Friday, June 28, 2013

BIDA O BALIW?


Ika-13 Linggo ng Taon K
Hunyo 30, 2013

BIDA O BALIW?

Sino kaya sa kanila ang baliw? Andyan si Eliseo, na may angking yaman at kakayahan …. Hindi biro ang magkaroon ng 12 pares na toro bilang pang-araro. Wala akong kilalang magsasaka sa ating bayan na nagpapasasa sa hayop na alagain at hayop na tagapag-araro. Pero si Eliseo, na may pag-aaring ganitong karaming toro ay tila nakulam at biglang naisipang katayin ang lahat ipanggatong ang mga pang-araro. Hindi lang yan … naghanda pa siya at ipinaluto ang mga toro para sa handaan.

Eto pa ang isa … Si Saulo antemano ay isang tagapag-usig ng simbahan. Naglalakbay siya noon patungong Damasco nang biglang may nakitang pangitain. At ito ang matindi … para siyang natikbalang … nabulagan subali’t may pangitaing natunghayan, kung kaya’t para siyang buwang na biglang nagbago ang tugtugin at biglang nabago ang simoy ng hangin.

Sino kaya sa kanilang dalawa ang baliw?

Ito naman ang mga pinahahalagahan ng mundo …mga macho … mga taong hindi nagpapalamang at hindi papayag na sila ay inaapi. Si Santiago at si Juan ay hindi handang magbigay ng “inch” sa mga taong walang pagtanggap sa kanilang guro. Sa kanyang huling paglalakbay patungo sa Jerusalem, nagdaan ang Panginoon at ang mga alagad sa Samaria. Dito sa lugar na ito ay hindi mataas ang survey ratings ng Panginoon. Hindi siya tinanggap ng mga tao, at walang mga balabal na inilatag sa kanyang daraanan.

Dalawang macho ang hindi nasiyahan … dalawang taong hinahangaan ng ating lipunan ngayon … mga taong handang makipagbasag-ulo at maghiganti. Sa pagkabatid nilang walang mga sumalubong at tumanggap, tinanong nila ang Panginoon: “Payag ba kayong magpababa kami ng apoy mula sa langit upang pugnawin sila?”

Sino kaya sa kanilang apat ang baliw?

Sa mundong kilala natin ngayon, baliw ang tumalikod sa sarili. Baliw ang magpalamang. Baliw ang mahina at mahinahon. Baliw ang may sinusunod na guro at walang sariling palakad ng isipan at kalooban. Baliw si Saulo na naging Pablo nang tinalikuran niya ang pagiging tagapag-usig ng mga kristiyano.

Bida ang mga matatapang at walang awa, ang mga taong walang habas na nagpapahirap sa buhay ng kapwa, ang mga nilalang na handang isaisang-tabi ang karapatan ng mahihina, mga walang malay, mga sanggol sa sinapupunang walang kakayahan sumigaw ng “bakit?” at “huwag po!”

Subali’t sa araw na ito, si Eliseo ang bida, hindi baliw. Si Pablo ang itinatampok, hindi bilang isang buwang, kundi isang bayani ng paghahanap ng tunay at wagas na katotohanang lamang sa katotohanan ng mundo.

Sa halip na batas ng mundo ang dapat sundin, ang turo ni Pablo ay ang batas ng kalayaan, ang batas ng Espiritu, sa halip na pita ng laman. Sa halip na pahalagahan ni Eliseo ang kanyang mamahaling mga toro, dinispatsa niya ang lahat nang makita niya ang landas na itinuro sa kanya ni Elias na kanyang guro. Sa halip na sang-ayunan ni Jesus ang dalawang mainitin ang ulo, ay tinuruan niyang sumunod patungo sa Jerusalem, patungo sa kamatayan sa krus. “Hindi ninyo alam kung anong uri ng espiritu ang sumasainyo, sapagka’t naparito ang Anak ng Tao, hindi upang ipahamak ang mga tao kundi upang iligtas sila.”

Bida ba tayo o baliw? Tulad ba tayo ni Eliseo, ni Pablo o ng dalawang disipulong sa simula ay nag-asal macho at nag-asal mapaghiganti?

Isang paghamon ang hatid sa atin ngayon ng Panginoon: “Sumunod ka sa akin.” Tulad ng taong nagsabing handa siyang sumunod, tayo man ay nadadala minsan sa magarbong pananalita. Ngunit kaya mo bang magpakabaliw tulad ng Panginoon? “May lungga ang asong gubat at may pugad ang ibon, ngunit ang Anak ng Tao’y wala man lamang matuluyan o mapagpahingahan.”

Baliw ang umurong. Bida ang magpatuloy. Baliw ang tumanggi sa biyayang tiyak at sa kaligtasang walang kaduda-duda. Bida ang sumunod sa kabila ng ganitong mga pananalita: “Ang sinumang nag-aararo at palaging lumilingon ay hindi karapat-dapat sa paghahari ng Diyos.”

Panahon na upang maging bida at baliw … tulad ni Eliseo, Pablo, Santiago, Juan, at ang Panginoon. Kanino ka pa?


No comments:

Post a Comment