Ika-18 Linggo ng Taon K
Agosto 4, 2013
KABULUHAN, KALIGAYAHAN, AT KALUGURAN
Wala raw kabuluhan, walang kakabu-kabuluhan, ani Kohelet ang
mga bagay na karaniwang pinagkakaabalahan ng tao sa mundo. “Anumang gawin niya
ay nagdudulot ng balisa at hinanakit.”
Tama ba ito? Ang alam ko ay maraming napapasaya ang
mamahaling selfon. Alam kong marami ang nag-aasam magkaroon ng Maserati, ng
Rolls Royce, at ng mamahaling mga sapatos na puedeng ipakita ang larawan sa
Facebook. Alam ko ring, masarap din namang kumain kain pag may time, o
pumasyal-pasyal din pag may time …
Kung Facebook ang pagbabatayan, wala yatang malungkot sa
Pilipinas. Lahat ay may selfie, may larawang sila mismo ang kumuha, at marami
sa kanila ay nag-lalike rin ng kanilang sariling posting kahit na walang iba ang
mag-like.
Pero medyo parang KJ o bad trip ang dating ni Kohelet. Ano
ba yan? Wala raw kabuluhan ang lahat ng bagay … walang kakabu-kabuluhan!
Teka … ilagay natin sa tamang konteksto ang lahat. Masarap
ang mga bagay materyal sa mundo. Walang masama na mag-asam at magkamit ng bagay
na mahalaga, tulad ng walang masamang magkaroon ng kompyuter, o smartphone, o
iPad, o kahit Android tablet.
Pero eto, ang dapat nating malaman. Hindi ito ang hangganan
at hantungan ng buhay natin. Hindi lang dito nagwawakas ang kabanata ng ating
buhay. May higit pa sa buhay kaysa sa mga ito.
Ito ang paalaala ni Pablo.
Aniya, bagama’t walang masama na magkaroon ng bagay na makamundo, hindi
tama ang manatili lamang sa libel na
ito. Hindi wasto na mahirati na lamang at sukat sa mga makamundong mga layunin
at adhikain. Ang kanyang payo? Heto: “Ang pagsumakitan ninyo ay ang mga bagay
na nasa langit na kinaroroonan ni Kristo na nakaupo sa kanan ng Diyos.”
May dagdag pa ang Panginoon sa ebanghelyo. Isang binata ang
nagsumbong sa kanya: “Iutos nyo po sa kapatid ko na ibigay sa akin ang bahagi
ko sa aming mana.”
Sa mga kahilingang ibinato sa Panginoon, ito ang hindi niya
pinaunlakan. Hindi raw siya, referee, sabi ng Panginoon.
Balitang malaki sa social media ang lahat ng kaswapangan sa
customs, sa pork barrel, at marami pang iba. Walang pinagbago sa datihan ang
mga balita. Ang nag-iba lamang ay dati-rati ay nakapaiingay ng mga pahayagan.
Ngayon ay parang nabusalan lahat.
Tamang-tama sa pahatid mensahe ng Panginoon ngayon. “Mag-ingat
kayo sa lahat ng uri ng kasakiman; sapagka’t ang buhay ng tao ay wala sa laki
ng kayamanan.”
Nakapagtatakang dalawang magkasalungat na balita ang
natutunghayan natin sa mga araw na ito. Sa unang banda, ang mga taong
nanggigitata sa karukhaan … sa kabilang dako naman ay ang pagdating ng
Maserati, ng Rolls Royce, at ang mga larawan ng mga taong kung magdiwang ng
birthday sa Hollywood ay parang walang katapusan ang kanilang yaman.
Hindi masama ang mag-asam. Walang masama sa magsikap at
magkamit. Pero may paala-ala ang Diyos sa atin sa araw na ito. Ang lahat ng
ito, kumpara sa mga dapat nating hintaying makamit sa kabilang buhay, ay walang
kakabu-kabuluhan. Ibig sabihin nito ay simple lang … Mahalaga ang yamang mundo.
Nguni’t may mas mahalaga kaysa rito – ang yamang espiritwal, na hindi lamang
para sa mundong ibabaw.
Narito ang wagas na kaluguran. Narito ang tunay na
kaligayahan!
No comments:
Post a Comment