Ika-17 Linggo ng Taon K
Hulyo 28, 2013
AMA NAMIN!
Sa ating bayan, mahirap ang lumapit sa mataas na taong hindi
mo kilala. Lagi kang naghahanap ng padrino, ng taong tutulong sa iyo at
maghahatid sa iyo. Bihira sa ating kultura ang taong bigla at basta na lamang
papasok sa opisina ninuman nang walang namamagitan.
Hindi tagapamagitan ang hinahanap natin, kung tutuusin
nating mabuti. Hindi tayo naghahanap ng fixer, ika nga. Hindi tayo naghahanap
ng taong gagawa ng bagay na dapat nating gawain. Ang ating tunay na hanap ay
isang taong may kaugnayan sa sinumang gusto nating marating o makapulong.
Si Abraham ay itinuring ni Pablo bilang ating Ama sa
pananampalataya. Sa kwento sa unang pagbasa, narinig natin kung paano siya
naki-usap, kung paano siya nagmakaawa sa Diyos, maligtas lamang ang mga taong
mabubuti, kahit sasampu na lamang ang natitira. Nakita natin kung paano
namagitan si Abraham, at kung paano niya pinalambot ang loob ng Diyos kung
kaya’t ang kaparusahang nararapat sa mga taga Sodom at Gomora ay hindi matuloy.
Nanalangin si Abraham. Nagmakaaawa. Namagitan at nanikluhod
sa Diyos na maawain.
Iba talaga ang may pinagsamahan. Kung tutuusin, si Abraham
ay hindi na banyaga sa Diyos, at ang Diyos ay hindi na iba kay Abraham. May
pinagsamahan sila. May kaugnayan. May pinagsaluhang pangarap at panawagan. Magmula
nang siya ay tumugon sa panawagan ni Yahweh, na siya ay lumisan sa Ur at
magtungo sa bayang pangako, naging karapat-dapat si Abraham upang manikluhod at
humiling sa Diyos.
At ano ang dahilan nito? Sapagka’t sila ay may pinagsamahan
na.
Mahirap ang maki-usap para sa sinuman. Pero nagiging madali
kung ang ating pinakikiusapan ay may kaugnayan na sa atin, kung may
pinagsamahan na tayo.
Tunghayan natin ang kwento sa ebanghelyo. Dalawang tao ang
sinasabi nanghihingi ng tulong. Ang una ay naggambala ng kapitbahay sa
kalagitnaan ng gabi dahil wala siya ni anumang puedeng ipakain sa bisita.
Mapilit ang kanyang tono sa panghihingi ng tulong … makulit. Sino sa atin ang
hindi magbibigay na lamang wag lamang tayo kulitin nang ganoon? Ang isa naman
ay may kinalaman sa kakayahan nating magbigay nang kung ano ang hinihingi ng
isang anak.
Ano ang sikreto? Ano ang dahilan at sila ay pinagbigyan?
Nasa unahan ng ebanghelyo ang sagot. Ano ba ang turo sa atin
ng Panginoon? Napakasimple. Para bagang sinasabi niya na hindi tayo
makadidiretso sa sinuman kung wala tayong relasyon, kung wala tayong kaugnayan,
kung wala tayong pinagsamahan.
Ito ang sinabi ni Pablo sa ikalawang pagbasa. Hindi na tayo
iba sa Diyos. Hindi tayo mga banyagang hindi niya kilala. “Nalibing tayo,”
aniya, “kasama ni Kristo sa binyag.” At hindi lamang yan, “binuhay tayong muli
kasama niya, matapos patawarin ang ating mga kasalanan.”
Di ba maliwanag ito? Na tayo ay may kaugnayan na sa kaniya?
Dahil dito, ang turo ni Jesus ay ito. Kung tayo raw ay
mananalangin, tumawag raw tayo sa Diyos ng “Ama Namin.” “Papa,” “Ama,” “Itay.”
Ito ang kaugnayang hindi Niya mapahihindian. Ito ang dahilan
kung bakit tayo ay karapat-dapat magdasal at lumapit sa Kanya nang may
pananampalataya at pagtitiwala.