Ika-16 na Linggo Taon A
Hulyo 20, 2014
TANGING DIYOS LAMANG!
Mahirap pagsamahin ang pagiging maawain at makatarungan.
Kung sumobra ka sa una, wala kang puso. Kung sumobra ka naman sa kabila, wala
kang paninindigan. Ito yata ang pasanin ng mga may hinahawakang panunungkulan.
Ito ang dahilan kung bakit mahirap unawaing lubos ang Diyos.
Siya ay maawain, pero siya rin ay makatarungan.
Mahirap ang magtimpi kung ikaw ay sinusubukan. Mahirap ang
magdasal kung tayo ay napaliligiran ng lahat ng uri ng pagsubok at kawalang
katiwasayan. Ako man ay hirap magdasal kung maraming iniisip. Kung minsan,
hindi ko man lang alam kung ano ang dapat kong ipagdasal.
Pero ang higit na mahirap sa lahat ay ang unawain kung bakit
ang pagdurusa ay bahagi ng buhay ng tao. Hindi madaling unawain kung bakit may
mga taong natutuwa pang pabagsakin ang isang eroplanong naglululan ng 295 katao
mula sa kalangitan. Hindi madaling tanggapin na may mga taong kung umasta at
kumilos ay tila masahol pa sa demonyong wala kang inaasahang anumang kabutihan.
Hindi madaling tanggapin na tayo ay niloloko lamang ng mga taong ang tawag sa
sarili ay “honorable” pero ang mga pinaggaga-gawa ay walang kaduda-dudang hindi
marangal at mahusay.
Hindi ako tulad ng Diyos. At di miminsan ring hindi ako
nag-asal maka-Diyos. Tanging Diyos lamang ang Diyos … Iyan ang marahil ay
palusot natin tuwina, kung tayo ay tinatanong ng iba, kung bakit pati
mabubuting tao ay dumaranas ng matinding kasamaan mula sa mga kamay ng mga
kapwa nilang tao.
Pero ito mismo ang dahilan kung bakit tayo nagkakatipon
ngayon at dito. Hindi nga tayo Diyos, nguni’t tayo ay nilikha ng Diyos, ayon sa
kanyang wangis, ayon sa kanyang larawan. Totoong tanging Siya lamang ang Diyos,
pero tayo ay tinatawagan niya upang maging maka-Diyos at katulad niya sa lahat
ng bagay.
Oo … tanggapin at aminin natin … Maraming kasamaan sa mundo.
Maraming katiwalian … Huwag na kayo pumunta sa usaping DAP, o maghanap ng
senador o kongresman. Sapat nang tingnan natin ang ating budhi – ang ating
sarili at ang ating kakayahang gumawa rin ng masama, tulad ng lahat, noon pa
man at sa kasalukuyan.
Narito ngayon ang buod ng magandang balita. Ang Diyos ay
makatarungan at mahabagin. Ang Diyos ay nakikisama sa atin … “Ang Espiritu ay
lumuluhog para sa atin, sa paraang di magagawa ng pananalita.” Ang Diyos ay
mapagpasensya at matiisin … “Hayaan ninyong lumago ang masamang damo kasama ng
mabuti …”
Subali’t sa wakas, ang katarungan ng Diyos ang magwawagi,
ang kanyang kabanalan ay maghahari, ang kanyang pakikiramay sa atin at
pagtulong sa atin ang siyang maghahatid sa rurok ng kaganapan ng panawagan
niyang buhay na walang hanggan.
Marami tayong dapat matutunan sa kanya. Tanging Diyos lamang
… oo … pero tanging Diyos rin ang makapaghuhubog sa atin, upang maging tulad
Niya, ay maging makatarungan at maawain tayo, matutong makiramay at
makisalamuha sa kapwa, at maging matiisin tulad Niya. Tanging Diyos ang Diyos,
totoo, pero tanging Siya rin lamang ang makapaghahatid sa pagiging maka-Diyos
na tulad Niya.
No comments:
Post a Comment