Ika-11 Linggo ng Taon (K)
Junio 19, 2013
ESKANDALO SA HANDAAN!
Malaking eskandalo iyon, kumbaga! Si Jesus … nasa handaan …
kasama mga malalaking tao ng lipunan, ang mga Pariseo at mga Eskriba … mga big
time, ika nga. Heto at biglang pumasok ang kilalang makasalanang babae sa
bayan. Lumapit sa likuran ni Jesus. Iniyakan ang kanyang mga paa, hinugasan ng
kanyang mga luha, at tinuyo ng kanyang buhok…
Wag nyo nang dagdagan pa ang kwento ko … baga maging
teleserye na. Pero, malaking dagok ito sa dignidad ng Guro, di ba? Sa biglang wari, para itong isang malaking
eskandalo.
O ikumpara nyo kaya sa ginawa ni David. Sa kanyang pagnanasa
kay Batsheba, ipinadala niya si Urias sa unang hanay ng giyera, upang iligpit
siya ika nga, at mawala ang balakid sa kanyang maitim na balak.
O hala! Yaman at narito na tayo sa usapang ito, ikumpara
natin kay Saul, na isang masugid na taga-usig at tagapagpahirap sa mga unang
Kristiano … Ewan ko kung ano ang kasalanang nagawa ng babae, pero alam natin
ang ginawa ni David, ni Saul. Alam rin natin ang ating sariling mga kasalanan …
Aminin!
Pero hindi telenobela ang pakay natin dito. Wala tayong
tinutugis na aswang dito, at wala tayong pinatatamaan dito .. Aminin natin
tulad ng pag-amin ni David: “Tunay akong nagkasala sa Panginoon!” Aminin natin
at tanggapin tulad sa pagtanggap ni Saul na naging Pablo: “Ang tao’y
pinawalang-sala sa pananalig kay Jesucristo.” “Namatay na akong kasama ni
Kristo sa krus.” Ito si Saul na dati-rati ay mabangis na tagapag-usig.
Wag na nating pahabain pa ang kwento. Wag na nating idiin pa
ang babaeng makasalanan. Walang babae o lalake rito sa usapang ito. Lahat tayo
ay nagkasala. Lahat tayo ay marupok, madaling lumimot, at lalong madaling tumalikod
sa pangako.
Pero hindi ito ang kwentong iginuguhit ng mga pagbasa. Ang
dapat lumutang sa ating isipan ay kung ano ang sinabi ni Papa Francisco
kamakailan. Hindi napapagod ang Diyos sa pagpapatawad. Ang tao … tayo ang
napapagod humingi ng kapatawaran.
Naunawaan ito ng babaeng makasalanan. Natumbok niya,
kumbaga, ang kahinaan ng Diyos. Tumangis siya. Kumilos at humingi ng patawad.
Sa harap ng pag-ibig na nag-uumapaw, pati ang Panginoon ay nadala ng kanyang
dakilang habag. “Ipinatawad na ang iyong mga kasalanan!”
Eskandalo kamo sa handaan? Hindi … kundi isang dakilang
kwento ng kapatawaran!
No comments:
Post a Comment