Friday, August 30, 2013

MAY "K" KA BA?


Ika-22 Linggo Taon K
Setyembre 1, 2013

MAY “K” KA BA?

May kaibahan raw, ayon kay Lisa Fullam, ang peregrino at ang turista. Ang turista ay naglalakbay para makakita ng bagong lugar. Pero ang peregrino ay naglalakbay upang maging bagong tao, magpanibago sa sarili, upang mabuhay ayon sa tuntunin ng pagpapanibago.

Noong ako ay batang pari at isang estudyante sa Roma, ako man ay naging isang peregrino. Galing ako noon sa Madrid patungong Fatima sa Portugal. Apat kami sa compartimento ng tren: isang taga US, isang Kastika, isang Argentino at ako. Nang malapit na ang hangganan ng  Espanya at Portugal, pumasok ang inspector at tinanong kaming apat kung taga saan kami. Nang sumagot ang tatlo, hindi sila pinansin. Nang ako ay nagsabing Filipino, agad hiningi ang aking pasaporto, kinilatis, sinalat, binuklat ang lahat ng pahina, na parang may hinahanap at parang ako ay pinagdududahan.

Sa mga sandaling yaon, may dalawa akong naramdaman: ang maging mapagpakumbaba o ang hayaan ang sarili kong mapahiya. Pero sabi nga sa Ingles, “the humble are never humiliated; they are humbled even more.” Hindi maibababa ninuman ang iyong dignidad, hangga’t hindi mo siya pinahihintulutan.

Ang mga pagbasa ngayon ay may kinalaman sa kababaan. Ayaw ni Nietzche ang birtud na ito. Hindi raw ito nagbubunga ng anumang mabuti. Bilang isang walang pananampalataya sa Diyos, wala raw maitutulong ang maging mapagpakumbaba yayamang ang ating pagiging tao ay wala nang anumang karangalan at katuturan.

Ang tingin ni Nietzche sa kababaang loob ay isang kahinaan. Walang panalo ang mahina. Walang mararating ang mapagparangya. Walang tagumpay ang taong mapagpasensya, ang sinumang nagpapalampas ng lahat ng bagay. Dapat raw, ayon sa pilosopiyang makamundo, na unahan ang lahat, sapawan ang lahat, at lamangan ang lahat hangga’t maaari.

Hindi nauunawaan ng mundo ngayon ang mababa at ang nagpapakababa sa sarili. May tawag tayo dito: mahina, walang abilidad, walang “k.”

Pero hindi ito ang sinasaad ng panulat ni Sirak. Hindi ito ang sinasabi ng ebanghelyo. Mapalad raw ang mga aba. Mapalad ang mga tumatangis. Mapalad ang hindi nag-aasam ng hindi niya kaya, sapagka’t hindi siya mapapahiya. Mahirap ang demasyadong matayog ang lipad … mas malagas, diumano, ang lagapak.

Laman ito ang lahat ng balita natin – kung paano lubhang napahiya ang dating sinasamba ng mga mambabatas, na tumatawag sa kaniya bilang “Ma’am.” Marami siyang nilagyang bulsa ng mga kawatan. Marami siyang pinayaman, at siempre, ang kanila ring sarili, kung kaya’t mahigit diumano sa 400 ang kanyang mga accounts sa bangko. Maraming nabayarang boto. Maraming pina-andar na kampanya sa eleksyon. Maraming pinapanalo.

Di ba’t ang lahat ng ito ay kapangyarihan, katatagan, at karangalan? Sinong may sabi na ang masasamang bisyo ay hindi nagbubunga ng pera? Ng dangal at pitagan ng mga nakikinabang, habang nakikinabang?

Pero, sa tinaas taas ng lipad, ay gayun ding kalakas ang lagapak. Walang nananatiling matatag sa mundong ibabaw. Walang hindi naaagnas na anumang kayamanan.

Ngunit sa araw na ito, may isang uri ng “k” ang siyang dapat natin pagsikapan at pagyamanin. Hindi ito kayamanan. Hindi ito karangalang makamundo. Hindi ito kakapalan ng mukha upang manatiling nasa taluktok ng yaman at impluwensya sa lipunan, lalu na sa politika.

Ito ay siyang binanggit sa ebanghelyo ngayon – ang gawain ng isang taong hindi naghahanap ng mataas na upuan, hindi nag-aasam ng hindi para sa kanya at lampas sa kanyang kakahayahan.

Ito ay ang kababaang-loob na siyang nag-udyok sa hefe na magsabi: “Halina at umakyat sa higit na mataas na lugar.”

May “K” ka ba?

Friday, August 23, 2013

PAGSIKAPANG PUMASOK SA MAKIPOT NA PINTUAN


Ika-21 Linggo ng Taon K
Agosto 25, 2013

PAGSIKAPANG PUMASOK SA MAKIPOT NA PINTUAN

Kung pasyal lang ang hanap natin, mas maiging maglakad sa malawak na daan. Walang tinik, walang dawagan, walang harang at walang katitisuran. Pero kung paghamon ang hanap mo, mas maiging maglakad sa makipot na daan. Ito ang hanap ng mga umaakyat ng bundok, liban kung tinatawag na “executive trail” ang gusto mo para lang masabing umakyat ka sa bundok.

Hindi na kailangang imemorize iyan … masarap kung maluwang at maaliwalas ang daan. Masarap mamasyal kung walang balakid at walang harang.

Nakatutuwang isipin ang pangitaing kwento ni Isaias. Magdaratingan daw ang iba-ibang mga tao mula sa lugar na hindi nila kakosa, kumbaga. Magtitipon daw pati ang mga taong walang pananampalataya sa Diyos na kinikilala ng mga Israelita. Isa itong pangitaing puno ng pag-asa, tigib ng kagalakan. Pati ang mga Israelitang may pagka suplado at walang pagtingin sa hindi nila kapanalig ay magiging kasama ng mga pagano sa kanilang pagsamba at pag-aalay ng sakripisyo sa dambana.

Nais ko sanang panghawakan natin ang pag-asang ito. Marami ang nagaganap sa ating kapaligiran at sa ibang lugar sa mundo. Kahindik-hindik ang sinapit ng maraming taga Syria nang sila ay pasabugan ng Sarin gas habang natutulog. Kahabag-habag ang dinaranas ng mga Kristiyano sa Egipto, kung saan mayroon ring sigalot na nagaganap. Ang ating bayan ay muling binabalot ng pag-aagam-agam dahil sa usaping pork barrel, at muling nagkakahati-hati ang taong bayan.

Hindi malawak ang landas na nilalakaran natin ngayon. Hindi maaliwalas at walang maliwanag na pangakong napipinto. Mahirap ang magpasya kung saang panig tayo at kung saan tayo susuling. Mahirap rin ang manatiling nasa balag ng alanganin tuwina, na walang tiyakang paninindigan, sa harap ng laganap na kawalang-hiyaang ginagawa ng mga taong dapat sana ay nangunguna sa pag-ugit ng isang magandang tadhana para sa bayan.

Pero hindi totoo na wala tayong magagawa. Meron tayong kakayahang umugit ng pagbabago. At ito ay nagmumula sa pusong handang magbata ng hirap, handang tumahak sa isang landasing hindi man malawak, ay siyang naghahatid sa wasto, sa tama, at sa kaaya-aya.

Ito ang binigyang-pansin ng liham sa mga Ebreo: “Tiisin ninyo ang lahat bilang pagtutuwid ng isang ama, sapagka’t ito’y nagpapakilalang kayo’y inaari ng Diyos na kanyang mga anak.” Sa madaling salita, may katuturan ang pagtitiis. May kahulugan ang paghihirap.

Hindi lang malawak ang daan ng karangyaan at kapangyarihan. Marami ang nabibili ng pera. Maraming sarap ang nakukuha ng salapi. Ngunit kung gaanong kabanayad ang agos sa maluwang na ilog, ay ganuon din kabilis ang takbo tungo sa kapariwaraan.

Noong ako ay nasa kolehiyo pa, nagtuturo ako ng katesismo sa isang baryo sa Calamba. Isang araw, habang naghihintay sa sasakyan pauwi, may nakita akong maliit na bagong tanim na puno ng mangga. Sapagka’t walang magawa, ibinuhol ko ang puno. Pagkaraan ng mahigit sampung taon, binalikan ko ang punong yaon sa tabing daan. Naroon pa ang buhol. Matigas na. Pati puno ay malaki na. At ang pinakamatigas na bahagi ay kung saan ko siya pinahirapan, sa lugar kung saan ko siya ibinuhol. Lumakas at tumibay ang bahagi ng puno kung saan siya nasugatan.

Hindi lihis sa ating usapan ang paalaala ng Panginoon sa araw na ito: “pagsikapan ninyong pumasok sa makipot na pintuan.” Huwag nang makisabay sa karamihan. Huwag nang magpadala na lamang sa agos at sumunod sa karamihan. Gumawa ng tama kahit na parang iilan kayong tumatahak sa daang matuwid.

Friday, August 16, 2013

APOY SA LUPA


Ika-20 Linggo ng Taon K
Agosto 18, 2013

APOY SA LUPA

Kahindik-hindik ang mga balitang dumarating sa atin sa mga nakaraang araw. Isa na rito ang pagragasa ng matinding katiwalian sa libel na hindi natin inaasahan – kung paanong ang kaban ng bayan ay pinaghati-hatian ng mga tampalasan, lalu na’t ang ilan sa mga ito ay tinatawag nating “kagalang-galang” na “mambabatas.”

Nguni’t nakababahala rin sa biglang wari ang mga pagbasa natin ngayon. Nariyan si Jeremias na itinapon sa isang putikang balon, dahil lamang na hindi siya nagsalita ayon sa kagustuhan ng hari, dahil hindi niya sinabi ang gustong marinig ng makapangyarihan.

Narinig rin natin sa ikalawang pagbasa ang tungkol sa pangangailangan “magpatuloy tayo sa takbuhing nasa ating harapan.” Narinig rin natin na dapat natin “iwaksi ang kasalanan at anumang bumabalakid sa atin.”

Pero ang higit na matindi ay ito: apoy raw ang dala ng Panginoon sa mundo, at pagkakawatak-watak sa pami-pamilya saanman.

Tahimik at payapa ang daloy ng tubig kapag malalim ang ilog at walang balakid sa agos. Nguni’t kapag may mga batong bumabalakid sa agos, ang tubig ay nagiging maingay, bumibilis, at rumaragasa. Kung minsan, nasusubok ang tibay at tatag ng bato o ng pader kapag rumagasa na ang tubig. Kung minsan, gusto mo man tumayo at manindigan, ang bilis at dami ng tubig ay kaya kang tinagin at anurin pag nagkataon.

Mahirap ang sumansala sa agos. Mahirap ang sumalungat sa takbo o kalakaran ng lipunan. Kapag dalawang batong buhay ang nag-umpugan, nagkiskisan at nagsalpukan, nagbubunga ito ng mga alipato, mga maliliit na apoy na puedeng pagmulan ng isang sunog.

Walang apoy na magaganap kung walang pagsalungat, kung walang salpukan o balakid. Pero ito ba ang gusto ng Panginoon sa atin ngayon? … ang makisakay na lamang at magpa-anod sa agos? … ang hindi magbigay balakid sa takbo ng masama at di tama?

Masakit ang sinapit ni Jeremias sa kanyang pagsansala. Ipinakain sa balon. Itinakwil. Mahirap ang ipagpatuloy ang takbuhin tungo sa katarungan at kapakanang pangkalahatan. Mas madali ang magpadala. Mas madali ang manatiling bulag, pipi, at bingi sa harap ng mali at hindi makatarungan. Mas madali rin ang magpadala na lamang sa kalakaran at manatiling busal ang bibig sa harap ng katiwalian.

Parang hindi ito ang hamon sa atin ngayon. Ang hamon sa atin ay ang ipagpatuloy ang takbuhin, ang tularan si Jeremias, at ang maghatid ng apoy sa daigdig at hayaang magkawatak-watak ang anuman kung ito lamang ang tanging paraan upang itaguyod ang wasto, ang tama, ang makatarungan, at ang naghahatid sa kabanalan at kapakanang pangkalahatan.

Sabi nga nila, hiwalay kung hiwalay … puti at de color … tama at mali … at maghalo na kung maghahalo ang balat sa tinalupan, kung ito ay kinakailangan! Apoy sa daigdig and hatid sa atin ng Panginoong ating tagapagligtas. At kung ang mga balita ang pagbabatayan natin, ito ang lubha nating kailangan ngayon.

Friday, August 9, 2013

NANG DAHIL SA PANANALIG


Ika-19 na Linggo ng Taon K
Agosto 11, 2013

NANG DAHIL SA PANANALIG



Naging tanyag maraming taon nang nakalilipas ang kanta ni Anthony Castelo … “Nang dahil sa pag-ibig,” aniya … at mahaba ang listahang kasunod sa mga unang katagang ito.



May mga bagay na kapag taglay mo ay marami kang mararating. Kapag may hirap, may ginhawa, sabi nila. Kapag may isinuksok, ay may madudukot (noong uso pa ang alkansiya); kapag may itinanim ay may aanihin.



Labing-anim na taong gulang pa lamang ako nang magsimula ako mag-ipon ng mga libro. Naging kagawian ko ang magbasa nang magbasa. Marami sa mga unang mga libro ko ay naipamigay ko na, o nai-donate sa library ng seminaryo. Alam kong sa aking pagtuturo magpahangga ngayon, ay marami sa aking tinatawag na “stock knowledge” ay dinudukot ko sa mga nabasa ko magmula pa noong una.



Alam ko ring napakaraming tao na ang kanilang tinatamasa ngayon ay bunga ng kanilang pagpupunyagi, pagsisikap, at pagsisikhay. Sa normal na takbo ng buhay, ang yaman ay pinaghihirapan, pinaggugugulan nang panahon at pagpapagal (liban kung galing ito sa “pork barrel” kung kaya’t may ilan na ang yaman ay bigla at kataka-taka).



Ang kwento mula sa ikalawang pagbasa ay kwento ng isang taong binigyan kumbaga ng puhunan. Pinagkalooban si Abraham ng isang natatanging pagkakataong lumisan mula sa bayang sinilangan. Tinawag siya upang maging Ama ng maraming angkan, tungo sa lupang pangako para sa bayan ng Diyos.



Pero ang puhunan ay hindi itinatago, hindi ibinabaon. Ang puhunan ay nagbubunga ng pangako kung ginagamit, o pinagyayaman. Ito ang ginawa ni Abraham. Nakipagtulungan siya sa Diyos, at nagbunga nang sagana ang punlang ipinagkaloob ng Diyos:



Nang dahil sa pananalig, tumalima si Abraham … nanirahan siya bilang dayuhan … tumira sa tolda … nagkaanak siya … Higit sa lahat, handa siyang ipagkaloob ang kanyang anak na si Isaac nang hilingin ng Diyos.



Madaling isipin na ang pananalig sa Diyos ay walang iba kundi ang pag-aasam, at paghihintay, ang takbo ng isipang sapat na na tayo ay humiling sa Diyos at magbantay lamang ng katuparan.



Pero hindi ito ang sinasaad ng ebanghelyo … “Maging handa kayo at sindihan ang inyong mga ilawan,” ang paalaala ng Panginoon sa atin. Hindi sapat na tayo ay may ilawan o may puhunan. May pananagutan tayo na gamitin nang tama ang lahat ng ito.



Palasak na sa ating lipunan ang umasa sa gobyerno. Kung walang nangyayari, madali ang manisi. Kung bunton ang basura, galit tayo sa dapat nangongolekta ng basura. Nakakalimutan natin na kaya bunton ang basura ay dahil rin sa ating lahat, na nagtatapon kahit saan ng basura.



May maituturo sa atin si Anthony Castelo … Nang dahil sa pag-ibig, ang Diyos ay naging tao. Nang dahil sa pag-ibig, nagdaan siya sa matinding pagdurusa hanggang sa pagkapako at pagkamatay sa krus. Nguni’t ngayo, ay turong mahalaga ay galing kay Abraham. Nang dahil sa pananalig ay naganap ang maraming bagay … Nguni’t ito ay isang pananalig na hindi lamang pagiging hinalig … walang pananagutan, walang sariling pagsisikap, parang si Juan Tamad na nakanganga lamang maghapon.



Bilang Pinoy, ito yata ang sakit nating lahat. Sanay umasa at maghintay, at bihasang manisi na lamang. Maraming angal, maraming salita, ngunit kulang sa gawa. Naghihintay at umaasa ngunit walang pinagsisikapan at ginagawa.



Gising na bayan! Sindihan ang kandila at magbantay! Mahirap kaya ang maiwan sa labas pagdating ng panahon!

Thursday, August 1, 2013

KABULUHAN, KALIGAYAHAN, AT KALUGURAN


Ika-18 Linggo ng Taon K
Agosto 4, 2013

KABULUHAN, KALIGAYAHAN, AT KALUGURAN

Wala raw kabuluhan, walang kakabu-kabuluhan, ani Kohelet ang mga bagay na karaniwang pinagkakaabalahan ng tao sa mundo. “Anumang gawin niya ay nagdudulot ng balisa at hinanakit.”

Tama ba ito? Ang alam ko ay maraming napapasaya ang mamahaling selfon. Alam kong marami ang nag-aasam magkaroon ng Maserati, ng Rolls Royce, at ng mamahaling mga sapatos na puedeng ipakita ang larawan sa Facebook. Alam ko ring, masarap din namang kumain kain pag may time, o pumasyal-pasyal din pag may time …

Kung Facebook ang pagbabatayan, wala yatang malungkot sa Pilipinas. Lahat ay may selfie, may larawang sila mismo ang kumuha, at marami sa kanila ay nag-lalike rin ng kanilang sariling posting kahit na walang iba ang mag-like.

Pero medyo parang KJ o bad trip ang dating ni Kohelet. Ano ba yan? Wala raw kabuluhan ang lahat ng bagay … walang kakabu-kabuluhan!

Teka … ilagay natin sa tamang konteksto ang lahat. Masarap ang mga bagay materyal sa mundo. Walang masama na mag-asam at magkamit ng bagay na mahalaga, tulad ng walang masamang magkaroon ng kompyuter, o smartphone, o iPad, o kahit Android tablet.

Pero eto, ang dapat nating malaman. Hindi ito ang hangganan at hantungan ng buhay natin. Hindi lang dito nagwawakas ang kabanata ng ating buhay. May higit pa sa buhay kaysa sa mga ito.

Ito ang paalaala ni Pablo.  Aniya, bagama’t walang masama na magkaroon ng bagay na makamundo, hindi tama ang manatili  lamang sa libel na ito. Hindi wasto na mahirati na lamang at sukat sa mga makamundong mga layunin at adhikain. Ang kanyang payo? Heto: “Ang pagsumakitan ninyo ay ang mga bagay na nasa langit na kinaroroonan ni Kristo na nakaupo sa kanan ng Diyos.”

May dagdag pa ang Panginoon sa ebanghelyo. Isang binata ang nagsumbong sa kanya: “Iutos nyo po sa kapatid ko na ibigay sa akin ang bahagi ko sa aming mana.”
Sa mga kahilingang ibinato sa Panginoon, ito ang hindi niya pinaunlakan. Hindi raw siya, referee, sabi ng Panginoon.

Balitang malaki sa social media ang lahat ng kaswapangan sa customs, sa pork barrel, at marami pang iba. Walang pinagbago sa datihan ang mga balita. Ang nag-iba lamang ay dati-rati ay nakapaiingay ng mga pahayagan. Ngayon ay parang nabusalan lahat.

Tamang-tama sa pahatid mensahe ng Panginoon ngayon. “Mag-ingat kayo sa lahat ng uri ng kasakiman; sapagka’t ang buhay ng tao ay wala sa laki ng kayamanan.”

Nakapagtatakang dalawang magkasalungat na balita ang natutunghayan natin sa mga araw na ito. Sa unang banda, ang mga taong nanggigitata sa karukhaan … sa kabilang dako naman ay ang pagdating ng Maserati, ng Rolls Royce, at ang mga larawan ng mga taong kung magdiwang ng birthday sa Hollywood ay parang walang katapusan ang kanilang yaman.

Hindi masama ang mag-asam. Walang masama sa magsikap at magkamit. Pero may paala-ala ang Diyos sa atin sa araw na ito. Ang lahat ng ito, kumpara sa mga dapat nating hintaying makamit sa kabilang buhay, ay walang kakabu-kabuluhan. Ibig sabihin nito ay simple lang … Mahalaga ang yamang mundo. Nguni’t may mas mahalaga kaysa rito – ang yamang espiritwal, na hindi lamang para sa mundong ibabaw.

Narito ang wagas na kaluguran. Narito ang tunay na kaligayahan!