Ika-16 na Linggo Taon K
Hulyo 21, 2013
PAGLILINGKOD, PAKIKISALAMUHA AT PAKIKIPAGNIIG
Dakila ang ginawa ni Abraham at ni Sara. Kagya’t nilang
binigyan na mainit na pagtanggap ang pangitain ng tatlong lalaking tila papunta
kung saan at napadaan sa kanilang bahay. Hindi lang pahinga ang kanilang
ipinagkaloob: matabang guya, tinapay, keso at gatas ang kanilang inihain …
paglilingkod na higit pa sa isang mamahaling hotel … five-star ika nga.
Dakila rin ang ginawa ng dalawang magkapatid na babae. Si
Marta ay hindi magkanda-ugaga sa paghahanda ng makakain. Inilabas ang tagong
gamit para sa kanilang bisita, at naging aligaga sa paggawa bilang paglilingkod
sa Panginoon. Nguni’t dakila rin ang ginawa ni Maria … naging aligaga naman
siya sa pakikinig … sa pakikpagniig … sa pakikisalamuha.
Kelangan pa ba imemorize yan?
Maraming uri ang paglilingkod. Maraming paraan ang
pagtanggap. Maraming tipo ng pagpapakita ng pagpapahalaga sa bisita.
Di ba ganuon din tayo? Pag may bisita, may nangangahoy … may
naglilinis … may nagluluto … at may GRO! Naalala ko tuloy ang marami kong beses
na nagmisa kapag piyesta sa baryo o sa pagtatapos ng Flores de Mayo. Toka-toka
sila ng trabaho. Mayroong nakatoka sa pagsundo sa pari. Mayroong naka-toka sa
pakikipag-usap sa pari. Pero kalimitan, tig labinlimang minuto lang sila upang
ako ay kausapin. Papalit-palit, paiba-iba … kung kaya’t malimit, kapag
nagpalit-palit, ay pare-pareho ang tanong ng mga GRO … Saan po kayo
naka-assign? Anong parokya po kayo galing? Matagal na po ba kayo doon? At iba
pang paulit-ulit na tanong …
At sapagka’t ang karamihan ay parang si Marta na hindi
magkanda-ugaga sa paghahanda, malimit na ang oras ng Misa ay … alam nyo na! …
nababago, nahuhuli, at laging ang kanilang daing ay ito: “Wala pa ho ang mga
sagala!” o kaya, “wala pa ho si Mayor!”
Mahalagang aral ang tatlong pagbasa para sa ating lahat
ngayon. Mayroong nagsasabing ang pananampalatayang tunay ay hindi nakukuha sa
dasal, kundi sa paggawa ng mabuti. Aanhin mo ang puro dasal at simba, anila,
kung wala ka namang nagagawang mabuti para sa ibang tao? Mayroon namang
nagsasabing hindi dapat lunurin ang sarili sa gawain, bagkus matutong
tumahimik, matutong magnilay, at magmuni-muni o kaya magdasal at magpakabanal!
Nguni’t ang mga pagbasa sa araw na ito ay hindi nagsasabing
dapat tayo mamili at sumanib kay Marta o kay Maria, o kay Abraham at kay Sara.
Simple lamang ang buod ng tatlong pagbasang ito … Kung ang Diyos ang
pag-uusapan, dapat ay ang pinakamaganda ang nararapat … ang pinakamagandang mga
pinggan, baso at kubyertos … ang pinakamatamang pakikinig sa kanya at ang wagas
na pagkilala sa kanya bilang Diyos.
Sa unang pagbasa, hindi lamang tatlong lalaki ang dumating,
kundi isang pangitain … isang pagpapahayag at pagpapahimakas ng Diyos na iisa,
nguni’t tatlong Persona. Nakita ni Abraham at Sara ang “pangitain” ng tatlong
hindi ordinaryong bisita. At sila ay nagbigay ng karampatang pagtanggap sa
pangitaing yaon.
Nakita rin ni Pablo ang katotohanan na nasa kanyang harapan … “ang hiwaga na mahabang panahong nalihim sa
maraming sali’t saling lahi, ngunit ngayo’y inihayag sa kanyang mga anak.”
Nakita rin ni Marta, kung kaya’t naging abala, naging
alligaga sa paglilingkod. Tumpak at tama ang kanyang ginawa. Pero nakita rin at
nakilala ni Maria, kung kaya’t naging aligaga rin siya sa pakikinig at
pakikisalamuha at pakikipagniig.
“Panginoon” ang ginamit na tawag ni Marta kay Jesus. Nakita
niya at nakilala niya na ang kanyang bisita ay Diyos, tulad nang nakilala nina
Abraham at Sara ang Diyos sa katauhan ng tatlong lalaking dumating sa kanilang
bahay.
Dapat tayong matutong maging mga GRO …mga taong marunong
GUMAWA kapag Diyos ang nasa ating harapan; mga taong handa ring RUMAMPA kapag
Diyos ang ating bisita … mga taong handa ring maging OKRAY kung kailangan, kung
ito ay ikaluluwalhati ng Diyos, tulad ng ginawa ni Maria, na nagpakasasa sa
salita at pangaral ng Panginoon, habang ang kanyang kapatid ay rumarampa naman
sa kusina.
Hala, tayo nang gumawa, rumampa at ialay ang ating
Obra-maestra para sa Diyos! Dumating na Siya. Dumarating pa. At darating pang
muli sa buhay natin.
No comments:
Post a Comment