MARIA, INA NG DIYOS (A)
Enero 1, 2014
PUNO, SANGA, BUNGA, LUPA!
Maliwanag ang pagtutulad o paghahambing na ginamit ni Romano
Guardini. Si Jesus daw, ay siyang puno, sanga, at bunga. Si Maria naman ay
siyang lupa na kung hindi sa kanya ay hindi sana naganap ang pagkakatawang-tao
ng Anak ng Diyos.
Hindi tamang ituring na magkatimbang ang puno, sanga, at
bunga sa unang banda, at ang lupa, sa kabila. Hindi nilalang ng lupa ang buhay
ng puno; at hindi mabubuhay ang puno kung hindi naka-ugat sa lupa. Tanging Diyos
lamang ang may akda ng buhay at tanging Diyos din ang gumawa ng lupa at ng
langit.
Hindi natin mapag-uusapan ang puno at bunga kung hindi rin
natin pag-uusapan ang nakapaligid na lupa. Walang puno ang naka-ugat sa hangin;
subali’t ang puno at ang lupa ay hindi magkatumbas at hindi magka-pareho.
Maraming satsat ngayon ang mga galit sa mga katoliko at
galit rin kay Santa Mariang nagluwal kay Kristo. Paulit-ulit nilang bintang na
walang katapusan na sumasamba raw ang Katoliko sa diyos-dyosan. Si Maria,
aniya, at tama naman, ay isa lamang nilalang. Tumpak! Pero ang mali nila ay ang
bintang na sinasamba raw natin si Maria! Mali!
Kung gayon, ano ba at may pista tayong dakila na patungkol
kay Maria, Ina ng Diyos? Ito ba ay paglihis sa tunay na pagsamba sa Diyos na
totoo? Ito ba ay isang idolatria?
Pues, nasagot na natin ito nang paulit-ulit. Pero gaya nga
ng sabi, mahirap gisingin ang nagtutulog-tulugan; at mahirap utusan ang
nagbibingi-bingihan! Ang ayaw maniwala ay laging may panlaban; ang bukas ang
puso at isipan ay laging may batayan!
Ano ba ang batayan natin? Eh kung si Gabriel nga ang
nagsabi: Aba Maria! Puno ka ng grasya! Bukod kang pinagpala sa babaeng lahat!
Eh, kung si Maria kaya mismo ang pakinggan natin: At lahat ng mga salinlahi ay
tatawagin akong “mapalad!”
Pero nalilihis tayo ng usapin … bakit nga ba siya Ina ng
Diyos? Ito at tanging ito ang sagot … Sapagka’t si Kristong kanyang Anak ay
Diyos at tao … Diyos na totoo at tao ring totoo. Ang isinilang ni Maria ay
hindi isang katawan lamang. Ang isinilang ni Maria ay si Kristo Jesus, Anak ng
Diyos, ikalwang persona ng iisang Diyos! A ver! May nakita na ba kayong puno ng
mansanas na nagbunga ng kalamansi?
Palibhasa may isang relihiyon na galit na galit lagi sa mga
Katoliko ay hindi naniniwala na si Kristo ay Diyos, eh bakit kaya sila
maniniwala na si Maria ay Ina ng Diyos? Simple lamang ito … ang panlalait kay
Maria ay nagmumula at nababatay sa maling paniniwala tungkol kay Kristo. Ang
pagpapahindi sa pagka Diyos ni Kristo ay natural na mauuwi sa pagpapahindi rin
sa pagka-Ina ni Maria ni Kristong Diyos at tao!
Marami ngayong idolatria sa ating panahon. May mga taong ang
diyos ay teknolohiya, ang kanilan gadget. Pati ang Pugad Baboy ay binanggit ito
… maraming nagsisimba raw pero hindi pumapasok sa simbahan … naglalampungan sa
mga bangkito sa labas ng simbahan. May mga nagsisimba raw pero nananatiling
nakatayo sa labasan … nag-uupdate sa facebook, o naglalaro ng computer games.
Diyos –diyosan nila ang kanilang mga selpon.
May mga taong ang diyos-diyosan nila ay si “ako.” Walang
ginawa maghapon kundi kumuha ng selfie at ipost sa facebook.
May mga taong ang diyos-diyosan nila ay ang pera … mukha na
silang pera. Dati ang pera may mukha … ngayon ang mukha ay nalulukuban ng pera.
Bakit akala nyo yumaman nang ganoon si Napoles? Sa pagtitinda ng lugaw at goto?
O sa pagbebenta ng parang orinolang helmet at pekeng mga bullet proof vest?
Bakit akala nyo nag lalakihan at naggagandahan ang mga bahay at resort at
rancho ng mga senador, politico at mga mapagsamantalang public servants daw?
Bakit ang mga dambuhalang network ay nagpapataasan ng ratings? Di ba tungkol sa
pera yan?
Maraming idolatria ngayon … at hindi kasama rito ang
pamimintuho at paggalang kay Maria, na siyang lupa, kung saan nag-ugat ang
puno, kung kaya’t yumabong at namunga ito!
Hindi Diyos si Maria. Subali’t si Kristo ay Diyos at tao. Si
Maria ang Ina ni Kristo, Diyos at tao. Iisang Kristo ang isinilang ni Maria,
hindi Kristong tao at isa pang Kristong Diyos naman. Iisa si Kristo Jesus, Anak
ng Diyos at Anak ni Maria!
A ver! Ano tawag ninyo sa Ina ng Hari? Ano tawag ninyo sa
Ina ng Diyos? Hindi siya Ina ng Diyos dahil sa siya ang nagbigay ng pagka Diyos
ni Kristo. Walang karapatan ang isang nilalang gumawa niyan. Tanging Diyos
lamang. At tanging Diyos lamang ang makapagpapasya kung paano magaganap ang
hiwaga o misteryo ng pagkakatawang-tao ng Bugtong na Anak ng Diyos!
O, huwag nyo sabihin na mas marunong pa kayo sa Diyos! Siya
ang nagpasya. Siya ang namili. At ang kanyang hinirang ay si Maria, tigib o
puspos ng biyaya. Siya ang nagsilang sa Anak ng Diyos. Kung gayon, siya ay
tinaguriang Ina ng Diyos!
Halina’t sumamba sa Diyos! Halina’t purihin natin ang Ina ng
Bugtong na Anak ng Diyos! Sa kanyang pakikipagtulungan, naganap ang dakilang
misteryo ng pagkakatawang-tao ng Diyos at pakikipamayan sa atin. Dios te salve!
Maria!