Ika-apat na Linggo ng Taon K
Marso 10, 2013
Mga Pagbasa: Josue 5:9a, 10-12 / 2 Cor 5:17-21 /Lucas
15:1-3, 11-32
TINGNAN AT TIKMAN!
Malaki ang nagagawa ng presentasyon sa pagkain. Kapag may
kulay, may kaayusan, at nakalagay sa magandang bandeha o bulusan, sumasarap ang
pagkain. Bago natin tikman, tama lang na tingnan muna, diba? Sa mga Pinoy tulad
natin, may ikatlo pa … hindi natin kakainin ang mangga o tsiko hanggang hindi
natin muna inaamoy. Ang langka, ang atis, ang mabolo, at pati litson galing
Cebu o Iloilo o Cagayan de Oro … inaamoy natin, tinitingnan natin, saka
tinitikman!
Ang unang pagbasa ay may kinalaman sa kasayahang dulot ng
pagkain, at ang pagsasalo ng pagkain bunsod ng kasayahan. Bakit nga ba? Tingnan
natin: “Inalis ko ngayon ang kahihiyan ng pagkaalipin ninyo sa Egipto.” Sino
nga ba ang hindi matutuwa nito? Hinango sila sa kahihiyan! At sino sa inyo,
vamos a ver, ang hindi maghahanda dahil sa naahon kayo sa kahihiyan?
Ngayong malapit na naman ang mga gradwesyon, a ver, sino sa
inyo ang hindi maghahanda man lamang ng litsong manok, o Chooks-to-go? Pag
masaya, may kainan; pag may kainan (at inuman) ay masaya!
Pero higit pa rito sa sa mababaw na kainan ang dahilan ayon
kay San Pablo. Aniya, ang sinumang naging bago ay dapat lamang magsaya: “Ang
sinumang nakipag-isa kay Kristo ay isa nang bagong nilalang. Wala ang ang
dating pagkatao; siya’y bago na.” O di ba? Pag may bago kayong celfon, di ba
masaya? Pag may bago kahit man lang Bench T-shirt, sino ang hindi masaya? Eh,
iyon pa kayang pinagbago tayo ng Diyos nang kabuuan, sa kaibuturan, sa
kaluob-looban ng ating pagkatao?
Pwes, simple lang ang kwento natin ngayon. Pag bago, masaya.
Pag masaya, may kainan, may katuwaan, at lahat ay nakangiti!
Teka … pero sa kwento sa ebanghelyo, may iba-ibang asal ang
nakita natin. Nanduon ang batang kapatid, hindi makahintay mag-good time …
Buhay pa ang tatay ay kinubra na ang kanyang mana. Sadya yatang may mabait na
tatay sa mundo … walang dalawang salita … walang dalawang isip … kapagdaka’y
binunot ang pinakatago-tagong special deposit sa bangko (wala na ngayong time
deposit … hindi na uso … walang kita!). Kagya’t lumayas … nagliwaliw at inubos
ang datung!
Ayon, nang mauntog sa ulo ay natauhan … nahabag sa sarili
nang darak na lamang ang kanyang kinakain. Nagbalik-loob, at lumuhod sa ulirang
ama. Aba! At nag painom pa mandin ang tatay na mapagpatawad … naghanda ng
litsong baka at lahat.
At dito pumasok ang kwento ng tampo, ng inggit, ng
nagkukubling galit … mula sa nakatatandang kapatid. Masasaya ang lahat; pero
ang may sakit sa puso at ulo, ay may sakit rin sa puson, sa tiyan … hindi
matunaw ang kanyang galit at tampo … akala nyo ba matutunawan rin siya sa
kanyang kakainin?
Napakayaman ng pagbasa sa Linggong ito … at napakahirap
bigyang lagom sa sampung minutong paliwanag. Sapat na sigurong tanungin natin
ang sarili natin … may balakid ba sa puso natin upang magsaya? May balakid ba
sa pangkatao natin upang, dahil sa pagsasaya ay matuto tayong makibahagi sa
kainan, at makiisa sa mga nagpapasalamat din at nagsasaya?
Nakita ng mga Israelita ang biyayang dakila na sinapit nila.
Naiahon sila sa kahihiyan. At sila’y nagkainan, hindi ng mana, kundi ng tunay
na pagkain, mga bunga ng kalupaan! Tiningnan rin ni Pablo ang dakilang kaloob
ng pagbabago mula sa Diyos. At ang tiningnan ay nagbunsod sa kanya upang
matikman ang kagandahang loob ng Diyos.
Tingnan … Alin? Ang mga biyayang nasa atin na ngayon. Huwag
hayaang ang tampo o galit ay maging balakid sa ating wastong pagtingin, wastong
pagkakita.
Sa Misang ito, wag lang tingnan, wag lang dinggin … tikman
ang kagandahang loob ng Diyos sa pamamagitan ni Kristong nag-alay ng kanyang
katawan at dugo. Buksan ang mga mata … palitan ang lente ng camera … alisin ang
macro at palitan ng wide angle, upang makita ang lawak ng panorama, ang lawak
at lalim ng pag-ibig ng Ama, na siyang tunay na alibugha sa pagpapatawad at
pagmamahal sa ating kanyang mga anak na makasalanan!
Hali! Wag nang patumpik-tumpik pa … Tingnan at tikman ang
pag-ibig ng Diyos!
No comments:
Post a Comment