Thursday, October 23, 2014

SUKDULANG PIGHATI; WALANG HANGGANG LUWALHATI

Ika-30 Linggo ng Taon A
Oktubre 26, 2014

SUKDULANG PIGHATI; WALANG HANGGANG LUWALHATI!

Napakadali ngayon ang magkaroon ng “friend” sa social media, lalu na sa facebook. Isang pindot lang ng boton, magkaibigan na kayo. Sa Google+ puede ka mamili: circles, acquaintances, family, o iba pa. Madaling magkaroon ng koneksyon … talo mo pa ang PLDT, na “keeping you in touch” daw, pero, napakabagal naman ang wifi.

Sa social media, parang napakadaling magmahal, sing dali ng “like” button, sindali ng “accept” button sa Twitter.

Pero hindi ito ang tunay na buhay. Mahirap mahalin ang mga “banyaga,” ang mga “ulilang” hindi mo kaano-ano, at lalu na ang mga kaaway, at higit sa lahat ang mga nagpapahirap ng iyong buhay. Bagama’t marami sa ating mga kakilala ay hindi gagawa nito, tunay na may mga taong ang pakay kung minsan ay ibagsak ka, pahirapan ka, o siraan ka.

Mahirap ang magmahal. Mahal ang magbigay ng pagmamahal. Malaking halaga ang hanap nito. Malaking sakripisyo. Malaking pagpapahindi sa sarili ang kinakailangan.
Kung minsan, sukdulang pighati ang sasapitin mo, kahit hindi mo ito hahanapin. Mahirap ang magpatawad, at lalung mahirap ang magpautang sa taong alam mong hindi ka babayaran. Mahirap tumulong sa taong matapos mong tulungan ay ikaw pa ang masama.

Pero ang tanong ng dalubhasa sa batas ay lubhang mahalaga … ano raw ba ang pinakadakilang kautusan sa lahat? At ang sagot ng Panginoon ay walang iba kundi ang pinakamahirap gawin – ang magmahal sa Diyos nang higit sa lahat, at sa kapwa tulad ng pagmamahal sa sarili.

At ang dalawang mukha ng pag-ibig na ito ay parehong hindi madaling gawin. Mas madali ang mahalin ang sarili. Mas madali ang pagmalasakitan ang sarili. At lalung mas madali ang mag-like lamang ng mag-like sa posting ng mga taong malayo sa atin, pero friend natin.

Pero narito ang kabayanihan. Narito ang kadakilaan – ang magmahal kahit walang sukling maganda sa iyo … ang tumulong sa mga ulila na hindi ka naman mababayaran … ang magbigay-galang sa mga banyaga na hindi mo na muli makikita. Sukdulang pighati kung minsan ang sasapitin mo.

Pero ito ang nakalaan sa wakas matapos natin gampanan ang dakilang kautusan – ang walang hanggang luwalhati, kapiling ng Diyos sa langit na tunay nating bayan!

“Magdiwang sa Poon natin. Siya ay ating sambahin. Siya ay ating hanapin nang tayo ay palakasin ng mukha niyang maningning.”

Tagaytay City
Oktubre 24, 2014


Friday, October 17, 2014

CIRO .... SAULO .... SINO?


Ika-29 na Linggo Taon A

Oktubre 19, 2014



CIRO … SAULO … SINO?



Masalimuot ang kasaysayan ng mga Israelita. Masalimuot rin ang pinagdaanan ng mga taong natanghal bilang hinirang ng Diyos. Kung gayon, masalimuot rin ang pinagdaanan nating lahat bilang bagong bayang pinili ng Diyos!



Vamos a ver! … sino sa atin ang isinilang na santito o santita? Malayo ito sa katotohanan. Baka maldito, puede pa. Lahat tayo ay isinilang na nagpoprotesta! Umiiyak … Lahat tayo ay nagpumiglas nang lumabas sa sinapupunan. (Si Juan Bautista nga, sa tiyan pa lang ni Isabel, nag-rally na … nagpumiglas!)



Pero, masdan nyo ang nangyari! Marami sa aking mga tagabasa ay mga taong dating maldito pero ngayon ay santito … at hindi lang sa araw ng Linggo, kundi Lunes hanggang Sabado!  A ver! Sino ba si Saulo? … Maldito na nagsikap usigin ang mga tagasunod ni Kristo! Sino ba si Ciro? Isang emperador ng Persia, na bagama’t gumawa ng isang napakabuting pagpapalaya sa mga Israelita sa pagkatapon sa Babilonia, ay isang walang kupas na politikong ang pakay ay magkaroon siguro ng mga kakampi laban sa kaniyang mga kaaway!



Tingnan nyo si Saulo! Dati-rati’y ang pangit-pangit niya (sa ugali!). Dati-rati’y isa siyang masugid at mabangis na tagapagpahirap sa mga Kristiyano! Pero nang makita niya ang liwanag ay naging ibang tao siya. Nagpalit siya ng pangalan at tinawag na Pablo!



Ito ngayon ang Pablo na punong-puno ng pasasalamat sa Diyos dahil sa “mga gawang bunga ng pananampalataya, mga pagpapagal sa udyok ng pag-ibig, at ang matibay na pag-asa” na ipinamalas ng mga taga Tesalonika!



Sinong may sabing walang kinabukasan ang lahat? Di ba’t di miminsan na nating nabanggit na lahat ng santo ay may nakalipas, at lahat ng makasalanan ay may kinabukasan?



Sinong may sabing wala na tayong kinabukasan sa dami ng mga Cesar na walang ginawa kundi ang magpayaman at manloko sa taong bayan, sa likod ng kanilang hi-tech na pagnanakaw sa kaban ng bayan? Sino ang may sabing hindi dapat tayo magkaroon ng anumang pakikitungo sa mga Cesar, at tumalungko na lamang sa harapan ng altar at hayaan silang magpatuloy sa kanilang maruruming Gawain?



Sino ang may sabing hindi tayo dapat magbayad ng buwis sapagka’t ninanakaw lang naman ng mga tampalasan sa gobyerno? Sino ang nagsasabing ang isang makasalanan ay wala nang pag-asa at wala ka nang dapat asahan pa?



Si Saulo ay isa sa mga ito. Si Ciro ay posibleng may ibang gustong marating sa kanyang pagpapalaya sa mga Israelita. Hindi ko sigurado kung tunay ang kanyang pagmamalasakit sa mga Judio, pero sigurado ako sa isang bagay … na ang Diyos ay nagsusulat ng deretso, kahit sa pamamagitan ng mga baluktot na linya o guhit. Alam ko ring sa kabila ng aking pagkamakasalanan, ay patuloy akong pinagmamamalasakitan ng Diyos, at patuloy na tinatawagan upang matulad kanino? Kay Ciro at kay Saulo … kay Agustin at kay Domingo … kay Ignacio at kay Juanito Bosco … kay Lorenzo Ruiz at kay Pedro Calungsod!



At ito pa ang matindi … Alam ko ring tungkulin kong unti-unting gumawa upang ang mga Cesar sa ating mundo ay mapalitan ng mga tulad ni Ciro, ni Saulo, at nga libo-libong mga banal.



Wag tayong manghinawa. Wag tayo sanang magsawa. Wag sana tayo mawalan ng pag-asa. “Ibigay ninyo sa Cesar and sa Cesar, at sa Diyos ang sa Diyos.”



Pero .. tulad ng ginawa ni Ciro at ni Saulo … inuna nila ang Diyos!



Sino ngayon ang dakila? Si Ciro? Si Saulo? Si Pablo? Gumaya tayo sa “Simbahan sa Tesalonica – mga hinirang ng Diyos Ama at nga Panginoong Jesucristo: Sumainyo nawa ang pagpapala at kapayapaan!”



Sino ngayon ang dapat maging dakila? Walang iba kundi tayo!

Friday, October 10, 2014

SAGANA? SALAT? LAHAT!


Ika-28 Linggo Taon A
Oktubre 12, 2014

SAGANA. SALAT. LAHAT

Lahat tayo ay nagdaan sa wala at sa meron. Minsan, sagana; minsan, salat. Sino sa atin ang laging may isinuksok na madaling dukutin? Natatandaan ko pa ang aming  kapitbahay at kamag-anak noong wala pang kuryente sa aming bayan sa araw … Lagi silang nagsusuksok ng pera sa dingding na kawayan. Kapag medyo salat ay ito ang kanilang hinahanap, lalo na’t malapit na ang pista at dapat maghanda kahit kaunti.

Pagdating ng pista, lahat ay masaya. Lahat ay parang sagana. Lahat ay nagdiriwang at nagpapasalamat. Hindi na ako nagtatakang ang larawang ginamit ng Diyos sa mga pagbasa ngayon ay may kinalaman sa handaan, sa pista, sa masasarap na pagkain at inumin, atbp.

Sa tatlong pagbasa sa araw na ito, pawang binigyang-pansin ang salitang LAHAT. Aanyayahan daw ng Panginoon ang “lahat ng bansa,” upang dumalo sa kanyang piging, sa Bundok ng Sion. Pati si San Pablo ay naki-iisa sa mga taong nagdaan sa sagana at nagdaan rin sa kasalatan. Pati siya ay nakisama na rin sa pagpapagunita na “ibibigay niya ang lahat ng ating kailangan sa pamamagitan ni Kristo Jesus.” Sa talinghaga naman sa ebanghelyo, malinaw ang paanyaya sa piging kung saan ang lahat ay tinawagan, inanyayahan, bagama’t hindi nangagsipagdatingan ang mga inanyayahan.

Marami ngayon ang nagdadaan sa wala. Ito ang isa sa mga bagay na hindi ko matanggap. Noong kami ay lumalaki sa probinsya, wala akong nakitang nagkakalkal ng basura at nagkakalakal ng basura. Ang lahat ay may kapirasong lupa na sinasaka, at ang kanilang kinakalakal ay tunay na kalakal, hindi basurang kinalkal.

Pero sa ating panahon, rin, nakakakita tayo ng taong nanggigitata sa pagka-sagana … mga politikong tila walang pagka-ubos ang kanilang pera, at mga pulis na donasyon lang naman daw o diskuento ang kanilang mga pag-aari. Ang kasalatan at kasaganaan ay magkatabing katotohanan sa lipunan natin.

Wala akong solusyong nasa isip upang harapin ang problemang ito. Hindi ko alam kung ano ang dapat gawin upang ang lahat ay makatikim ng sapat na kasaganaan sa mundong ibabaw.

Pero mayroon akong isang katiyakan na hindi mapahihindian ninuman – ang pangako ng Diyos na Diyos ng buhay. Sa pamamagitan ng larawan ng kasalatan at kasaganaan, at sa pamamagitan ng larawan ng pagkaing sagana at mayaman, ay inihahatid tayo sa isang pangitain at pangarap ng Diyos para sa iyo at para sa lahat.

At ito ang totoo ayon sa ating pananampalataya … ayon sa ating pag-asa … ayon sa pangarap ng Diyos para sa ating lahat. Salat man o sagana, iisa ang katotohanang nakalaan para sa lahat …

Nais ko sanang banggitin dito ang sinulat ng makatang Kastila na si Federico Garcia Lorca: "Cuando la vida te presente razones para llorar, demuestrale que tienes mil y uno razones para reir." Sa sandaling ang buhay ay nagbibigay ng sanlaksang dahilan para tumangis, ipamata mo rin sa kanya na meron ka ring isang libo at isang dahilan para tumawa at magalak.”

Hindi lamang ito isang libo at isang dahilan para magalak. Ito ay isang pangako. Ito ay isang pangarap na mula mismo sa Diyos na nag-aanyaya sa atin, hindi lamang sa piging sa daigdig na ito, kundi sa walang hanggang piging sa langit: “Lagi akong mananahan sa bahay ng Poong mahal … Doon ako sa temple lalagi at mananahan!”

Sagana? Salat? No hay problema! Lahat ay tinawagan upang manahan sa kanyang piling – sa langit na tunay nating bayan!

Friday, October 3, 2014

AAWITAN KITA; PASASALAMATAN KITA!

Ika-27 Linggo ng Taon A
Oktubre 5, 2014

AAWITAN KITA; PASASALAMATAN KITA!

Bigla ko tuloy naalala si Armida Siguion Reyna at ang kanyang kantang “Aawitan Kita.” Sabi kasi ni Isaias ay aawit siya tungkol sa kanyang kaibigang walang hindi ginawa para sa kanyang ubasan. Pero sa halip na umawit ay may karapatan siyang magalit. Wala siyang napala sa kanyang pinaghirapan at inalagaang ubasan.

Sa buhay natin, dumaraan tayo sa pagkakataong naghahanap tayo kumbaga … ng kaunting konsiderasyon, kaunting atensyon, kaunting consuelo, ika nga. Masaba ba kayang umasa sa kaunting pagpapasalamat at pagpapahalaga yaman at pinagbuhusan mo ng buo mong pagkatao at kakayahan ang isang bagay na mahal na mahal mo?

Gusto nating magbunga ang ating pinaghirapan. Gusto natin rin na magdulot ng ginhawa ang pinagsikapan at pinagmalasakitan. Sino sa atin ang hindi naghahanap ng bunga sa ating itinanim na guyabano, o atis, o kahit man lamang papaya? Sino sa atin ang hindi magtatampo kung ang ating inalagaang tuta ay iba ang tinatalunan, hinihimod, at pinakikinggan? Huwag kang mag-alala kaibigan … ang aso ay mas mahusay magmahal sa kanyang amo, kesa sa ating tao … Pero hindi ito ang paksa ng pagninilay na ito.

Pero yayaman din lamang ang nasa aso ang usapan, heto ang isang kwento ni Aesopo. May isang asong may malaking buto sa bunganga na tumawid sa tulay sa ibabaw ng isang maliit na batis. Nang nakita niya ang kanyang larawan sa batis, pinagnasaan niya ang butong tangan ng isang aso. Tumahol siya. Gusto niya makuha rin ang buto ng isang aso. Kung kaya’t nahulog ang buto, at naglaho.

Minsan, tayo ay parang aso ni Aesopo. Hindi na nga nagbigay, ay ang gusto pa ay kumabig. Puro pakabig. Puro pangsariling kapakanan. Walang alay, lahat gusto ay bigay sa kanya. Walang kaloob na kusa. Ang gusto ay laging paloob at papunta sa kanyang pagkatao.

Sa mundong iniikutan natin, napapalibutan tayo ng tinatawag na narcissism epidemic. Hindi lang puro selfie ang gusto ng tao ngayon … lahat ay selfish rin at makasarili. Walang kabubusugan tungkol sa mga gustong simpleng tirahan lamang, na may maliit na swimming pool. Wala naman raw masama doon, lalu na’t regalo ng mga kaibigan.

Sa mundong iniikutan natin, panay ang katulad ng mga kasama sa ubasan. Hindi na nga nagbigay ay kumabig pa. Hindi na nga nagsikap ay binugbog pa ang sugo ng may ari ng ubasan.

Hindi na ang ubasan ang tinutumbok ng ebanghelyo, kundi ang mga kasama ng may ari ng ubasan. At kung titingnan nating mabuti, hindi lang ang mga kasama, kundi tayong lahat.

Nakakadismaya kapag ang ubasan o ang punong ating tanim ay hindi nagbunga, pero higit na nakakalungkot kung ang mga tao tulad natin, sa halip na gumawa at maghatid ng maraming bunga, ay wala na ngang produkto ay wala pa ring kusang kaloob bilang kabayaran sa lahat ng ipinagkaloob sa atin.

Tama lamang na ipagmakaingay ang kabutihang tinanggap natin. Tama lang ang awit ni Siguion Reyna. Pero higit na mainam ang isagawa ang ating ipinagmamakaingay – ang magbigay ng kaloob bilang sukli sa lahat ng kabutihang tinanggap natin.

Ano kaya ang puede nating isukli sa dakilang habag at pag-ibig ng Diyos?

Marasbaras, Tacloban City

Oktubre 3, 2014