Friday, October 26, 2012

SA MGA BUKAL NG TUBIG AT MAAYOS NA LANDAS


Ika-30 Linggo ng Taon (B)
Oktubre 28, 2012

Mga Pagbasa: Jer 31:7-9 / Heb 5:1-6 / Mc 10:46-52

SA MGA BUKAL NG TUBIG AT MAAYOS NA LANDAS

Ewan ko kung naranasan na ninyong mag-hiking na naubusan kayo ng tubig na baon. Tanging isa lamang ang inyong panalangin – ang makatagpo ng bukal! Ewan ko rin kung naranasan na ninyong maglakad sa dilim, paakyat ng bundok … walang maapuhap, walang mahawakan, at walang makitang katiyakan! Sa mga sandaling yaon, ipagpapalit mo ang iyong bote ng tubig sa isang lampara! Ewan ko rin kung naranasan na ninyong maligaw sa gubat, at tila paikot-ikot lang kayo sa napagdaanan na ninyo, nguni’t wala kayong makitang labasan … maski na bote ng tubig, kargada, at lampara ay inyong itatapon, makita lamang ninyo ang daan pauwi!

Mahirap ang mauhaw. Mahirap ang maging bulag. At lalong mahirap ang maligaw ng landas, mawala, at walang makitang katiyakan sa buhay!

Ang lahat ng ito ay naranasan ng bayan ng Diyos, ang mga Israelita. Nauhaw sila sa ilang. Natapon sila sa bayang walang katiyakan, sa Babilonia! Naranasan nila ang walang makitang tiyak na kaligtasan, sa pagka-alipin sa banyagang lugar, malayo sa templo, malayo sa mga kababayan, at malayo sa kinasanayan o kinagawian.

Dalawa o tatlong beses ako nakaranas maglakad sa dilim … noong wala pang nabibiling mga LED lamps at kung meron man ay sobrang mahal. Matinding karanasan, ang makaramdam ng ganap na kabulagan. Napagdaanan ko na rin ang maubusan ng tubig at malayo pa ang tuktok. Wala kang iisipin kundi ang makatagpo ng bukal, upang maipagtawid-buhay.

Nguni’t matay nating isipin, ito ang kwento ng bawa’t isa sa atin … Ito ang karanasang mapait ni Jeremias, ang propeta noong pagkatapon sa Babilonia. Ito rin ang matinding pagdurusang naranasan ni Bartimeo – ang tuyain, ang libakin, at ang ituring na walang silbi, bilang bulag na umaasa lamang sa iba.

Pero hindi lang yan. Lahat tayo ay naging alipin sa katumbas ng banyagang lugar. Ilan sa mga pamilya ninyo ang hindi nyo kasama, nagbabanat ng buto sa ibang bansa? Ilan sa inyo ang matagal nang nagtitiis na mabuhay sa malayo upang maipag-tawid buhay ang mahal ninyo? Ilan sa atin ang nakaranas ng siphayuin ng kapwa, at hindi tanggapin, o isa-isang tabi dahil sa inggit, galit, tampo, o anuman? Ilan sa atin ang naging banyaga sa sariling bahay, o sa sariling bayan dahil sa sari-saring dahilan?

At hindi lang iyan. Tayo man, ay tulad lahat ni Bartimeo … bulag … hindi nakakakita ng maraming bagay. Hindi man lang natin batid ang tunay nating motibasyon sa pagkilos. Hindi man lang natin alam ang kinabukasan. Nabubuhay tayo at napapaligiran ng kawalang katiyakan sa ekonomiya, sa pamemera, at sa larangang political. Hindi man lang natin matukoy kung kailan ang susunod na lindol, o kung kelan raragasain na naman tayo ng walang patid na ulan o bagyo.

Bulag tayo sa maraming bagay … at tayo ay paapu-apuhap, pakapa-kapa, at walang katiyakan kung saan patutungo.

Kung meron mang dapat sana ay nawalan ng pag-asa, nanghinawa, nagtampo, siguro ay si Jeremias ang may karapatan dito. Kung meron mang dapat nanghinawa at nawalan ng lakas upang lumapit kay Jesus, ay si Bartimeo. Sinansala siya at kinutya, at pinagtangkaang patahimikin ng mga tao.

Subali’t hindi siya napadala . Hindi siya nag-atubili. Patuloy siyang lumapit kay Jesus at ang panalangin ay sadyang mula sa kaibuturan ng puso: “Guro, ibig ko po sanang makakita.”

Ito ang pag-asa ni Bartimeo. Ito rin ang pag-asa ni Jeremias, na nagbunsod sa kanya upang magbitaw ng salitang lubhang kailangan nating lahat ngayon, sa sitwasyon ng kawalang katiyakan: “Dadalhin ko sila sa mga bukal ng tubig, pararaanin ko sa maayos na landas upang hindi sila madapa!”

Gutom. Uhaw. Pagod. Hirap. Bulag. Ito tayong lahat ngayon. Subali’t ayon sa ikalawang pagbasa, ang Dakilang Saserdote ay gumanap sa kanyang misyon upang tayo ay mapanuto at mapabuti.

Tulad ng ginawa ni Jesus kay Bartimeo… Tulad ng ginawa ng Diyos para kay Jeremias …

Panginoon, ihatid mo kami sa bukal ng tubig at paraanin kami sa landas upang hindi na muli kami madapa!

Saturday, October 20, 2012

SAMA-SAMA TOGETHER; WALANG IWANAN!


Ika- 29 na Linggo ng Taon B
Oktubre 21, 2012

Mga Pagbasa: Isa 53:10-11 / Heb 4:14-16 / Mc 10:35-45

SAMA-SAMA TOGETHER! WALANG IWANAN!

Hindi mahirap unawain ang kahilingan ng dalawang magkapatid. Ano naman ba ang masama sa kaunting konsiderasyon? Wala namang dapat pagtakhan kung matapos gumanap sa tungkulin, ay kaunti namang konsuelo ang hanap, di ba? Maliit lang naman ang hinihingi ng magkapatid … Baka sakali lang … Kung sakaling lang na magkatotoo ang kaharian mong pangako, maano namang paupuin mo kami sa magkabilang panig ng iyong trono?

Hindi mahirap unawain ito … sapagka’t pati pala sa ebanghelyo ay may political dynasty. Hindi mahirap maintindihan ito, lalu na’t sa bayan nating mahal ay namumugad at naghahari ang iilang mga pamilyang sila-sila lamang ang tila puede at may kakayahang maglingkod sa bayan (daw).

Palasak ito sa ating kalinangan … sa ating kultura … Marami tayong mga kasabihan dito, may luma at malalim, may bago at medyo mababaw: “sama-sama together” … walang iwanan … basta, anuman mangyari, kapit-bisig, tayo-tayo pa rin! Ang saya! Ang saya talaga sa Pinas … pami-pamilya ang tumatakbo .. angkan-angkan, at tila wala na tayong kawala sa pagka-alipin sa ilalim ng kulto ng showbiz at mapanlinlang na mass media … politika batay sa personahe, kultura ng pasabog at pagiging popular … paglilingkod na nasaliwan na ng paghahanap sa sariling pamomosisyon na kinabuliran ng dalawang magkapatid na sina Santiago at Juan!

Pero, teka muna. Ito ba ang tunay na sabi ng mga pagbasa natin? Baka naman namamalik-mata lang tayo. Tingnan natin …

Hmmm … Sa unang pagbasa, medyo naduling ako … hindi ko makita rito ang paghahanap sa sarili. Hindi ko rin makita rito ang kahalagahan ng tarpaulin, ng TV plug-in, ng photo op saanman, kailanman, gulaman! Wala rin dito ang payabangan, ang paramihan ng mga ever-loyal followers at mga alalay. Wala rin dito ang mga juke box journalists na parang mga sirang plakang paulit-ulit ng tuligsa, totoo man o kabulaanan.

Medyo hindi yata ito hiyang sa mga naghahanap mamuno, maglingkod, at humawak ng posisyon at poder sa lipunan. Bakit? Ano ba ang saad ng unang pagbasa?

Tingnan natin … opps! Mali! Walang kita dito. Walang kickback … walang alalay, kundi panay bigay, panay alay, panay hirap … “Ang aking tapat na lingkod at lubos kong kinalulugdan ang siyang tatanggap sa parusa ng marami, at alang-alang sa kanya sila’y aking patatawarin.”

Teka, nasa tama ba akong estasyon? Nasaan na ang mga kamera, ang TV crew, ang mga rah-ray boys and girls? Nasaan na ang kinang, at tanyag, at busilak ng karangyaan? Wala. Wala sa buhay ng tunay na lingkod ni Yahweh!

Epic fail! Sabi nila! Sino ang maghahanap ng paglilingkod na walang kapalit? Sino ang mag-aasam ng pag-aalay ng sariling buhay para sa kapakanan ng iba? Hindi na uso iyan, sabi ng marami. Hindi na nakakatawa ito. It’s not fun in the Philippines!

Vamos a ver todavia un poquito mas … Ano say ng ikalawang pagbasa? Hala! Epic fail pa rin! Dakilang saserdote? Na nagpahirap at nagpakahina, katulad daw natin sa lahat ng bagay? Waah! Wa poise, wa power, walang wala!

Baka naman yung ikatlong pagbasa ay may konting ginhawa… tingnan rin natin…
At dito pumasok ang kwento ng dalawang binatilyong nag-asam ng posisyon … walang iwanan, ika nga natin. Anong sama kung silang dalawa na lamang ang mag-unahan sa trono? Anong sama kung sila na lamang dalawa ang manatiling maging senador habang buhay? Kung di puede, puede rin naman ang anak, ang asawa, ang pamangkin, o inangkin, o kabit o kadouble … sama-sama together, para talagang masaya.

Opps! Epic fail pa rin! Dehins uubra kapatid. Natimbrehan ng Panginoon, at tuloy naboljak sila. “Ang sinuman sa inyo na ibig maging dakila ay dapat maging lingkod.” Gets mo tol? “At sinumang ibig maging pinuno ay dapat maging alipin ng lahat.”

Aray! Ang hirap! Mapait, ito, kuya Cesar!

Tumpak! At pati sa simbahan, pati sa aming mga pari, pati sa mga relihiyoso, ang pangaral ay totoo at makabuluhan, sapagka’t kami man, sabi nga natin noong isang linggo, ay pawang mga tao rin lamang! Hay naku! Ang tao’y marupok, kay daling matepok!

Ito ang magandang balita. Para sa akin, na tulad mo, tulad nyo, tulad ng lahat ay pinagdaanan din ng ambisyon, ng pagnanasa, ng pag-aasam. Matingkad at mapang-akit ang tawag ng katanyagan, ng kapangyarihan, ng kayamanan na kaakibat ng lahat ng ito.

Paalaala lang kapatid. Paalaala rin sa aming lahat na naglilingkod. Hindi ito nakukuha sa tarpaulin. At lalung hindi ito nakukuha sa TV appearances at photo ops. Ito ay pagtalikod sa sarili … paglilingkod na pagiging alipin ng lahat. Epic fail? Hindi. Maraming nauna na … si Lorenzo de Manila … Si Pedro Calungsod … Si Blessed John Paul II … at marami pa. Naghirap sila. Tinanggihan ng marami. Kinutya at nilibak, tulad ng lingkod ni Yahweh. Tingnan natin ngayon kung nasaan sila.

At bago ko nga pala makalimutan … nagbago ang isip ni Santiago at Juan … sumunod rin sila sa bandang huli sa daan ng Panginoon. Bakante ngayon ang posisyon … Ibig mo bang mag-apply? Isipin mong mabuti kapatid. Kaya mob a? Trip mo ba ito? Sa langit, ang kasiyahan ay walang hanggan … masaya, mas masaya kesa sa Pinas. Sama-sama together. Forever. At walang lamangan, walang iwanan! Saan ka pa?

Friday, October 12, 2012

Sapagka't Ako'y Tao Lamang ...


Ika-28 Linggo ng Taon B
Oktubre 14, 2012

Mga Pagbasa: Kar 7:7-11 / Heb 4:12-13 / Mc 10:17-30

SAPAGKA’T AKO’Y TAO LAMANG …

Kabatiran, pag-unawa, pagkilala at pagtanggap ang nagbunsod kay Solomon na humiling at manalangin. At ano ang kanyang hiling? Bagay na hiling rin natin, sapagka’t tayo, tulad niya ay “tao lamang.” Maraming kagalingan ang kaakibat ng pagiging tao. Tayo lamang sa kaharian ng mga hayop ang kayang uminom nang hindi kailangang tumingala o sumabasab o lumaplap sa banga. Kaya nating ihatid sa bibig ang pagkain o inumin, kung kaya’t tanging “pansit habhab” lamang sa Quezon ang ating hinahabhab kumbaga.

Nguni’t alam rin natin na may kaakibat ring kahinaan at kabulukan ang ating pagiging tao. Ito ay isa sa mga binanggit ni Papa Benito XVI sa ika-50 taong anibersaryo ng Konsilyo Vaticano II – ang katotohanang magpahanggang ngayon, ang hila at lakas ng kasalanang mana ay patuloy na nagpapababa sa atin, at nagpapanatili sa kultura ng kamatayan.

Mahigit rin sa limampung taon ang nakalipas nang sulatin ni Mike Velarde ang awit na ito: “At kung yan man ay kasalanan, ay sapagka’t kami ay tao lamang!” Subali’t may pagtutulad ba ang sinasaad ng awit, at ang sinasaad ng unang pagbasa?

Tingnan natin sumandali … Ang awit ni Velarde ay may himig ng pagsuko … pagsuko sa katotohanang tayo ay hamak na tao lamang, marupok, mahina, kay daling matepok, ika nga ng kantang luma ni Rico Puno. Nguni’t hindi ito ang tema o hibla ng kamalayan ni Solomon. “Sapagka’t napag-unawa kong ako’y tao lamang, ako’y nanalangin at binigyan naman ako ng kaalaman. Tumawag ako sa Diyos at binigyan ako ng karunungan.” (Unang Pagbasa).

Aminin man natin o hindi, ang katotohanan ay ito … may kabobohan tayo kung minsan. Ewan ko sa inyo, pero sa ganang akin, madali tayong masilaw sa busilak o kinang ng anu man. Ang anumang makinang, makintab, at kumukuti-kutitap at nasa eskaparate ng shopping mall, ay nakabibighani … naka-aakit … nakatatawag ng pansin. Ilang beses ako napabili sa isang bagay na akala ko ay maganda, nguni’t pag-uwi pala ng bahay ay walang silbi, o madaling masira, o walang tunay na paggamit.

Aminin man natin ito at hindi, may kabobohan rin tayong lahat. Patuloy tayong nasisilaw sa pangako ng mga politico, ng mga taong ang hangad lamang naman ay walang kinalaman sa paglilingkod, kundi sa pagkabig sa pansariling kapakanan at pangangailangan. Patuloy tayong nagluluklok ng mga taong nagbibigay kahihiyan at paghihirap sa bayan.

Iisa ang tinutumbok ko rito … at wala itong kinalaman sa politica ng bansa natin. Ang aking pinupuntirya ay walang iba kundi ito … kapos ang ating kaalaman … bitin ang ating karunungan, sapagka’t tayo ay tao lamang!

Nguni’t dito nagkakaiba si Solomon at si Velarde. Si Velarde ay sumuko at napadala … Kasalanan man iyan, sabi nya, iisa lang ang dahilan at paliwanag … sapagka’t tayo ay tao lamang. At wala tayong magagawa diyan. Si Solomon ay kumilala, tumanggap, at nagsikap umunawa. At dahil sa kanyang pagtanggap sa kanyang kabuwangan, ay gumawa siya ng paraan … Nanikluhod … nagdasal … nagsumamo … at dahil dito ay pinagkalooban siya ng karunungang hindi lamang para sa makamundong mga bagay.  Mas mahalaga ito, aniya, sa trono at setro, mas matimbang kaysa alinmang kayamanan.

Paano ba natin makakamit ang karunungang ito?

Malinaw na ito ay galing hindi sa ibaba kundi sa itaas. Malinaw sa ikalawang pagbasa na ito ay halaw, batay, at nakasalalay sa Salita ng Diyos, “buhay at mabisa, higit na matalas kaysa alin mang tabak na magkabila’y talim.”

Hindi kaila sa atin na tayo ay madaling matangay. Kay rami ko nang beses inulit-ulit ito sa lahat ng aking mga tinuturuan sa loob ng 34 taon bilang guro: “Ang natatanga ay natatangay.” Ang mangmang, o ang nananatili sa kamangmangan ay patuloy na gagawa ng mga bagay na hunghang at walang kakabu-kabuluhan! Stupid is, as stupid does, ang sabi ng nanay ni Forrest Gump.

Maganda sana ang kwento ng talubatang lumapit sa Panginoon: “Ano po ba ang dapat kong gawin upang magkamit ng buhay na walang hanggan?”
Ang ganda ng simula, parang simula ng lahat ng administrasyon sa bayan natin … Ang ganda ng tanong, at kay tayog ng kanyang pangarap.

Matalino ang binatilyo at tinumbok niya ang kaalamang makamundo tulad ng kaalaman natin na kay daling matangay ng kinang at kislap ng mga gagdets at gizmos sa panahon natin, na di tumatagal ng anim na buwan.
Matayog ang kanyang pangarap, subali’t mababaw ang kanyang karunungan. Nang sabihin ni Jesus ang halaga at presyo na dapat niyang pagbayaran, ang iwanan ang lahat ng kanyang yaman, at sumunod sa kanya, umalis ang binatilyo na malungkot, “sapagka’t  siya’y napakayaman.”

Mahirap ang isalansan nang ayos at tama ang hanay ng mga pagpapahalaga. Mahirap ang mamili. Tulad ngayong araw na ako ay medyo may sakit, nag-aasam ako ng higit pa sa maidudulot ng pang-araw-araw na buhay namin bilang pari at relihiyoso. Naghahanap ng iba, ng higit, ng magaling, at nang masarap at maganda.

Kapag dumating ang mga tagapagsalita ng komersyo, pati kami ay naaakit nang makinang at makintab, ng bago at ng kakaiba – mga bagay na kakaunti pa ang nag-mamay-ari!

Bakit hindi? Kung susundin natin si Velarde, OK lang, kahit masama at kasalanan, sapagka’t kami ay tao lamang!

Kung susundin natin si Solomon, ang lumiham sa mga Hebreo, at ang Panginoon, iisa ang kanilang turo at aral: Iangat mo nang kaunti ang iyong nasa … Itaas mo pa ang iyong inaasam. At dito, karunungang hindi galing sa mundong ibabaw ang kailangan mo. Sa bagay na ito, karunungan batay sa Salita ng Diyos ang siya mong kailangan.

At dito, hindi lahat ng may kinang ay ginto at pilak. Ang tunay na magaling, maganda, ayos, at tama sa mata ng Diyos ay siyang naghahatid sa garantiya, na hindi lamang tatagal ng anim na buwan o isang taon, kundi isang pangako na may kinalaman sa buhay na walang hanggan!

Saan ka pa, kapatid? Ano pa ang iyong pipiliin?

Thursday, October 4, 2012

BASBASAN NAWA TAYO MAGPAKAILANMAN!


Ika-27 Linggo ng Taon B
Oktubre 7, 2012

Mga Pagbasa: Genesis 2:18-24 / Hebreo 2:9-11 / Mc 10:2-16

BASBASAN NAWA TAYO MAGPAKAILANMAN!

Iba talaga tayong Pinoy sa maraming bagay. Isa sa pagkakaiba natin sa kapitbayan natin sa Asia ay ito: hindi tayo yumuyuko sa ibang tao kung gusto natin bumati o magpugay, tulad ng mga Japon at mga Thai. Kung gusto natin gumalang, humihingi tayo ng basbas, o bendisyon. At ito ay ginagawa natin sa pamamagitan ng katumbas sa mga Kastila na “besar la mano,” o paghalik ng kamay.

Pero iba pa rin ang ating kagawian. Hindi natin hinahalikan ang kamay ng matanda. Idinidikit natin ang palad ng kamay sa ating noo. Ito ang pagmamano. Ito ang pagpupugay natin sa nakatatanda. Ito ang sagisag ng paghingi natin ng pagpapala.

Sa maraming lugar sa bayan natin, lalu na sa Katagalugan, ang pagmamano ay sinasagot ng matanda nang ganito: “Kaawaan ka nawa ng Diyos!”

Kaawaan nawa tayo ng Diyos, sa lahat ng araw ng ating buhay!

Napakagandang pagpapala. Napakayamang panalangin! Ito ang tugon natin sa unang pagbasa sa araw na ito. Ito rin ang laman ng ating puso, ang kahilingan ng bawa’t isa sa sandaling tinitigatig tayo ng lahat ng uri ng pangamba o takot.

Lahat tayo ay nag-aasam ng bendisyon, ng pagbabasbas,  o pagpapala. Lahat tayo ay humihiling ng katiwasayan, ng kasaganaan, at ng lahat ng uri ng kagalingang pantao.

Nguni’t paano nga ba makamit ito?

Una sa lahat, ayon sa Genesis, ito rin ay isang pangarap ng Diyos para kay Adan. “Hindi mainam na mag-isa ang tao: bibigyan ko siya ng makakasama at makakatulong.” Pangarap rin ng Diyos na ang tao ay magsama at magtulungan. At ang pagpapala ay makakamit sa pamamagitan ng pagniniig na ito sa konteksto ng pagsasamang panghabambuhay sa pagitan ng babae at lalake sa kasal.

Nguni’t sino ba ang siyang karapat-dapat pagpalain? Malinaw ang ikalawang pagbasa at ang tugon sa unang pagbasa. Ang karapat-dapat ay ang marunong maging mababa ang loob, ang maalam magpakumbaba, tulad ng ginagawa ng Pinoy tuwing magmamano – ang idantay ang likod ng palad ng tao sa noo, bilang pagkilala sa kanyang kababaang-loob at pangangailang ng tulong ng nakatatanda.

Malimit sabihing ang pagsasama sa kasal ay isang pagsasama sa ilalim ng pagmamahalan at pag-iibigan. Pero hindi kompleto ang larawang ito. Ang pagsasamang ninais ng Diyos sa mula’t mula pa ay nakatuon sa pagtutulungan. Humanap siya ng kasama hindi lamang upang maging katabi at kasiping, kundi upang maging katulong o katuwang niya sa paglinang sa daigdig, sa pagsupil sa kalikasan para sa kabutihan ng sangnilikha.

Pero upang magtagumpay ang samahang ito, ang pagtutulungan, kailangan ng kababaang-loob … tulad ng kababaang-loob ng isang bata, na siyang huwarang ginamit ng Panginoon. Ayon sa sulat sa mga Hebreo, si Jesus, “bagama’t sandaling panahong pinababa kasya mga anghel, ay binigyan ng karangalan at kadakilaan dahil sa kanyang pagkamatay.”

Nakatutuwang isipin na sa Pilipinas lamang ginagawa ang uri ng pagmamanong ito. Nakatutuwa ring isipin na sa bayan natin, ang mga bata mismo ang kumukuha sa kamay ng matanda upang magmano, upang magpakita ng kababaang-loob, at upang humingi ng pagpapala. Mga bata mismo ay silang humihila sa kamay natin upang kunin, ika nga, ang pagpapala mula sa itaas.

Alam kong ito ang gusto nating lahat. Alam kong, may asawa man o wala, ang nais natin ay pawang kagalingan at kabutihan para sa ating sarili at sa mga mahal sa buhay, pati na ang ibang tao.

Siguro, sa araw na ito ay dapat nating bigyang pansin ang kung ano ang maghahatid sa atin sa pagpapalang ito. At ang turo ng salmo responsorio at ng mga pagbasa ay malinaw pa sa tanghaling tapat: ang magkaroon ng takot sa Diyos; at ang sumunod sa kanyang utos. Ayon sa ikalawang pagbasa, ito ay ang tumulad kay Jesus, na nagpakababa alang-alang sa lahat. Ayon rin mismo kay Jesus, ito ay ang mag-asal tulad ng isang bata, at matutong umasa at magtiwala sa mga nakatatanda para maganap ang lahat ng inaasam natin. At ayon sa una at ikatlong pagbasa, ang daan sa pagpapalang nais natin ay walang iba kundi ito: ang makipagtulungan sa “kasama” upang pangalagaan at pangasiwaan ang sangnilikha, tungo sa ikabubuti ng tanang sangkatauhan, may asawa man o wala.

Panalangin ko ngayon ito sa lahat ng mag-asawa, sa lahat ng mga walang asawa, at sa lahat ng kabataan: Tayo nawa ay basbasan ng Poon magpakailanman!