Friday, June 28, 2013

BIDA O BALIW?


Ika-13 Linggo ng Taon K
Hunyo 30, 2013

BIDA O BALIW?

Sino kaya sa kanila ang baliw? Andyan si Eliseo, na may angking yaman at kakayahan …. Hindi biro ang magkaroon ng 12 pares na toro bilang pang-araro. Wala akong kilalang magsasaka sa ating bayan na nagpapasasa sa hayop na alagain at hayop na tagapag-araro. Pero si Eliseo, na may pag-aaring ganitong karaming toro ay tila nakulam at biglang naisipang katayin ang lahat ipanggatong ang mga pang-araro. Hindi lang yan … naghanda pa siya at ipinaluto ang mga toro para sa handaan.

Eto pa ang isa … Si Saulo antemano ay isang tagapag-usig ng simbahan. Naglalakbay siya noon patungong Damasco nang biglang may nakitang pangitain. At ito ang matindi … para siyang natikbalang … nabulagan subali’t may pangitaing natunghayan, kung kaya’t para siyang buwang na biglang nagbago ang tugtugin at biglang nabago ang simoy ng hangin.

Sino kaya sa kanilang dalawa ang baliw?

Ito naman ang mga pinahahalagahan ng mundo …mga macho … mga taong hindi nagpapalamang at hindi papayag na sila ay inaapi. Si Santiago at si Juan ay hindi handang magbigay ng “inch” sa mga taong walang pagtanggap sa kanilang guro. Sa kanyang huling paglalakbay patungo sa Jerusalem, nagdaan ang Panginoon at ang mga alagad sa Samaria. Dito sa lugar na ito ay hindi mataas ang survey ratings ng Panginoon. Hindi siya tinanggap ng mga tao, at walang mga balabal na inilatag sa kanyang daraanan.

Dalawang macho ang hindi nasiyahan … dalawang taong hinahangaan ng ating lipunan ngayon … mga taong handang makipagbasag-ulo at maghiganti. Sa pagkabatid nilang walang mga sumalubong at tumanggap, tinanong nila ang Panginoon: “Payag ba kayong magpababa kami ng apoy mula sa langit upang pugnawin sila?”

Sino kaya sa kanilang apat ang baliw?

Sa mundong kilala natin ngayon, baliw ang tumalikod sa sarili. Baliw ang magpalamang. Baliw ang mahina at mahinahon. Baliw ang may sinusunod na guro at walang sariling palakad ng isipan at kalooban. Baliw si Saulo na naging Pablo nang tinalikuran niya ang pagiging tagapag-usig ng mga kristiyano.

Bida ang mga matatapang at walang awa, ang mga taong walang habas na nagpapahirap sa buhay ng kapwa, ang mga nilalang na handang isaisang-tabi ang karapatan ng mahihina, mga walang malay, mga sanggol sa sinapupunang walang kakayahan sumigaw ng “bakit?” at “huwag po!”

Subali’t sa araw na ito, si Eliseo ang bida, hindi baliw. Si Pablo ang itinatampok, hindi bilang isang buwang, kundi isang bayani ng paghahanap ng tunay at wagas na katotohanang lamang sa katotohanan ng mundo.

Sa halip na batas ng mundo ang dapat sundin, ang turo ni Pablo ay ang batas ng kalayaan, ang batas ng Espiritu, sa halip na pita ng laman. Sa halip na pahalagahan ni Eliseo ang kanyang mamahaling mga toro, dinispatsa niya ang lahat nang makita niya ang landas na itinuro sa kanya ni Elias na kanyang guro. Sa halip na sang-ayunan ni Jesus ang dalawang mainitin ang ulo, ay tinuruan niyang sumunod patungo sa Jerusalem, patungo sa kamatayan sa krus. “Hindi ninyo alam kung anong uri ng espiritu ang sumasainyo, sapagka’t naparito ang Anak ng Tao, hindi upang ipahamak ang mga tao kundi upang iligtas sila.”

Bida ba tayo o baliw? Tulad ba tayo ni Eliseo, ni Pablo o ng dalawang disipulong sa simula ay nag-asal macho at nag-asal mapaghiganti?

Isang paghamon ang hatid sa atin ngayon ng Panginoon: “Sumunod ka sa akin.” Tulad ng taong nagsabing handa siyang sumunod, tayo man ay nadadala minsan sa magarbong pananalita. Ngunit kaya mo bang magpakabaliw tulad ng Panginoon? “May lungga ang asong gubat at may pugad ang ibon, ngunit ang Anak ng Tao’y wala man lamang matuluyan o mapagpahingahan.”

Baliw ang umurong. Bida ang magpatuloy. Baliw ang tumanggi sa biyayang tiyak at sa kaligtasang walang kaduda-duda. Bida ang sumunod sa kabila ng ganitong mga pananalita: “Ang sinumang nag-aararo at palaging lumilingon ay hindi karapat-dapat sa paghahari ng Diyos.”

Panahon na upang maging bida at baliw … tulad ni Eliseo, Pablo, Santiago, Juan, at ang Panginoon. Kanino ka pa?


Thursday, June 20, 2013

AKING KINASASABIKAN, IKAW LAMANG!

-->
Ika-12 Linggo ng Taon K
Hunyo 23, 2013

AKING KINASASABIKAN, IKAW LAMANG!



Ligalig ang mga salita ni Zacarias … nagwika siya tungkol sa pagtangis, iyakan, at paninibat. Pero ang kapalit ay malayo sa ligalig: pagiging mahabagin at mapanalangin, at ang karumihan ay mapapalitan ng kalinisan.



Pangako rin, at hindi pagkapako sa dusa ang dulot na aral ni San Pablo. Sa kabila ng pagkakaiba-iba, sa pagitan ng mga Judio at Hentil, babae at lalake, alipin o malaya, ang lahat ng nabinyagan, aniya, kay Kristo, ay nagkakaisa, at naging tagapagmana ng pangako ng Diyos.



Hindi madaling tanggapin ang pangaral na ito, lalu na’t hindi maganda ang takbo ng buhay natin sa ngayon. Sa kaunting ulan ay baha. Matapos ang baha ay ang sisihan, ang tapunan ng lahat ng uri ng pagbibintang. Nguni’t dahil sa tayong lahat ay nalalagay sa alanganin ang buhay, nakapag-iisip tayong lahat ng hindi maganda tungkol sa kung sino dapat ang managot sa mga problemang ito. Minsan, at kasama na ako rito, hindi maalis sa isipan natin ang mga katanungang tulad ng ganito: bakit kaya kahit taon-taon namang problema ito ay wala pa rin tayong nagawang solusyon sa mga ito? Bakit kaya sa kabila  ng mga batas ay tuloy pa rin ang pagdami ng mga namamahay sa tabing ilat, ilog, at estero. At ito ang matindi … sa kabila ng taon-taon nating parehong problema, ay bakit kaya parang walang magawa ang sinuman, at tuwing eleksyon ay bida pa sa mga kandidato ang mga taong pinagsasamantalahan lang naman nila tuwing eleksyon?



Mahirap ang buhay natin at ang higit na masahol na kahirapan ay ang kakitiran ng isipan at ang pag-iisip lamang ng pansarili at panandaliang kapakanan.



Nais kong isipin na lahat tayo ay naghahanap ng short-cut, ng madaliang daan, ng landas na maghahatid sa atin sa mabilisang ginhawa. Kausap ko kahapon ang isang kababayan kong naging kapitan ng barangay sa loob ng 18 taon. Tinanong ko siya kung bakit ang dami nang dayuhan sa aming bayan. At ito ang sagot niya … may lupa silang sinasaka sa probinsiya. Pero ang hanap nila ay madaliang pera, ang sweldo na walang masyadong hirap, at walang sobrang habang panahon ng paghihintay. Wala nang gustong magsaka … wala nang gustong magtanim … wala nang gustong sobrang mahirapan. Gusto lamang ay mabilisang ginhawa.



Nais kong isipin rin na pati si Kristong Panginoon ay misang natukso rin na maghanap na kaunting katanyagan mula sa tao. Nagtanong siya sa ebanghelyo: “Sino raw ako ayon sa mga tao?” Tulad nating lahat … naghahanap rin tayo ng kaunting pagtingin, kaunting paghanga, kaunting pagpapahalaga sa mabutin nating nagagawa kung minsan …



Pero di naglaon at bumalik si Jesus sa tunay niyang layunin at pakay. Bumalik siya sa tunay na katauhan niya at misyon. At nang sinagot siya ni Pedro: “Ikaw ang Kristo, ang Mesiyas ng Diyos,” kagya’t niyang sinabihan ang mga alagad: “Ang Anak ng Tao’y dapat magbata ng maraming hirap. Itatakwil siya ng matatanda ng bayan, ng mga punong saserdote at ng mga eskriba. Ipapapatay nila siya, nguni’t sa ikatlong araw ay muling mabubuhay.”



May mga pagkakataong naghahanap rin ako ng ginhawa, ng kaunting katanyagan, o kahit man lamang konting pagtingin o pagpapahalaga sa aking nagagawang mabuti. Kung minsan dumarating. Subali’t sa kalimitan, ni ha ni ho ay wala kang marinig. Parang tungkulin mo lahat na gawin ang ginagawa mo, at ang masakit pa Kuya Eddie, ay ito. Ni gaputok na pasasalamat ay wala kang maririnig sa tao.



Masakit man ay makatotohanan. At ang higit na katotohanang dapat isaisip ay ito … na ang pinakamahalaga sa lahat ay ang ating pangangailangan sa Diyos, ang ating malalim na paghahanap sa Kaniya … “Aking kinasasabikan, Panginoon, ikaw lamang!”


Friday, June 14, 2013

ESKANDALO SA HANDAAN!


Ika-11 Linggo ng Taon (K)
Junio 19, 2013

ESKANDALO SA HANDAAN!

Malaking eskandalo iyon, kumbaga! Si Jesus … nasa handaan … kasama mga malalaking tao ng lipunan, ang mga Pariseo at mga Eskriba … mga big time, ika nga. Heto at biglang pumasok ang kilalang makasalanang babae sa bayan. Lumapit sa likuran ni Jesus. Iniyakan ang kanyang mga paa, hinugasan ng kanyang mga luha, at tinuyo ng kanyang buhok…

Wag nyo nang dagdagan pa ang kwento ko … baga maging teleserye na. Pero, malaking dagok ito sa dignidad ng Guro, di ba? Sa  biglang wari, para itong isang malaking eskandalo.

O ikumpara nyo kaya sa ginawa ni David. Sa kanyang pagnanasa kay Batsheba, ipinadala niya si Urias sa unang hanay ng giyera, upang iligpit siya ika nga, at mawala ang balakid sa kanyang maitim na balak.

O hala! Yaman at narito na tayo sa usapang ito, ikumpara natin kay Saul, na isang masugid na taga-usig at tagapagpahirap sa mga unang Kristiano … Ewan ko kung ano ang kasalanang nagawa ng babae, pero alam natin ang ginawa ni David, ni Saul. Alam rin natin ang ating sariling mga kasalanan … Aminin!

Pero hindi telenobela ang pakay natin dito. Wala tayong tinutugis na aswang dito, at wala tayong pinatatamaan dito .. Aminin natin tulad ng pag-amin ni David: “Tunay akong nagkasala sa Panginoon!” Aminin natin at tanggapin tulad sa pagtanggap ni Saul na naging Pablo: “Ang tao’y pinawalang-sala sa pananalig kay Jesucristo.” “Namatay na akong kasama ni Kristo sa krus.” Ito si Saul na dati-rati ay mabangis na tagapag-usig.

Wag na nating pahabain pa ang kwento. Wag na nating idiin pa ang babaeng makasalanan. Walang babae o lalake rito sa usapang ito. Lahat tayo ay nagkasala. Lahat tayo ay marupok, madaling lumimot, at lalong madaling tumalikod sa pangako.

Pero hindi ito ang kwentong iginuguhit ng mga pagbasa. Ang dapat lumutang sa ating isipan ay kung ano ang sinabi ni Papa Francisco kamakailan. Hindi napapagod ang Diyos sa pagpapatawad. Ang tao … tayo ang napapagod humingi ng kapatawaran.

Naunawaan ito ng babaeng makasalanan. Natumbok niya, kumbaga, ang kahinaan ng Diyos. Tumangis siya. Kumilos at humingi ng patawad. Sa harap ng pag-ibig na nag-uumapaw, pati ang Panginoon ay nadala ng kanyang dakilang habag. “Ipinatawad na ang iyong mga kasalanan!”

Eskandalo kamo sa handaan? Hindi … kundi isang dakilang kwento ng kapatawaran!

Thursday, June 6, 2013

GANTIMPALA AT GAMBALA MULA KAY BATHALA!


Ika-10 Linggo ng Taon K
Junio 9, 2013

GANTIMPALA AT GAMBALA MULA KAY BATHALA

Kababalik ko lamang galing sa bundok ng Pulag. Panglimang akyat ko na ito sa bundok na mahal na mahal ko. Isang matandang lalaki ang aming gabay, kung kanino ko nakita ang pagmamalasakit, ang pangangalaga, at pagsisikhay sa kabila ng katandaan.

Minsan sa buhay natin ay may mga pangyayari kung kailan higit natin nararamdaman ang Diyos sa buhay natin. Sa maraming taon ko na rin bilang guro at pari, palagay ko’y masasabi kong alam ko ang aking sinasabi tungkol rito.

Tatlong magkakatulad na pagbasa ang ating natunghayan ngayon. Ang una ay ang isang karanasan ni Elias, sa Zarepat, kung saan ang isang balo ay namuhay kasama ng kanyang kaisa-isang anak na lalaki. Duon siya nakituloy. Sa mga araw kung kailan naroon siya, namatay ang bata. Ang nanay ay tumangis. Hindi lamang iyon, ginawa niya ang normal na dapat gawin ng isang ina … Nanisi siya: “Naparito ba kayo upang ako ay sumbatan sa aking mga kasalanan at patayin ang aking anak?”

Alam ng Diyos kung ilang beses ko siya sinisi. Bakit hindi? Ako na nga ang gumagawa nang dapat. Ako na nga ang nagpapagal para sa kanya, at ako pa ang parurusahan? Di ba’t ganito tayo lahat? Kapag gumawa ng mabuti nakalista. At kapag sinuklian tayo ng paghihirap, mas mahaba ang ating listahan. Mas matindi ang sisihan, at mas masahol ang ating atungal?

Pati sa ebanghelyo, isang batang lalaki rin ang namatay, anak ng isang balo mula sa Nain. Sa lahat ng parurusahan, siya pa, ika nga.

Matindi ang tao sa mundo. Walang paki ang karamihan. At kapag masaya ka, masaya rin sila, lalu na kung may pamudmod kang painom at pakain. Kapag birtdey mo at nagpaka-canton ka, o Chooks-to-go, masaya ang lahat. Pero kapag malungkot ka, mag-isa ka. Manigas ka, sabi nga nila.

Hindi ganito ang Diyos. Alam ko, sapagka’t di miminsan akong nagdusa dahil sa kanya. Ganyan magmahal ang Diyos … nagdudulot at nag-aalay ng buhay sa pamamagitan ng pagkitil ng makamundong buhay. Nangangalaga at nagkakalinga ang Diyos. Totoo. Pero ang kanyang gantimpalang biyaya ay laging kaakibat ng panggagambala.

Si Pablo ay ginamtipalaan ng biyaya ng pagbabalik-loob. Nguni’t ano ang nahita niya? Ang gantimpala ay nauwi sa gambala. “Ngunit sa kagandahang-loob ng Diyos ay hinirang niya ako upang maging lingkod niya.” Hindi na siya namayapa noong siya ay gantimpalaan. Gambalang walang patid ang naging bunga ng gantimpala.

Ilang beses rin ako ginambala nang ganito … mula sa mga taong hindi ko inaasahan, mula sa mga kapatid ko’t kasamahang walang pagmamalasakit at may halo pang pag-iimbot. Kung medyo namumunga ang puno, ika nga, marami ang pumupukol. Kung medyo nagtatagumpay ka, marami ang nalulungkot. Ito yata ang takbo ng buhay, tulad ng naranasan ng maraming santo at santa.

Isa na rito si Santa Teresa de Avila. Sabi niya, “kung ganito mo tinatrato ang mga kaibigan mo Panginoon, hindi ako nagtataka kung bakit kakaunti lang kaming mga kaibigan mo.”

Sabi ni Papa Francisco na hindi masama ang umangal sa Diyos. Isa itong uri ng panalangin. Umangal ang balo ng Zarepat. Umangal rin si Elias. At ganoon din si Pablo. Ganoon rin ako. Bakit Lord? Bakit kung sino pa ang nagsisikap ay sila ang hindi napapansin at hindi nabibigyan ng kung ano man? O sila pang sinisiraan?

Nananaghoy ako kung minsan … nananawagan. Gantimpala ba ang aking dapat tanggapin o gambala?

Ang tatlong pagbasa ngayon ang tugon … Ang Diyos ay nagkakalinga, nagbibigay ng gantimpala. Pero Siya rin ang nagkakaloob ng gambala. Hindi puedeng sitting pretty lamang lagi. Kailangan magpagal. Kailangan kumilos at gumawa para sa bagong ebanghelisasyon. Kailangan magsikap para sa Kanyang Kaharian.

At huwag kalimutan. Sa kabila ng gantimpala at gambala, ang huli ang siyang mahalaga: “Binata, bumangon ka!” Sapagka’t ang Diyos ay Diyos ng biyaya, at Diyos ng gambala, at Diyos rin ng gantimpala!