Ika-15 Linggo Taon K
Hulyo 14, 2013
NASA INYONG BIBIG; NASA INYONG PUSO
May nagsabing ang tao daw ay may dalawang tainga at isang
bibig, para tayo raw ay makinig nang higit kaysa sa magsalita. Sa ganang akin,
hindi problema ang magsalita, kahit gaano kalimit, at gaano karaming beses. Mas
malaking problema sa akin ang walang pandinig. Ang mga bingi, kalimitan ay
masyado malakas magsalita. Hindi nila siguro naririnig ang sarili nila kaya,
bukod sa dakdak nang dakdak, ay napapalakas pa ang kanilang salita.
Ayon sa unang pagbasa, ang salita raw ng Diyos ay nasa bibig
na natin, pero hindi lang ito … nasa puso rin natin. Nasa kaibuturan kumbaga ng
ating buong pagkatao. Ang salita ng Diyos, kumbaga, ay hindi lamang pambibig;
pampuso rin. Ang salita ng Diyos ay hindi lamang para bigkasin, kundi bunga rin
ng simulain ng hangarin at pag-ibig.
May katotohanan ito para sa maraming Pinoy (Finoy?). Marami
sa atin ang aral sa katesismo. Marami sa atin ang binyagan sa simbahan, o
nakapag-aral sa paaralang katoliko. Ito ang totoo. Ngunit totoo rin na marami
ang aral nga, nguni’t hindi babad sa tunay na pananampalataya. Maraming
katoliko ay walang iniwan sa bakal na tubog lamang sa ginto … mababaw, pahapyaw
at panglabas lamang ang pagiging mananampalataya.
Bakit ko nasabi ito? Kayo na ang humusga. Kanya-kanya ang
marami sa kanilang paniniwala. Kanya-kanyang pili sa kung ano ang dapat nilang
lubos na sundin, tulad ng naganap kamakailan sa mga usaping may kinalaman sa RH
law. Parang mga eskperto ang lahat na nagsasabing “dapat magising na ang
simbahan sa makabagong panahon,” o kaya, “masyadong pakialamero ang simbahan sa
mga pampribadong gawain ng tao,” at iba pang mga palsong mga panukala.
Nang panahon ni Moises, ang mga umangal tungkol sa batas ng
Diyos ay aral din, kumbaga. Lahat sila ay iniligtas mula sa pagka-alipin sa
Egipto. Lahat sila ay kumain ng mana sa ilang. Lahat sila ay umangal nang sila
ay nasa estado ng pagka-alipin. Pero sa gitna ng kalayaan, madaling lumimot ang
tao. May higit pang hanap, mag higit pang gusto, at may higit pang nasa. Pati
ang pagiging malapit nila sa Diyos sa ilang ay nagmistulang isang pagka-alipin.
Nguni’t ito ang katotohanan. Ang paniniwala ay may kaakibat
na pananagutan at panunungkulan. Ang pananampalataya ay dapat may kaakibat na
gawa. Ang lahat ng credo ay may kasamang codigo. Kung tayo ay may pagturing sa
Diyos ay mayroon rin dapat sinusundang tuntunin. Ito ang kahulugan ng ating
tugon matapos ng unang pagbasa: “dumulog tayo sa Diyos, upang mabuhay nang
lubos.”
Sa ebanghelyo, ilang tao ang nag-asal malaya. Dumaan at
lumampas lamang sa isang taong lubhang nangangailangan ng tulong. Malayo sila
sa biglang wari subali’t alipin sila ng kanilang mismong kalayaan. Tanging isa
lamang ang tunay na malaya – ang marunong tumanaw sa kanyang tungkulin sa
ngalan ng kawang-gawa o pagmamahal sa kapwa.
Mahirap sumunod sa mga utos at kalooban ng Diyos. Pero ito
ang tuntunin ng buhay na nakatuon sa tunay at wagas na kalayaan. Mahirap ang
sumunod sa batas ng Diyos, pero ito ang daang naghahatid sa tunay at walang
maliw na kalayaang panloob. Mahirap ang tumugon sa tawag ng katarungan at
pag-ibig sa kapwa, pero ito lamang ang naghahatid sa buhay na ganap at
kaaya-aya para sa lahat.
Mahirap ang magpakabuti at magpakabanal. Mas madali ang
sumunod sa agos, ang mamuhay nang walang pansin sa mga lubhang nangangailangan –
ang tumingin na lamang sa kabilang bahagi, ang umiwas sa tama, at makapag
patintero sa wasto at karapat-dapat. Mas madali ang magpadala sa kalakaran, sa
takbo ng isipan ng nakararami.
Mahirap ang maraming tao at maraming gusgusing bata sa
kalye. Mas madali ang putulin ang kakayahan nilang dumami, kaysa tustusan ang
kanilang edukasyon, at turuan ang tao na tumahak sa landas na kakaunti ang
dumaraan. Mahirap ang masabit sa tungkuling hindi naman iyo, kundi tungkulin ng
tunay na mayayaman at nanggigitata sa pera.
Ito mismo ang ginawa ng saserdote, at ng Levita. Huminga ng
malalim, kumurap, at nagpatuloy. Ito ang madaling gawin. Mahirap na ang masabit
pa.
Aminin natin … sa maraming bagay sa buhay natin, alam natin
ang tama at wasto at dapat. Iisa lamang ang kulang nating gawin – ang humayo
tayo’t ganuon din ang gawin natin. Nasa ating bibig; nasa ating mga puso …
No comments:
Post a Comment