Ika-26 na Linggo Taon B
Setyembre 30, 2012
Mga Pagbasa: Bilang 11:25-29 / Sant 5:1-6 /Mt 9:38-43, 45,
47-48
SANA NGA! TARA NA!
Medyo nahuli ako sa pagninilay na ito. Nasa gitna ako ng
isang retreat para sa mga volunteer ng isang malaking simbahan – mga taong ang
pawang dahilan kung bakit sila narito ay sapagka’t naglilingkod sila nang bukal
sa kalooban sa bayan ng Diyos na dumadayo sa simbahang nabanggit.
Simbahan … Sambahan … Samahan ng mga taong pawang nais
makatulong, nais maligtas, at nagnanais din magpakabanal, at balang araw ay
mapasama sa mga hanay ng mga banal. Dito tayo lumalapit at nakapagpapayaman sa
ating pananampalataya, at nakapagpapalago ng ating pag-asa at pag-ibig sa
kapwa. Dito tayo nananagana sa mga aral na harinawa’y maghahatid sa dagdag na
kaalaman, dagdag na karunungan, at dagdag pang kakayahang harapin ang mga
pagsubok sa buhay.
Ngunit bawat gubat ay may ahas, at bawat grupo ay may Judas.
May mga taong hindi sanay na may karibal, may kakompetensya, at may dapat
hatian ng kung ano mang sa tingin nila ay mauubos na. Mayroong ganoong tao sa
grupo ni Moises. Nang si Eldad at Medad ay gumawa ng panghuhula at pagwiwika sa
ngalan ng Diyos, nabahala ang ilan sa mga kasama ni Moises: “Nangangaral po
sina Eldad at Medad. Patigilin nyo po sila.” Hindi pinag-aksayahan ni Moises ng
panahon ang sumbong ng talubata. “Inggit ka pa para sa akin? Kung sana nga ang
lahat ay mga propeta! Sana nga ang lahat ay kasihan ng Diyos ng kanyang
espiritu!”
Medyo kahambing ito sa naganap sa ebanghelyo. Napansin ni
Juan na may isang taong nagpapalayas ng demonyo sa mga tao sa ngalan ni Jesus.
Nagsumbong rin siya. At hindi rin pinatulan ng Panginoon ang kanyang sumbong.
“Huwag ninyo siyang sansalain. Walang gumagawa ng anumang dakilang gawa sa
ngalan ko na magwiwika ng anumang laban sa akin.”
Ganito kalawak ang pang-unawa ng Diyos. Ganitong katarik ang
adhikain ng Diyos para sa ating kaligtasan at kapakanan.
Subali’t tayong lahat ay narito pa’t nagbibilang,
naghahambing, patingin-tingin upang hindi tayo malamangan, malampasan, o
maunahan. Sakit ito ng inggit, ng hili, at ng malimit kabuliran ng mga
naglilingkod sa simbahan, kasama na kaming mga pari – ang pananaghili.
Sa tagal tagal ko na rin bilang pari, ito ang malimit kong
makita sa anumang samahan. Laging may intriga. Laging may sumbungan. Laging may
inggitan at laging may unahan. Nguni’t sa tinagal-tagal ko na rin sa
paglilingkod sa Simbahan, alam kong ang higit na malaking larawan na nais
marating ng Diyos ang siyang nagaganap, siyang sa huli ay ang nangyayari.
Ano ba ang malaking larawang ito na binabanggit natin?
Walang iba kundi ang binabanggit rin ni Santiago … na sa
bawat gubat ay may ahas, at sa bawat grupo ay may Judas. May mga taong likas na
madaya, likas na mapanlamang, likas na mapagmalabis. Ito ang mga mayayamang ang
yaman, ayon sa kanya, ay nabubulok na at naaagnas. Ito ang mga mapagmalabis na
hindi nagkaloob ng tamang pasahod sa mga trabahador.
Tayo man, pari man o laiko, ay nanganganib na masama sa
kategoriyang ito. Tayo man, ay sinasagian ng inggit, ng hili, at
pagtutulad-tulad sa isa’t isa. Tayo man ay maaring maging tulad ng mayamang
ipinatutungkulan ni Santiago.
Nguni’t tayong lahat, pari man o laiko, ay may kakayahang
potensyal na gawaing dakila. Tayong lahat ay may potensyal na kapangyarihang
magagawa ng mga taong handang magpasya nang tama.
Ito ang ginagawa ng maraming mga bukal sa loob na nag-aalay
ng panahon para sa simbahan, tulad ng mga taong ngayon ay kasama ko sa retreat
house na ito sa Tagaytay.
Lubhang nagagalak ang Diyos sa mga taong tulad nito.
Sapagkat lubhang kinakailangan naming mga pari ang katulong upang maipalaganap
ang magandang balita. Sa ngayon, halos hindi matugunan ang lahat ng mga
katanungan ng mga taong naghahanap ng kasagutan. Uhaw at gutom ang karamihan sa
katotohanang mapanligtas, at nakalulungkot aminin, na marami ngang naghahanap,
at maraming nagtatanong, ngunit kakaunti ang nariyan upang tugunan ang lahat ng
ito.
Isa itong suporta sa mga laiko o ordinaryong katoliko na
sumagot sa pananagutang ito. Bayani kayo, at saludo kami sa inyo! Ipagpatuloy
nawa ninyo ang inyong sinimulan.
Sana nga’y lahat ay magwika para sa Diyos! Sana nga’y lahat
ay mangaral sa Kanyang ngalan! Sana nga! Hala, tayo na!