Wednesday, February 20, 2013

MANALIG, TUMULAD AT MAKINIG


Ikalawang Linggo ng Kwaresma (K)
Pebrero 24, 2013

Mga Pagbasa: Gen 15:5-12, 17-18 / Fil 3:17 – 4:1 / Lucas 9:28b-36

MANALIG, TUMULAD, AT MAKINIG

Pananalig ang nilalaman ng mga pagbasa ngayon. Sa unang pagbasa, muli tayong pinakitaan ng kung ano ang pananalig – ang paniniwala sa pangako ng Diyos na binitiwan kay Abram. Kung gaano raw karami ang bituin sa langit, ay ganoon din ang kanyang magiging angkan. Sa pagsunod ni Abram ay isang dakilang kasunduan ang naganap: “Nangangako ako na ibibigay sa lahi mo ang lupaing ito, mula sa hanggahan ng Egipto hanggang sa ilog Eufrates.”

Pero sinumang may sabing ang pagsunod sa Diyos ng pangako ay isang parang paglalakbay sa ilalim ng buwan ay hindi nauunawaan ang tunay na buhay. Malayo ito sa katotohanan. Kapag ang Diyos ang tumawag, ay laging may kapalit na halaga, may kabayaran, nguni’t mayroon ring dakilang gantimpalang naghihintay.

Ito naman ang turo ni Pablo sa ikalawang pagbasa. Hindi gaanong kadali ang sumunod sa Diyos, hindi katulad ng “tuwid na daan,” na kung ipagmakaingay sa mga talumpati ay parang napakadaling isagawa. Pero hindi ito ang sinasabi ni Pablo na nagwika: “magpakatatag kayo,” aniya, “sa inyong pamumuhay na nakaugnay sa Panginoon.”

Ito naman ang tanong natin: May karapatan nga ba si Pablo mangaral nang ganuon? Sa palagay nyo ba hindi pa sapat na siya ay makulong, na siya ay hagupitin, at makaranas ng ilang sakuna sa karagatan? Hindi pa ba ito sapat na patunay na nalalaman ni Pablo ang kanyang mga sinasabi tungkol sa paghihirap na pinagdadaanan ng tagasunod ng Diyos? Ano pa ang kabuluhan ng kanyang paanyaya sa lahat: “Magkaisa kayong tumulad sa mga halimbawang ipinakita ko sa inyo.”

Dumako naman tayo sa buhay natin ngayon. Tayong mga Katoliko, at kayong mga nagsisibasa nito ay nagdadaan sa napakaraming pagsubok. Huwag lang kayo manindigan sa katotohanang turo ng simbahan at kayo’y kagya’t makakaranas ng sari-saring batikos at pangungutya. Subukan ninyong mangaral o magwika lamang sa panig ng Simbahan, at paniguradong kayo ay pagbibintangan ng pagiging tuta ng Santo Papa, o naniniwala sa isang banyagang bansa na pinamumunuan ng Santo Papa sa Roma. Idipensa ninyo ang buhay sa sinapupunan at kayo ay dagling tatawaging makaluma at laban sa agham at sa paglaganap ng lipunan. Ang higit na masahol ay ito pa … mga tuta kayo diumano ni Damaso.

Ano ang bunga ng lahat ng ito? Mahirap ngayon manalig. At lalong mahirap panindigan ang pananalig. Mahirap rin ang manatiling gising, tulad ng naranasan ng tatlong disipulo – sa tuktok ng bundok. Mahirap ang manalangin sa gitna ng samut-saring mga pagsubok. Pero dito naganap, sa konteksto ng panalangin, ang dakilang tanda na siya rin nating inaasam, hinihintay, at balang araw, ay makakamit, ayon sa pangako ng Diyos.

Nagbagong anyo si Kristo, at natunghayan nila ang luwalhating sa kanila rin ay nakalaan, sa ating lahat na sumasampalataya.

Ano ngayon ang dapat nating gawin? Sa mga sandaling ito na inuusig ang pananampalataya natin, iisa ang tinutumbok ng tatlong pagbasa … Manalig tulad ni Abram … tularan ang halimbawa ni Pablo at magpakatatag … Higit sa lahat, matutong makinig … matutong tumalima … “Ito ang aking Anak, ang aking hinirang. Siya ang inyong pakinggan.”

No comments:

Post a Comment