Thursday, June 14, 2012

SA TAKDANG PANAHON, AYON SA TAKDANG PAMAMARAAN NG DIYOS!


Ika-11 Linggo ng Karaniwang Panahon (B)
Hunyo 17, 2012

Mga Pagbasa: Ez 17:22-24 / 2 Cor 5:6-10 / Mc 4:26-34



Isa sa mga alaalang hindi madaling mapuknat sa aking isipan ay ang paghahalaman. Binuhay kami at pinalaki ng mga magulang namin sa paghahalaman, sa pagtatanim, una ng kape na siyang pinagkunan ng pinag-paaral sa amin, sa sa mga iba-iba pang halaman tulad ng gulay, na pumalibot sa bakuran namin, noong kami ay mga batang paslit lamang.

Ngayong ako ay narito sa loob ng ilang araw sa Jakarta, Indonesia, muling nagbalik sa aking isipan ang mga larawan ng luntian at mayayabong na halamang aking kinagisnan sa Mendez, Cavite, kasama ng mga higanteng mga puno at mayayabong rin na mga halamang gubat, na nakita ko sa maraming gubat at bundok na aking naakyat noong ako ay mas bata pa.

Kung saan ako naruon ngayon sa Wisma Salesian Don Bosco dito sa Sunter Jaya, Jakarta, natutuwa akong manungaw at makakita ng mga matatabang mga halamang nagbibigay tuwa sa aking alaala, at nagpapataba sa puso ko, tulad ng nagbibigay rin ng kalungkutan dahil sa kabatirang sa maraming lugar sa Pilipinas, ang mga puno at halaman at naglaho na, at napalitan ng mga batong gusali, o napatungan ng mga bahay na magkakadikit halos, at wala nang mga bakuran tulad ng dati.

At bakit, matanong ninyo, ito ang aking binabanggit ngayon?

Simple lamang po. Ang mga pagbasa ngayon ay tinutumbok ang dalawang bagay: una, ang paglago at pagyabong ng Kaharian ng Diyos, ang Simbahan, tulad ng isang halaman; at ikalawa, ang pangangailangan nating lahat na hindi padala sa panghihina ng loob, at bagkus magdalang tapang sa pagharap sa mga paghamon ng lipunan at ng panahon.

Ito ay dalawang bagay na lubha kong kailangan, o tunay na malapit sa puso ko. Gaya ng nasabi ko, ako ay lumaki na napapalibutan ng halaman at puno. Ikalawa, sa loob ng 30 taon na halos na ako ay pari, pinagdaaanan ako di miminsan ng panghihinawa, at kawalan ng kalakasan ng loob, at panghihinayang sa pagdating ng mga katotohanang hindi ko inaasahan – mga mapapait na karanasang nagpadulas sa akin, at naging sanhi upang mawalan ng pag-asa tungkol sa maraming bagay sa mundo.

Kasama na rito ang nagbabagong klima at ang patuloy na paglalaho ng mga yamang pangkalikasan, dahil sa katakawan ng tao. Kasama rin dito ang napipintong paghihirap na may kinalaman sa pagpapalaganap ng mabuting balita ng kaligtasan, dahil sa mabilis na pagbabago ng kultura ng kabataan, at ng buong lipunan na malimit ay nalilinlang ng mass media at ng komersiyo sa TV at radio at internet.

Alam kong naparito kayo sa Simbahan upang mai-angat ang inyong pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig. Alam kong naparito kayo upang makarinig ng pangaral na may kinalaman sa kung ano ang dapat gawin ng mga sumasampalataya. Alam kong marami sa inyo ay naparito hindi lamang upang makarinig ng magagandang pananalita, bagkus upang magkaroon ng lakas upang gampanan ang tungkulin na tumulong upang mapawi ang paninikil, at paniniil ng puwersa ng kasamaan at kasalanan – sa ating personal na buhay at buhay panglipunan. Alam kong naparito tayo sa simbahan hindi lamang para magdasal, kundi matutong makibaka, makihalubilo at makisama upang makatulong sa Diyos na matupad ang kanyang pangako – na sumaatin ang kanyang paghahari dito sa lupa, para nang sa langit.

Pag-asa ang aking kailangan … na parang tubig sa isang uhaw at tigang na kalooban na pinapanawan rin ng pagpupunyagi. Di miminsan akong nabigyan ng death threat, dahil sa aking pagpupunyagi, tulad ng aking paglaban sa droga o pakikibaka para sa kalayaang pantao. Di miminsan akong kinagalitan ng mga taong ang akala nila ay ang pagsisimba ay ang pansariling pagdarasal lamang, at walang kinalaman sa pagpapanibago ng isang politikang demasyadong makasarili, demasyadong mapanlinlang, at demasyadong mapagsamantala – ngayon, at noon pa man.

Pag-asa ang punto ng unang pagbasa, mula sa isang propetang tila sanay magwika tungkol sa buhay mula sa tuyot na mga buto. Pag-asa ang dulot niya, na nagwika tungkol sa vision ng Diyos, na kukuha at pipitas ng isang sanga mula sa sedro upang itanim muli sa isang mataas na bundok, at yayabong at lalago …

Larawan ito ng Paghahari ng Diyos na darating … lalago … lalawak … at magbubunga nang marami para sa kaligtasan ng tanan. Larawan ito ng kung paano kumilos ang Diyos … hindi nagmamadali, hindi padalos-dalos, hindi naiinip, bagkus gumagawa nang dahan-dahan, nguni’t patungo sa kaganapan!

Larawan din ito ng mga nagpasimula sa gawaing Salesiano dito sa Indonesia … sa pagpupunyagi nina Fr. Carbonnell at mga kasama, na kumuha ng sanga kumbaga mula sa Maynila, at nagtanim dito sa Jakarta, na ngayon ay mayabong, at patungo sa paglago, ayon sa Kanyang takdang panahon, ayon sa kanyang pamamaraan.

Nais ko sanang huwag ninyo akong sundan sa kawalan ng pag-asa, at panghihinawa. Nais ko sanang tingnan natin ang napakaliit na buto ng mustasa, na bagama’t napakadaling hipan at iwala, kapag lumaki ay puedeng pagbahayan ng mga ibon, at magbigay ng lilim sa nangangailangan.

Ito ang Simbahan ng Diyos. Ito ang paghahari ng Diyos. Nagmumula sa maliliit at tila walang silbi. Nguni’t nagbubunga nang marami sa takdang panahon.

Atin sana ipagdasal ang mga misyonerong nagpapagal sa maraming lugar sa daigdig. Atin sanang ipagdasal na ang paghahari ng Diyos ay tunay na sumaatin, ngayon, duon, saanman, kailanman, sa kanyang takdang panahon, sa kanyang takdang pamamaraan, sa tulong natin at ng balana, tungo sa buhay na walang hanggan!

Wisma Salesian Don Bosco
Jl. Mandor Iren No. 5
Sunter Jaya, Jakarta
Indonesia
Hunyo 15, 2012
Araw ng Ordenasyon ni Rev. Peter Ryan Vergouw, SDB atbp

No comments:

Post a Comment