Ika-19 na Linggo ng Taon K
Agosto 11, 2013
NANG DAHIL SA PANANALIG
Naging tanyag maraming taon nang nakalilipas ang kanta ni
Anthony Castelo … “Nang dahil sa pag-ibig,” aniya … at mahaba ang listahang
kasunod sa mga unang katagang ito.
May mga bagay na kapag taglay mo ay marami kang mararating.
Kapag may hirap, may ginhawa, sabi nila. Kapag may isinuksok, ay may madudukot
(noong uso pa ang alkansiya); kapag may itinanim ay may aanihin.
Labing-anim na taong gulang pa lamang ako nang magsimula ako
mag-ipon ng mga libro. Naging kagawian ko ang magbasa nang magbasa. Marami sa
mga unang mga libro ko ay naipamigay ko na, o nai-donate sa library ng
seminaryo. Alam kong sa aking pagtuturo magpahangga ngayon, ay marami sa aking
tinatawag na “stock knowledge” ay dinudukot ko sa mga nabasa ko magmula pa
noong una.
Alam ko ring napakaraming tao na ang kanilang tinatamasa
ngayon ay bunga ng kanilang pagpupunyagi, pagsisikap, at pagsisikhay. Sa normal
na takbo ng buhay, ang yaman ay pinaghihirapan, pinaggugugulan nang panahon at
pagpapagal (liban kung galing ito sa “pork barrel” kung kaya’t may ilan na ang
yaman ay bigla at kataka-taka).
Ang kwento mula sa ikalawang pagbasa ay kwento ng isang
taong binigyan kumbaga ng puhunan. Pinagkalooban si Abraham ng isang natatanging
pagkakataong lumisan mula sa bayang sinilangan. Tinawag siya upang maging Ama
ng maraming angkan, tungo sa lupang pangako para sa bayan ng Diyos.
Pero ang puhunan ay hindi itinatago, hindi ibinabaon. Ang
puhunan ay nagbubunga ng pangako kung ginagamit, o pinagyayaman. Ito ang ginawa
ni Abraham. Nakipagtulungan siya sa Diyos, at nagbunga nang sagana ang punlang
ipinagkaloob ng Diyos:
Nang dahil sa pananalig, tumalima si Abraham … nanirahan
siya bilang dayuhan … tumira sa tolda … nagkaanak siya … Higit sa lahat, handa
siyang ipagkaloob ang kanyang anak na si Isaac nang hilingin ng Diyos.
Madaling isipin na ang pananalig sa Diyos ay walang iba
kundi ang pag-aasam, at paghihintay, ang takbo ng isipang sapat na na tayo ay
humiling sa Diyos at magbantay lamang ng katuparan.
Pero hindi ito ang sinasaad ng ebanghelyo … “Maging handa
kayo at sindihan ang inyong mga ilawan,” ang paalaala ng Panginoon sa atin.
Hindi sapat na tayo ay may ilawan o may puhunan. May pananagutan tayo na
gamitin nang tama ang lahat ng ito.
Palasak na sa ating lipunan ang umasa sa gobyerno. Kung
walang nangyayari, madali ang manisi. Kung bunton ang basura, galit tayo sa
dapat nangongolekta ng basura. Nakakalimutan natin na kaya bunton ang basura ay
dahil rin sa ating lahat, na nagtatapon kahit saan ng basura.
May maituturo sa atin si Anthony Castelo … Nang dahil sa
pag-ibig, ang Diyos ay naging tao. Nang dahil sa pag-ibig, nagdaan siya sa
matinding pagdurusa hanggang sa pagkapako at pagkamatay sa krus. Nguni’t ngayo,
ay turong mahalaga ay galing kay Abraham. Nang dahil sa pananalig ay naganap
ang maraming bagay … Nguni’t ito ay isang pananalig na hindi lamang pagiging
hinalig … walang pananagutan, walang sariling pagsisikap, parang si Juan Tamad
na nakanganga lamang maghapon.
Bilang Pinoy, ito yata ang sakit nating lahat. Sanay umasa
at maghintay, at bihasang manisi na lamang. Maraming angal, maraming salita,
ngunit kulang sa gawa. Naghihintay at umaasa ngunit walang pinagsisikapan at ginagawa.
Gising na bayan! Sindihan ang kandila at magbantay! Mahirap
kaya ang maiwan sa labas pagdating ng panahon!
No comments:
Post a Comment