Ika-14 na Linggo Taon K
Julio 7, 2013
TILA KORDERO SA GITNA NG MGA ASONG-GUBAT
Dumarating ba sa buhay ninyo ang pagkakataong pakiramdam nyo
para kayong pusa napapalibutan ng mga galit na galit na aso? Hindi rin ba kayo
nakakaramdam na sa ilang pagkakataon, para kang isang maamong tupa na
napapalibutan ng mga nagngangalit na asong-gubat?
Sumasagi sa buhay ng lahat ang karanasang ito … ang
pakiramdam na wala kang kaya; wala kang lakas, at wala kang masyadong magagawa
sa sitwasyon, at higit sa lahat, wala kang puedeng ipagyabang, wala ni anu mang
maaring ipaghambog o ipagmakaingay kahit man lamang sa mga kaibigan mo.
Mahirap ngayon ang manindigan para sa tama. Ang tama ngayon
ay kung ano ang pinagpasyahan ng marami. Ang mali ay nagiging tama, at ang tama
ay siya pang itinuturing na mali. Ang tama at mali ay wala sa objetibong
pamantayan, kundi nasasalalay sa pakiwaring personal ng tao.
Sa gitna ng kulturang ito, ang manindigan sa tamang moral at
ayon sa batas moral ng Diyos ay tiyak na maglalagay sa iyo sa gitna ng
mababangis na asong-gubat.
Ito rin ang kapalarang sinapit ni Pablo. Magmula nang
tumiwalag siya sa pag-uusig sa Simbahan, naging susun-suson ang kanyang naging
problema: pagkapiit, paghahagupit, pagkamuhi ng mga dating mga kakampi niya sa
partido.
Wala itong iniwan sa kalagayan natin ngayon. Subali’t kung
minsan, mabuti pa kung alam mong ang iyong kaaway ay ang mga antemano ay hindi
mo kasamahan sa pananampalataya. Mas matindi at mas masahol kapag ang umaaway o
lumalaban sa iyo ay mga kasamahan mo – mga taong nagsasabing sila raw ay
sumasampalataya, pero hindi sumasang-ayon sa turo ng Simbahan … mga
Kristiyanong parang namimitas ng aratiles sa puno, na pinipili lamang ang mga
gusto nila, at itinatapon ang ayaw.
Sa kabila nito, puno ng pag-asa ang unang pagbasa. “Magalak
ang lahat, magalak kayo dahil sa Jerusalem, ang lahat sa inyo na may pagmamahal
… lahat kayong tumatangis para sa kanya.” “Ikaw ay lalakas at lulusog, sa
gayon, malalaman mong akong Panginoon ang kumakalinga sa mga tumatalima sa
akin.”
Pag-asa rin ang himig ni Pablo sa kanyang liham sa mga taga
Galacia. Sa katunayan, may halo pang konting pagyayabang: “Ang krus lamang ng
ating Panginoong Jesucristo and siya kong ipinagmamakapuri.”
May katotohanan ang sabi ni Papa Francisco. Aniya, kung
nagiging hindi komportable ang mga tao dahil sa ating pangaral, iisa lamang ang
ibig sabihin nito … ginagawa natin ang tungkulin upang mangaral at magpalala sa
kanila.
Ito ang aking paghamon sa aking sarili at sa inyo mga
kapatid at kaibigan.
Salat na salat tayo ngayon sa konsolasyon at kagalakan dahil sa kasalatan sa wastong pananampalataya at pagtalima. Kulang na kulang ang pagsunod sa kalooban ng Diyos. Kung meron mang marami at sagana ay ito: “Sagana ang aanihin, ngunit kakaunti ang mga manggagawa.”
Salat na salat tayo ngayon sa konsolasyon at kagalakan dahil sa kasalatan sa wastong pananampalataya at pagtalima. Kulang na kulang ang pagsunod sa kalooban ng Diyos. Kung meron mang marami at sagana ay ito: “Sagana ang aanihin, ngunit kakaunti ang mga manggagawa.”
At lalong magiging kakaunti kung ganitong tila wala tayong
ginawang tama sa mata ng tao sa mundong ito ngayon. Sariwain sana natin ang
paghamon sa atin ng Panginoon: “Sinusugo ko kayong parang mga kordero sa gitna
ng mga asong-gubat.”
Tulad niya … Tulad ni Pablo … Tulad ng lahat ng mga banal.
Tandaan lamang: “nakatala sa langit ang pangalan ninyo.” Hindi pa ba sapat ito?
No comments:
Post a Comment