PAG-AKYAT SA LANGIT NG PANGINOON (K)
Mayo 12, 2013
INIAKYAT, UMAKYAT, MAGPASALAMAT!
Sa biglang wari, sa makataong pananaw, talunan ang Panginoon
sa kanyang pagkamatay sa krus. Talo ang mapatay sa huli, at panalo ang mga
nagpakana ng kanyang paghihirap at pagkapako sa krus … Ito ay sa makataong
pananaw natin.
Subali’t sa maka-Diyos na pananaw, ay hindi ito ang huling
kabanata ng kasaysayan ng kaligtasan. Sa araw na ito, makaraan ng 40 araw, ang
Panginoon ay umakyat, iniakyat sa Langit, upang lumuklok sa kanan ng Diyos Ama
sa kanyang kaharian.
Una sa lahat, tiyakin natin … iniakyat ba siya o umakyat?
Karaniwan nating sabihin sa simbahan na ang Panginoon ay umakyat sa langit sa
araw na ito. At kasabihan at turo naman natin na ang Mahal na Birhen ay iniakyat
sa langit (assumption). Alin ba ang tama?
Pareho. Si Jesus ay umakyat sa langit, sa ganang kanyang
kapangyarihan bilang Diyos. Si Jesus ay iniakyat rin sa langit sa ganang
kanyang kalikasan bilang taong totoo, at Diyos na totoo. Si Jesus, bilang Diyos
at tao ay may kaloobang maka-Diyos at kaloobang maka-tao, bagama’t iisa, at
tanging iisa lamang ang kanyang persona, ang ikalawang persona ng Diyos.
Magulo ba? Wag mo nang kultahin ang utak sa malalim na
Cristolohiyang ito. Sapat nang paniwalaan natin na ang Diyos ay nagwagi laban
sa kamatayan … na ang Diyos ay panalo laban sa kasalanan, at sa lahat ng anumang dulot ng kasalanan – ang lahat ng
uri ng kadiliman at kawalang-katiyakan sa mundo.
Magulo ang mundo natin … magulo rin ang ating halalan. Wala
akong kaliwanagang nakikita kung patuloy pa rin na sila at sila rin lamang ang
mga namumuno sa atin – mga buo-buong pamilya, mga angkan, na waring sila lamang
ang may kakayahang “maglingkod” sa bayan. Magulo ang estado ng katotohanan, na
laging nababaligtad depende kung sino ang may malaking bayad sa naghahawak ng
micropono.
Subali’t kung mayroong mahalagang pangaral sa atin ang
pag-aakyat o pag-akyat ng Panginoon sa langit at ito … hindi kailanman
naglalaho ang pag-asa. Ang kanyang paglisan sa mundo ay di pag-iiwan sa ating
nabubuhay pa sa daigdig. Ang kanyang pagtaas sa kalangitan ay pagtaas rin ng
ating pag-asa.
Pero, gusto ko sanang bigyang-pansin ang pagtaas. Hindi ito
pagtaas sa karangalan at kayabangan. Sa halip, ang pagtaas ni Kristo sa
kaluwalhatian ay dapat magbunga ng pagbaba natin sa tunay na kasimplehan o
kapayakan bilang tao. Ang kanyang pag-angat sa luwalhati ay pagbaba natin sa paghahanap
ng karangalang makamundo.
Totoo na “habang umaakyat ang Panginoon, ang tambuli ay
tumutunog,” tulad ng sinagot natin matapos ang unang pagbasa. Pero para sa
atin, ang kanyang pag-akyat at naghatid naman sa atin sa pagpanaog – sa kababaang-loob.
Tulad ng sinabi ni Pablo, “Nawa’y liwanagan ng Diyos ang inyong mga isip upang
malaman ninyo ang ating inaasahan sa kanyang pagkatawag sa atin.”
Ang ating inaasahan … ang buhay na walang hanggan, na hindi
para sa lupang ibabaw.
Marami ang nag-aasam umangat, umakyat, at makarating sa
matataas na posisyon sa lipunan. Marami ang gustong mahalal at manatili sa
pwesto, kahit buong pamilya na nila ay nasa pwesto na nang matagal.
Ang paglisan ni Jesus sa mundong ibabaw ay tanda ng
kababaang loob. Sa kanya ay karapat-dapat lamang na maluklok sa kanan ng Ama.
Ika nga, kung di ukol, ay di bubukol.
Iniakyat, umakyat? Alin ang tama? Pareho. Pero hindi ito ang
mahalaga … Ang mahalaga ay ito … Sa kanyang pag-akyat, tayo naman ay dapat
bumaba, magpakumbaba, lumuhod at magpasalamat. Tayo rin, balang araw, sa tamang
panahong itinakda ng Diyos, ay may karapatang mapasama sa mga umaawit ng papuri
sa Diyos sa langit na tunay nating bayan. Amen.
No comments:
Post a Comment