Friday, March 15, 2013

MG LUMANG PLAKA; MGA BAGONG AWITIN


Ikalimang Linggo ng Kwaresma (K)
Marso 17, 2013

Mga Pagbasa: Is 43:16-21 / Phil 3:8-14 / Jn 8:1-11

MGA LUMANG PLAKA; MGA BAGONG AWITIN

Hindi na alam ng mga bata ang plaka. Hindi na rin nila nainintindihan ang kasabihang sirang plaka. Kasama ng mga casette tapes, at ng mga Walkwan, nabibilang na ito sa mga lumang dapat nang ibaon, ika nga, sa pagkalimot. Pero, ayon sa ating karanasan, maraming mga mapait na bagay ang hindi natin nalilimot agad-agad.

Ang mga pagbasa ngayong araw na ito ay pawang may kinalaman sa pagbabago, sa pagwawaksi ng luma, at sa pagharap sa bago. Sa unang pagbasa, nakatuon ang ating pansin sa bagong daan sa disyerto at sa mga ilog sa ilang. Pangako ng Diyos sa kanyang bayan na siya ay gagawa ng paraan, at maglalaan ng daan, at gagawa ng mga bagong bagay para sa kanyang bayan.

Pati si San Pablo sa ikalawang pagbasa ay nakatuon ang isipan hindi sa mga lumang karanasan, kundi sa mga darating pang mga dakilang bagay. Ito ang kaligtasan na dulot sa ngalan ni Kristo.

Subali’t sa ebanghelyo natin nakita ang tunay na bago – ang isang bagong pamamaraan upang harapin ang isang suliraning dulot ng mga tampalasang ang hanap ay ihulog sa patibong ang Panginoon.

Sa buhay natin, malimit tayong manatili sa mga lumang pamamaraan. Marami sa atin ang hindi kayang magtapon ng lumang bagay, mga lumang larawan, o lumang gamit sa bahay, kahit hindi na napapakinabangan. Pati ako ay nakikinig pa rin sa mga lumang awit, lumang tugtugin, o retro ang tawag – oldies but goodies! Merong mga taong hindi kayang limutin ang mga masamang nagawa ng iba sa kanila. Dala-dala nila habang buhay ang mga pasakit, ang mga mapapait na karanasan, mga lumang plaka, ika nga.

Sa araw na ito pawang bago ang dapat nating bigyang-pansin, ayon sa mga pagbasa. Ang mga lumang plaka ay dapat maging mga bagong awitin ng puso – puno ng pag-asa at paghahangad sa kung ano ang dapat bigyang-halaga.

Sa panahon natin, madali sa atin ang humusga at manggamit ng tao para sa ating sariling layunin. Tulad ng ginawa ng mga Pariseo na kinaladkad pa ang babae sa harapan ni Jesus, para lamang masubukan siya at lansihin. Hindi nila pakay ang gawan ng hustisya ang sino mang naapi, kundi upang hulihin ang Panginoon sa kanyang sasabihin, at ihabla o ideklarang isang ereje.

Kung minsan, pati tayo ay nalalansi ng makaluma, ng mga bagay na wala nang silbi. Kung minsan, tayo ay patuloy na nakakulong sa mga nagdaang karanasan, at hindi tayo makabangon sa isang panibagong umaga. Kung minsan rin, ang ating pag-asa ay tila nalulukuban ng isang kalungkutang may kinalaman sa mga lumang plaka at lumang tugtugin – mga kagawian at kaugaliang hindi na natin mabago at naglulubog sa atin sa isang kawalan ng tiwala o paniniwala na magbabago pa rin ang lahat.

Ito ang malinaw na turo ng liturhiya sa araw na ito. Huwag mahirati sa luma. Huwag masanay sa lumang bagay at ituon ang mata sa mga bagong dumarating at darating pa. Ano ba ang bagong ito?

Si Pablo ang may malinaw na larawan kung ano ang bagong ito. At ito ay walang iba kundi ang lisanin ang lumang plaka ng ating buhay, ang mga kagawiang makasalanan at malayo sa kalooban ng Diyos at harapin ang bagong hangarin – ang dakilang adhikain na tumugon at tumalima sa panawagan ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo.

Hindi na uubra ang mga lumang plaka. Dapat dito ay mga bagong awitin ng pag-asa at panibagong buhay.

Kaya ba natin ito? Oo. Ayon mismo sa ating sinagot matapos ng unang pagbasa: “Gumawa ang Diyos ng mga dakilang bagay para sa atin; puno tayo ng kagalagan”

No comments:

Post a Comment