Friday, May 8, 2015

MAGMAHAL, MANATILI, MAMUNGA!


Ika-anim na Linggo Pagkabuhay (B)
Mayo 10, 2015

MAGMAHAL, MANATILI AT MAMUNGA!

Sabi nila hindi na raw uso ang ligawan ngayon … wala nang pumoporma sa simbahan tuwing Linggo. Pare-pareho na ang mga kabataan at matanda na parang lahat galing o papunta sa beach o sa mall. Pero ayon sa programa sa radio kagabi na pinangunahan ng mga kabataan, meron pa rin daw … kaya lang ay iba na ang pamamaraan … sa social media, sa texting, sa chat, at sa sandamakmak na selfie sa social media.

Hindi kailanman mawawala ang pag-ibig ng tao. Nabuhay tayo dahil sa pag-ibig at lumaki tayo at naging adulto dahil rin sa pag-ibig.

Totoo ito, lalu na’t ngayon ay Mothers’ day. Kung wala kang Nanay na nagkalinga, malamang ay wala ka sa mundong ito.

Pero, kahit na hindi ngayon Mothers’ Day, hindi natin maipagkakaila na ang mga pagbasa ay may kinalaman sa pag-ibig na higit pa sa pag-ibig ng isang Ina.

Ito ang pag-ibig ng Diyos, na naging dahilan na tayo ay nasa mundong ibabaw pa rin … dahilan rin kung bakit nananatili pa rin tayo at sa ating kakayahang itaguyod ang buhay natin at buhay ng iba.

Salamat sa mga Nanay o Ina ng tahanan. Kasama ako sa pagdiriwang ng kadakilaan ng lahat ng Ina, kasama at sarili kong Ina, kahit matagal nang pumanaw!

Pero dakila mang tunay ang Nanay nating lahat, mas dakila ang Diyos na nagmahal sa atin sa mula’t mula pa. Larawan lamang ang pag-ibig ng isang Ina ng pag-ibig ng Diyos, “sapagka’t mula sa Diyos ang pag-ibig.”

Sa maraming ospital sa buong mundo, may mga taong ang trabaho ay kargahin at pasusuhin ang mga bagong silang na sanggol. Sabi ng mga eksperto, sa loob daw ng 48 oras matapos isilang, dapat daw makaramdam ang sanggol na mainit na katawan, upang maunawaan ang pagiging konektado sa isang buhay at tunay na ina.  Maging ang mga sanggol ay nangangailangan ng koneksyon, na panananatili, ng pagiging karugtong ng buhay ng isang ina.

Malinaw ang pahatid ng mga pagbasa sa atin ngayon … Magmahal, sapagkat, minahal muna tayo ng Diyos, at “sapagka’t ang Diyos ay pag-ibig.” Pero hindi sapat na malamang tayo ay minahal Niya. Dapat tayong MANATILI … manatiling konektado sa Diyos.

A ver! Nakakita na ba kayo ng sanga ng puno na nakahiwalay sa puno at patuloy na namumunga? Wala! Walang sanga na hindi konektado sa pinagmumulan ng buhay ang patuloy na mamumunga.


LInggo ngayon ng pag-ibig! Tatlong bagay ang kailangan upang maging totoo ito sa buhay natin: magmahal, manatili, at saka mamunga!

Friday, May 1, 2015

STAY KA LANG KAY LORD, KAIBIGAN!



Ika-5 Linggo ng Pagkabuhay B
Mayo 3, 2015

STAY KA LANG KAY LORD!



Kahit gaano kasama ang tao, may pag-asa pa. Siguro, wala nang hihigit pang patunay itong katotohanang ito sa mismong sarili nating buhay. O di ba? Lahat tayo ay nakagawa nang hindi maganda. Lahat tayo ay nakapagsabi ng kasinungalingan. Ayon sa Banal na Kasulatan, ang lahat ay nagkasala at ang lahat ay hindi makapantay sa luwalhati at kadakilaan ng Diyos.



Sino pa ba ang ating halimbawa sa araw na ito? … Walang iba kundi si Saul, na dati-rati ay tagapag-usig ng mga tagasunod ni Kristo. Oh, ano na siya ngayon? Ayon sa aklat ng mga Gawa, “kasama-sama nila [siya] sa Jerusalem, at buong tapang na nangangaral doon sa pangalan ng Panginoon.”



Tingnan mo nga naman!  … dating pangit ang ugali, ngayon ay masugid na tagasunod ng kanyang inusig at di tinanggap. Ano ang bunga nito? “Naging matiwasay ang simbahan sa buong Judea, Galilea at Samaria. Ito’y tumatag at lumaganap sa tulong ng Espiritu Santo at namuhay na may pagkatakot sa Panginoon.”



Tunay na may bagong buhay maging sa mga taong tila patay, at pumapaslang. Tunay na may pag-asa pa hangga’t may hininga at buhay.



Malalim ang pinaghuhugutang pag-ibig ni Juan. Tinawag niya ang kanyang mga tagasunod na mga “anak.” Hindi lamang yan … tinawag niya rin silang lahat na “mga minamahal” … minamahal ng Diyos at silang pinagkalooban ng dakilang awa at pag-ibig mula sa Kanya.



Marami na akong naging alagang aso. May apat pa ako ngayon. Isang katangian ng aso ay ito … marunong silang dumikit sa kanilang amo, o kung sino man ang nagpapakain sa kanila, ayon sa batas ng kalikasan.



Pero higit pa rito ang tao … marunong mamili, marunong magpasya. At hindi napapako sa madilim na nakaraan … kayang bumangon … kayang magbagong-buhay. Tulad ni Pablo. Tulad ni Pedro. Tulad ng lahat ng mga banal na pawang nagsimula sa mundo na may bahid ng kasalanan, nguni’t napagtagumpayan ang mali, at gumawa nang tama.



Ito naman ang tanong para sa atin ngayon … Kaya ba natin ito? Gets ba natin ang dapat gawin upang makaya ito?



At dito naman malinaw pa sa liwanag ng araw ang dapat gawin … “Manatili kayo sa akin.” “Ako ang puno ng ubas, kayo ang mga sanga.”



Malinaw ito sa kaso ng aso. Wag siyang manatili sa akin, at walang magpapakain sa kanya. Malinaw rin ito sa ubasan. Putulin mo ang sanga at ito ay matutuyot at mamamatay.



Gets nyo na ba?



Kung hindi tayo konektado sa internet, wala kang Clash of Clans. Kung wala kang load, wala kang chat. Kung wala kang service provider, walang silbi ang iyong mamahaling cellphone. Mabuti pa aso. Pag sinabi mong “stay,” stay nga siya. Konektado. Kapiling. Kasama.



Stay ka lang kay Lord! Stay ka lang sa kanyang higit pa sa wi-fi coverage. Si Lord ang web. Ikaw ang device. At kung wala si Lord, wala kang silbi smartphone!



Kapit lang nang matibay, kaibigan! Kailangan pa rin natin ang Panginoon!

Saturday, April 4, 2015

MULA SA DILIM, TUNGO SA LIWANAG


Pasko ng Pagkabuhay Taon B
Abril 5, 2015

MULA SA DILIM, TUNGO SA LIWANAG

Tahimik ang kapaligiran sa araw ng Sabado de Gloria. Parang ang kalikasan ay naghihintay, tulad ng matamang paghihintay ng marami sa pagdating ng bagyong nagsimula bilang isang napakalakas na sigwa na ngayon ay humina, salamat sa Diyos.

Sa bihilya ng Paskuwa, magsisimula ang pagdiriwang sa pagbabasbas ng bagong apoy. Patay ang lahat ng ilaw, liban sa bagong apoy na siyang magiging simulain ng isang panibagong liwanag. Mula sa kadiliman ng kamatayan ay babaling ang atensyon ng lahat sa liwanag ng panibagong buhay.

Larawan ito at tanda ng pagtawid ni Jesus mula sa kamatayan tungo sa muling pagkabuhay … tanda rin ng ating pagtawid mula sa kasalanan tungo sa bagong pagsilang at bagong pamumuhay.

Lahat tayo ay nakaranas na ng iba-ibang uri ng mumunting pagkamatay. Namatay tayo sa maraming pagkakataon sa sandaling nabigo ang mga balakin natin at mithiin. Namatay tayo nang kaunti sa sandaling naglaho na parang bula ang mga magaganda nating hangarin o mga pangarap sa buhay … nang dahil sa inggit, sa galit o sa anumang iba pang dahilan, ay nagkaroon ng balakid ang mga magaganda nating gawain o proyekto sa buhay.

Lahat tayo ay nakaranas rin ng higit na masahol na uri ng kamatayan – ang mabulid sa kasalanan, ang malayo sa biyaya ng Diyos at ang malulon sa masamang gawain o maiitim na balakin. Wala ni isa sa atin, liban kay Kristo, ang hindi nagdaan sa pagkakasala. Lahat tayo, liban kay Maria, ay ipinaglihing may bahid ng kasalanang mana.

Pero sa gabi ng Vigilia ng paskuwa, sa araw na ito ng muling pagkabuhay ng Panginoon, ang mata ng pananampalataya ay nakatuon ngayon sa pagbabagong walang kupas, wala nang wakas, at wala nang alpas.

Ito ang tunay na kahulugan ng muling pagkabuhay. Makakaranas pa rin tayo ng kamatayan bilang bunga ng kasalanan. Makararanas pa rin tayo ng mga mumunting pagkamatay dahil na rin sa kasalanan natin at ng kapwa. Subali’t ang kapangyarihan ng kasalanan at ng kamatayan ay tumanggap na ng tuldok at sentensiya ng muling nabuhay si Kristong pinahirapan at pinatay bilang tubos sa kasalanan ng sanlibutan.

Tapos na ang paghahari ng kasalanan. Tapos na ang paniniil ng kadiliman. Pinukaw na ng liwanag ang bumabalot na dilim. Patungo na tayo sa walang kahulirip na tagumpay. At wala nang makagagapi pa sa tagumpay na ito magpakailanman.

Aleluya! Purihin ang Poong muling nabuhay!

Friday, March 27, 2015

MAHAL LAMANG BA O BANAL?


Linggo ng Palaspas Taon B

Marso 29, 2015



MAHAL LAMANG BA O BANAL?



Bukang bibig ng marami ang eroplanong pinabagsak ng piloto sa Francia. Isinuong niya ang buhay ng 150 katao, kasama ang kanyang buhay sa tiyak na kamatayan. Hindi na para sa akin o sa ating lahat ang magbigay ng anumang hula o haka-haka sa kung anong dahilan at nagawa niya ito.



Sapat nang sabihing isinuong niya ang sarili sa panganib at tiyak na kamatayan. Kung ano ang dahilan ay hindi na para sa akin upang hulaan.



Pero dahil sa Linggo ng Palaspas ngayon, dapat siguro nating liwanagin na ang Panginoong Jesus ay dumiretso at tumuloy pa sa Jerusalem bagama’t batid niyang parang isinusuong rin niya ang buhay sa panganib. Ayon sa kasulatan, alam niya ang kahihinatnan. Batid niya na siya ay dadakipin, pahihirapan, at ipapasailalim sa batas ng mga Judio. Malinaw sa Banal na Kasulatan na alam niya ang kanyang sasapitin.



Pero ginawa niya ito, hindi dahil sa anumang dahilan, liban sa pagsunod sa kalooban ng Diyos. Hindi niya ibinuwis ang buhay sa ganang kanyang sariling desisyon, kundi bagkus, ito ang kalooban ng kanyang Ama.



Hindi ito isang tadhanang hinarap nang walang malayang desisyon sa parte ng Panginoon. Ito ay isang daang kanyang tinahak bilang pagtupad at pakikibahagi sa balak ng Diyos para sa kaligtasan ng tao.



Marami ngayon ang magsisikap upang gawing banal ang mahal na araw. Para sa karamihan, ang paggawang banal dito ay walang iba kundi ang pagtatakbuhan at pag-uunahan sa mga tabing-dagat, sa Baguio, o kung saan medyo malamig. Para sa iba, ang paggawang banal ay pag-iwas sa karne, pero paghahanap ng mamahaling mga isda at “seafood” na mas magastos pa sa iniwanang kainin. Para sa iba, ito ay ang pagpunta sa simbahan, pero pakikipag-away sa ibang driver sapagkat naunahan o nagitgit sa parking o sa daanan.



Nguni’t bakit ba “mahal na araw” ang tawag dito? Bakit ba banal na linggo ang taguri dito? Hindi ito banal o mahal dahil lamang tayo ay nagtakbuhan sa dalampasigan. Hindi ito banal dahil lamang pinalitan natin ang Jollibee o McDonald’s ng bacalao o sopa de mariscos. Hindi ito banal dahil nagpawisik tayo ng palaspas na bili naman sa tabing kalye at pagkatapos ay magagalit tayo kasi napakahaba ng mga pagbasa, at mas mahaba pa ang sermon ng pari.



Tingnan sana natin ang diwa ng mga pagbasa ngayon. Isinuong ng Panginoon ang sarili kahit alam niyang siya ay dadakipin. Ginawa niya ang kalooban ng Diyos, at ang paggawa ng Kanyang kalooban ay may halong hirap, hindi ginhawa; pagpapahindi sa sarili, hindi pagpapasasa sa sarili.



Mahal bang tunay ang iyong mahal na araw? O mas mahal lamang ang iyong gagastusin para ito ay maging banal?



Ang nais ng Diyos ay pag-ibig, hindi lamang sakripisyo, at kung tunay na gagawin natin ito, may kalakip na hirap ito, tulad ng sinapit ni Kristong ating Panginoon.



Ang mga araw na ito ay hindi lamang mahal, kundi banal!

Friday, March 20, 2015

DARATING ANG ARAW; DUMATING NA ANG ORAS!

Ika-5 Linggo ng Kwaresma –B
Marso 22, 2015

DARATING ANG ARAW; DUMATING NA ANG ORAS!

Parang magkasalungat ang dating ng mga pagbasa … Nangako si Jeremias na “darating ang mga araw kung kailan gagawa ako ng bagong pakikipagtipan.”

Sa ebanghelyo naman, nagwika ang Panginoon na “dumating na ang oras upang parangalan ang Anak ng Tao.”

Ang una ay mula sa hula o propesiya ni Jeremias. Ang ikalawa ay ang katuparan ng pangako ni Jeremias. Mula sa pangako at katuparan ay mayroong namamagitan. At ang namamagitan rito ay walang iba kundi ang higit nating kinakailangan ngayon.

Kailangan ko ngayon ng saganang buhos ng pag-asa. Napalilibutan tayo ng lahat ng uri na kawalang pag-asa, ng maraming mga pangamba, at lahat ng pagkawala ng katiwasayang pangkalooban. Hindi madaling tanggapin ang balita ng mga kristiyanong pinapatay at inuusig. Hindi madaling lunukin ang mga patuloy na panlilinlang ng mga tampalasang politikong tanging sariling bulsa lamang ang hanap. Hindi madaling tanggapin na ang bawa’t isyu ay laging pinagtatalunan ng napakaraming mga grupong kanya-kanya ang paningin sa lahat ng bagay.

Ito man ang hinarap na pagsubok ng bayan ng Diyos … ang mapatapon, ang lupigin ng banyaga at malalaking mga imperyo, ang maging alipin sa Egipto at marami pang iba. Dito pumasok ang pangako ni Yahweh sa pamamagitan ng propetang tulad ni Jeremias.

Pero mula sa pangako tungo sa katuparan ay mayroon tayong dapat gawin. Mayroon tayong tungkulin at pananagutan. Ito ang paksa ng pagninilay na ito.

Una sa lahat, ang bagong pangakong ito ay una, bago. Pangalawa, kakaiba … “di gaya sa mga tipang ginawa ko sa kaniang mga ninuno.” At ito ang bago: “Itatanim ko sa kanilang kalooban ang aking mga utos; isusulat ko sa kanilang mga puso.”

Ito ngayon ang tanong natin sa ating sarili. Ano baga ang nakaukit sa ating kalooban? Ano ang nakasulat sa puso natin?

Malimit ang laman ng puso natin at kalooban ay takot, pagkamuhi, galit at pighati. Sa araw na ito, magandang isipin ang pagunitang ito: “Darating ang panahon na gagawa ako ng bagong pakikipagtipan sa Israel at sa Juda.”

Sa biyaya ng Diyos ang pangakong darating ay dumating na. “Dumating na ang oras upang parangalan ang Anak ng Tao.” Pero mayroon pa rin tayong pananagutan upang lubos na maganap ito. At ito ang mga dapat nating gawin:

1.     Dapat mahulog at mamatay na parang trigo
2.     Dapat magbunga ng marami
3.     Ang mapoot sa sariling buhay upang magkamit ng tunay na buhay
4.     Ang sumunod at maglingkod sa Panginoon

Darating ang panahon … Dumating na ang oras … Sa Diyos ay walang noon, at bukas, bagkus isang walang katapusang NGAYON … at NGAYON ang tamang oras. Ngayon ang oras ng kaligtasan.


Huwag nang manghinawa. Huwag nang mawalan ng pag-asa. Ang Diyos ay nasa piling natin. “Diyos ko sa aki’y likhain, tapat na puso’t loobin.”

Friday, March 13, 2015

GAYON NA LAMANG ANG KANYANG PAG-IBIG


Ika-apat na Linggo Kwaresma – B
Marso 15, 2015

GAYON NA LAMANG ANG KANYANG PAG-IBIG!

Nasa kalagitnaan na tayo ng Kwaresma. Sa gitnang ito kung kailan dapat ay nararamdaman natin ang kawalan ika nga ng lakas dahil sa mahabang pagpapahindi sa sarili, diwa ng kagalakan ang hatid ng liturhiya. Sa pambungad ay ipinagtatagubilin sa atin na “Magalak tayo’t magdiwang.”

Meron bang dapat ipagdiwang at ikagalak?

Ito ang kwento sa unang pagbasa. Sa kabila ng pagsuway na paulit-ulit ng bayan ng Diyos, hindi iniwanan ng Diyos ang kanyang bayan. Naging daan ng kanyang pag-ibig ang isang hindi inaasahan – si Ciro ang hari ng Persia. Pinalaya niya ang mga Israelita mula sa pagkatapon sa Babilonia.

Sa ikalawang pagbasa, ang dakilang awa at habag ng Diyos ang paksa ni Pablo. “Napakasagana ang habag ng Diyos at napakadakila ang pag-ibig na iniukol niya sa atin.”

Sa ebanghelyo, ang larawan ng Panginoong itinaas at nabayubay sa krus ang siyang naging kaugnay ng larawan ng ahas na itinaas sa tikin, upang maligtas ang mga natuklaw ng ahas sa disyerto.

Ang lahat ay nakatuon at nakaturo sa dakilang pag-ibig ng Diyos!

Alam nating mahirap ang buhay kahit saan. Sa panahon natin, tila wala na tayong kapag-a pag-asa dahil  sa mga patuloy na nagaganap – ang walang patid na korupsyon sa lipunan, ang patuloy na pagyurak sa katarungan, at ang kawalang kakayahan ng mahihirap upang maka-ahon sa kanilang kahirapan.

Lahat tayo ay may karanasang maiwanan, ang hindi mapansin, ang hindi pahalagahan ng kapwa. Lahat tayo ay may katumbas na karanasan ng pagkatapon tulad ng naranasan ng bayan ng Diyos sa Babilonia.

Sa mga pagkakataong tila nawawalan tayo ng pag-asa, sa panahong tila naglalakad tayo sa tuyot na ilang o disyerto, pinupukaw nang paulit-ulit ng Diyos ang ating kamalayan at ipinagkakaloob ang panibagong sigla, panibagong aral, at panibagong paalaala na tayo ay patuloy na minamahal ng Diyos.

Huwag sana tayo manghinawa. Sa gitna ng kwaresma, sa gitna ng paghihirap natin, sa mga sandaling ang ating panalangin ay katumbas ng panalangin ng salmista: “Kung ika’y aking lilimutin, wala na akong aawitin,” ating gunitain pang minsan … may dahilan upang magalak … may dahilan upang magtiwala at umasa …

At narito ang mga dahilan:

“Dahil sa kagandahang-loob ng Diyos ay naligtas tayo” … “Napakasagana ang habag ng Diyos at napakadakila ang pag-ibig na iniukol niya sa atin.”

Subali’t ito ang pinakamatindi: “Pag-ibig sa sanlibutan ng Diyos ay gayon na lamang, kanyang Anak ibinigay, upang mabuhay kailanman ang nananalig na tunay.”