Ikatlong Linggo ng Kwaresma Taon K
Marso 3, 2013
Mga Pagbasa: Ex 3:1-8a, 13-15 / 1 Cor 10:1-6, 10-12 / Lucas
13:1-9
MAGBUNGA O PUTULIN!
Medyo mahirap intindihin ang ebanghelyo sa araw na ito. May
halong konting tila pananakot, subali’t may hibla rin ng katotohanan. Sino ba
sa atin ang hindi umasa na magbunga ang pagsisikap natin, anuman iyon? Sino sa
atin ang hindi umasang tumanggap ng magandang grado, lalu na’t pinagpuyatan
natin ang aralin? Sinong magsasaka ang hindi naghanap ng bunga matapos gawin
ang lahat para itanim at palaguin ang bungang-kahoy?
Lahat tayo ay may ideya kung ano ang pagtitimpi. Sa
dinami-dami ng mga kabulastugang nagawa natin noong bata, di ba’t hanga tayo sa
mga magulang na nagtimpi, nagtiis, at nagpigil ng sarili upang tayo ay mamulat,
matuto, at mapalaki nang tama? Sino sa atin ang hindi humanga sa ating magulang
na isusubo na lamang nila at sukat ang pagkain, ay ibibigay pa sa atin? Sino
ang hindi natuwa na tayo ay pinagpasensyahan, at pinagbigyan sapagka’t tayo ay
bata lamang?
Ang lahat ng ito ay may katotohanan at may kinalaman sa
buhay natin. Matiisin ang Diyos … mapagtimpi … mahinahon … at hindi
pabigla-bigla.
Dalawang bagay ang tila paalaala sa atin ng ebanghelyo
ngayon. Una, matapos ikwento ang nangyaring malagim sa mga Galileo na pinaslang
ni Pilato, at sa 18 kataong nadaganan ng bato sa Siloam, isang babala ang turo
sa atin … na kung hindi tayo magbabalik-loob ay malamang na sapitin rin natin
ang sinapit nila. Ikalawa ay galing sa puno ng igos. Dapat raw magbunga, at may
hangganan ang paghihintay.
Nakatatakot … nakababahala … pero totoo at makahulugan,
bilang isang paalalang dinaan sa isang uri ng golpe de gulat.
Pero di ba totoo rin na tayo ay pasaway? Di ba totoo rin na
sa kabila ng paulit-ulit na trahedya ay patuloy pa rin ang pagwasak natin sa
kalikasan? Di ba totoong kahit na naganap na ang Ondoy at Sendong at Pablo …
ang Ormoc, ang Ginsaugon, Leyte, at ang Cherry Hills Subdivision ay patuloy pa
rin tayong nagwawalang bahala? Di ba totoong tayo ay maigsi ang alaala, at
madaling lumimot?
Pwes! Ang araw na ito ay puno ng paalaala, kahit na sa
pamamaraang golpe de gulat. Ang lahat ay may hangganan. Pati nga ang salop ni
Fernando Poe Jr ay pag napuno ay kinakalos. Ang lahat ay may katapusan. Pati
nga mga eroplano sa America ay nagreretiro sa disyerto ng Mojave sa Nevada.
Pati mga mahinahong tao ay nabubugnot rin, at nauubusan rin ng pasensya.
At ito ang mahalagang pagunita sa atin … Mahinahon ang
Diyos. Matiisin. Mapagtimpi at mapagpatawad. Pero nagsasawa rin ang may arin ng
puno ng igos, kung walang bungang dulot at hatid.
Pumapatak ang metro ika nga. Dumadaloy ang panahon, at pati
mga ilog ay natutuyo at pati mga halaman ay nagpapahinga rin, kumbaga.
Iisa ang diwang pagunita ng lahat ng ito sa atin. May
hangganan ang lahat. At ang buhay ng tao ay may wakas. May pagsusulit at
pagtutuos. Hindi araw-araw ay pasko, sabi nga.
Siguro ay tama lang na ating isaisip ngayon at sa lahat ng
araw ng kwaresma …
Magbunga o putulin! Anong bunga ang nakikita sa buhay natin?
No comments:
Post a Comment