karanasan ang pinag-uusapan natin ngayon kundi katapatan. Kababaang-loob ang ating pakay ngayon, at hindi kapalaluan. Pagiging mahinahon at mapagmatyag, hindi ang pagiging padahas-dahas at pabigla-bigla.

Sa ating panahon, malakas ang hila ng pagiging marahas, ng pagiging mapusok, ng pagiging mapaghamon. Galit ang marami. Nawala ang tiwala sa gobyerno, lalo na sa mga mambabatas. Madali ang mapadala sa poot, sa galit, at sa kawalan ng pasensya.

Pero ngayon, ang pagbasa ay may aral na higit pa sa pagiging mapusok at puno ng poot. Ang turo sa atin ay kababaang-loob, kahinahunan, hindi kahambugan at kapalaluan.

Totoo ba kaya ito? Tingnan natin batay sa aking karanasan. Isang dating OFW sa Italya ang naglingkod ng tapat sa kanyang amo. Pinamanahan siya ng malaking salapi. Isang tagapangalaga kamakailan ang pinamanahan rin sa America ng malaking halaga ng kanyang among mayaman. Mayroon akong iba pang kilala na pinagkalooban ng kahit anong bagay dahil sa katapatan sa paglilingkod.

May katuturan ang kababaang-loob at kahinahunan. May mararating ang pagiging tapat at katiwa-tiwala. Hindi lahat ng madaya ay nananagana at nakaririwasa. May kasabihan tayo sa Tagalog, ang taong nagpakain sa anak ng nakaw ay magbubunga rin iba pang magnanakaw.

Si Mother Teresa ng Calcutta ay isang halimbawa ng katapatan at kababaang-loob. Si San Francisco de Asis, bagama’t may kaya ang magulang at may inaasahang mana, ay nilisan ang lahat para sa isang payak na pamumuhay.

Tayo kaya ? May turo ba tayong mapupulot sa isang utusang sa halip na umupo at makisabay sa pagkain ng amo ay patuloy na naglingkod?

At nang purihin siya sa kanyang paglilingkod, dagdag pang kababaang-loob ang kanyang binitiwang salita: “Ako’y isang aliping walang kabuluhan; tumupad lamang ako sa aking tungkulin.”

Ang mga hambog ay masaya ngayon lamang at dito. Ang mga mababang-loob at tapat ay silang tunay tagapagmana ng matuwid at tunay na kadakilaan.