Friday, November 28, 2014

MAGBANTAY SA LIWANAG!


Unang Linggo ng Adbiyento – Taon B
Nobyembre 30, 2014

MAGBANTAY SA LIWANAG!

Lahat ngayon sa buong Pilipinas ay nagbabantay sa liwanag. May ilang linggo na ring nagkakabit ng maraming pailaw at pakutitap sa lahat ng dako ng mga pangunahing lungsod sa buong kapuluan. Hindi masama ang magbantay sa liwanag. Pati mga taong naninirahan sa mga liblib na lugar ay nabibighani sa magagarang mga ilawan tuwing darating ang Kapaskuhan.

Pero sapagka’t hindi pa Pasko ngayon, at simula pa lamang ng panahon ng Adbiyento o Pagdating, na nangangahulugang kailangan natin ang gawang paghihintay o pagbabantay, dapat marahil natin maunawaan ang tunay na diwa at kahulugan ng Panahon ng Pagdating.

Isa sa mga mahirap gawin sa ating bansa ang mag-maneho sa gabi, lalu na sa mga liblib na lugar. Sobrang dilim. At maraming mga hambalang sa kalye ang hindi mo inaasahang makita. Sa mga nagmamaneho, dapat sila laging magbantay … sa mga sasakyang nakaparada na walang EWD (early warning device!); sa mga iba pang sagabal na basta na lamang iniwang nakabalandra sa lansangan, tulad ng kulahan, tindahan, mga pira-pirasong kahoy na basta na lamang itinapon sa daan. Kailangang magmatyag. Kailangang magbantay – sa ilaw na kumukutitap, o sa ilaw na dapat ay naroon pero wala.

Matay nating isipin, ito mismo ang paksa ng mga pagbasa natin ngayon. Himayin natin nang isa-isa ang mga ito. Sa unang pagbasa, liwanag ng wastong pagkilala at kabatiran sa sarili ang paksa. Sino sa atin ang tanggap ang liwanag ng katotohanang tayo ay “tuloy pa rin sa pagkakasala, at ang ginawa nami’y talagang masama mula pa noong una”“kahit anong gawin namin ay duming di hamak.” Marami ang nabubuhay sa kadiliman, at ang kadilimang ito ay may kinalaman sa hindi pagtanggap sa tunay nating katatayuan sa harapan ng Diyos.

Sa ikalawang pagbasa naman, mula sa liham sa mga taga-Corinto, ang liwanag ng biyaya ng Diyos ang siyang malinaw na paksa: “sa mga pagpapala sa pamamagitan ni Kristo Jesus” … “mga kaloob na espiritwal, habang hinihintay nating mahayag ang ating Panginoong Hesukristo.”

Pero ang pinakamatindi at pinakamahalaga ay ito … ang nilalaman ng ebanghelyo … isang EWD o maagang babala tulad ng “early warning device.” Ito ang tunay na kahulugan ng mga ilaw na darating, sa Pista ng Dakilang Liwanag sa araw ng Paskong pinakahihintay natin … “Mag-ingat kayo at maging handa sapagkat hindi ninyo alam kung kailan ang takdang oras.”

Ewan ko lang sa inyo, pero ito ang pakahulugan ko sa Panahon ng Adbiyento o Pagdating … ang pagiging mapagmatyag, mapagbantay, mapag-ingat at mapag-paanyo. Ito ang panahon ng Pagdating at kung may darating ay may naghahanda at nag-aayos. Tama ang hiling natin sa Aleluya bago binasa ang ebanghelyo: “Pag-ibig mo’y ipakita, lingapin kami tuwina, iligtas kami sa dusa.” Halina, Panginoon, halina!

Friday, November 21, 2014

PINUNO, PASIMUNO, PASTOL


Dakilang Kapistahan ni Kristong Hari
Nobyembre 23, 2014

PINUNO, PASIMUNO, PASTOL

Isang masakit na katotohanan ang makitang ang mga namumuno sa atin ay tulad ng mga mababangis na hayop na mapagsamamtala sa mga tupa. Lalong masakit tanggapin ang kabatirang ang pinakamasahol na sindikato ay ang mismong inaasahan nating magtatanggol sa kapakanan ng mga mahihirap at maliliit na tao, na siyang kinabibilangan ng karamihang mga Pilipino.

Sa halip na pinuno, pasimuno sa katiwalian ang naririnig at nakikita natin halos araw-araw. Sa sobrang limit at dami ng mga imbestigasyon, wala nang naniniwala sa mga usaping wala namang pakay kundi ang isulong ang kani-kanilang mga adhikain. Wala silang iniwan sa palayok na galit sa kaldero sapagka’t madumi raw at maitim ang kanilang puwitan.

Nguni’t sa kabila ng ating pagka dismaya sa namumuno at mga pasimuno, ang kapistahan natin ngayon ay may kinalaman sa isang pinuno … sa isang hari … sa isang pastol 

Pero, sagli’t lang … hindi siya tulad ng ating mga pinuno at pasimunong ngayon ay ating kinamumuhian.

Una, hindi siya galing sa isang dinastiya. Ang kanyang angkan, bagama’t angkan ni David, ay mga pinunong ang inuna ay ang kapakanan ng kanilang kawan. Ang kanyang makamundong Ama ay hindi isang marangyang tao, kundi isang maliit na tao – isang karpintero tulad rin niya. Ang kanyang Ina ay isang dalagitang walang kapangyarihan na nagpuri sa Panginoon “sapagka’t iniangat niya ang mga mabababa at ibinagsak ang mga palalo.”

Ikalawa, ang kanyang pangangalaga at kapangyarihan ay hindi galing sa partido pulitikal, kundi galing mismo sa Diyos na siyang may akda ng gawang pang kaligtasan. Mula sa bibig ni Exequiel ay ating narinig: “Ako mismo ang maghahanap at mag-aalaga sa aking mga tupa.”

Ikatlo, at ito ang pinakamahalaga, walang makamundong layunin at adhikain ang naghari sa kanyang puso at isipan, liban sa pagwawagi laban sa pinakamatinding kalaban ng sangkatauhan – ang kasalanan at kamatayang dulot ng kasalanan! “”Kung paanong dumating ang kamatayan sa pamamagitan ng isang tao, gayundin naman, dumating din ang muling pagkabuhay sa pamamagitan ng isang tao.”

Medyo nakababahala ang mga nagaganap sa ating lipunan. Nakawawala rin ang lahat ng ito ng pag-asa at nakapagpapapanaw ng katiwasayan.

Pero ang pista natin ngayon ni Kristong Hari ay isang patibay ng ating pag-asa. “Darating ang wakas, pagkatapos malupig ni Kristo ang lahat ng kaharian, pamahalaan at kapangyarihan; at ibibigay niya sa Diyos at Ama ang paghahari. Sapagka’t si Kristo’y dapat maghari hanggang sa malupig niya at lubusang mapasuko ang kanyang mga kaaway.”

Hindi mga pasimuno ang nagtatangan ng ating kinabukasan. Hindi mga pulpolitiko ang may angkin ng ating hinaharap. Nasa Diyos at tanging nasa Diyos ang tagumpay. Hindi man ngayon, kung kailan tayo ay tila nalulukuban ng kasamaan at kadiliman, ay sa panghinaharap, sa araw ng Kanyang muling pagbabalik.

At kung ito man ay makatutulong sa ating pag-asa at pananabik, dapat nating banggitin na siya ay darating hindi lamang bilang pinuno at pastol. Siya ay darating rin upang maghatid ng katarungan, at paghihiwalayin niya ang mga tupa at mga kambing.

Siya ay pastol, pinuno at gatpuno: gabay at patnubay. Ipokus natin ang ating pag-asa sa kanya, at hindi sa mga kawatang nagpapanggap na mga pinuno at tagapaglingkod.  “Pastol ko’y Panginoong Diyos, hindi ako magdarahop!” Mabuhay si Kristong Hari!


Friday, November 14, 2014

PERA O PERLAS? LUNAS NA WAGAS AT WALANG KUPAS!

Ika-33 Linggo ng Taon A
Nobyembre 16, 2014

PERA O PERLAS? LUNAS NA WAGAS AT WALANG KUPAS!

Mapaghanap tayo sa kapayapaan at katiyakan. Walang masama dito. Hindi kasalanan ang magsikap upang magsuksok upang may madudukot pagdating ng tag-tuyot o tag-ulan. Lahat tayo ay nag-aasam magkaroon ng kasiguraduhan sa ating pagtanda. Mabuti na ang may itinanim, sapagka’t tiyak na may aanihin.

Wala ring masama sa mag-asam ng higit pa. Walang masama ang maghanap ng tunay na halaga galing sa ating pinagpaguran. Kung kaya’t tama ang sabi ni Aklat ng Kawikaan, ang “isang mabuting asawa, higit sa mamahaling alahas ang kanyang halaga.” Iba ang presyo at iba ang halaga. Maaring mababa ang presyo ng isang bagay, pero sa espiritwal na pamantayan, ay lubhang mahalaga.

Dito nagkakaiba ang negosyante at ang mananampalataya o ang taong may buhay espiritwal. Hindi lahat ay natutumbasan ng presyo. Hindi lahat ay mabibigyan natin ng makamundong halaga. At kung ang pag-uusapan ay ang buhay sa kabila, mayroong malaking kaibahan ang mapagtuos at ang mapag-paanyo. Ang mapagtuos ay puro presyo o pera ang nasa isip at salita. Ang mapag-paanyo ay hindi lamang pera o kantidad ang hanap, kundi ang tunay na kahalagahang higit pa sa material na bagay sa daidig.

Ang mapag-paanyo ay katumbas ng mga taong “hindi nabubuhay sa kadiliman”, kundi “kabilang sa panig ng kaliwanagan.”

Ang nasa panig ng kadiliman ay mapagtuos, mapagkubli, mapaghinala. Ang binigyan ng iisang talento ay ganoon nga – mapaghinila na nga, ay mapagtago pa. Itinago at ibinaon ang iisang talentong tinanggap, at naghinala pang sakim ang nagkaloob sa kanya.

Ang nasa panig ng kaliwanagan ay mapag-paanyo, masikap, at masugid na naghahanap pa ng dagdag na halaga. Sa halip na ibaon ang lima at ang dalawang talento ay kanilang pinamunga, pinagyaman, pinayabong!

Sa panahon natin, malinaw ang daang dapat natin tahakin. Tinatawag tayo sa kaliwanagan, hindi sa kadiliman. Inihahatid tayo ng ebanghelyo sa tunay at wagas na kahalagahan, hindi lamang sa mababaw na presyo at material na timbangan. Bagama’t hindi masama ang maglagak ng salapi para sa kinabukasan, isang kahangalan ang manatili lamang dito at maging walang pansin sa tunay at wagas na kahalagahang pang kaluluwa at pangmagpakailanman.

Hindi na mahalaga kung iisa o dadalawa o lima o sampu ang talentong sa atin ay ipinagkaloob. Ang lubhang mahalaga ay ang gamitin ito, pagyamanin, payabungin, pagbungahin ang lahat ng ito ng dagdag pang kabutihan at ikabubuti ng daigdig at ng bayan ng Diyos.

At ano baga ang nasa likod ng lahat ng halagang ito? Walang iba kundi ang Diyos na siyang rurok at tuktok ng kahalagahan at kabutihan! Higit siya sa pera. Higit siya sa perlas. Siya ang ang lunas na wagas at kayamanang walang kupas!


“Sa Poon ay manatili siya’y sa atin lalagi, mamungang maluwalhati!”

Saturday, November 8, 2014

NUKNUKAN NG MGA TIWALI, O TAMPULAN NG MGA NAGWAGI?


Kapistahan ng Pagtatalaga ng Simbahan ng San Juan de Letran
Nobyembre 9, 2014

NUKNUKAN NG MGA TIWALI O TAMPULAN NG MGA NAGWAGI?

Medyo masakit sa tenga ang malamang nagalit ang Panginoon sapagka’t ginawang pugad ng komesyo ang Templo ng Jerusalen. Hindi tayo bihasa makita ang Panginoon na nagpapakita ng galit. Pero sa muling sulyap, ito ang nakikita natin – ang labis na pagmamalasakit ng Panginoon sa karapatan ng Diyos na dapat bigyang-halaga at bigyang-pugay sa kanyang tahanan.

Dalawang magkasalungat ng larawan ang nakapinta sa mga pagbasa ngayon … Ang una ay ang narinig natin sa ebanghelyo … naging nuknukan ng mga tiwali ang templo … naging tipunan ng mga walang pakay kundi ang kumita at makalamang. Ang ikalawa ay ang kabaligtaran … ang larawan ng tubig na nagbibigay panibagong buhay sa tuyot na disyerto at ilang ng Arabah … ang larawan ng kamatayang nagkakaroon ng panibagong buhay dahil sa tubig na ipinakikitang nagmumula sa templo ng Jerusalen.

Ito ang dalawang mukha nating lahat … Minsan tayo ay puno ng galit. May pagkakataong tayo ay tulad ng mga taong walang inisip kundi ang kita, at ang pangkabuhayang mga nasa, at pansariling mga kagustuhan. Subali’t minsan rin naman, tayo ay mga larawan ng mga taong handang magkaloob, handang magbigay, at nagtataglay ng ginintuang puso na nagiging sanhi ng pagpapanibagong-buhay ng kapwa.

Alam ng Diyos kung gaano karaming beses ako naging tulad ng mga hinagupit ng Panginoon sa templo … ganid, sakim, at makasarili! Alam rin ng Diyos kung gaano rin karaming pagkakataon ako naging mapagbigay, mapagkalinga, mapaghanap para sa kapakanan ng iba. Sa aking pagkatao ay nananalaytay ang dugong mabuti at dugong makasalanan, tulad ni Eba at Adan.

Alam rin natin na ang Santa Iglesya ay isang katipunan ng mga banal at makasalanan. Alam natin na ang mananampalataya ay hindi laging nagkakaisa. Malimit na tayo ay pinamamagitan ng hidwaan, ng tampuhan, ng inggitan, at isahan.

Sa araw na ito, pista ng pagtatalaga ng Simbahan ni San Juan de Letran, ang inang simbahan ng lahat ng simbahan sa buong mundo, maganda sanang gunitain kung ano ang dapat para sa atin …

At ano ba ang nararapat? Simple lamang, ayon sa mga pagbasa … ang maging tubig na nagbibigay o naghahatid buhay, ang maging isang pamayanang nagkakaisa sa iisang pananampalataya, iisang binyag, iisang Iglesya, iisang Diyos, at iisang Panginoon!

Bagama’t malayo pa ang ating lakbayin, hindi imposible ang panawagan sa atin ng Diyos – ang maging iisa, ang manatili sa pamamatnubay ng iisang Santa Iglesya, at ang mapanatili ang pagmamalasakit sa kapakanan ng Diyos at kanyang kagustuhan para sa ating lahat.

Tayo na sa ating Inang Iglesya! “Sa bayan ng dakilang Diyos, batis niya’y may tuwang dulot!” Bagama’t kung minsan ito ay nuknukan ng mga tiwali (mga makasalanan), ang tunay na pakay nito ay maging tampulan ng mga nagwagi!