Wednesday, May 30, 2012

SINO?


BANAL NA SANTATLO
Hunyo 3, 2012


Pahirapan na naman sa pagpapaliwanag sa araw na ito. May mga bagay sa buhay na wala yatang sapat na kapaliwanagan. Anu man ang gawin mo, anu man ang hagilapin mo, at paano mo man pag-ikot-ikutin ang katotohanan, ang lubusang kapaliwanagan at walang pag-aalinlangang paglilinaw ay hindi yata makakamit.
Puno ng kabalintunaan ang buhay natin. Puno rin ng hiwaga, tigib ng kawalang katiyakan at kasiguraduhan. 

Sa pananampalataya natin, puspos rin ng misteryo at marami ring hiwaga.

Ang kapistahan natin sa araw na ito ay isa sa mga hiwagang ito. Hindi na para sa atin ang pagsikapang lubos na arukin, at tahasang tiyakin ang puno at dulo ng lahat ng ito.

Subali’t hindi como hiwaga o misteryo ay hindi na karapat-dapat lapatan ng paniniwala at pananampalataya. Sa buhay natin, marami tayong pinaniniwalaan kahit hindi natin lubos na nauunawaan. Hindi natin lubos na naiintindihan ang sakit na kanser pero alam natin na ito ay isang palaisipan sa buhay, na tinatanggap natin bilang isang mapait na katotohanan. Hindi natin lubos na matanggap ang maraming mga nagaganap sa ating lipunan, ang mga pinaggagawa ng mga namumuno sa atin, subali’t patuloy pa rin tayong nagtitiwala sa sistema political ng kalupaan. Hindi natin alam kung paano talaga nakapagpapainog ng mundo ang siyensiya ng kuryente, liban sa pag-aalsa ng mga electrons, nguni’t wala tayong sapat na salita upang talagang bigyang liwanag kung bakit nag-iilaw ang bombilya at umaandar ang mga makina. Kulang ang katagang makatao upang bigyang hustisya ang maraming bagay sa mundong ibabaw.

Tatapatin ko kayo. Hirap akong ipaliwanag itong misteryo ng Banal na Santatlo.

At bakit hindi? Ang Bibliya mismo ay hindi nagpapaliwanag nito. Ang Bibliya ay nagpahayag lamang ng isang katotohanan at ipinaloob ito sa takbo ng kasaysayan ng kaligtasan. Nagpakilala ang Diyos, bilang Manlilikha, Manunubos, at Espiritung nagpapabanal. Namulat, ika nga, tayo sa katotohanang ang unang nagmahal ang Diyos, ay nagsugo sa kanyang pinakamamahal na Anak, si Jesucristo. At alam rin natin na ang Ama at ang Anak, ay nagsugo ng pag-ibig, ang espiritu ng pag-ibig na nananahan sa katawan natin bilang kanyang templo, at nananahan sa kanyang Iglesya, upang patuloy na maghatid sa atin sa kabanalan at pakikipagniig sa Diyos.

Sa madaling salita, walang malalim na tesis ang ibinigay ng Banal na Kasulatan, liban sa isang Diyos na gumawa, Diyos na gumanap, Diyos na nagpamalas ng pag-ibig, sa pamamagitan ng Anak, at Diyos na nagsugo sa Espiritu ng pag-ibig na bunga rin ng pagmamahalan ng Ama at ng Anak.

Hindi isang tesis ang patunay tungkol sa iisang Diyos na may tatlong  Persona. Hindi isang makapal na aklat, kundi isang kasaysayang puno ng Kanyang gawa, puno ng kanyang pananatili at pagpapahayag ng sarili.
At ito ang kanyang gawa .. pakinggan natin muli kay Moises ...

Ano ang kanyang sabi? Sino? Sino? Parang si Igan at si Mike Enriquez na nagsisimula sa kanilang “blind item.” Pero hindi ito blind item. Sino ang nakakita nang higit pa sa ipinamalas ng Diyos? “Sinong Diyos ang naglabas ng isang buong lahi mula sa isang bansa upang maging kanya sa pamamagitan ng pakikipagsubukan ng kapangyarihan, ng kababalaghan, ng digmaan, at ng makapangyarihang mga gawa, tulad ng ginawa ng Panginoon sa Egipto?”

Vamos a ver! Sino nga ba?

Hindi lamang ito! Ano ang nangyari sa atin? Mula sa isang lahing alipin, tayo ay naging kapiling at kagupiling ng Diyos. Nabahagi tayo sa kanyang buhay. Nakasali tayo sa kanyang pamamatnubay, hindi bilang hari, kundi bilang Panginoon at Ama. “Ang lahat ng pinapatnubayan ng Espiritu ng Diyos ay mga anak ng Diyos.

Pero ang tanong ngayon ay ito! Ano ang gagawin natin? Ano ang isusukli natin sa kaloob na ito? Matapos siya magpakilala sa kasaysayan at gumawa ng kababalaghan sa kasaysayan, ano ba ang dapat nating gawin? Saan ba natin ilulugar ang sarili sa harap ng kasaganaang ito?

Huwag na tayo magpatumpik-tumpik pa. Ang bawat kaloob ay may pananagutang kalakip. Ang bawat regalo ay may responsibilidad. Ano ba iyon?

“Kaya, humayo kayo at gawin ninyong alagad ko ang lahat ng bansa.” Sino? Sino ba siyang nagbibigay sa atin ng kautusang ito?

Wala nang iba. Walan nang ibang Diyos. Tanging Siya at wala nang dapat hanapin pa. Siya. Diyos. Ama. Anak. Espiritu Santo. Iisa. Tatlong Persona, ang Banal na Santatlo!

Tai, Mangilao, GUAM
Mayo 31, 2012

Friday, May 25, 2012

PUSPUSIN ANG KALOOBAN NG TANAN!


Linggo ng Pentekostes
Mayo 27, 2012

Di miminsang sumasagi sa buhay natin ang panghihinawa. Di maikakailang ang buhay natin ay parang gulong ... minsan nasa ibabaw, minsan nasa ilalim. Di natin maitatatwa ang katotohanang minsan, tayo ay nagkakamali ng palagay, nalilihis ng landas, at nabubulagan sa mga bagay-bagay at mga pangyayari sa buhay.

Nangyari ito sa mga Judio nang si Jesus ay maluwalhating pumasok sa Jerusalem. Nagbunyi sila at nagsaya. At bakit hindi? Dumarating ang Hari ng Israel. Pumapasok ang manliligtas, ang maghahatid sa kanila palabas sa mga matatalim at matatalas na kuko ng mang-uusig. Hosana sa Anak ni David! Hosana sa kaitaasan! Ito ang kanilang sigaw at awit.

Subali’t ang kanilang galak ay napalitan ng galit at pagkamuhi sa loob ng ilang araw. Ang osana ay naging ipako. Ang pagbubunyi at nauwi sa pagkamuhi.

Nagkamali ang marami. Nagbago ang simoy ng hangin. Napako sa krus ang inaasahang manliligtas.
Subali’t ang maling akala ay puede laging itama at iwasto. Naganap ito nang muling nabuhay si Jesus. Tama ang kanilang paniwala. Si Jesus nga ang Mesiyas. Mali ang kanilang tinanggap na totoo. Siya ay manliligtas nga, nguni’t sa kaparaanang hindi nila inaasahan.

Napalitan ng tuwa ang kanilang naramdaman nang muling nabuhay si Jesus. Isang panibagong pag-asa. Isang panibagong tulak ... Isa pang muling panimula sa pagtahak tungo sa kaliwanagan.

Ang aking Ama, sa pagdapit sa paglubog ng araw ng kaniyang buhay ay isang diabetiko. Bagama’t maingat siya sa kaniyang pagkain, may mga pagkakataong biglang nanghihina, biglang parang nauupos na kandila. Sa mga sandaling ito, kailangan niya ng isang mabilis na turok, kumbaga ... Sa pagbagsak ng level ng sugar sa dugo, ay walang solusyon liban sa madaliang pag-inom ng anumang matamis – coke o candy, upang manumbalik ang lakas. Sa katawang naghihina, ang katapat ay isang pampalakas, pangpanumbalik ng katatagan ng katawan.

Mababa ang level ng blood sugar ng bayan natin ngayon. Kay raming pagkamuhi. Kay raming pagbibintang at kay rami ring pagkokondena. Matinis ang mga hiyawan ngayon, ang mga pukulan, ang bintangan, at mga paratangan. Wala tayo halos tiwala sa isa’t isa, at ang bayan natin ay parang isang kandilang tila nauupos, humuhulagpos, at inuubos ang lakas na panloob, at napapalitan ng galit at poot.

Mababa rin ang blood sugar ng aking espiritwalidad ngayon. Nagsasawa ako sa maraming bagay. Nanghihinawa ako sa paggawa ng mabuti yamang pati ang mabuti mong nais ay binabasahan ng masamang intension. Nanlalamig at nanlulumo ang kalooban ko sa pagkamalas kung paano ang lahat ay sumisigaw para sa katotohanan, gayong nakapagpasya na sila kung ano ang totoo, at gayong napagdesisyunan na nilang ang totoo ay kung ano ang akma sa kanilang napili na at naako.

Sa kabila ng lahat ng ingay, at nagpupuyos na damdamin, tuloy pa rin ang korupsyon, kasinungalingan, at panlilinlang sa lipunan.

Nais kong isipin na isang matinding tulak ang kailangan natin lahat sa araw na ito.
Pero nais ko ring isipin na ang kapistahan natin ngayon ay walang iba kundi ito – ang isang iniksyon sa kalooban, ang isang turok sa kaibuturan ng kaluluwa at puso natin, upang muling bumangon, upang muling lumakas, at muling magsikap tungo sa kaisahan.

Nagkawatak-watak ang mga disipulo nang si Kristo ay napako sa krus. Kahit noong muling nabuhay, mayroon pa ring nag-alinlangan, nag-atubili, at nagkubli sa Senakulo. Sa takot nila, nagtago sila sa kwarto sa itaas, malayo sa tao, malayo sa mga mapagtanong at mapag-usisa.

Dito, sa grupong nahihintakutan, at pinanawan ng lakas, dumating at bumaba ang Espiritu sa bawa’t  isa.
Sa isang grupong tila nawalan ng tapang, bumaba ang apoy na nagpa-alab sa kanilang puso. Sa grupong hindi man lang magkaisa sa iisang salita, sa iisang puso at kaisipan ay dumatal ang Espiritu ng Kaisahan.

Kailangan ka namin, O Banal na Espiritu. Kailangan namin ang iyong kaisahan, ang iyong kalakasan at ang iyong kaliwanagan. Malayo pa kami sa kaisahan. At lalu kaming malayo sa kapayapaan. Nagkawindang windang ang bayan namin dahil sa politika. Nagkasira-sira ang samahan namin dahil sa pagkamakasarili at kasakiman. Pati mga magkakamag-anak ay nagka-away-away dahil sa kasakiman sa pera. Ang buhay political namin ay nauwi na lamang sa pagsasamantala sa mga mangmang at mga mahihirap at walang kaya.

Halina Espiritu Santo. Halina at muli kaming bigyan ng lakas. Patatagin ang pagnanasa namin sa kabutihan. Pag-igihin at pag-ibayuhin ang kalooban namin. Puspusin Mo ang kalooban ng tanan!

Tai, Mangilao, GUAM – Mayo 25, 2012

Wednesday, May 16, 2012

PANGAKO AT KATUPARAN


PAG-AKYAT NG PANGINOON SA LANGIT (B)
Mayo 20, 2012

Mga Pagbasa: Gawa 1:1-11 / Ef 1:17-23 / Mc 16:15-20


Luwalhati at kagalakan ang diwa ng araw na ito. Pagpupugay at mapitagang pagsamba ang kaakibat nito. At bakit hindi? Kapag ang pangako ay hindi napako sa kawalan o kabulaanan, bagkus naganap at natupad, di ba’t pagdiriwang ang dapat isalubong dito?

Bihasa tayong lahat na mangako. Bata pa tayo, kapag inuutusan ng magulang, iisang bagay ang sagot natin tuwina … “Opo, gagawin ko po.” “Magbunot ka na ng sahig,” ang utos sa atin noong wala pang mga polisher na de kuryente. “Opo, mamaya-maya po.” Nang tayo ay medyo tumanda, iba namang pangako, pero pangako pa rin ang malimit nating marinig … mula sa mga politico. Noong araw, mayroong panggulong kandidato sa pagka pangulo (Racuyal ba yon?) ang nangakong gagawing plastic ang lahat ng daan sa Pilipinas. Ngayon, iba na ang pangako ng mga politico … bibigyan daw sila ng lupang matitirikan ng  bahay sa Kamaynilaan … basta ba’t dumami ang mga botante sa lugar nila.

Alam natin kung gaano kahirap ang mangako, lalu na sa mga bata. Kapag nangako ka sa isang bata, hindi nila nalilimutan iyon, kahit na magbilang sila ng tulog, at para sa kanila ang 2 araw ay katumbas ng dalawang taong paghihintay. Ilang pangako ang narinig mo sa magulang mo noong ika’y batang paslit?

Nais kong ikwento sa inyo ang isa kong karanasan sa pangakong ito. Noong ako ay humigit-kumulang 4 na taon, pinangakuan ako ng aking ama na dadalhin sa sirko (circus) noong panahong ang mga sirko ay dumadayo na dala ang malaking telon o tolda kung saan ginagawa ang mga pakitang-gilas. Sabik sa sabik ako … hintay na hintay, at tuwang-tuwa sa pangako.

Hindi naganap ito … hindi natupad. O kita nyo? Hanggang ngayon, natatandaan ko pa, di ba? Ito ang kasamaan sa pangakong napapako … pangakong walang tuldok, walang wakas, liban sa isang markang patanong … “Kailan pa?”

Nang pumasok si Jesus sa Jerusalem noong Linggo ng Palaspas, nagdiwang ang tao, nagsaya at nagsayaw pa siguro ng Caracol, habang inilatag ang lahat nilang balabal at mga palaspas. Ipinagbunyi siya. Itinanghal. Parang hari. Parang marangal na pinuno, at matapang na general, na magpapakitang-gilas laban sa mga Romano at lahat ng tagapag-usig ng bayang Israel.

Pero hindi ito ang kanyang pangako. Hindi ito ang kanyang pakay. Mahirap yata ang nagdidiwang sa hindi mo naman pala piyesta o kaarawan. Mahirap yata ang nagbubunyi para sa isang bagay na hindi mo naman dapat ipagbunyi.

Dito nagkamali ang mga Israelita. Maling akala! Akala nila’y haring military si Jesus. Akala nila’y magtatangan siya ng setro at ng sandata, para habuling palabas ang mga tampalasang nagpapahirap sa kanila. Sa kanilang pagkakamali sa una, nadagdagan pa ng isa pang mali …

At narito ang trahedya … Matapos sumigaw ng “hosanna,” ay di lumipas ang maraming araw at sila naman ay palahaw nang humiyaw ng “ipako sa krus!”
Ang akala nilang pangako ay biglang napako, biglang naglaho. Ang inaasahan nilang manlulupig at manliligtas ay pala naman ay isang maamong korderong hindi makapatay-langaw, sapagka’t ito nga ang kanyang pangako … kakaiba … walang katulad … walang kapantay … walang katumbas!

Iba pala ang ciudad na kanyang papasukin nang maluwalhati … hindi ang lungsod ng mga makamundo at makapangyarihan at mayaman … hindi ang lungsod ng mga nagkakamal ng naaagnas na mga katangian.

Sa araw na ito, isa na namang pagpasok ang pinagninilayan natin – ang kanyang pagpasok, hindi sa isang ciudad na ang ngalan ay Jerusalem, kundi isang ciudad na makalangit na kung tawagin ng aklat ng pangako, ang Banal na Kasulatan, ay makalangit na Jerusalem!

At bakit hindi? Ito ang pahayag ng mga pagbasa ngayon … ang pag-akyat ni Jesus sa langit, upang maging Hari, hindi ng Israel, kundi ng bayan ng Diyos, na higit pa sa isang kaharian. Mayroon pa ring nagkamali…. Mayroon pa ring medyo naguluhan at nagtanong: “Panginoon, itatatag na ba ninyong muli ang kaharian ng Israel?” Nguni’t ano ang naganap? “Pagkasabi nito, siya’y iniakyat sa langit samantalang nakatingin sila sa kanya.”

Mayroon ka bang pangakong hinihintay? Ako rin … pero kakaiba na itong pangako. Hindi na sirko at ang panonood ng nagliliparang mga sirkero sa tolda. Hindi na ang pagkakataong sumigaw ng “hosanna” na kapagdaka’y mapapalitan ng “ipako sa krus.” Hindi na makamundong Jerusalem ang pinag-uusapan dito, bagkus ang makalangit na Jerusalem, kung saan siya ay maluluklok, at kung saan siya ay maghahari magpakailanman.

Isang mungkahi lamang mula sa isang hindi isinilang kahapon … Huwag kayon sanang magpapaniwala sa mga pangako ng mga hunghang. Wag kayo masyado mapadala sa mga matatamis na pananalita ng mga sinungaling na may hawak ng mass media. Huwag kayo masyado madaling mapa-anod sa agos ng kalakarang hindi maka-diyos at sa halip ay makasarili.

Sundan natin Siya na nangako. Tumpak … pero ang pangako niya ay hindi isa lamang sakong bigas, hindi isang lote na titirikan ng kubo, hindi mga senior citizen card, para libre sa sine at libreng bulaklak sa araw ng birthday … mga mabababaw na pangako.

Sundan natin Siya na nangako … “Ako ang Daan, Katotohanan, at ang Buhay.” At ang kanyang pangako ay hindi napako. Ginawa niya iyon. Nagdusa. Namatay. At umakyat sa langit!

Siya ang tunay na modelo ng Pangako at Katuparan! Saan ka pa? E di kay Jesus na!

Thursday, May 10, 2012

MANATILI. MANAGANA. MAMAYAPA!


Ika-6 na Linggo ng Pagkabuhay(B)
Mayo 13, 2012

Mga Pagbasa: Gawa 10:25-26.34-35.44-48 / 1 Jn 4:7-10 / Jn 15:9-17



Isang mapagpala at mapitagang pagbati sa aking mga tagabasa sa malapit at sa malayo. Isang kabatirang nakatataba ng puso ay ang kaalamang ito ay binabasa ng mga kapanalig na matatagpuan sa malalapit at malalayong lugar sa buong daigdig, gaya ng mga natatanggap kong mga paramdam mula sa inyo. Di man marami, sapat na ito upang pagsikapan kong ipagpatuloy ang pagsusulat nito kahit may mga pagkakataong tila wala akong makitang panahon o kakayahang pangatawanan ito tuwing darating ang Linggo.

Sa mga kapanalig kong nasa malalayong lugar ito naka-alay, yamang ang babanggitin ko ay may kinalaman sa kanilang paglisan, pangingibang-bayan, o paglayo sa mga mahal sa buhay at lupang sinilangan.

Alam kong bagama’t puno ang bulsa ninyo, salat naman ang inyong puso. Mahirap ang mapalayo sa mahal na pamilya. Mahirap ang magmahal nang ang namamagitan ay libo-libong milya at walang katapusang lipad sa eroplano, na hindi naman magagawa nang karaka-raka, kapag nasintahan.

Mahirap ang magmahal nang nasa malayo. Sa aking buong pagkapari, patung-patong ang mga malulungkot at mapapait na kwento ng pamilyang nawawasak dahil sa malayong pagmamahalan.  Alam nating lahat ito … hindi makukuha sa pa text-text ang pagbuo ng isang nagkakaniig na pamilya. Hindi kaya ito ang patawag-tawag sa telepono lamang, kahit mahigit isang oras mo pang tanungin at kumustahin ang iyong mahal sa buhay. Hindi rin ito makukuha sa Skype, o Facetime, Yahoo instant messaging, gaano man ka hi-tech o ka-mahal ang iyong 4G cellphone o iPad, o android na smart phone.

Ang pag-ibig ay hindi makukuha sa pa-rega-regalo lamang, kundi sa pananatili o pagkakaloob, o pagpapalagayang-loob.

Tingnan natin kung ano ang saad ng mga pagbasa sa araw na ito.

Sa unang pagbasa, nakita natin na ang pag-ibig ng Diyos ay walang balakid, walang harang, walang anumang maaaring humadlang. Para sa Diyos, walang espesyal, walang natatangi, walang sinumang hindi kayang marating ng Kaniyang biyaya. Pati si Cornelio, na isang pagano, at ang kanyang buong sambahayan, ay nasilayan ng matinding init ng pag-ibig ng Diyos. Dinggin natin ito mismo kay Pedro: “Walang itinatangi ang Diyos … Sinumang may takot sa kanya at gumagawa ng matuwid, kahit saang bansa.”

Sa buhay natin, wag ka lamang lumayo ng ilang daang milya, ay magkaka problema ka na. Malayo sa tingin, malayo ka rin sa pagtingin, at lalung malayo sa pagturing. (Out of sight, out of mind!). Hindi madali ang panatiliin ang pakikipag niig kung hanggang Skype o cellphone ka lamang. Sa mundong ibabaw, maraming balakid, maraming hadlang, at maraming nagpapahiwalay sa isa’t isa. Hindi lingid sa atin, na ang panahon ay isang lambong na nagpapahina sa pagmamahalan. Kita natin ito maski sa mga showbiz personalities. Ang mga dating magkakapatid na nagmamahalan, ay nagiging matalik na magkaaway paglipas ng panahon. Mga magkakasama sa tinatawag nilang “industriya” ay di miminsang nagdedemandahan, naggigirian, at nagtutungayaw sa harap ng camera. Mayroon pang nagsusuntukan sa harap ng marami at ng buong bansa!

Kay raming balakid … kay raming hadlang!

Kailangan natin makarinig ng magandang balita tungkol sa pag-ibig na hindi nagmamaliw, pag-ibig na hindi nasasapawan ng bagay na material, at hindi nalulukuban ng labis na pagpapahalaga sa sariling kapakanan.

Narito ang balitang ito! Hatid ni Jesus, na siyang kumatawan sa pag-ibig ng Diyos Ama.

Ang pag-ibig na ito ay hindi isang kathang-isip o isang pakagat lamang sa mass media. Hindi ito isang kuryente na ang pakay ay makapanlinlang ng maraming tao. Hindi ito isang press o praise release na ang gusto ay pabanguhin o pabahuin ang sinuman.

Ito ang pawang katotohanan! Alin? Na ang panawagan sa ating ay mag-ibigan tayo, “sapagkat mula sa Diyos ang pag-ibig!”

Ano raw? Anong pag-ibig? Heto … agape … hindi eros at hindi philia, na parehong nanghihinawa, nagsasawa, at naglalaho. Ang philia, na kaakibat ng pag-ibig ng magkakapatid at mag-iina ay naglalaho. Ilang mga artista at mga pulitiko ang nag-aaway sa ngalan ng katanyagan at kapangyarihan? Ilang mga dati-rati ay ubod ng gwapo at ganda, na ngayong kulubot at matanda na ay laos na, hindi na tanyag, at hindi na kaibig-ibig?

Ilang mga kwento ng mga taong nagmamahalan, ngunit pagdating sa Saudi ay nakakita na ng iba, sapagkat, hindi nga ito makukuha sa pa text text, kundi sa pagiging malapit sa isa’t isa?

Kailangan ko ring makarinig ng magandang balitang ito tungkol sa pag-ibig na hindi nagmamaliw, hindi natatabunan ng bagay na material, at hindi nalulukuban ng alapaap ng kalayuan. Sa mga panahong ito, hindi ko pa rin maubos maisip na pati mga taong pinagmalasakitan mo at pinagbuhusan ng lahat ng kaya mo ay babaligtad at mag-iisip ng masama sa iyo, tulad nang nangyari sa akin kung saan tatlong taon ako nagpagal at nagpakahirap! Madaling maglaho ang eros. Madaling matunaw ang philia, at madaling bumaligtad ang taong walang tunay na maka-Diyos na pag-ibig.

Iisa ang nais kong tumbukin sa mga katagang ito. Mayroong tunay at wagas na pag-ibig. Hindi nagmamaliw. Hindi naglalaho. At higit sa lahat, hindi nawawala dahil lamang sa distansya. Ito ang pag-ibig ng Diyos. “Ito ang pag-ibig: hindi sa inibig natin ang Diyos, kundi tayo ang inibig niya at sinugo ang Kanyang anak upang maging handog sa ikapagpapatawad ng ating mga kasalanan.”

At sapagkat ito ang tunay, may dapat tayong gawin, ayon kay Jesus. Manatili. Managana. At mamayapa sa Kanya. Manatiling malapit sa Kanyang puso, sa kanyang piling … “Manatili kayo sa aking pag-ibig.” Tanging Siya. Walang nang iba. Wala nang higit pa!

Friday, May 4, 2012

TUNAY NA PUNO; TAPAT NA BUNGA!


Ikalimang Linggo ng Pagkabuhay (B)
Mayo 5, 2012

Mga Pagbasa: Gawa 9:26-31 / 1 Jn 3:18-24 / Jn 15:4a-5b


Isa sa mga natutunan ko sa paghahalaman ay ang tinatawag namin sa Mendez, Cavite na “pagsusuloy.” Noong araw na maganda pa, ika nga, ang kita sa kape, walang sinumang makaaasang mag-ani nang maraming kape kung hindi sinusuluyan ang mga puno. Walang iba ito kundi ang pagpuputol sa mga suloy na kumakain lamang ng tubig at sustansiya ng lupa na hindi naman namumunga sa huli. Para makapamunga nang marami ang puno, dapat tanggalin ang mga suloy sa tagiliran ng puno at panatiliin lamang ang mga matatandang sanga upang sila ang mamulaklak at mamunga.

Isang kabaligtaran mang palaisipan ito, nguni’t ito ang totoo. Ang tunay na sanga lamang ang siyang nagbibigay ng tapat na bunga. Ang lahat ng mga palsong mga sanga, na sumisipsip lamang ng tubig at pataba, ay panay dahon lamang ang alay … walang bunga!

Mahaba-haba na rin ang nilakbay natin sa panahon ng Pagkabuhay. Sa Linggo ng Pagkabuhay, ang pinagnilayan natin ay walang iba kundi ang katotohanan ng kanyang muling pagbangon mula sa kamatayan. Sa ikalawang Linggo, pinagnilayan natin ang pananatili sa piling natin ng Panginoong muling nabuhay. Sa ikatlong Linggo, ay ginunita naman natin kung paano ang pahayag na pagkabuhay ay naiparinig at naipa-alam sa balana. Noon namang isang Linggo ay napagtanto natin kung ano ang bunga ng pagkabuhay na mag-uli ni Jesus – walang iba kundi ang kaligtasan ng sangkatauhan!

Sa araw na ito, ikalimang Linggo, ang atin namang hinaharap ay kung ano ang ibinunga ng kaligtasang ito, at kung paano nagsimula at nagkatotoo ang kaligtasan – ang bunga ng isang pamayanang nagkakaisa, nagkakahugpong, at namumunga dahil mismo sa kaisahang ito sa Panginoong muling nabuhay.

Napakadaling makita ang katotohanang ito sa kalikasan. Walang kaduda-duda, liban lamang kung ang sinuman sa aking tagabasa ay hindi nakapagtanim sa tanang buhay nila. Kahit sa simpleng kamote lamang o kangkong ay madaling mapatunayan ang sinasabi ng Panginoon. Putulin mo ang isang sanga, at kapagdaka’y malalanta, mamamatay. Tagpasin mo ang isang bahagi ng gumagapang na kamote o kalabasa ay ito ay hindi magtatagal, di maglalaon ay matutuyot at malalanta.

Hindi rin mahirap ilipat ang larawang ito sa ating pakikibahagi sa isang samahan. Kapag ang isang kasapi ay humiwalay o tumiwalag, mahirap ang panatiliing nakatayo ang anumang ginagawa natin. Nakita natin ito nang paulit-ulit sa buhay natin. Kay raming mga samahan ang nagsimula nang maganda at maayos, hanggang sa sagian o dapuan ng inggit o galit. Pag ito ay hindi nasawata, nanganganak ang mga samahan, nagkakawatak-watak, at ang nangyayari ay matira ang matibay. Ang dating iisang samahan na iisa ang pakay at layunin ay nagiging dalawang pareho ang layunin. Ang dating nagkakaisa sa iisang mithiin ay nagiging magkaribal sa parehong naisin, at nagiging magkalaban sa iisang larangan o balakin. Di maglalaon ang dalawang samahan ay namamatay nang dahan-dahan, o parehong naglalaho sa sirkulasyon.

Marami  nang liksyon o aral ang kasaysayan tungkol dito. Pati ang simbahang itinatag ni Kristo ay naging biktima ng parehong pagkakawatak-watak, at ang lahat ng tumiwalag mula sa iisang Iglesyang itinatag ng Diyos ay nagkawatak-watak pa rin, at nahati-hati sa marami pang ibang pulutong o pangkat-pangkat.

Para sa akin, napakalinaw ang aral ng ebanghelyo sa araw na ito. Kinakailangan nating manatiling nakakabit o nakahugpong sa iisang puno, kung tayo ay mamumunga nang marami. Hindi tayo puedeng mag-asal na tulad ni Lone Ranger, na may kanyang sariling mithiin at pakay sa buhay.

Subali’t hind lamang pananatili ang dapat natin gawin. Dapat din ay makatotohanan ang ating pananatili. Dapat rin na tayo ay naka-hugpong sa tunay na puno, upang ang bunga natin ay marami at tapat, kaaya-aya at kapaki-pakinabang.

Madali rin ito makita sa pagtatanim o pag-aalaga ng halaman. Kung minsan, ang tanim na kamote ay nahahaluan ng ibang binhi. Ang bunga na galing sa tunay na puno at tunay na binhi ay magaganda, mayayabong at kaaya-aya. Nguni’t ang galing sa hindi tunay na puno ay lumalabas na bukbukin, maraming pecas ang bunga, at hindi matamis, o kung minsan ay may halong pait. Ang kamoteng bukbukin ay hindi nabibili, at walang silbi kundi pakain sa baboy.

Kung minsan, ang tunay na puno ay dapat rin linisin. Dapat tanggalin ang mga suloy na hindi bahagi ng tunay na puno, at lalong hindi nagbubunga nang tapat at kaaya-aya. Ito ang dapat suluyin, dapat tabasin, at dapat putulin. Ayon mismo kay Kristo, “pinuputol niya ang mga sangang hindi namumunga; at kanya namang pinuputulan at nililinis ang bawat sangang namumunga upang lalong dumami ang bunga.”

Sa panahon natin, hirap ang hindi bahagi ng isang malaking kompanya. Hirap ang anumang komersyo na hindi kaugat ng malalaki o dambuhalang mga multinationals. Sa buhay natin bilang kristiyano, hindi tayo maaring nag-sosolo, nag-iisa at walang koneksyon kaninuman. Higit sa lahat, kailangan nating manatili kay Kristo, siyang tunay na puno, kung gusto nating gumawa ng tapat na bunga.