Linggo ng Palaspas
Abril 1, 2012
Mga Pagbasa: Isa 50:4-7 / Fil 2:6-11 / Mc 15:1-39
TAGASUNOD, HINDI TAGAHANGA
Marami sa mga tagabasa ko ang nasa facebook o nasa twitter. Malamang na kakaunti lamang ang hindi konektado sa internet.
Sa panahon natin, iba ang sikat, di ba? Aminin man natin o hindi, marami sa atin ang nag-aasam makilala, maging tanyag, at maging celebrity sa cyberspace. Kay rami nang naging tanyag sa pamamagitan ng Youtube, at iba pang platform sa internet. Pangarap natin na makagawa ng isang video na magiging “viral” ika nga, o “meme” man lamang, o anumang kakaiba o bago. Ang hanap natin ay ang dami ng “hits,” ng “visits,” ng “likes” o “google plus” o “1’s.”
Lahat tayo ay naghahanap ng taga-hanga!
Subali’t sa simula ng mahal na araw, kailangan natin tiyakin na nasa wastong pahina tayo, o tamang takbo ng isipan. Liwanagin muna natin kung ano ang hinanap ni Kristo.
Unahin natin sa pagbasa bago tayo nag-prusisyon. Ano ang sinasaad? Ang daming taong mga taga Jerusalem ang natuwa at nagbunyi sa kanyang pagpasok sa lungsod. Hanap nila ang isang haring tagapagligtas. Hanap nila ay isang pinunong maghahatid sa kanila sa kalayaan. Kung kaya’t mali man o tama, ay nagbunyi sila kay Jesus. Naglatag ng mga balabal; nagwasiwas ng mga palaspas; at nangasipaghiyawan ng pagbubunying laan lamang sa isang sugo mula sa langit: “Osana sa kaitaasan! Pinagpala ang naparirito sa ngalan ng Panginoon!”
Masaya, di ba? Sino sa atin ang ayaw sa atensyon ng madla? Sino sa atin ang aayaw pa sa isang marangyang party sa karangalan natin?
Pero matapos ang prusisyong maluwalhati ay biglang natakluban ng kakaibang damdamin at himig ang liturhiya. Biglang napalitan ng lambong ng lungkot o katotohanang brutal, ika nga, ang takbo ng mga pangyayari. Matapos ang marangyang pagpasok sa Jerusalem, nabunyag sa ating kaalaman ang tunay na diwa ng pagpasok ni Jesus sa banal na lungsod.
Sa unang pagbasa pa lamang, narinig natin ang mga katagang galing sa Lingkod ng Diyos, na nagpahayag ng walang pasubaling pagsunod niya sa kalooban ng Diyos: “Pinabayaan ko silang bunutin ang buhok ko’t balbas, gayon din ang lurhan nila ako sa mukha.”
Sa ikalawang pagbasa naman, narinig natin sa awit ni San Pablo ang mga katagang nagpapahayag ng lubos na pagtalima sa kalooban ng Diyos: “Nang maging tao, siya’y nagpakababa at naging masunurin hanggang kamatayan, oo, hanggang kamatayan sa krus.”
Malayo yata ito sa mga “likes” natin sa facebook. Aminin natin …sino ba ang huli nating pinagkalooban ng “like?” Kanino bang mensahe ang ating ipinorward o ipinasa sa prends? A ver … ano bang ang una nating tinitingnan pag nag-log-in tayo? Di ba’t kung ilan ang mensahe o comments? Di ba’t ito rin ang dahilan kung bakit tila nagpapaligsahan ang marami sa pagpopost ng profile pic na makalaglag matsing, o makatawag-pansin?
Di ba totoong nag-asam rin tayong maging tulad nila Moymoy Palaboy o ni Mikee Bustos na sinusundan ng marami, at laging binubuksan ang pahina sa youtube?
Taga-hanga! … iyan ang hanap ng marami. Iyan ang hanap ng mga senador tuwing ipapangalandakan ang kanilang mukha sa TV. Iyan ang hanap ng maraming pulitikong walang kabubusugan kapag publicidad ang hanap … name recall … upang sa araw ng botohan, ang matatandaan ng botante ay hindi ang kanilang plataporma, o balak gawin, kundi ang kanilang matamis na pangalan.
Ang Linggo ng Palaspas ay isang mumunting larawan ng kung sino ang tao. Ito rin ay isang buod ng kung ano dapat tayo. Nagsimula ang drama sa isang maluwalhating prusisyon. Napalitan ng isang katotohanang hindi madaling tanggapin – na ang itinanghal na Hari, ay hari nga, nguni’t isang kakaibang hari ayon sa balak ng Ama … isang haring masasadlak sa dusa, sa kadustaan, at sa kamatayan … isang haring ang trono ay hindi isang magarbong upuan, bagkus ang trono ng krus, kung saan niya tutubusin ang mga taong naglalakad pa sa dilim ng kasalanan.
Ayaw natin sumunod sa ganitong hari. Ayaw natin maging isang taong mababaon sa puntod ng pagkalimot o kawalang pansin. Kung kaya’t marami sa atin ay nananatili na lamang bilang mga tagahanga … malayo ika nga sa bituka. Ang isang tagahanga ay isang pasulyap-sulyap lamang, patingin-tingin, parang mga lurkers sa facebook na araw-araw ay naroon, nguni’t hindi on-line … Lahat ng wall ng mga prends ay binubuksan, tinitingnan, nguni’t hindi nagpapakita, hindi nagpaparamdam … panaka-naka lamang nagla-like, o nag-kokomento. Alam nilang lahat ang nangyayari sa iba, nguni’t walang nakaaalam sa nangyayari sa kanila. Secret admirers, ika nga.
Ito ang hindi hinahanap ng Panginoon. Hindi siya nangaral upang humanga tayo sa kanya. Nangaral siya upang tayo ay sumunod sa kanya! At ang pagsunod ay hindi nakukuha sa “likes,” “comments” o “1’s” sa Google plus.
Ang pagsunod ay nangangahulugang pagsalubong sa kanya sa pagpasok sa Jerusalem, at ang pagsama rin sa kanya palabas ng Jerusalem … paakyat sa bundok ng Kalbaryo, patungo sa krus, sa kadustaan, at kamatayan.
Sabi nga ng mga Intsik … Ang salita o daldal ay hindi nakapagluluto ng bigas. Kailangan gumalaw. Kailangan kumilos. Kailangan tumayo mula sa iyong kompyuter, at iwanan ang iPad, o android tablet, wakasan na ang pagla-like, at humayo, magpasan ng krus, at sumunod sa Panginoon!
Hindi ito nakukuha sa papeysbuk-peybuk lamang. Hindi rin ito madadala sa pa-sta-status na lamang, o pa-twitter twitter na walang katapusan na parang isang kuliglig. Tara na, at sumunod sa kanya – hanggang sa kamatayan at kaluwalhatian!