Ika-20 Linggo ng Taon K
Agosto 18, 2013
APOY SA LUPA
Kahindik-hindik ang mga balitang dumarating sa atin sa mga
nakaraang araw. Isa na rito ang pagragasa ng matinding katiwalian sa libel na
hindi natin inaasahan – kung paanong ang kaban ng bayan ay pinaghati-hatian ng
mga tampalasan, lalu na’t ang ilan sa mga ito ay tinatawag nating
“kagalang-galang” na “mambabatas.”
Nguni’t nakababahala rin sa biglang wari ang mga pagbasa
natin ngayon. Nariyan si Jeremias na itinapon sa isang putikang balon, dahil
lamang na hindi siya nagsalita ayon sa kagustuhan ng hari, dahil hindi niya
sinabi ang gustong marinig ng makapangyarihan.
Narinig rin natin sa ikalawang pagbasa ang tungkol sa
pangangailangan “magpatuloy tayo sa takbuhing nasa ating harapan.” Narinig rin
natin na dapat natin “iwaksi ang kasalanan at anumang bumabalakid sa atin.”
Pero ang higit na matindi ay ito: apoy raw ang dala ng
Panginoon sa mundo, at pagkakawatak-watak sa pami-pamilya saanman.
Tahimik at payapa ang daloy ng tubig kapag malalim ang ilog at
walang balakid sa agos. Nguni’t kapag may mga batong bumabalakid sa agos, ang
tubig ay nagiging maingay, bumibilis, at rumaragasa. Kung minsan, nasusubok ang
tibay at tatag ng bato o ng pader kapag rumagasa na ang tubig. Kung minsan,
gusto mo man tumayo at manindigan, ang bilis at dami ng tubig ay kaya kang
tinagin at anurin pag nagkataon.
Mahirap ang sumansala sa agos. Mahirap ang sumalungat sa
takbo o kalakaran ng lipunan. Kapag dalawang batong buhay ang nag-umpugan,
nagkiskisan at nagsalpukan, nagbubunga ito ng mga alipato, mga maliliit na apoy
na puedeng pagmulan ng isang sunog.
Walang apoy na magaganap kung walang pagsalungat, kung
walang salpukan o balakid. Pero ito ba ang gusto ng Panginoon sa atin ngayon? …
ang makisakay na lamang at magpa-anod sa agos? … ang hindi magbigay balakid sa
takbo ng masama at di tama?
Masakit ang sinapit ni Jeremias sa kanyang pagsansala.
Ipinakain sa balon. Itinakwil. Mahirap ang ipagpatuloy ang takbuhin tungo sa
katarungan at kapakanang pangkalahatan. Mas madali ang magpadala. Mas madali
ang manatiling bulag, pipi, at bingi sa harap ng mali at hindi makatarungan.
Mas madali rin ang magpadala na lamang sa kalakaran at manatiling busal ang
bibig sa harap ng katiwalian.
Parang hindi ito ang hamon sa atin ngayon. Ang hamon sa atin
ay ang ipagpatuloy ang takbuhin, ang tularan si Jeremias, at ang maghatid ng
apoy sa daigdig at hayaang magkawatak-watak ang anuman kung ito lamang ang
tanging paraan upang itaguyod ang wasto, ang tama, ang makatarungan, at ang
naghahatid sa kabanalan at kapakanang pangkalahatan.
Sabi nga nila, hiwalay kung hiwalay … puti at de color …
tama at mali … at maghalo na kung maghahalo ang balat sa tinalupan, kung ito ay
kinakailangan! Apoy sa daigdig and hatid sa atin ng Panginoong ating
tagapagligtas. At kung ang mga balita ang pagbabatayan natin, ito ang lubha
nating kailangan ngayon.
No comments:
Post a Comment