Ika-25 Linggo ng Taon B
Setyembre 23, 2012
Mga Pagbasa: Kar 2:12, 17-20 / San 3:16-4:3 / Mc 9:30-37
Sabi nila, kapag may usok, ay may sunog. Kelangan pa bang
i-memorize yan? Hindi naman ito malalim pa sa balon na katotohanang hindi
maarok ninuman. Napatunayan ko ito noon lamang isang linggo. Habang nagtuturo,
biglang may sumabog sa labas ng gusali at kapagdaka’y napatingin kami lahat sa
labas ng bintana. Makapal at maitim na usok ang tumambad sa amin. Nagulantang
ang lahat at nagsipagtakbuhan, kasama na ako. Kung may usok, dapat pa bang
itanong kung may sunog?
Meron! At sa mga sumunod na tatlong oras, kami ay balisa at
parang mga pugong abala sa paggawa ng dapat gawin upang iligtas ang mga
kagamitan sa maliit na kapilya sa seminary na pinakamalapit sa pabrikang inubos
ng apoy.
May katumbas ng usok ang binabanggit sa mga pagbasa. Sa una
halaw sa aklat ng Karunungan, pagtatambang ang nasa puso ng mga tampalasang
nagbabalak ng masama laban sa nagsasabi ng totoo at tapat. “Tambangan natin ang
taong matuwid, pagka’t hadlang sila sa ating mga balak.” Di ba usok yan na
nagbabadya ng inggit, ng poot, at ng anumang dinaramdam ng taong naunsyami ang
madidilim na naisin?
Kelangan pa bang i-memorize yan?
Sa ikalawa, napa-isip si Santiago. May usok rin ng “inggit
at makasariling hangarin.” Tulad namin na nagtakbuhan para malaman kung ano ang
pinagmulan ng usok at apoy, nagtanong rin si Santiago. At sinagot niya ang
sarili niyang tanong: “Ano ang pinagmumulan ng inyong alitan at
paglalaban-laban?” “Hindi ba’t sa masasamang nasa na namumugad sa kalooban ng
bawa’t isa sa inyo?”
Kelangan pa bang i-memorize yan?
Sa katunayan, alam nating lahat ito. Ang usok ay nagbabadya
ng apoy. At ang anumang masamang gawa ay may pinagmumulang higit na malalim,
higit na malaking katotohanan.
Magtataka pa ba kayo na ang ating mga mambabatas ay
nagtutungayaw at nagpapasaringan? Dapat ba rin pagtakhan na ang mga disipulo
mismo ay nagbabangay at nagdidiskusyon kung sino sa kanila ang pinakadakila?
Kelangan pa ba i-memorize yan?
Kelangan pa bang pagtakhan na ang puno at dulo ng lahat ng
pagtutungayaw ay ang puso ng bawa’t isa sa atin?
Maraming kaguluhan sa buhay natin. Maraming mga gusot sa
bayan natin. Tuloy raw ang pagtaas ng ekonomiya. Ngunit tuloy pa rin ang
pagtaas ng krimen at ng korupsyon. Tuloy pa rin ang panglilinlang ng mass
media, at ng mga survey, na hindi nagsisiwalat ng kabuuan ng katotohanan. Tuloy
pa rin ang pagdami ng mahirap, at tuloy ang paglawak ng puwang sa pagitan ng
mayaman at mahirap.
Sa kabila nito tuloy pa rin ang pagdami ng mga party list na
aplikante. Tuloy pa rin ang epal ng mga politikong pawang nagnanais na sila,
pati asawa, anak, pamangkin, at mga inangkin ang siyang maglingkod sa bayan.
Tuloy pa rin ang makasalanang estruktura ng politica sa bayan nating sinisinta.
Nguni’t huwag na tayong lumayo pa. Huwag na tayong magtuturo
pa ng iba. Sapat nang tingnan ang sari-sarili natin. Sapat nang sipatin natin
ang konsiyensiya natin at duon, sa kaibuturan ng puso natin, ay nagkukubli ang
dalawang pwersang magkasalungat: ang pagnanasa sa mabuti, at ang pagnanasa sa
masama. “Saanman naghahari ang inggit at makasariling hangarin, maghahari rin
doon ang kaguluhan at lahat ng uri ng masamang gawa.” (Ikalawang pagbasa).
Nais sanang isikreto ng Panginoon ang kanilang lakad padaan
sa Galilea. Nais niya sanang makapulong nang tahimik ang kanyang mga disipulo
upang unti-unting isiwalat sa kanila ang sikreto mesyaniko, ang hiwaga ng
kanyang pagiging sugo ni Yahweh, na ayon sa kanyang turo “ay ipagkakanulo at
papatayin, ngunit muling mabubuhay sa ikatlong araw.”
Pero hindi niya maisiwalat nang lubos ang nag-uumapaw na
balita. Hindi nakikinig ang mga disipulo. Nagtatalo sila. Nagtutungayaw.
Nagpapataasan ng ihe. Nagtatanong sila sa isa’t isa, kung sino ang pinakadakila
sa kanilang lahat. Nguni’t ang akala nilang sikretong usapan ay hindi pala
lingid sa kaalaman ng Panginoon. Nagtanong siya: “Ano ba’ng pinagtatalunan
ninyo sa daan?”
Huwag na tayong magmaang-maangan pa. Lahat tayo ay
sinasagian ng ambisyon. Lahat tayo ay maging sikat. Lahat tayo ay nangangarap
nang gising at nag-aambisyong makilala ng balana. Lahat tayo ay nananaginip
maging dakila, maging tanyag, at maging bukambibig ng sambayanan.
Kelangan pa bang i-memorize yan?
Sa ating lahat ngayon na ginugulantang ng katotohanang ito,
isang magandang balita ang dulot ng Panginoon. Sige na … tahan na. OK lang
mag-asam na maging dakila. Walang masama diyan. Pero … at ito ang matindi … ang
kadakilaang tunay ay hindi ang mauna sa lahat. “Ang sinumang nagnanais na
maging una ay dapat maging huli sa lahat, at maging lingkod ng lahat.”
Maging bata, ika nga. Walang yabang. Walang kahibangan na
tulad ng sa mga matatandang tulad natin. Ang kadakilaan ay simple lamang – ang maging
kasing simple ng batang kalong ni Jesus.
Kelangan pa ba i-memorize yan?
No comments:
Post a Comment