KAPANGANAKAN NI JUAN BAUTISTA (B)
Junio 24, 2012
Walang ibang santo, liban kay San Pablo, ang may dalawang
araw ng kapistahan sa taon ng Simbahan. Ipinagdiriwang ng Simbahan ang pagsilang
at paglisan sa mundong ibabaw ni Juan Bautista. Ito ay kadakilaang
tumataginting … kadakilaang walang kadududa-duda, walang kaparis, walang
katulad.
Pero alam nating ang landas tungo sa kadakilaan ay hindi
nalalatagan ng katamisan at karangyaan. Kung may rosas mang nakalatag sa
landasing ito, puno at tigib ng tinik ng kagipitan at kahirapan ang daanang
ito. Hindi madali ang magpakabuti. Hindi madali ang magpakatotoo, ang
magpakabanal, at magpakatapat sa tawag ng nararapat!
Alam nating lahat ito … sa sandaling gumawa ka ng nararapat,
may taong magtataka, magtatanong … “Bakit ka nagsabi ng totoo?” “Bakit ka
umamin?” Tingnan nyo nangyari kay Corona … Umamin … nagtapat … na mayroon
siyang perang hindi isinama sa SALN … ayun! Buking, ika nga! Para bagang ang liksyon
moral ay itago na lamang, ikubli … hwag magtapat, at patuloy na
magmaang-maangan!
Isang malaking palaisipan sa akin ang pinagdadaanan ng mga
krisityanong pinag-uusig at patuloy na pinahihirapan sa maraming lugar sa buong
mundo … dahilan lamang sa sila ay hindi kapanalig ng mga higit na nakararami.
Mahirap ang manatiling nakatayo kung ang karamihan ay nanlalagas na parang
tuyot na dahon sa parang. Mahirap ang manindigan kung ang kalakaran ng mundo ay
tungo sa daang baluktot, at daan ng katiwalian. Mahirap manindigan sa
katotohanan, kung ang mass media ay pawang nabili na, at nahutok na sa iisang
linya ng kaisipan … kung ang kasinungalingan ay naging totoo na sa paulit-ulit
na patutsada ng higit na nakararaming mga komentarista.
Saludo ako sa mga kristiyano sa lugar na sila ay hindi
malayang sumamba. Alam kong marami akong tagabasa mula sa mga bansang ito kung
saan ni Biblia, ni rosary, ni stampita o larawang banal ay bawal. Saludo ako sa
aking mga tagabasang sa kabila ng lahat, ay patuloy na nagsisikap upang
patatagin, pagyamanin, at palakasin ang kanilang pananampalataya – walang
iniwan noong unang panahong ang mga kristiyano ay kailangang magtago sa
katakombas upang makasamba sa iisa at tunay na Diyos!
Ito ang sinapit na kapalaran ni Juan Bautista … nagsabi siya
ng totoo … nagpatunay … nagpakilala sa Mesiyas … Sa kanyang pagsasabi pa ng
ibang totoo, sinapit niya ang malagim na kamatayan … Isa siyang martir ng
katotohanan, bagama’t ang takbo ng lipunan ng panahon niya ay taliwas sa landas
ng katotohanan at kabanalan. May nagalit … may nagtampo … at may nagbalak ng
masama, na naging makatotohanan dahil sa isang pinunong walang paninindigan sa
wasto at tama.
Matindi ang pinagdadaanan natin sa panahon natin. Madali ang
magpadala sa takbo at kalakaran ng bulaang mass media. Madali ang magpadala sa
agos. Madali ang mabuyo sa pagkamuhi lalu na’t ginawang demonyo ang taong hindi
kasangga ng sinumang naghahawak ng kapangyarihan.
Matindi ang pinagdadaanan ng mga nagsisikap magpakatapat.
Matindi ang landasing tinatahak ng mga lumalaban sa RH bill, sa pagpupunyagi
para sa karapatan ng mga hindi pa isinisilang, ang mga api, at ang mga biktima
ng mapanlinlang na pamamahayag.
Kapag sinusuri natin ang sarili sa araw na ito, ano ba ang
nakikita natin? Sa ganang akin, ang nakikita ko ay isang mahinang tao, marupok,
madaling manghinawa … At panalangin ko tulad ng panalangin ng salmista: “Ako’y
iyong siniyasat, batid mo ang aking buhay, ang lahat kong lihim, Poon, ay tiyak
mong nalalaman.”
Sa araw na ito, mabuti marahil na tingnan natin ang antas ng
ating paninindigan, ang kakayahang nating tumayo sa sarilin nating paa, at
sarili nating pasya – para sa wasto at tama. Utang na loob natin it okay Juan
Bautista, na nagturo sa atin kung ano ang kahulugan ng manindigan sa totoo, sa
tama, sa wasto, at nararapat.
Pero, ano ang uuwiin natin dito? Malinaw pa sa tanghaling
tapat! … pagiging martir, paghihirap, pagbabayad nang malaki tulad ng ginawa ni
Juan Bautista.
Tama ang sinabi ng Antipona sa pasimula … Si Juan ay isang “saksi
sa kaliwanagan” … upang maging tunay at handa ang tanan! Saksi sa liwanag;
busilak na kadakilaan!
No comments:
Post a Comment