Sunday, September 28, 2014

BALIK-TANAW, BALIK-ISIP, BALIK-LOOB


Ika-26 na Linggo ng Taon A

Setyembre 26, 2014



BALIK-TANAW, BALIK-ISIP, BALIK-LOOB



Sabi nila, gago lang daw ang hindi nagbabago ng isip. Bagama’t hangal din ang pabago-bago ng isip, mas hangal ang hindi marunong magbalik-isip, magbalik-tanaw, at magbalik-loob.



Ito ang kagandahan at karangalan ng kawayang Pinoy. Sumasayaw sa hangin; umiindak sa bagyo, lumuluhod sa unos, at para bagang nakikibagay sa daloy ng panahon … pero hindi kailanman nababali. Nagbabago siya ng posisyon, ayon sa hangin … nakikibagay … nakikisama … pero hindi sumusuko at nababali ng hangin.



Pero hindi ibig sabihin nito ay hindi siya marunong umangal. Sa katunayan, kapag malakas ang hangin, may salitang angkop lamang para sa kawayan, ang alatiit – ang tunog ng kawayang nagkikiskisan at nag-uumpugan dahil sa hangin. Parang umaangal, nag-rereklamo, pero hindi bumibigay. Walang iniwan ito sa reklamo ng mga Judio at reklamo rin natin malimit: “Hindi matuwid at makatarungan ang panuntunan ng Diyos!”



Sino sa inyong nagdaan din sa pagkabata ang hindi umangal sa dami ng utos ng magulang? Sino sa atin ang hindi nagreklamo dahil mas gusto natin maglaro, pero kelangang mag-igib, magsibak ng kahoy, o may bilhin sa tindahan? Sabi nila, ang pinakamaingay na gulong ang nakakatanggap ng mas maraming grasa. Ito ang naging tugon ng Diyos sa pamamagitan ni Propeta Exequiel: “Matuwid ang aking tuntunin, ang pamantayan ninyo ang baluktot.”



Minsan ring baluktot ang pamantayan ni Pablo. Noong siya ay kilala pa sa pangalang Saul, inusig niya ang Simbahan, at ang mga kristiyano. Pero ngayon, nang makilala niya ang Diyos, panay magagandang pangarap ang kanyang wika: “pag-ibig, pagkakaisa, kagalakan, kababaang-loob” at iba pa.



Nagbago rin siya ng isip. Nagbago rin siya ng saloobin. At ang pagbabagong nagmumula sa kalooban ay nagbubunga sa kilos panlabas.



Dalawang mag-kuya ang kwento sa ebanghelyo. Inutusan ang panganay. Tumanggi ang panganay. Inutusan rin ang bunso. Nangako ang bunsong susunod. Subali’t ang bunso ay hindi kumilos at gumawa. Ang panganay, bagama’t tumanggi ay nagbalik-isip, nagbagong loob, at gumawa nang nararapat.



Sa buhay natin, sagana tayo sa karanasang tulad nito. Marami tayong ayaw, at marami tayong gustong gawin. Malimit tayo tumanggi at magpahindi kahit sa mga nagmamahal at nagmamalasakit sa atin. Malimit rin tayong mag-reklamo at umangal. Subali’t karanasan rin natin na hindi lagi tayong nananatiling nagmamatigas sa ating kalooban. Hindi lagi tayong nananatiling manhid at walang pansin, walang pagtingin, walang konsiderasyon.



Matapos magmuni, matapos mag-gunam-gunam ay may nakikita rin tayong kaliwanagan. At ang isip ay nagbabago. Ang puso ay nagkakaroon ng paghupa at kahinahunan. Ang isipan ay tumatanggap ng kaliwanagan.



Metanoia ang tawag rito ng Banal na Kasulatan – ang pagbabagong-loob. Ngunit ang pagbabagong-loob na ito ay nagaganap lamang kung may pagbabalik-isip, pagbabalik-tanaw, at nauuwi sa pagbabalik loob.



Sino sa dalawang magkapatid ang tumupad sa kalooban ng Diyos? Kelangan pa ba imemorize yan? Pero ito naman ang magandang balita. Huwag natin kalimutan ang bunso na mas mabilis ang bibig kaysa sa kanyang puso at kamay …



Hindi pa huli ang lahat. Para sa kanya at para sa atin. May oras pa para magnilay. May panahon pa para mag-isip-isip. At ito ang dapat nating lahat isipin: “Dahil sa pagtalikod sa nagawa niyang kasamaan noong una, mabubuhay siya, hindi mamamatay!”




Friday, September 19, 2014

HULI MAN DAW AT MAGALING ....



Ika-25 Linggo ng Taon A
Setyembre 21, 2014

HULI MAN DAW AT MAGALING

Uso ngayon ang pagiging huli sa maraming bagay. Sa pagkakadiskaril ng MRT, sa mahahabang linya kahit saan … dahil sa patong-patong na trapiko saanmang lugar sa buong bansa, malimit na tayo ay magiging huli sa ating pupuntahan. Pati mga pulis ngayon ay usong-uso sa mga kaso ng ibang uri ng huli, ang hulidap. Pati mga nagsisimba tuwing Linggo sa mga parokya natin sa Pilipinas, kalahati ay laging huli, at dumarating kung kailan tapos na ang pagbasa, at tapos ay magkokwentuhan lang sa simbahan, kundi magpapaypay nang walang patumangga, dahil sa mainit at maingay ang mga batang nagtatakbuhan.

Kapag huli tayo ay nangangahulugang kapos ang panahon, o hindi natin nagampanan ang pagbabantay sa pagdaloy ng panahon. Tayong mga Pinoy ay hindi bihasa magbantay sa oras. Laging mamaya na … laging may oras pa … laging “hindi naman magsisimula iyon hangga’t wala tayo,” o kaya’y lagi na lamang “hahabol ako!” At malimit, ang ibig sabihin ng “hahabol ako” ay magtatakbo para pumila sa komunyon, kahit hindi niya narinig ang mga pagbasa, at nakinig man lamang sa homiliya. Malimit rin, ang pakahulugan ng “hahabol ako,” darating kapag oras na ng kainan, kahit hindi nakisama sa dasalan o kwentuhan … diretsong lamon, ika nga!

Pero kung tayong PInoy ay bihasa sa pagiging huli, bihasa rin naman sa pagkekwenta ng pera kapag may huling dumating na nakalamang, o nabiyayaan, o nabigyan ng higit kaysa sa tinanggap natin. Iyan ang dahilan kung bakit pumutok ang isyu ng DAP at PDAF. Merong nalamangan. Merong naisahan. Merong sa kanilang pakiwari ay nadenggoy sila sa hatian o partihan. Pati ang mga usapin ngayon sa Senado ay nauuwi sa ganitong bagay – isang medyo nalamangan ang ngayon ay nag-iingay at nagpupuputak sa Senado upang ibagsak ang isang inaaakala niyang nanagana nang higit na marami kaysa sa kanyang nakulimbat!

Hindi nga naman tama. Hindi nga naman wasto at makatarungan … ang mag-asal tulad ng Diyos na nagkaloob ng parehong pabuya sa mga nagsidatingan na nang palubog na ang araw, katumbas sa ipinagkaloob sa mga nagpagal at nagsikap mula pa sa medaling araw!

Sanay tayo magkwenta kapag ito ang usapan – ang usapin tungkol sa lamangan at isahan! Tulad ng ginawa ng mga Senador na sapagka’t sila ay lumulubog na sa kangkungan ay panay bigla ang atungal nang sila ay maputungan ng kaparusahang puedeng gawin sa ibang tao, pero hindi puede sa kanila. May tinitingnan, kumbaga, at may tinititigan.

Ganito rin baga ang Diyos? Nag-asal rin ba siyang tulad ng mga politicong may ipinakukulong, at may pinalulusot at pinoprotektahan?

Mahirap unawain ang turo ng ebanghelyo sa biglang wari. Subali’t ito mismo ang hiwaga ng pag-ibig ng Diyos. Ang hiwaga ng pag-ibig ng Diyos ay nakasalalay sa katotohanang hindi ito nakukuha sa ordinaryong panukat ng tao. At ang hiwagang ito ay nagtuturo sa atin ngayon, na ang panukat ng pag-ibig ay ang umibig nang walang sukat … walang pagtatakal … walang pasubali … walang pagtitimbang!

Kay raming beses na ako naging huli sa maraming bagay. Kay raming beses na hindi ako karapat-dapat pagbigyan ng Diyos dahil sa aking pagkukulang at kasalanan. Kay raming pagkakataong hindi ako dapat pagbigyan pa ng pangalawang pagkakataon. Subali’t hindi mahilig maglista ang Diyos. Hindi siya benggatibong pinunong ang lahat ng kaaway at dinuduro at pinagmamalabisan.

Oo … huli ako sa maraming bagay. Pero gusto kong isipin na tulad ng sinasabi natin tuwina, “huli man daw at magaling ay huli pa rin,” gusto ko itong baguhin nang kaunti… ayon sa larawang ipinakikita ng Diyos sa ebanghelyo ngayon … “Huli man daw at magaling, ay minamahal pa rin.”

Tulad mo. Tulad nila, mahal ako ng Diyos, huli man ako at duling … huli man ako at walang pansin sa kanya… huli man ako at salarin! Mahal ako ng Diyos. Tuldok. Tumpak … Katotohanang mapagligtas na di hamak! Ano pa ang hanap mo?

Friday, September 12, 2014

PAGTATANGHAL SA BANAL NA KRUS


PAGTATANGHAL SA BANAL NA KRUS
Setyembre 14, 2014

ANGAL, HANGAL, DANGAL

Magaling tayo sa maraming bagay. Ngayong napipinto na ang tuluyang pagkakaisa ng mercado ng buong ASEAN region, nakikita natin kung saan tayo magaling kumpara sa iba, at kung saan naman tayo medyo nahuhuli. Marami tayong kagalingang hindi makikita sa ibang bansa. Marami rin tayong kahinaan na hindi makikita sa iba.

Magaling din tayo umangal at mag-reklamo kapag tayo ay nalalamangan o nauunahan.

Ganyan ang ginawa ng mga Israelita. Sa una, tuwang-tuwa silang umalis sa Egipto. Nguni’t di naglaon, nang wala na silang eat-all-you-can ng pagkaing maraming bawang at sibuyas, at puro walang lasang pizza (manna) ang kanilang pagkain, matindi ang kanilang angal: “Inialis mo kami sa Egipto para patayin lang sa ilang na ito?”

Hindi nga naman makatarungan ito, ika nga. Mayroong hindi wasto. Mayroong hindi lapat ang upo.

Pero kung sa wasto lang ang pag-uusapan, mayroon ring parang hindi tama sa tugon ng Diyos sa reklamo ng kanyang bayan – ang walang sawang awa sa kanila at kapatawaran. Hindi lang first-aid ang ibinigay ng Diyos sa taong natuklaw ng ahas, kundi ganap na kagalingan, kahit na sila ay walang ipinakita kundi reklamo at pagsaway.

Parang hindi tama ito. Diyos na ang agraviado, siya pa ang nagpakita ng awa. Sa taong hangal, na walang ipinakita kundi angal, ang kanyang isinukli ay dagdag pang dangal.

Nais kong isipin na ang piyesta ngayon ay walang ibang pakahulugan kundi ito. Sa harap ng ating mga angal sa Kanya … sa kabila ng ating pagiging hangal sa harap ng kanyang walang sawang pagpapatawad, minarapat na panatilihin niya ang ating dangal na nakaugat sa kanyang dakilang pag-ibig.

Malayong malayo tayo sa Diyos at sa kanyang pamulat sa akin. Ewan ko kayo, pero inaamin ko na mahirap ang magpatawad. At lalong mahirap ang magpalamang sa kapwa na tila ipinaglihi sa pandurugas at pagmamalabis. Mahirap unawain na ang Pilipinas ay nananatiling mahirap dahil sa mga kagalang-galang na magnanakaw sa gobyerno, lalu na sa kongreso.

Pero hindi ko maiaalis ang katotohanang ang pamulat sa atin ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo ay siyang nababasa natin sa kanyang ginawa sa krus. Bagama’t siya ay Diyos, “hindi nagpilit na manatiling kapantay ng Diyos. Bagkus hinubad niya ang lahat ng katangian ng pagka-Diyos, nagkatawang-tao at namuhay na isang alipin.”

Wala itong lohika, liban sa lohika ng pag-ibig – walang hanggang pag-ibig. Sa harap ng ating angal, sa kabila ng ating pagiging hangal, walang kahulirip na dangal ang kanyang ipinagkaloob sa atin: “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak, upang ang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.”

Wag na sana tayong manatiling hangal sa ating walang patid na angal. Mataas ang ating dangal dahil sa kanyang walang hanggang pag-ibig.


Friday, September 5, 2014

PANGAKO SA LIKOD NG PANANAGUTAN


Ika-23 Linggo ng Taon A
Setyembre 7, 2014

PANGAKO SA LIKOD NG PANANAGUTAN

Matindi ang panagimpan o adhikain ng ASEAN, na binubuo ng 10 bansa sa Timog Silangang Asia – ang pangarap ng isang nagkakaisa at nagmamalasakit na region, na magiging ganap nang katotohanan simula sa 2015 – ang ASEAN Economic Community o AEC.

Nagkatuig na ang pangarap ng ASEAN ay siyang pananagutang iniaatang sa balikat natin ng tatlong pagbasa sa Linggong ito. Pangaral ni Ezekiel na tayo ay itinuturing ng Diyos bilang “bantay ng Israel” – mga taong may pananagutan sa kapwa. Pangaral din ni Pablo sa ikalawang pagbasa ang dapat gawin ng taong may pagmamalasakit sa kapwa – ang hindi pagkakaroon ng sagutin kaninuman, “liban sa saguting tayo’y mag-ibigan; sapagka’t ang umiibig sa kapwa ay nakatutupad sa kautusan.”

Subali’t ang pinakamatindi ay ito … ang pananagutang handang magtiis sa pagkakamali ng kapwa at sa pagpapasensya na nauuwi sa pagtatama sa gawang mali at sa pagsunod sa tamang paraan ng paglilitis sa nagkamali: “Kung hindi siya making sa iyo, magsama ka pa ng isa o dalawang tao upang ang lahat ng pinag-usapan ninyo ay mapatunayan ng dalawa o tatlong saksi.”

Mahirap ngayon ang maging responsable para sa ibang tao. Uso ngayon ang laglagan. Ang mga dating nagsisipalakpakan sa kapalpakan ng dating Presidente ay ngayon ay silang nagpapalakpakan sa bagong dispensasyon. Inilaglag na nila ang wala na sa poder at sinuportahan ang bagong may kakayahang magpabuya sa kanila.

Mahirap ngayon ang magsilbing tagapagtanggol o bantay ng kapwa. Pag napuruhan ka, ay ikaw pa ang masama. Ikaw na ang tumulong ay ikaw pa ang mananagot kung pumalpak. Ilang pagkakataon na may nabundol sa gitna ng daan at wala ni isa man ang tumigil upang tumulong, kahit sa ating bansa!

Mahirap ang magparangya at magpatawad, lalu na’t ang pinatawad mo ay siya pang patuloy na gumagawa ng lahat para mapasama ka. Mahirap ang magsikap magtama sa mali sa ating panahon, kung kailan ang tama ay nagiging mali at ang mali ay nagiging tama. Salamat sa showbiz, ang Simbahan ay nagmumukhang makaluma dahil sa pagtuturo ng tama, at ang mga pakawala ng palsong propeta ang siyang pinakikinggan at hinahangaan.

Mahirap ang paghamon, nguni’t hindi imposible. Matindi ang paghamon, subali’t hindi nangangahulugang wala nang pagkakataong maikalat at maipahayag. Tunay ngang mahirap pero hindi imposible. At paano ito nagiging posible?

Ang panagimpan at pananagutan ay may haliging matibay na kinasasandalan – ang pangako na “kung saan may dalawa o tatlong nagkakatipon dahil sa akin, naroon akong kasama nila.” Ito ang pangakong hindi dapat natin kalimutan!