Ika-21 Linggo ng Taon K
Agosto 25, 2013
PAGSIKAPANG PUMASOK SA MAKIPOT NA PINTUAN
Kung pasyal lang ang hanap natin, mas maiging maglakad sa
malawak na daan. Walang tinik, walang dawagan, walang harang at walang
katitisuran. Pero kung paghamon ang hanap mo, mas maiging maglakad sa makipot
na daan. Ito ang hanap ng mga umaakyat ng bundok, liban kung tinatawag na
“executive trail” ang gusto mo para lang masabing umakyat ka sa bundok.
Hindi na kailangang imemorize iyan … masarap kung maluwang
at maaliwalas ang daan. Masarap mamasyal kung walang balakid at walang harang.
Nakatutuwang isipin ang pangitaing kwento ni Isaias.
Magdaratingan daw ang iba-ibang mga tao mula sa lugar na hindi nila kakosa,
kumbaga. Magtitipon daw pati ang mga taong walang pananampalataya sa Diyos na
kinikilala ng mga Israelita. Isa itong pangitaing puno ng pag-asa, tigib ng
kagalakan. Pati ang mga Israelitang may pagka suplado at walang pagtingin sa
hindi nila kapanalig ay magiging kasama ng mga pagano sa kanilang pagsamba at
pag-aalay ng sakripisyo sa dambana.
Nais ko sanang panghawakan natin ang pag-asang ito. Marami
ang nagaganap sa ating kapaligiran at sa ibang lugar sa mundo. Kahindik-hindik
ang sinapit ng maraming taga Syria nang sila ay pasabugan ng Sarin gas habang
natutulog. Kahabag-habag ang dinaranas ng mga Kristiyano sa Egipto, kung saan
mayroon ring sigalot na nagaganap. Ang ating bayan ay muling binabalot ng
pag-aagam-agam dahil sa usaping pork barrel, at muling nagkakahati-hati ang
taong bayan.
Hindi malawak ang landas na nilalakaran natin ngayon. Hindi
maaliwalas at walang maliwanag na pangakong napipinto. Mahirap ang magpasya
kung saang panig tayo at kung saan tayo susuling. Mahirap rin ang manatiling
nasa balag ng alanganin tuwina, na walang tiyakang paninindigan, sa harap ng
laganap na kawalang-hiyaang ginagawa ng mga taong dapat sana ay nangunguna sa
pag-ugit ng isang magandang tadhana para sa bayan.
Pero hindi totoo na wala tayong magagawa. Meron tayong
kakayahang umugit ng pagbabago. At ito ay nagmumula sa pusong handang magbata
ng hirap, handang tumahak sa isang landasing hindi man malawak, ay siyang
naghahatid sa wasto, sa tama, at sa kaaya-aya.
Ito ang binigyang-pansin ng liham sa mga Ebreo: “Tiisin
ninyo ang lahat bilang pagtutuwid ng isang ama, sapagka’t ito’y nagpapakilalang
kayo’y inaari ng Diyos na kanyang mga anak.” Sa madaling salita, may katuturan
ang pagtitiis. May kahulugan ang paghihirap.
Hindi lang malawak ang daan ng karangyaan at kapangyarihan.
Marami ang nabibili ng pera. Maraming sarap ang nakukuha ng salapi. Ngunit kung
gaanong kabanayad ang agos sa maluwang na ilog, ay ganuon din kabilis ang takbo
tungo sa kapariwaraan.
Noong ako ay nasa kolehiyo pa, nagtuturo ako ng katesismo sa
isang baryo sa Calamba. Isang araw, habang naghihintay sa sasakyan pauwi, may
nakita akong maliit na bagong tanim na puno ng mangga. Sapagka’t walang magawa,
ibinuhol ko ang puno. Pagkaraan ng mahigit sampung taon, binalikan ko ang
punong yaon sa tabing daan. Naroon pa ang buhol. Matigas na. Pati puno ay
malaki na. At ang pinakamatigas na bahagi ay kung saan ko siya pinahirapan, sa
lugar kung saan ko siya ibinuhol. Lumakas at tumibay ang bahagi ng puno kung
saan siya nasugatan.
Hindi lihis sa ating usapan ang paalaala ng Panginoon sa
araw na ito: “pagsikapan ninyong pumasok sa makipot na pintuan.” Huwag nang
makisabay sa karamihan. Huwag nang magpadala na lamang sa agos at sumunod sa
karamihan. Gumawa ng tama kahit na parang iilan kayong tumatahak sa daang
matuwid.
No comments:
Post a Comment