Thursday, July 10, 2014

KUNG MAHULOG KA'T MAGBUNGA!


Ika-15 Linggo Taon A
Hulyo 13, 2014

KUNG MAHULOG KA’T MAGBUNGA

Karanasan ito nating lahat … ang madapa, ang mahulog, at ang matalo (kung minsan!) Gusto man nating manalo ang Netherlands sa football, sila ay tila nadapa nang makaharap ang mga kababayan ng Santo Papa, ang Argentina. Naranasan ko nang muntik malunod. Naranasan ko na ring mahulog sa puno at bumagsak sa lupa at hindi ako makakilos nang parang napakahabang panahon. Naranasan ko na ring masagasaan ng kotse … sa Makati Avenue, noong ako ay 8 taong gulang! (nagtataka pa ba kayo kung bakit buhay pa ako?)

May mga batang kung madapa ay kagya’t bumabangon. Tuloy ang ligaya, na parang walang nangyari. May mga batang kapag nadapa ay umiiyak, nagagalit, o nawawalan ng gana sa laro. May mga batang kapag nadapa ay lalung nagpupunyagi, lalong hinahamon ang sarili, at bumabangon upang manalo.

Hindi lahat ng panalo ay nanalo nang walang galos. Hindi lahat ng talo ay kawawa. Hindi komo talo ay walang karangalan. Manalo man o matalo, ang tunay na atleta ay may angking karangalang hindi matutumbasan lamang ng tropeo. At hindi lahat ng namamatay ay hindi na nagbubunga ng kabutihan. Tulad nang hindi lahat ng pagwawagi ay naghahatid sa ibayo pang pagpupunyagi.

Ang ulan ay nahuhulog mula sa itaas. Sabi ni Isaias, hindi ito bumabalik sa kalawakan nang hindi nagbubunga. Ang mahulog sa lupa ay hindi kawalan, kundi naghahatid ng kasaganaan.

Si San Maximiliano Kolbe ay parang ulan na nahulog. Para rin siyang isang buto na itinapon sa lupa … parang binhi na namatay nguni’t nagbunga nang masagana. Sa tingin ng mundo, siya ay talo. Inialay niya ang kanyang buhay bilang kapalit sa buhay ng isang padre de familia. Ano ka? Hibang? Magpapakamatay para sa isang hindi mo kaano-ano?

Pero uulitin ko … hindi lahat ng talo ay kawawa. Hindi lahat ng naglaho ay para lamang isang bula. Mayroong mga nahulog namatay, nag-alay ng buhay para sa iba na naging binhi ng higit pang masaganang buhay.

Nais kong isipin na ito ang mahalagang turo ng mga pagbasa ngayon … na minsan kailangang madapa … minsan kailangang mahulog … minsan kailangang masayang upang maging sanhi ng pananagana ng iba.

Alam natin ito … kung ang binhi o buto ay nanatiling binhi, hindi ito magbubunga. Kailangang ang binhi ay itapon sa lupa, at mamatay upang ito ay maging buhay ng marami at higit pa.

May kahulugan ang pagdurusa … may kahulugan ang pag-aalay ng sarili … may katuturan ang pagiging binhing dapat maglaho at mamatay upang mamunga nang higit pa.

Tayo ba ay binhing tulad ng mga martir, ng mga banal? Tayo ay handa ring maglaho pansamantala upang sa muling pagbabalik ay maghatid ng bunga?

Kung mahulog ka’t magbunga! … Ito ang programa  o teleserye ng ating buhay. Walang taong laging panalo sa laro. Walang sinumang hindi kailanman nadapa. Walang taong laging nasa tuktok ng lipunan. Minsan ang manlalaro, tulad ng mga Olandes (Netherlands) ay dapat ring matalo, mahulog, o manatili sa likuran.

Pero hindi ito nangangahulugang tunay kang talo o laos o walang silbi. May buhay pa sa kabila ng pagkatalo! May katuturan pa rin ang buhay sa kabila ng mga pagsubok: “”ang mga pagtitiis sa kasalukuyan ay hindi maihahambing sa ihahayag na kaluwalhatiang sasaatin.”

Hala! Maghanda tayo’t huwag matakot sa pagkatalo. Kung mahulog ka’t magbunga, naganap mo na ang nais ng Diyos para sa iyo … ang mag-uhay … ang tig-sasandaan, tigaanimnapu, at tigtatatlumpu!

Ang may pandinig ay making!

No comments:

Post a Comment