Ika-17 Linggo ng Taon A
Hulyo 27, 2014
ALAM BA NATIN KUNG ANO ANG MAINAM PARA SA ATIN?
Iyak na naman ako nang mabasa ko ang mga kwento ng ilang mga
taong nasawi sa pagpapasabog ng Malaysian Airlines flight 17. Kasama rito ang
magkapatid na batang papunta sana sa Bali upang bisitahin ang kanilang lola.
Ang mas bata sa dalawa, 11 taong gulang, ay hindi malamang bumitaw sa Nanay
niya nang inihatid sa airport. “Paano na kung bumagsak ang eroplano?” ang
tanong niya. Kasama rin dito ang Pinoy na si Irene Gunawan at ang kanyang
dalawang anak at asawa, pauwi sana sa Pagbilao, Quezon, upang makipag-reunion
sa mga kamag-anak. Mayroon ding kwento ng ilang sana ay kasama at umasang
magkakaroon ng upuan sa eroplano, pero hindi nakasama, at ang kwento ng mga natuwa
sapagka’t nakakuha sila ng upuan sa eroplanong hindi na nakarating sa kanilang
patutunguhan.
Noong isang Linggo, nabanggit sa ikalawang pagbasa, kung
paano hindi natin alam kung paano manalangin. Nguni’t sabi ni San Pablo, ang
Espirit mismo ang tumutulong sa ating kahinaan. Siya na rin mismo ang
nagdadasal para sa atin, sa pamamagitan ng mga panaghoy na walang katumbas na
kataga.
Kung ako iyon, hindi ko rin alam kung ano ang dapat kong
dasalin. Hindi ko tukoy kung ano ang mainam at mananatiling mainam para sa
akin. Hindi ko alam kung ano ang dapat kong hilingin at dapat kong bigkasin sa
panalangin.
Ito rin ang naging palaisipan marahil kay Solomon, na
nanalangin sa Diyos. Ang kanyang panalangin? “Bigyan mo ako ng isang pusong maunawain at
marunong kumilala ng masama at magaling.”
Tatapatin ko kayo … Hindi ko alam kung ano ang tunay na
magaling ngayon at dito. Hindi ko alam kung dapat kong ipagdasal na maglaho na
ang mga nangungulimbat ng pera ng bayan, na patuloy na tinatawag nating
honorable. Hindi ko alam, kung ako ang isa sa mga nagbakasakaling makasakay sa
eroplanong bumagsak ay dapat akong matuwa sapagka’t nabigyan ako ng upuan.
Hindi ko alam kung ako ay dapat malungkot sapagka’t naunahan ako sa pila at
hindi nakaabot sa mga pinapayagang makalulan sa isang bus, o sa bapor, o sa
eroplano.
Hindi ko alam kung dapat kong hilingin sa Diyos na magkapera
ako upang makatulong nang higit sa nangangailangan. Hindi ko alam kung dapat
kong hingin sa Diyos na ako ay makakita ng isang magic wand upang lutasin ang
susun-susong mga problemang hinaharap ko ngayon, sa lugar at posisyong hindi ko
hinanap at pinag-nasaan lalu ngayong nagbago na ang kultura at nagbago na ang
takbo at simoy ng hangin.
Pero marami akong pangangailangan. Marami akong kahilingan.
Marami akong panimdim at panagimpan. Marami akong dapat hilingin at ipagdasal.
At ito ang hinahanapan ko sa araw na tio ng katugunan.
Ito ang aking nakikita at naririnig. Pinagkalooban si
Solomon ng Diyos, sapagka’t “hindi ka humiling para sa iyong sarili ng mahabang
buhay o kayamanan, o kamatayan ng iyong mga kaaway, kundi ang hiniling mo’y
pagkaunawa at katalinuhang humatol.”
May mga kahilingang pansarili at pang-ngayon at dito lamang,
at mayroong mga kahilingang para sa ikabubuti ng iba at ikapapanuto ng marami,
hindi lamang ngayon, kundi sa hinaharap.
Matindi ang pinagdadaanan ng mga Kristiyano sa Iraq.
Maraming pagdurusang hindi nila dapat maranasan ang nagaganap, at magaganap pa.
Ano ba ang dapat kong hilingin sa Diyos? Dapat ba akong mabahala at magulantang?
Ito ang tugong nakikita ko at naririnig sa araw na ito. Tama
at dapat lang na ako ay mabahala. Tama at dapat lang na ako ay manikluhod para
sa kanila. Sapagka’t ang awa at habag at biyaya ng Diyos ay ipinagkakaloob sa
pamamagitan ng taong tulad mo, tulad ko, at tulad nating lahat.
Tanging ito ang panalanging namumutawi sa bibig natin
ngayon: “Iniibig ko nang lubos tanang utos mo, Poong Diyos! … Aliwin mo sana
ako niyang pag-ibig mong lubos, katulad ng binitiwang pangako sa iyong lingcod.
Sa akin ay mahabag ka, at ako ay mabubuhay, ang lubos kong kasiyaha’y nasa
iyong kautusan.”
Mahirap matukoy kung ano ang dapat hilingin, pero may isang
malinaw na panuntunan ayon sa pagbasa ngayon …
Ang rurok ng dapat nating naisin at pagsikapan ay ang
kaharian ng Diyos. Ito ang biyayang ginto, hindi biyayang mumurahin na madaling
makita at mahawakan. Madaling makamit ang biyayang mumurahin, na parang puwit
ng baso, na hanggang kinang lamang ngunit walang tunay na halaga. Madali ang
humiling ng manalo sa Lotto, pero hindi madali ang pangalagaan ang perang hindi
pinaghirapan. Madali ang maging tao, mahirap magpakatao. Madali ang gumawa ng
kabalbalan basta magkapera lamang, pero hindi madali ang manindigan sa wasto,
sa tama, at sa katarungan.
Ito ang magandang balita sa araw na ito. May grasyang ginto
at grasyang mumurahin o patakbuhin, at ang biyayang gintong ito ay walang iba
kundi ang paghahari ng Diyos. Ito ay parang isang kayamanang nakabaon, na dapat
hanapin at pagsikapang dukalin. Ito ay tulad ng isang mangangalakal na
naghahanap ng perlas. Dapat magsikhay, magpagal, at magsikap. Ito ay tulad rin
ng isang malaking lambat. At ang nahuhuli ay hindi lahat maganda at mabuti.
Parang itong may-arin ng sambahayan na handang makakuha ng bago at luma sa
kanyang taguan.
Tulad ng sinabi ko noong isang Linggo, tanging Diyos lamang
ang nakaaalam! At ang dapat hilingin natin, tulad ng hiling ni Solomon, ay kung
ano ang tunay na mainam para sa atin, kahit na hindi natin alam na ito ay
mabuti. Sabi nga ni Pablo, “alam nating sa alahat ng bagay, ang Diyos ay
gumagawang kasama ang nagmamahal sa kanya, ang mga tinawag ayon sa kanyang
panukala, sa kanilang ikabubuti.”
Alam ba natin kung ano ang mainam? Malimit ay hindi.
Ipagpasa Diyos na natin!