Thursday, June 26, 2014

KAYA NATIN ITO, KAPATID!


Kapistahan nina San Pedro at San Pablo (A)
Hunyo 29, 2014

KAYA NATIN ITO, KAPATID!

Lahat tayo ay may karanasan sa pagiging pikon. May nakalaro marahil tayo noong bata pa tayo na pikon. Siguro, kasama tayo sa mga pikon, na kapag medyo natatalo ay sumusuko, bumibigay, o umaayaw sa laro.  Pero meron din tayong nakilalang mga taong hindi agad sumusuko, bagkus nagpupunyagi, nagsisikap, kahit gaano kahirap.

Pista ngayon ng dalawang dakilang santo na parehong mapusok. Si Pablo ay isang datihang tagapag-usig ng mga kristiyano. Si Pedro ay naging isang tagapagtatwa sa Panginoon. Itinanggi niya na kilala niya ang Panginoon nang tanungin siya ng isang babaeng utusan.

Kung tutuusin, lahat tayo ay naging pikon, naging mapusok, naging duwag, at higit sa lahat, tumakas rin tayo sa pananagutan. Tingnan lang natin ang nagaganap sa ating lipunan … wala pang umamin sa mga nagnakaw ng 10 bilyong piso. Wala ni isa man sa mga kagalang-galang na senador at kongresman ang nagsabing siya ay kasama sa mga nangupit ng pera ng bayan. Lahat ay umurong. Lahat ay nagtatwa. Lahat ay tumanggi. Ni isa ay walang umaamin.

Hindi masama ang maging duwag. Ako man ay umurong nang maraming beses sa malaking problema. Pati sina Pedro at Pablo ay natigilan. Pati sila ay pinanghinaan ng tuhod. Si Pedro mismo ay nagsinungaling pa.

Nguni’t may pag-asa para sa ating mga duwag at mga salawahan. May pag-asa sa ating lahat na makasalanan. At ito ang malinaw pa sa tanghaling tapat na katotohanang lumilitaw sa kapistahan natin ngayon.

Ito ang magandang balita na nagsusumigaw sa ating puso ngayon. At ito rin ang katotohanang nagpapalakas sa ating puso. Ito ang lakas ng biyayang hatid ng mga banal na si San Pedro at San Pablo.

May pag-asa pa tayong lahat kapatid. Kung nakaya ito nina San Pedro at San Pablo, kaya rin natin ito. Kayang-kaya, kapatid!

Friday, June 20, 2014

DITO NA TAYO SA TUNAY, KAIBIGAN!


KABANAL-BANALANG KATAWAN AT DUGO NG PANGINOON (A)
Hunyo 22, 2014


Maraming peke at palso sa ating buhay at kapaligiran. May pekeng tanso, pekeng diamante, pekeng ginto, at pekeng mga kongresista at senador. Sa ibang lugar, mayroon ring mga pekeng gatas, hindi tunay na karne, at palsong mga de lata, na kung minsan ang laman ay bulok nang isda na ginawang “sariwang sardinas.”

Sa mundong ito na nababalot ng iba-ibang uri ng kaplastikan, mahirap ang kumilala at kumilatis ng tunay. Mahirap mamili king sino ang iboboto na hindi tunay at tapat lamang sa araw ng eleksyon, at kapag nahalal na, ay wala nang kilala kundi ang mga katulad ni Napoles.

Mahirap magtiwala sa peke. Mahirap maniwala sa hindi tapat at sinungaling. Sa ibang lugar, mayroon ring mga pekeng pari na walang ginawa kundi magwisik ng banal na tubig at humingi ng bayad. May mga pekeng mga tauhan ng gobyerno na walang kundi ang mag-abot ng sobre sa araw ng pasko, at matapos ang pasko ay hindi mo na makikita.

Pero ang tunay na trahedya ay hindi ang katotohanang maraming peke, kundi ang katotohanang maraming naloloko ng peke at palso.

Tunay, at hindi peke ang turo sa atin ng Panginoon sa araw na ito: tunay na pagkain, at tunay na inumin. Walang peke sa turong ito. Walang panlilinlang. Walang panloloko. Panay kapakanan natin ang pakay, hindi pansariling kapakanan.

Pero bago tayo managana sa tunay na pangaral na ito at tunay ring kaloob, kailangan natin gumawa ng masusing pag-aala-ala. Kailangan natin gunitain ang mga kahanga-hangang bagay na ginawa ng Diyos para sa ating kaligtasan. Kailangan nating ikonekta at idugtong ito sa lubha pang kahanga-hangang pagkakaloob ng sarili niyang katawan at dugo ng Panginoon, sa kalbaryo at sa huling hapunan, at sa bawa’t pagkakataong tayo ay dumadalo sa Banal na Misa.

Walang peke sa Eukaristiya. Walang palso sa kaloob ng Diyos sa atin, at sa kaloob ng kanyang bugtong na Anak. Walang palso sa kanyang pangako: “Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay nananahan sa akin, at ako sa kanya.”

Wala ring peke sa kanyang paghihirap, pagkamatay, at muling pagkabuhay!

Siya ay Diyos na totoo at tao ring totoo. Siya ay Anak ng Diyos, at Siya ay Panginoon at tagapagligtas.

Araw ngayon ng totoo. Totoong pagkain, totoong dugo at inumin. Sa mundong ito na nababalot ng lahat ng uri ng kaplastikan, mayroong isang hindi man lamang nadungisan ng kasinungalingan at kaplastikan. Hindi biro ang buhay na walang hanggan. Hindi rin ito pangakong nakasulat sa tubig. Ito ay pinatunayan niya sa kanyang pagkamatay at muling pagkabuhay.

Ang Eukaristiya ay nunok ng katotohanan. Walang iba ang nangako nang ganito. Walang iba ang nangaral nang tulad nito. At ang pangaral na ito ay siyang hanap nating lahat – buhay na walang hanggan … kapiling ng Diyos at Ama, sa langit na tunay nating bayan!

Saan ka pa kaibigan? Sa peke o sa tunay? Tayo na at tumanggap ng kanyang Katawan at Dugo sa komunyon.

Friday, June 13, 2014

PANGINOONG MAPAGMAHAL AT MAAWAIN!


Banal na Santatlo (A)
Hunyo 15, 2014

PANGINOONG MAPAGMAHAL AT MAAWAIN!

May mga taong ayaw nating makasama, makasalamuha, at makaniig. Mayroong taong kapag pumasok sa grupo ay nagiging simula ng hidwaan, away, at hiwalayan. Kaunting intriga ngayon; kaunting bulong doon; kaunting bintang bukas; at kaunting pasaring sa makalawa. Para silang uod, na unti-unting kumakain sa kaisahan at kapayapaan.

Lahat tayo ay nagiging ganito paminsan-minsan. Tayong lahat ay may magaspang na bahagi ng pagkatao, at tayong lahat ay may kakulangan kumpara sa luwalhati ng Diyos!

Luwalhati ng Diyos! Ito ang tanging araw na binibigyang-diin natin ang isang ginagawa natin araw-araw pero hindi natin pinag-uusapan. Pero ang luwalhati ng Diyos ay hindi lamang bagay na lutang, hindi lamang bagay na nakasalampaw sa alapaap, o bagay na walang kinalaman sa atin.

Ang Diyos ay Diyos kahit na hindi natin aminin at tanggapin. Ang Diyos ay maluwalhati kahit natin hindi luwalhatiin. Pero ang turo ng Kasulatan, ang turo din ng kasaysayan ay ito … Ang Diyos ay Diyos hindi lamang para sa Kanyang sarili, kundi para sa iba. Ang Diyos ay sumasaatin. Ang Diyos ay Diyos sa ganang kanyang sarili, pero hindi lamang ito ang nakagisnan nating katotohanan. Siya ay Diyos na maylikha, Diyos na tagapagligtas, Diyos na mahabagin at maawain!

Sa panahon natin, talamak ang pagkamakasarili. Tingnan lang natin ang mga namumuno sa atin. Bilyon-bilyon ang naglalaho, pero wala raw ni isa sa kanila ang magnanakaw.

Sa panahon natin, palasak rin ang hidwaan, ang pagkakawatak-watak ay pagkakanya-kanya. Hila rito; hila doon. Batak dito; batak doon. Hirap tayo magka-isa at magsama-sama. Pati ang Araw ng Kalayaan ay araw na hindi masyadong nababanaag ang kaisahan.

Sa araw na ito, araw ng Kaisahan ng Diyos sa tatlong Persona, diwa ng pagkakabuklod ang dulot sa atin. At walang anumang makapag-iisa sa ating lahat nang higit pa kaysa sa makilala at madama ang pag-ibig ng iisang Diyos na tatlong persona, ang Diyos na Ama, Diyos na Anak, at Diyos na Espiritu Santo.

Maikli ang mga pagbasa natin. Mahaba ang mga paliwanag ng mga teologo at mga paham. Libo-libong libro ang nasulat na tungkol sa Banal na Santatlo, pero kakaunti ang hatid sa atin ng Banal na Kasulatan. At ang kakaunting ito ay sapat na upang makita natin ang higit na mahalaga.

At ito ang higit na mahalaga: “Akong Panginoon ay mapagmahal at maawain.”

Ito ang kanyang dulot sa atin: “pagpapala mula kay Jesucristong Panginoon, pag-ibig ng Diyos, at pakikipag-isa ng Espiritu Santo.”

At ito ang kasukdulan … “Sinugo ng Diyos ang kanyang Anak, hindi upang hatulang maparusahan ang sanlibutan, kundi upang iligtas ito sa pamamagitan niya.”

Huwag lang manatili sa Diyos ng hiwaga. Damahin natin, kilalanin at mahalin ang Diyos ng gawa … Siya ay Diyos na mahabagin at mapagmahal.


Saturday, June 7, 2014

MARAMING DILA; IISANG PANG-UNAWA; IISANG TADHANA


Linggo ng Pentekostes
Junio 8, 2014

MARAMING DILA; IISANG PANG-UNAWA

Kataka-takang minarapat ng Diyos na ang pagbaba ng Espiritu Santo ay naganap sa pamamagitan ng mga “dilang apoy.” Maraming dila ang bumaba at lumapag sa noo ng mga disipulo. Maraming dila ang naging bunga ng dilang apoy. Nakapagsalita ang marami sa iba-ibang wika. Nakaunawa ang lahat ng mga iba-ibang wika. Nagkaisa ang mga kakaiba. Nagkabuklod ang mga di magkatulad at magkasama. Ang mga taong walang kaisahan ay naging malapit sa isa’t isa.

At ito ang higit sa lahat … ang mga natatakot ay naging matapang; ang mga dati-rati’y walang lakas ay tumanggap ng kalakasan upang mangaral. Ang mga nawalan ng pag-asa ay nabuhayan.

Pero and lahat ng ito ay nakatuon hindi sa maraming mga salita kundi sa tatatlong kataga: “Si Jesus as Panginoon.”

Kay rami ngayon na ang dini-diyos ay ang One Direction. Hindi na bale na sila ay gumagamit ng drugs. Hindi na rin bale na gumastos ng pambayad sa matrikula, makapanood lamang ng One Direction. Marami ngayon rin na ang itinuturing na Diyos ay salapi at kayamanan. Wala nang hiya-hiya. Wala nang katapatan. Wala ni isa yata sa mga kagalang-galang ang nagsasabi ng totoo. Ang lahat ay may palusot. Ang lahat ay may dahilan. Ang lahat ay hindi nagnakaw. Pero ang lahat ay kay gaganda ng kotse, bahay, at kay raming pera na parang walang pagka-ubos.

Marami rin ang itinuturing na panginoon ay kung sino man ang makapagbibigay ng malaking commission, magarang tahanan, at “unli” na pinagkukunan ng pera. Uso ngayon ang Unli rice, unli-text, unli calls at iba pa. Pati pork barrel ay Unli para sa mga ma-abilidad at makapal ang mukha.

Minsan rin, dila ng kaibahan at pugad ng pagkakawatak-watak ang ating tahanan. Kanya-kanyang uwi. Kanya-kanyang init ng sariling pagkain. Kanya-kanyang lakad. Maraming mga barangay natin ay kanya-kanyang manok sa oras ng eleksyon. Kapag natalo ang isang kandidato ay palit lahat ng traffic aides. Tanggal lahat ang mga tauhang kaugnay sa talunan. Pati mga traffic posts and light posts ay nag-iiba ng kulay, o pinapalitan ng bago kahit hindi naman kailangan.

Ang Pentekostes ay kabaligtaran ng lahat ng ito. Ang Pentekostes ay kaisahan, kahit na tayo ay napapaligiran ng pagkakaiba-iba. Ang Pentekostes ay larawan ng kapangyarihan, kahit na tayo ay nababalot ng takot, pangamba, at kahinaan ng puso at damdamin. Ang Pentekostes ay kaloob ng IISANG Espiritu. Ang Pentekostes ay pagkakaloob ng maraming mga regalo o kaloob, nguni’t IISA ang pinagmulan. Ang Pentekostes ay araw ng kalakasang dulot ng IISANG DIYOS. IISANG ESPIRITU. IISANG PANGINOON.

At tanging isa ang pangaral na ating pinanghahawakan ngayon: SI JESUS AY PANGINOON!

Kung si Jesus ay Panginoon, wala nang lugar ang pagkakawatak-watak, ang pagtungayaw, ang pakikipagpaligsahan sa isa’t isa. Wala nang puwang ang pakikipag tagisang lakas sa isa’t isa upang sapawan at palubugin ang kapwa.

Kung si Jesus ay Panginoon, ang mga bagay na nagpapahiwalay ay mapapalitan natin ng kaisahan, kaugnayan, at pagkakabuklod bilang tagasunod ng iisang Diyos, iisang binyag, iisang Panginoon, at iisang Ama at Diyos ng lahat. Marami mang dila; iisa ang pang-unawa; iisa ang tadhana … kasama ni Jesus na Panginoon!