Ikalimang Linggo ng Taon K
Febrero 10, 2013
Mga Pagbasa: Isaias 6:1-2a.3-8 / 1 Cor 15:1-11 / Lu 5:1-11
IKAW NA, PROPETA; WALA NANG IBA!
Kapag sumagi ang takot, mahirap kumilos; mahirap gumawa ng anuman.
Naranasan nyo na bang kumuha ng test kung saan nakasalalay kumbaga ang inyong
kinabukasan? Natatandaan ko nang kumuha kami ng eksamen para sa
propesyonalisasyon ng mga guro. Kami ang unang-unang grupo na kumuha nito mula
nang ito ay naging batas. Pawis na ang puwet ay pawis pa ang kili-kili at mga
kamay. Hindi kami mapakali sa upuan. Gutom at uhaw kami pero hindi namin makuha
kumain. At nang bumalik kami upang tingnan kung kami ay pumasa, ang daming
nanginginig habang naghihintay; at lalung marami ang nag-iiyak dahil sa hindi
sila kasama sa listahan.
Dama ko ang dinama ni Isaias … Hindi niya maubos maisip na siya na nga ay
itinuring na propeta at nakatunghay sa Diyos: “Kawawa ako. Marumi ang aking
labi at naninirahan sa piling ng mga taong marurumi rin ang labi.” Natako siya
sapagka’t nakita niya ang Diyos, at ayon sa paniniwala ng mga Judio, walang
nakakakita sa Diyos na nananatiling buhay.
Subali’t hindi lang Diyos ang kanyang nakita. Pati sarili niya ay
nakilala niya at nakita sa kanyang kabuuan – isang makasalanan … isang taong
hindi karapat-dapat na maging propeta.
Kung titingnan ko ang nakalipas, wala ni isang pagkakataong maituturing
ko ang sarili ko bilang karapat-dapat at handa. Nang nakuha ko ang aking grado
sa PRC, at naging ganap na guro, hindi ako makapaniwalang ako na nga! Nang ako
ay maging pari, hindi ko maubos maisip na ako ay pinagkatiwalaan ng Diyos.
Hindi ako handa. Hindi ako ganap na maalam. At lalung hindi ko tanggap na ako
ay karapat-dapat. Aminin ninyo … wala isa man sa inyo ang makapagsasabing
handang-handa kayo sa anuman, di ba? Baka sa inuman, puede pa.
Noong nakaraang dalawang Linggo, nakapagsabi ako ng mga hinaing sa inyo.
Mahirap, ika ko, ang mangaral ngayon sa ngalan ng Diyos. Walang masyadong
nakikinig. Maraming kabataan ang nagpupunta ng Simbahan na dala ang kanilang
smartphone, at sa oras ng sermon ay nagpepesbuk o nagtetext. Iyong mga
nakikinig ay pag nagkataon ay nagagalit, sa maraming dahilan … kesyo
namumulitika raw kami, kesyo makaluma raw kami at hindi na akma sa takbo ng
panahon, kesyo hindi raw nila maintindihan ang aming sinasabi, at marami pang
iba. Meron pang paborito niyang itawag sa amin ay Damaso. At kahit na siya na
nga ang nambastos at naglapastangan sa isang panalangin sa loob ng simbahan, ay
siya pa ang bida at kawawa, ayon sa grupo ng mga artista at mamamahayag sa
mainstream media.
Tingnan natin ang dalawa pang pagbasa … Pati si Pablo ay tinamaan rin ng
sakit ng pangamba. Nguni’t tulad ni Isaias ay tumanggap rin ng katotohanan kung
sino siya: “Ako ang pinakahamak sa mga apostol, ako’y di karapat-dapat tawaging
apostol, at hindi naman nawalan ng kabuluhan ang kaloob niyang ito sa akin.”
Ganito nga yata ang buhay. Ganito nga yata ang pagiging apostol o
propeta. Laging hindi handa. Buti pa ang mga Boy Scout, laging handa raw sila.
Iyon ang akala nila…
Pati mga mangingisda ay nawawalan rin ng tiwala sa sarili at
nanghihinawa. Buong magdamag ka nga naman mangisda at walang mahuli, ay narito
ang guro at sabihin ba naman sa iyong pumalaot ay ihagis muli ang lambat! A
ver! Kaya nyo ba yon? Puyat na nga at pagod magdamag ay may bagong saltang
nanghiram na nga at lahat ng bangka ay may hatid pang liksyon kung paano at
saan maganda ang huli!
Nguni’t may hatid na pangaral ang lahat ng ito. May magandang balita para
sa ating puro masamang balita ang dumarating. Bagama’t nag-atubili, sumunod
sila sa Panginoon na magsusugo sa kanila kapagdaka. May iba pa palang mas
mahalaga kaysa sa makahuli ng isda.
At ang lahat ay nababatay sa katotohanan: ang unang katotohanan ay
tungkol sa ating sarili … Hindi tayo handa. Hindi natin alam ang lahat. At
lalung hindi natin kayang gawin ang gawaing Diyos lamang ang makagagawa. Pero
ito ang ikalawang katotohanan: kailangan ng tulong ng Diyos – tulong mula sa
taong tulad mo, tulad ko na walang angking kakayahan at kapangyarihan – mga
taong gumagawa ng mga bagay na hindi nakukuha sa pa-cute at kayabangan, porma
at kasinungalingan.
Ngunit may isang mahalagang hinding-hindi dapat natin kalimutan … Huwag
matakot … mamalakaya … gumawa at tumalima!
Handa ka na ba? Ako, matapos nang maraming taon ay ito pa rin ang sagot …
Hindi! Pero ngayon ay batid nating hindi ito ang mahalaga …
Huwag matakot! Mamalakaya! Ikaw na, Propeta! Wala nang iba!
No comments:
Post a Comment