Friday, July 4, 2014

ANG TUNAY NA UNLI!


Ika-14 na Linggo Taon A
Hulyo 6, 2014


Lahat tayo ang hanap ay UNLI … Unli calls, unli load, unli rice, unli sabaw, at walang katapusang ketsap, toyo, o patis. Sa panahon natin, pati toyo at Downey, nabibili na sa sasyey (satchet). Hmmm … isang maliit na sasyey lang maghapon ka nang amoy bagong ligo, bagong laba, at bagong plantsang damit … malambot pa. Ako, hindi puede dyan sa mga downey-downey na yan! Unli allergy and aabutin ko … kamot dito, kamot duon, kalkal ngayon, kalkal pa rin hanggang mamaya, kahit na natutulog.

Maikli ang pise ng mga hambog at mga walang pasensya. Madaling magalit; madaling mabugnot, at madali ring magsalita ng bagay na pagsisisihan din naman pag naglaon.

Ibang klaseng UNLI ang dulot sa atin ng Panginoon … walang patid na kababaang-loob, at kahinahunan! At ibang pangaral ang dulot rin niya …  ang panawagang mag-aral sa kanya, “maamo at mababang-loob.”

Mahirap makasama ang mga maikli ang pise … Mahirap makahalubilo ang taong madaling malagutan ng pasensya. Subali’t tulad nang naghahanap tayo ng unli rice, at unli sabaw, naghahanap tayo ng mga banal, maamo, mahinahon, at mapagpatawad.

Ito ang turo sa atin ng Panginoon ngayon – ang magsikap mag-aral mula sa kanya, at matutong tumulad sa kanyang dakilang halimbawa.

Mahaba pa ang ating lakbayin. Matagal pa ang landasing ating tinatahak. Pero hindi lang UNLI pasensya ang kanyang dulot. Ang hatid niya rin ay UNLI na buhay, hindi buhay na ayon lamang sa laman, na may hangganan, kundi buhay na ayon sa espiritu na naghahatid sa buhay na UNLI, ang buhay na walang hanggan.

May mabuting bunga ang kahinahunan at pasensya. At ang tinutumbok ng lahat na ito ay isa pang mahalagang UNLI – walang sawa, walang patid, walang wakas … At ito ang nais ng bawa’t isa sa atin … ang tumanggap ng isang maginhawang dalhing pamatok, magaang pasaning dulot ng Panginoong mahinahon, at mababa ang loob. Ito ang tunay na UNLI … wala nang hihigit pa rito.

Tara na … mag-UNLI tayo tuwina.

No comments:

Post a Comment