Friday, August 31, 2012

UNAWAING MABUTI AT SUNDIN!


Ika-22 Linggo ng Taon (B)
Setyembre 2, 2012

Mga Pagbasa: Deut 4:1-2. 6-8 / San 1:17-18.21-22.27 / 
Mc 7:1-8.14-15.21-23

UNAWAING MABUTI AT SUNDIN!

Kamakailan, bago ako nagpunta sa Guam, isang karanasan ang naganap na may kinalaman sa aking paksa sa araw na ito. Linggo ng gabi noon, umuulan, at walang trapiko sa Maynila. Mayroon dapat akong kausaping isang kaibigan at nakatakda kaming magkita sa MOA. Sapagka’t Linggo, makikita ko lamang siya matapos ang huli kong Misa ng a las 7 ng gabi. Kung kaya’t matapos kong mag Misa ay tumakbo na ako sa MOA.

May isang lalaking naka bisikleta sa aking daanan sa may Pasay. Batid kong wala akong kasabay at kasunod sa likod. Alam kong maluwag ang daan, kung kaya’t dahil ayaw kong ilagay sa alanganin ang naka bisikleta, lumipat ako sa kabilang linya. Nang ginawa ko iyon, bigla nagsipaglabasan na parang galing sa lungga ang siguro’y tatlong pulis. Nagkukubli pala sila. At pinatigil ako, at gusto nila ako bigyan ng tiket, dahil sa ako diumano ay “swerving.” Nang nangatwiran ako, at sinabi kong walang paglabag sa batas na tinatawag na swerving, dahil sa kailangan kong lumipat ng linya, sa di inaasahang pagkakataon, pinalitan nila ang aking paglabag! “Reckless driving” daw ako.

Sapagka’t nakasabit sa likod ang aking kasulya at damit pang Misa, nakita ng isa sa kanila na ako ay pari. Biglang nagbago ang simoy ng hangin. “Ay Father, pari po pala kayo.” “Saan ho kayo nag Mimisa?” Nang sinabi ko kung saan, ang bulalas pa ng isa ay ito: “Ay duon din ho ako nagsisimba.” At ako ay hindi na nila pinakialaman.

Ano ang nangyari sa traffic violation?

Pero hindi ito ang matindi. Ang higit pa sa rito ay nagyabang pa siya na nagsisimba siya sa simbahang yaon. Di naman ligid sa kaalaman ng lahat, na sa oras na iyon ng gabi, kahina-hinala kung bakit “napakasipag” ng pulutong ng mga pulis sa lugar na hindi naman sila nakikita, o inaasahan.

Marami pa tayong puedeng ikwento upang ilarawan ang katatayuan ng lipunan natin. Sa “daang matuwid” na ipinagmamakaingay, alam ng lahat, na tuloy ang korupyon sa customs. Hindi pa rin nakikita at natabunan na ng ibang balita ang naglahong mga containers kamakailan. Walang kumakanta, at lalung walang naghahanap. Tuloy pa rin ang droga. Tuloy pa rin ang jueteng. At tuloy pa rin ang pagpasok ng mga dayuhan sa bayan, na walang umaangal, walang nagsusuplong, at walang napaparusahan, liban sa mga hayagang kaaway ng mga nasa kapangyarihan.

Tayo ang numero unong bansang Kristiyano sa Asia. Tayo rin ang namumuno sa antas ng mga bansang pinakapalasak ang korupsyon at kriminalidad na “high profile” ika nga. Hindi nyo ba napansin na lahat ng nahuhuling may kinalaman sa droga ay mga maliliit na isda lamang, at ang mga malalaking isda ay laging nakakatakas, nakakalusot, na para bagang alam nila kung kailan may raid o operasyon ang mga tumutugis?

Sa Linggong ito, wag na tayo magmaang-maangan pa. Nangangailangan tayong lahat na isapuso at isadiwa ang mga salita sa unang pagbasa: “unawain ninyong mabuti at sundin ang tuntuning itinuturo ko sa inyo.” Ganito rin ang paalaala sa atin ni Santiago: “Kung ito’y pakikinggan lamang ninyo nguni’t hindi isasagawa, dinadaya ninyo ang inyong sarili.”

Maging si Forrest Gump at ang kanyang simpleng ina ay naunawaan ito. “Stupid is, as stupid does,” ang sabi ng ina niya. Kung ano ang henyo, siya ring figura. Kung ano ang laman sa loob, siya ring pakita sa labas, dapat.

Pero may tinatawag si Jesus sa mga tulad nito: mga mapagpaimbabaw!

Ito rin ang paghamon sa bawa’t isa sa atin. Madali ang magkunwari. Madali ang magpakitang-tao lamang. Madali ang magsabing “ako ay katoliko,” pero kaliwa’t kanan ang pagbatikos sa Inang Simbahan. Madaling sabihing “ako ay naniniwala” pero hindi naman sumusunod sa turo ng simbahan tungkol sa batas moralidad at nilalaman ng pananampalataya.

Nakalulungkot na ngayon ay hati-hati tayo sa maraming bagay. Hati-hati tayo sa politica. Hati-hati rin tayo sa pag-unawa tungkol sa paghamon ng pangangalaga sa kalikasan. Sa panahon natin na palasak ang panggagayuma ng mass media, at palasak rin ang tinatawag nating mga jukebox journalists, na kumakanta lamang kapag hinulugan mo ng pera, mahirap malaman kung ano talaga ang totoo. Napaka makapangyarihan ang mass media at kaya nitong palitan ang tinatawag na public opinion. Sa paulit-ulit na pagsasabi ng kasinungalingan, ay nagiging tama ang mali, at ang mali ay nagiging tama, at ang hindi kaalyado ng may tangan ng posisyon at kapangyarihan, at madaling gawing demonyo at maipinta bilang masasamang tao.

Dumarami rin ang mga katolikong nagsasabing sila raw ay katoliko ngunit ang laman ng diwa at laman ng gawa ay malayong-malayo sa turo ng Iglesya Katolika. Mga cafeteria catholics ang tawag sa kanila – namimili … naghihirang lamang … at tinatanggap lamang ang mga turong angkop sa kanilang pananaw o punto de vista, o worldview!

Freedom of conscience ang lagi nilang sigaw. Nguni’t ang ibig lamang nilang sabihin ay personal preference, o personal choice, at hindi isang konsiyensiyang naturuan, nahubog, at naisa angkop sa objetivong batas moral at katotohanang moral.

Malaki ang pananagutan nating lahat. Sapat na sigurong tandaan natin ang paalaala sa atin sa araw na ito: “Makinig kayong lahat, at unawain ang aking sasabihin!” Makinig sa Simbahan at umunawa! Ang tama ay hindi batay sa dami ng bumoto. Ang wasto ay batay hindi sa lakas ng sigaw ng mga nagsasabing katoliko raw sila pero pasaway kung ang pag-uusapan ay ang opisyal na turo ng Inang Simbahan hinggil sa pananampalataya at batas moralidad.

Friday, August 24, 2012

PAGTALIMA AT PANANAMPALATAYA


Ika-21 Linggo ng Taon (B)
Agosto 26, 2012

Mga Pagbasa: Jos 24:1-2.15-17.18 / Ef 5:21-32 / Jn 6:60-69

PAGTALIMA AT PANANAMPALATAYA

Magkahalong lungkot, dalamhati at pasasalamat ang nadarama ko sa mga araw na ito. Magmula nang mabalitang naglaho ang eroplanong sinasakyan ni Jesse Robredo, nagsusun-suson ang mga damdaming may kinalaman sa pangamba, taimtim na pananalangin sa Diyos para sa kanyang kaligtasan, na di naglaon ay napalitan ng dalamhati, panghihinayang, at ngayon ay pasasalamat sa Diyos.

Isa sa mga angkin nating karapatan bilang tao ay ang makadama maging ng mga emosyong magkakasalungat sa takbo ng ating buhay. May pagkakataong magkahalong galit at lungkot ang nadadama ninuman. Sumasagi sa ating puso ang magkahalong lungkot at tuwa, pangamba at pagkasabik, at iba-iba pang mga damdaming makatao.

Sa harap ng mahahalagang pagpapasya … sa harap ng mahahalaga ring pagpili mula sa hanay ng mga tila baga’y pawang magagandang gawain o anuman, di miminsang ang kalooban ng tao ay hati … at ang puso ay nagsasalawahan, o kung minsa’y namamangka rin, ika nga, sa dalawang ilog.

Ito ang hinarap ng mga Israelita matapos pamunuan ni Josue tungo sa lupang pangako.  Hindi kaila sa atin na ang bayan ng Diyos ay hindi miminsang nagsalawahan. Hindi rin kaila sa atin, na bilang tao, sila man ay namangka sa dalawang ilog … tumalima at nakinig sa mga diyus-diyusan, at nakibagay sa gawi ng mga pagano nilang mga kapit-bayan, at tumulad sa kanilang pagsamba sa mga pekeng diyus-diyusan.

Nguni’t sa araw na ito, hinarap ni Josue ang kanyang bayan at pinagpasya, hindi lamang pinapili. Pinag-desisyon niya ang kanyang mga kababayan. “Kung ayaw ninyong maglingkod sa Panginoon, sabihin ninyo kung kanino kayo maglilingkod.”

Mahirap mamili. Mahirap magpasya … lalu na’t kung ang puso at damdamin ay nahati na sa harap ng dalawang tila magkasing timbang o magkasing halaga. Tulad nga ng madamdaming awit na malimit nating marinig, kung minsan ay patambis at madulain nating sambit: “Bakit ngayon ka lang dumating sa buhay ko?”

Sa ikalawang pagbasa, pagpapasya rin ang turo sa atin ni San Pablo. Hindi niya tayo pinamimili sa pagitan ng babae o lalake. Hindi niya tayo pinagpapasya kung sino sa kanila ang dapat maghari, o mangibabaw sa kung kanino. Hindi niya tayo pinagtatagubilinang sundin lamang si Adan, at siphayuin si Eva. Maraming pagkakataong mali ang pagkaunawa ng marami sa pagbasang ito, na tila baga, batayan ito ng pagiging hari, pagiging mapaniil, at pagiging lampas o labis ang kapangyarihan ng mga lalaki sa mga kababaihan.

Pagpapasya ang nais sa atin ni San Pablo sa siping ito, na mahihinuha natin sa unang pangungusap ng pagbasa: “Pasakop kayo sa isa’t isa tanda ng inyong paggalang kay Kristo.” Pasakop sa isa’t isa. Ang mahalaga ay ang samahan, ang relasyon, ang pagkakaniig sa pagitan ng lalaki at babae pati sa samahang mag-asawa, at hindi sa kung sino ang mas mataas, at lalung hindi kung sino dapat ang maghari at magpakita ng kapangyarihan sa bahay at sa lipunan.

Subali’t tatapatin ko kayo. Mahirap ang magpasakop sa isa’t isa. Lahat tayo sa mundong ito ay ipinaglihi sa kapangyarihan. Walang may gusto na maging sunud-sunuran lamang. Walang may nais na manatiling tagasunod lamang, o tagapakinig. Lahat tayo ay mayroong maling akalang tayo ay dapat na nasa harap lagi ng camera, o may tangang mikropono sa tuwina. Walang may gusto na laging supporting actor o actress lamang. Lahat tayo ay gustong gustong maging bida, maging sentro ng samahan, o nasa rurok ng tagumpay, at hinahangaan ng lahat ng tao.

Sa buhay natin, marami ring mahirap tanggapin. Ako na ang mauunang umamin. Mahirap maging Kristiyano. Mahirap ang sumunod sa kagustuhan ng Diyos. Mas madali ang sumunod sa sariling kagustuhan, ang magpakasasa sa karangyaan, at luho. Walang sinuman ang may nais mabuhay sa kasalatan at kawalan, at kahirapan. Walang sinumang nais tasahan ang kakayanan natin magpakaligaya, at gumawa ng anumang magbibigay ng kasiyahan sa atin.

Wag na tayong magmaang-maangan pa … mahirap labanan ang pita ng laman, at ang tawag ng kalamnan!

Iyan ang pawang katotohanan … mahirap ang magpaka martir. Mahirap ang maging sunud-sunuran sa kagustuhan ng Poong Maykapal!

Ito rin ang naging suliranin ng mga tagasunod ng Panginoon. Matapos pakanin, matapos busugin, matapos punuin ang tiyan …. Hayan at nagdagsaan ang mga atungal, ang mga reklamo. “Mahirap ang pangaral na ito.” At ayon sa ebanghelyo, ay unti-unti silang nagsipag-alisan.

Parang tayo … hati-hati ang bayan ng Diyos sa Pilipinas. Mayroong Pro-Choice … mayroong Pro-Life … Mayroong Catholics for RH at iba pa. Lahat ay nagsasabing sila ay naniniwala, nguni’t ang kanilang paniniwala ay mapili at hindi pangkalahatan. Susunod lamang ang ilan kung ang pangaral ay angkop sa kanila nang napagpasyahang tama at kaaya-aya.

Wala tayong kaibahan sa mga Israelita na pinagpasya ni Josue. Wala rin tayong kaibahan sa mga Judio na matapos makarinig ng mahirap na pangaral ay isa-isang nagpaalam, isa-isang lumisan.


Wala tayong kaibahan sa mga tao sa Luma at Bagong Tipan na namangka sa dalawang ilog, nagsalawahan, at nagtatwa sa Panginoon.

Ang kaibahan nga lamang ay ito … marunong tayo ngayon magpalusot. “Katoliko pa naman ako, eh. Ang ayaw ko lang naman ay ang pakiki-alam ng Simbahan sa pribado naming buhay!”

“Katoliko naman kami, eh. Pero kung ang pag-uusapan ay ang pagpapasya namin sa kung ilan ang dapat naming anak, wala na ang Simbahan diyan!”

Sa maraming pagkakataon, Katoliko tayo sa ngalan, ngunit hindi katoliko sa pamamaraan. Tagasunod tayong naturingan, pero hindi tayo sumusunod sa mga turo ng Inang Simbahan.

Hinarap rin ni Jesus ang suliraning ito. Kung kaya’t tulad ni Josue, hinarap rin niya ang mga naturingang tagasunod niya. “Ibig din ba ninyo umalis?”

Mayroong nanindigan. Mayroong sumagot at tumalima sa Kanya. Mayroong nagpasya at namili nang tama … Si Pedro, na sa ngalan ng iba pang mga disipulo ay nagwika: “Panginoon, kanino po kami pupunta? Nasa inyo ang mga salitang nagbibigay ng buhay na walang hanggan. Naniniwala kami at ngayo’y natitiyak naming kayo ang Banal ng Diyos.”

Pagpapasya. Pagtalima. Kaakibat ito ng pananampalataya. Ang disipulo ay tagasunod. Tumatalima. Naniniwala. Sumasampalataya.

Laking pasasalamat ko sa halimbawa ni Jesse Robredo. Sa buhay na simple, na halos walang kibo, walang angal, walang masyadong salita, ay nabunyag ang isang taong hindi ordinaryong Kristiyano … May paninindigan … may sinasandigan …. May pananagutan … Nakinig siya … Tumalima bilang tagasunod at disipulo. Bakit? Sapagka’t ang pagiging disipulo ay hindi kailanman maaring ihiwalay sa pagiging mananampalataya … At ang pananampalatayang ito ay nakikita sa gawa.

Salamat Panginoon sa mataginting na halimbawang ito ni Jesse Robredo!

Taning Ikaw lamang, Panginoon, ang may tangan ng salitang nagbibigay-buhay!

Thursday, August 16, 2012

TIRAHAN, KARUNUNGAN, HAPUNAN, KALIGTASAN!


Ika-20 Linggo ng Taon (B)
Agosto 19, 2012

TIRAHAN, KARUNUNGAN, HAPUNAN, KALIGTASAN!

Angkin ko nang estilo ang bigyang-lagom o buod ang gusto kong sabihin sa paggamit ng ilang kataga, na ginagamit ko bilang pananda para hindi malimutan ang gusto kong sabihin. Sa araw na ito, apat ang napili ko, halaw sa tatlong pagbasa: tirahan, kaurunungan, hapunan, at kaligtasan!

Alam kong madali kayong makasusunod sa agos ng aking isipan lalu na sa mga araw na ito na kay raming bahay ang naanod o nalubog man lamang sa baha. Ang walang pangalang si habagat na naghatid ng siyam-siyam na araw na ulan ay nagdulot ng pighati sa maraming tao, kundi alipunga, o problema sa leptospirosis, wag na natin banggitin ang nababad nating mga gamit sa bahay na hindi na marahil pakikinabangan.

Alam natin ang kahulugan ng lahat ng ito. Ang mga gumawa ng tirahan sa dapat sana’y daluyan ng tubig, ang mga nagpundar sa bula ay nag-ani rin ng bula. Ang gumamit ng mga mahuhunang materyales, ay nagdanas ng mabilis na pagkawasak ng kanilang itinayo. Ang nagpunla ng hangin ay hangin rin ang aanihin.

Totoo rin ito sa batayan ng lahat ng ginagawa natin sa buhay. May mga palsong pangaral at pekeng ginto. May tunay na diamante at may puwit lamang ng baso. May lantay na pilak at may kinulayan lamang na asero o yero.

Sa araw na ito, isang mahalagang pagunita ang hatid ng mga pagbasa sa atin: “Gumawa na ng tirahan ayon sa karunungan, na itinayo sa pitong patibayan.” (Unang pagbasa). Sa panahon natin may nagnanais magtayo ng isang pundasyon na batay sa makamundo at material na karunungan. Nguni’t alam nating ang makamundong karunungan ay makamundo rin lamang na kalalagayan ang sinisinta o hinahanap.

Mayroong nagsasabing ang pagpigil sa pagdami ng tao ay dapat nang gawin, ayon sa batas, sapilitan, lalung higit sa mga taong walang kayang bumili o mamili ng pamamaraan. Kung kaya’t ang RH Bill ay isinusulong. Matindi ang talakayan, mainit ang balitaktakan. Ang bawa’t panig ay naghahanap ng batayan sa wastong kaalaman, sa mga pagsasaliksik na batay sa agham o sa mga survey o estatistika. Hindi maikakailang ang bawa’t panig ay may pinanghahawakang matibay na sandigan o batayan ng kanilang posisyon.

Subali’t hindi rin maipagkakailang mayroong batayang makamundo at batayang mas nagpapahalaga sa mga bagay na hindi nabibilang, hindi nasusukat, at hindi natitimbang – mga pagpapahalagang espiritwal!

May kaalamang makatao at karunungang makalangit. May datos na panlupa at datos na pang langit. May buhay sa daigdig ay may buhay na walang hanggan.

Anuman ang posisyon ninyo, ito lamang ang masasabi ko … Depende ito lahat sa kung anong batayan o tinatawag na pananaw sa mundo ang inyong pinanghahawakan. Ang may taglay na worldview o pananaw na mas nagpapahalaga sa mga bagay na material o pang ngayon at dito ay paniguradong panig sa panukalang batas na ito. Nguni’t ang may pagkiling sa mga higit pang matatayog na pagpapahalaga ay panig naman sa kabila.

Kami mang mga pari ay nagnanasa ng kasaganaan. Kami man ay malungkot sa dami ng mga batang hindi na napakakain nang tama, ay hindi pa nakapag-aaral. Kami man ay nangangarap na makarating ang bayan natin sa tugatog ng kasaganaan at prosperidad.

Nguni’t iba ang nais ng tao at iba ang nais ng Diyos. Ang naisin ng Diyos para sa atin ngayon ay ay magtaglay tayo at magkamit ng karunungan. At ang dapat nating pagpunyagian ay ang gumawa ng tirahang nababatay sa tunay at autentikong karunungan: “Mabuhay kayong tulad ng matatalino, at di tulad ng mga mangmang. Sapagkat masama ang takbo ng daigdig, samantalahin ninyo ang bawa’t pagkakataon na kayo’y makagawa ng mabuti.” (Ikalawang pagbasa).

Tulad ninyong lahat, ako ay napakaraming pagkakamaling nagawa sa buhay. Ang iba rito ay nagdudulot pa rin sa akin ng kahihiyang pangloob. May mga mali akong nagawa na ayaw ko nang maalaala pa. Pero hindi ko rin maikakaila na ang mga kamaliang ito mismo ang naghatid sa akin sa tamang kamalayan, sa tamang pagkilatis sa mga bagay-bagay. Dahil sa mga pagkakamaling ito, natuto akong kumilala sa tunay na diamante, ika nga, at makita ang puwit lamang ng baso. Natuto akong kumilatis ng mga solusyon sa problemang pang ngayon lamang, at bukas-makalawa ay siya nating bagong problema, at mga solusyon na pangmatagalan, sa kadahilanang ang pinag-uusapan natin ay mga taong may kalayaaan at angking katalinuhan, may angking dignidad, na kailanman ay hindi dapat tapakan ng batas, o anumang utos ng estado. Ang pangunahing karapatang-pantaong ito ay ang buhay. Wala ni anuman ang puedeng yumurak dito o yumapak sa karapatang ito. Maging ang estado ay walang karapatang isa-isantabi ito at bale walain.

Nais kong isipin na sa araw na ito, may isang maliwanag na aral na dulot ang Panginoon upang tayo ay maihatid sa tunay na karunungan, na maghahatid sa walang hanggang kaligtasan. At ito ay may kinalaman sa kaniyang ipinagkaloog sa Huling Hapunan, kung saan inialay niya ang kanyang katawan at dugo para sa ating kaligtasan.

Oo, kapatid at kapanalig! May kaugnayan ang Eukaristiya at Karunungan. Walang tunay na karunungan kung ito ay walang kaugnayan sa buhay na walang hanggan. Walang tunay na solusyon kung ang solusyong naturan ay para sa ngayon lamang at dito. Walang autentikong paglutas sa patong-patong nating problema kung ito ay may kinalaman lamang sa karangyaan, kayamanan, at lahat ng pagpapahalagang walang kinalaman sa buhay na walang hanggan.

Tayong mga kristiyano ay nabubuhay sa dalawang larangan: sa larangan ng mundong ibabaw, at sa larangan ng kalangitan; sa larangan ng pang-ngayon at dito at sa larangan ng pangsawalang-hanggan.

Hindi dapat tayo mabulag sa kinang ng tanso, na akala natin ay ginto. Huwag tayong madala sa ningning ng pilak na kapag kinaskas mo nang kaunti ay asero lamang naman palang tinubog at kinulayan. May karangyaang pangako kapag kokonti na lamang ang tao sa bayan natin, ngunit ang kahihinatnan ng isang bayang napadala sa kinang ng palsong ginto at pekeng pilak, at puwit ng baso ay kahindik-hindik kung isipin – isang bayan at taong walang pinapanginoon kundi ang ngayon, ang dito, at ang lahat ng anyo ng makamundong pagnanasa, sapagka’t nasaisantabi na natin ang Diyos.

Hayaan natin sanang ang Eukaristiyang ito ay maghatid sa atin sa tunay na kamalayan. Hayaan nating ang tinapay na pagsasaluhan natin ay magpatibay sa pananampalataya nating siya “ang pagkaing nagbibigay-buhay ba bumaba mula sa langit. Mabubuhay magpakailanman ang sinumang kumain nito.”

Gumawa tayo ng tirahan batay sa karunungan. Halina’t sumalo sa kanyang hapunan bilang paghahanda at pangako sa buhay na walang hanggan!

Friday, August 10, 2012

GUMISING, KUMAIN, AT MABUHAY TUWINA!


Ika-19 na Linggo (Taon B)
Agosto 12, 2012

Mga Pagbasa: 1 Ha 19:4-8 / Ef 4:30 -5:2 / Jn 6:51

GUMISING, KUMAIN, AT MABUHAY TUWINA!

Mga tao rin ang mga propeta … may damdamin, may puso, may pangamba, pag-asa, at pagnanasa. Di miminsan ring nasasagasaan ang damdamin ng mga propeta. Di miminsan ring nakakaranas rin sila ng panghihinawa, kawalan ng lakas at tatag ng kalooban, at ang madala sa pananakot o paniniil ng mga makapangyarihan.

Ito rin ang kwento ni Elias, na pinag-uusig ni Jesebel. Matindi ang poot ng mga tulad ni Jesebel, sapagka’t nagsabi ng totoo si Elias, at ang totoo ay laging nakasasaling ng damdamin at nagpapaliyab sa natutulog na galit at poot ninuman.

Lumayas si Elias sa ilang. Nagkubli at sumilong sa isang puno. At hindi lamang iyon, nagnasa siyang mabigyang-wakas na ang kanyang buhay, upang sa gayon ay matapos na ang lahat, at makaranas siya ng katiwasayang ipinagkait ng mga taong makapangyarihan.

Di rin miminsang ang aking damdamin ay napuno ng takot at pangamba. Maraming taon na ang nakalilipas nang ako ay kamuhian ng mga tagasunod ng isang pulitiko dahil ang kanilang manok ay natalo sa lugar kung saan ako naruon. Inorganisa ko ang mga tao, upang mabantayan nila ang kanilang boto. Pinagmatyag ko sila, pinagbantay … at sa ganitong paraan ay para bagang nasansala namin ang anumang maitim na balakin ng mga nasa kapangyarihan noon. Di nagtagal ay tumanggap ako ng isang korona ng bulaklak na maliwanag na tanda na ako ay tutugisin ng mga halang ang kaluluwa.

Hindi rin masyadong matagal magmula nang ako ay mag-organisa ng mga tao upang labanan ang lumalaganap na droga sa bayan kung saan ako naruon. Nagkamulat ang tao, nagising sa katotohanang, kung wala silang gagawin ay lalamunin silang buhay ng banta ng droga at mga tagapagtulak na naglipana sa paligid namin.

Mura lamang pala ang buhay ng tao. At dahil sa naging mainit ang talakayan tungkol sa droga, ay hindi naglaon at ako ay nakatanggap ng isang malinaw na mensahe na naglalayong patigilin ako … “Ano ang gusto mo? Ang magpatuloy makapag-Misa o ang biglang mapatigil?”

Sa kasalukuyang panahon, ang pagiging propeta ay lalung lumala at lalung naging mapanganib. Sa aking pagtayo at pag-anib sa turo ng Inang Simbahan, di lihim na mayroong nasasaktan, at mayroong nagagalit. Ngunit sa halip na barilin nila ang mensahe, ang binabaril ay ang mensahero. Sa halip na tuligsain ang pangaral, ang tinutuligsa nila ay ang nangangaral. At pati mga bagay na wala akong kinalaman ay pilit nilang ipupukol sa akin, na para bagang pinalalabas nila na ako ay kamuhi-muhing gumawa ng mga baluktot na krimen, na lubhang pinagpipyestahan ng mass media, kahit na, karamihan rito ay pinalaki at pinalala lamang ng palsong uri ng jornalismo.

Nanghihinawa ako. Nanghihina, at nawawalan ng lakas at tibay ng kalooban. Tulad ni Elias, nagnanasa akong katumbas ng kanyang pagnanasang mawakas na ang buhay at mawala na ang lahat ng pasakit at hilahil sa buhay.

Ngunit and Diyos ng buhay ay Diyos rin ng pangako. Siya rin, ay Diyos ng katuparan. Sa araw na ito nais kong isipin na dalawang bagay ang dulot at hatid niya sa ating lahat: kautusan, at pangako!

Kautusan … Gising na at kumain! Gumising ka sa kabatirang ang Diyos ay tunay, ang Diyos ay buhay, at ang Diyos ay hindi natutulog. Tulad ni Elias, inuutusan tayo na bumangon at kumain, at tumanggap ng lakas. Walang lakas ang propeta kung hindi tumatanggap ng wastong pagkain. Walang lakas ang tagapangaral kung walang koneksyon o karugtong sa Diyos na nagbibigay-buhay.

Sa araw na ito, bukod sa kautusang ito ay isang pangako ang hatid niya: “Ang nananalig sa akin ay may buhay na walang hanggan.”

Sa awa ng Diyos na ito, naka-agguanta ako … nakatagal … nakakita ng higit pang lakas upang patuloy na magturo, mangaral, at magpahayag, sa tuwina, saanman, at kailanman. Sa awa rin ng Diyos, ay 34 na taon na ako nagtuturo, at 30 taon halos nag-mimisa para sa bayan ng Diyos.

Ito sana ang panghawakan natin sa araw na ito: ang kautusan at ang pangako. Natitisod rin maging ang mga propeta. At pati ang mga mananakbo kung minsan ay napapatid rin at nadadapa. At malinaw pa sa sinag ng araw, na pati manlalaro sa olimpiko ay nanghihina at nawawalan ng lakas.

Ngunit sa araw na ito, hindi lamang lakas ang dulot ng Diyos sa atin. Hindi lamang pangako, bagkus katuparan – sa pamamagitan ng Eukaristiya ang tinapay ng buhay: “Ang sinumang kumain ang pagkaing bumaba mula sa langit ay hindi mamamatay. Ako ang pagkaing nagbibigay buhay na bumaba mula sa langit. Mabubuhay magpakailanman ang sinumang kumain nito. At ang pagkaing ibibigay ko sa ikabubuhay ng sanlibutan ay ang aking laman.”

Hala, iangat ang mga mata. Bumangon na at mag-inat-inat mga kapatid. Gumising, kumain, at mabuhay tuwina!

Friday, August 3, 2012

TINAPAY NA KALOOB; LUWALHATING NILOLOOB


Ika-18 Linggo ng Taon B

TINAPAY NA KALOOB; LUWALHATING NILOLOOB

Bihasa tayong lahat mag-reklamo. Reklamo tayo kapag hindi nangyari ang gusto natin. Reklamo tayo kapag naparam ang balakin natin. Panay ngayon ang reklamo ng mga drayber saan mang dako ng Pilipinas. Ang trapiko ay hindi gumagaan saan ka man dumako sa bayan natin.

Reklamo ng mga guro ang kakulangan ng silid-aralan. Reklamo ng mga trabahador ang kulang na sweldo. At reklamo ng mga negosyante ang higit pang mga hinihingi ng mga trabahador.

Walang masama sa ating mga reklamo. Ang pag-angal ay tanda ng kagustuhan natin makamit ang wasto, ang tama, ang higit pa, ang nararapat. Walang masama sa ginawa ng mga Israelitang nagreklamo kay Moises na walang mamalam gawin upang mapatahimik ang mga taong nagdobleng-isip kung bakit sila lumabas pa ng Egipto.

Marami rin tayong reklamo ngayon. At sa likod ng mga ito ay ang kagustuhan nating makamit ang kasaganaan, ang kawalang kakulangan sa anuman, ang buhay na kaaya-aya at ganap … buhay na kumbaga ay wala ka nang hahanapin pa.

Marami sa mga tao ang galit sa Simbahan dahil sa pagsusulong ng Pro Life. Hindi sila galit sapagka’t isinusulong ito ng simbahan. Galit sila sa hindi nila lubos na nauunawaan, na para bagang ang Simbahan ay paki-alamero, walang puso, at nanghihimasok sa buhan ng may buhay.

Akmang akma ang sinabi ng Panginoon sa mga galit rin kay Moises: “Iyan ang tinapay na bigay sa inyo ng Panginoon.”

Subali’t madaling masilaw sa pangako ng material na kasaganaan. Nguni’t alam nating lahat na walang nagtatagal sa buhay sa daigdig. Ang lahat ay naaagnas, nasisira, nabubulok. Mayroong hanay na pagpapahalagang higit pa sa pagpapahalagang makamundo.

Ako man ay hindi masaya sa dami ng problema ng Pilipinas. Napakaraming mga batang walang alam. Napakaraming naglipana sa lansangan, hindi nag-aaral, at bata pa man, ay naghahanap-buhay na. Hindi ako masaya na parami nang parami ang mga dukha.

Subali’t ang solusyon na naiisip natin ay laging pang ngayon lamang at dito. Hindi natin naiisip ang panghinaharap, ang pang sa walang hanggan, ang buhay pang kaluluwa, at ang mga pagpapahalagang pang espiritwal, na higit pa sa mga pagpapahalagang pang dito at ngayon lamang.

Paala-ala sa atin ni Pablo: “huwag na kayong mamuhay nang gaya ng mga Hentil.” “Magbago na kayo ng diwa at pag-iisip; at ang bagong makita sa inyo ay ang bagong pagkatao na nilikhang kalarawan ng Diyos, kalarawan ng kanyang katwiran at kabanalan.”

Bilang isang edukador, alam ko kung gaano kahirap ang isulong ang ganitong hanay ng pagpapahalaga. Mas madali ang pauntiin ang tao. Mas madali ang pigilang mag-anak ang mga dukha. Mas madali ang bigyan sila ng pangpigil sa pag-aanak, sa ngalan ng kalusugan.

Nguni’t sa buhay natin, iba ang busog, at iba ang ganap na tao ayon sa kaniyang pagiging larawan at wangis ng Diyos.

May pagkaing makamundo at may pagkaing makalangit. Mahirap man tanggapin ngayon, ang isinusulong ng Simbahan ay hindi lamang pang-ngayon at pang-dito kundi pang sa buhay na walang hanggan.

At ayon sa turo ng Panginoon ngayon, dapat nating isipin higit sa lahat ang pagkaing naghahatid sa buhay na walang hanggan, tungo sa buhay na ganap at kaaya-aya.

Huwag sana tayon matakot manindigan para sa pagpapahalagang hindi lamang pang naririto at pangkasalukuyan. Tingnan sana natin ang buo at ganap na kapakanan ng tao, bata, matanda, isinilang na o hindi pa isinisilang!

Tumingala nawa tayo sa tinapay na kaloob, at bigyang pansin at diin ang luwalhating niloloob at minimithi. Ito ang dulot ng Eukaristiya – pagkaing hindi nasisira at nagbibigay ng buhay na walang hanggan.