LINGGO NG PENTEKOSTES (K)
Mayo 19, 2013
TIPON, TIPAN, TUPAD!
Maraming nagaganap kapag nagkakatipon ang mga tao, kung ano
man ang dahilan. Noong dumami nang dumami ang tao sa EDSA noong 1986, isang
milagro ang naganap. Ang hindi natin maisip-isip na puedeng mangyari ay
nangyari.
Ang mga disipulo ay nagkatipon-tipon din, pero dahil sa
isang dahilan … takot sila sa mga maykapangyarihan noon, matapos ipapatay ang
kanilang pinuno. Pero ang Diyos ng tipan ay may balak sa kanilang pagtitipon.
Tulad nang naganap nang paulit-ulit sa Lumang Tipan, ang katipunan ng mga
nanghihinawa at natatakot na mga disipulo ay tumanggap ng isang panibagong
tipan.
Ito ang naganap na milagro. Tingnan natin kung ano ito …
parang gancho na dalawa ang talim. Sinabi ayon sa Kasulatan na ang mga
disipulo, matapos tumanggap ng kaloob ng Espiritu Santo ay nakapagsalita ng
iba-ibang lenguahe. Pero sinabi rin na ang lahat ng nakikinig sa kanilang
pangaral ay naka-intindi sa kanila sa kani-kaniyang salita. Alin ba sa dalawa?
Aking sagot? Pareho! Para lamang isang
kampit na magkabila ang talim … matalas … nanunuot sa kalamnan … matalab!
Itong milagrong ito ang dapat siguro maganap muli sa atin.
Nagkakatipon tayo ngayon sa maraming paraan, tulad ng pagtitipong ito. Tuwing
may darating na artistang tanyag, nagtitipon tayo, tulad ng naganap sa MOA at
sa SM Aura … tinipon ni Vin Diesel ang maraming taga-hanga, at ganun din ang
ginawa ni Sarah Jessica Parker. Nagtipon tayo noong isang Linggo para sa
halalan, bagama’t marami ay sapagka’t umasa sila ng pabuya o “bayad” sa
kanilang boto … napakasakit Kuya Eddie!
Ngayon ay nagtitipon tayo sa simbahan. Sumasamba. Sumasamo.
Sumasambit ng banal na ngalan ng Diyos. Tipon ang tawag dito.
Pero, sandali lang … ano ba ang tipan? Ano ba ang kasunduan?
Ano ba ang dapat gawin dito? Masakit man aminin, dito tayo kulang. Bihasa tayo
sa tipon, nguni’t kulang na kulang sa tipan. Magaling tayo sa samahan, pero ang
inuuwi ang kasamaan, kalimitan. Magaling tayo tumanaw ng utang na loob, kahit
na ang tinatanaw nating utang na loob ay galing rin sa kaban ng bayan, o
tungkulin nila antemano.
May dapat tayong alalahanin sa pagtitipong naganap sa araw
ng Pentekostes. Lumabas sila at nangaral. Humayo sila at pinairal ang tipanan
ng Diyos at tao. Bagama’t lahat, tulad natin ay nahahati sa iba-ibang grupo,
namayani ang pagiging bahagi ng iisang katawan ni Kristo. Bagama’t lahat, tulad
rin natin ay binabagabag ng pita ng laman, namaulo ang panawagang mamuhay ayon
sa Espiritu at mamuhay nang hindi nagugumon sa pita lamang ng laman.
May oras para sa tipunan. May oras para sa tipanan. Nguni’t
may oras rin para sa tuparan. Kailangan ng katuparan ng katipunan at tipanan.
Hindi araw-araw ay inuman lamang at samahan. Kailangan ng katuparan.
Tapos na ang halalan. Tapos na rin dapat ang sisihan. Balik
sana tayo sa tipunang banal at tipanang banal … dito sa simbahan at sambahan,
dito sa banal na samahan – sa ngalan ng Diyos ng tipan, at Diyos ng pangako at
Diyos ng katuparan!
Tinanggap natin ang Espiritu. Tinanggap natin ang Kanyang
kaloob. Ito ay isang kapangyarihan mula sa itaas. Maghari nawa ito at matupad …
maganap … maisakatuparan.
Espiritung ng kalakasan, Espiritu ng pagbabago, Espiritu ng
kapangyarihan mula sa itaas, papagningasin mo nawa kami, tungo sa tipuna, tungo
sa tipanan, at higit sa lahat tungo sa katuparan!
No comments:
Post a Comment