Friday, May 31, 2013

LIMA! DALAWA! PAGPAPALA!


Katawan at Dugo ni Kristo – Taon K
Junio 2, 2013

LIMA, DALAWA, PAGPAPALA!

Mahilig tayo magbilang tuwina. Iyan ang ginagawa lagi ng mga nagsusurvey… bilang dito, bilang doon. Iyan din ang ginagawa ng mga media networks. Paramihan ng taganood … pataasan ng rating, at lahat ay ginagawa maging tanyag lamang, pati na ang pambabastos ng walang malay na tao.

Lilima ang tinapay ng bata, at dadalawang isda … napakasakit Kuya Eddie! Ika nga …

Sa buhay natin, parang kulang ang lahat. Kulang ang pang matrikula, at marami ngayon ay mapipilitang tumigil o lumipat sa siksikang mga pampublikong eskwela. Kulang at kulang ang lahat ng bagay. Wala pa akong taong nakilala na sapat ang pera, kasya ang luho at wala nang hahanapin pa.

Araw ngayon ng milagro. Sa bawa’t lugar, as anumang araw, kung saan at kung kailan may nag-aalay ng Misa, may milagro. Di ba’t milagro ang mapalitan ang tinapay at alak at maging katawan at dugo ni Kristo?

Ito ay milagro sa may pananampalataya. Alam rin ng Diyos na kulang at kulang ang kanyang pangaral sa mga taong ayaw maniwala. Alam rin ng Diyos na sa buhay natin ay laging may kulang, laging may kapos, laging walang pagtatapos, at lagi tayong dapat magtuos!

Nguni’t sa huling pagtutuos, tanging tinapay at alak lamang ang mahalaga. Sa huling pagtutuos, batid ng Diyos na kahit lilima, kahit dadalawa, kahit kapos ay mayroon siyang itinuturong higit na mahalaga, higit na dakila, higit na banal at kapana-panabik.

Ang tao ay walang kabubusugan, walang kasiyahan. Walang ganap at perpektong kaligayahan sa mundong ibabaw.

Si Melkisedek at kakaibang propeta. Hindi siya nag-alay ng tulad ng alay ng iba. Ang alay niya ay tinapay, at ang kanyang alay ay nagbunga ng pagpapala. Tumanggap ng pagpapala at pagbabasbas si Abram dahil dito. Ang tinapay at alak ay naging daan ng pagpapala!

Ano bang pagpapala ito? Lilima nga at dadalawa … tumpak, nguni’t ano ba ang nahita natin dito? Pinagpala at nabusog at nakinabang ang libo-libong tao. Nagpala rin sila sa Diyos sa kaloob ng tinapay mula sa langit.

Ito ang dakilang pagpapalang gusto at hanap natin … Ito ang naging milagro sa tinapay at alak … naging katawan at dugo ni Kristong Panginoon. “Ito ang aking katawan na inihahandog para sa inyo. Gawin ninyo ito sa pag-alala sa akin.”

Higit pa sa pag-alala ang gawa natin ngayon. Tayo ay nagpapala, nagbabasbas, pinagpala at pinagkalooban. At hindi lamang lilimang tinapay at dadalawang duling na isda ang ating tinanggap.

Dahil sa lima. Dahil sa dalawa. Pagpapalang umaatikabo! Buhay na walang hanggan! Dulot ng tinapay ng buhay na isinilang rin sa bahay ng tinapay, Betlehem … si Kristong pagkaing nagbibigay-buhay at naghahatid sa buhay na walang hanggan!

Ano pa ang hanap nyo? Lilima ba ang nakikinig sa iyo? Dadalawa ba ang tumutulong sa iyo? Kakaunti ba ang iyong pera, at kakaunti lang ang kakampi mo sa buhay?

Wag malungkot. Wag tumangis. “Sapagkat tuwing kakain kayo ng tinapay na ito at iinom sa kalis na ito ay ipinahahayag ninyo ang kamatayan ng Panginoon, hanggang sa muling pagparito niya!”

Lima. Dalawa. Sobra! … umaatikabong pagpapala!

Friday, May 17, 2013

TIPON. TIPAN. TUPAD


LINGGO NG PENTEKOSTES (K)
Mayo 19, 2013

TIPON, TIPAN, TUPAD!

Maraming nagaganap kapag nagkakatipon ang mga tao, kung ano man ang dahilan. Noong dumami nang dumami ang tao sa EDSA noong 1986, isang milagro ang naganap. Ang hindi natin maisip-isip na puedeng mangyari ay nangyari.

Ang mga disipulo ay nagkatipon-tipon din, pero dahil sa isang dahilan … takot sila sa mga maykapangyarihan noon, matapos ipapatay ang kanilang pinuno. Pero ang Diyos ng tipan ay may balak sa kanilang pagtitipon. Tulad nang naganap nang paulit-ulit sa Lumang Tipan, ang katipunan ng mga nanghihinawa at natatakot na mga disipulo ay tumanggap ng isang panibagong tipan.

Ito ang naganap na milagro. Tingnan natin kung ano ito … parang gancho na dalawa ang talim. Sinabi ayon sa Kasulatan na ang mga disipulo, matapos tumanggap ng kaloob ng Espiritu Santo ay nakapagsalita ng iba-ibang lenguahe. Pero sinabi rin na ang lahat ng nakikinig sa kanilang pangaral ay naka-intindi sa kanila sa kani-kaniyang salita. Alin ba sa dalawa? Aking sagot? Pareho!  Para lamang isang kampit na magkabila ang talim … matalas … nanunuot sa kalamnan … matalab!

Itong milagrong ito ang dapat siguro maganap muli sa atin. Nagkakatipon tayo ngayon sa maraming paraan, tulad ng pagtitipong ito. Tuwing may darating na artistang tanyag, nagtitipon tayo, tulad ng naganap sa MOA at sa SM Aura … tinipon ni Vin Diesel ang maraming taga-hanga, at ganun din ang ginawa ni Sarah Jessica Parker. Nagtipon tayo noong isang Linggo para sa halalan, bagama’t marami ay sapagka’t umasa sila ng pabuya o “bayad” sa kanilang boto … napakasakit Kuya Eddie!

Ngayon ay nagtitipon tayo sa simbahan. Sumasamba. Sumasamo. Sumasambit ng banal na ngalan ng Diyos. Tipon ang tawag dito.

Pero, sandali lang … ano ba ang tipan? Ano ba ang kasunduan? Ano ba ang dapat gawin dito? Masakit man aminin, dito tayo kulang. Bihasa tayo sa tipon, nguni’t kulang na kulang sa tipan. Magaling tayo sa samahan, pero ang inuuwi ang kasamaan, kalimitan. Magaling tayo tumanaw ng utang na loob, kahit na ang tinatanaw nating utang na loob ay galing rin sa kaban ng bayan, o tungkulin nila antemano.

May dapat tayong alalahanin sa pagtitipong naganap sa araw ng Pentekostes. Lumabas sila at nangaral. Humayo sila at pinairal ang tipanan ng Diyos at tao. Bagama’t lahat, tulad natin ay nahahati sa iba-ibang grupo, namayani ang pagiging bahagi ng iisang katawan ni Kristo. Bagama’t lahat, tulad rin natin ay binabagabag ng pita ng laman, namaulo ang panawagang mamuhay ayon sa Espiritu at mamuhay nang hindi nagugumon sa pita lamang ng laman.

May oras para sa tipunan. May oras para sa tipanan. Nguni’t may oras rin para sa tuparan. Kailangan ng katuparan ng katipunan at tipanan. Hindi araw-araw ay inuman lamang at samahan. Kailangan ng katuparan.

Tapos na ang halalan. Tapos na rin dapat ang sisihan. Balik sana tayo sa tipunang banal at tipanang banal … dito sa simbahan at sambahan, dito sa banal na samahan – sa ngalan ng Diyos ng tipan, at Diyos ng pangako at Diyos ng katuparan!

Tinanggap natin ang Espiritu. Tinanggap natin ang Kanyang kaloob. Ito ay isang kapangyarihan mula sa itaas. Maghari nawa ito at matupad … maganap … maisakatuparan.

Espiritung ng kalakasan, Espiritu ng pagbabago, Espiritu ng kapangyarihan mula sa itaas, papagningasin mo nawa kami, tungo sa tipuna, tungo sa tipanan, at higit sa lahat tungo sa katuparan!

Friday, May 10, 2013

INIAKYAT, UMAKYAT, MAGPASALAMAT!


PAG-AKYAT SA LANGIT NG PANGINOON (K)
Mayo 12, 2013

INIAKYAT, UMAKYAT, MAGPASALAMAT!

Sa biglang wari, sa makataong pananaw, talunan ang Panginoon sa kanyang pagkamatay sa krus. Talo ang mapatay sa huli, at panalo ang mga nagpakana ng kanyang paghihirap at pagkapako sa krus … Ito ay sa makataong pananaw natin.

Subali’t sa maka-Diyos na pananaw, ay hindi ito ang huling kabanata ng kasaysayan ng kaligtasan. Sa araw na ito, makaraan ng 40 araw, ang Panginoon ay umakyat, iniakyat sa Langit, upang lumuklok sa kanan ng Diyos Ama sa kanyang kaharian.

Una sa lahat, tiyakin natin … iniakyat ba siya o umakyat? Karaniwan nating sabihin sa simbahan na ang Panginoon ay umakyat sa langit sa araw na ito. At kasabihan at turo naman natin na ang Mahal na Birhen ay iniakyat sa langit (assumption). Alin ba ang tama?

Pareho. Si Jesus ay umakyat sa langit, sa ganang kanyang kapangyarihan bilang Diyos. Si Jesus ay iniakyat rin sa langit sa ganang kanyang kalikasan bilang taong totoo, at Diyos na totoo. Si Jesus, bilang Diyos at tao ay may kaloobang maka-Diyos at kaloobang maka-tao, bagama’t iisa, at tanging iisa lamang ang kanyang persona, ang ikalawang persona ng Diyos.

Magulo ba? Wag mo nang kultahin ang utak sa malalim na Cristolohiyang ito. Sapat nang paniwalaan natin na ang Diyos ay nagwagi laban sa kamatayan … na ang Diyos ay panalo laban sa kasalanan, at sa lahat  ng anumang dulot ng kasalanan – ang lahat ng uri ng kadiliman at kawalang-katiyakan sa mundo.

Magulo ang mundo natin … magulo rin ang ating halalan. Wala akong kaliwanagang nakikita kung patuloy pa rin na sila at sila rin lamang ang mga namumuno sa atin – mga buo-buong pamilya, mga angkan, na waring sila lamang ang may kakayahang “maglingkod” sa bayan. Magulo ang estado ng katotohanan, na laging nababaligtad depende kung sino ang may malaking bayad sa naghahawak ng micropono.

Subali’t kung mayroong mahalagang pangaral sa atin ang pag-aakyat o pag-akyat ng Panginoon sa langit at ito … hindi kailanman naglalaho ang pag-asa. Ang kanyang paglisan sa mundo ay di pag-iiwan sa ating nabubuhay pa sa daigdig. Ang kanyang pagtaas sa kalangitan ay pagtaas rin ng ating pag-asa.

Pero, gusto ko sanang bigyang-pansin ang pagtaas. Hindi ito pagtaas sa karangalan at kayabangan. Sa halip, ang pagtaas ni Kristo sa kaluwalhatian ay dapat magbunga ng pagbaba natin sa tunay na kasimplehan o kapayakan bilang tao. Ang kanyang pag-angat sa luwalhati ay pagbaba natin sa paghahanap ng karangalang makamundo.

Totoo na “habang umaakyat ang Panginoon, ang tambuli ay tumutunog,” tulad ng sinagot natin matapos ang unang pagbasa. Pero para sa atin, ang kanyang pag-akyat at naghatid naman sa atin sa pagpanaog – sa kababaang-loob. Tulad ng sinabi ni Pablo, “Nawa’y liwanagan ng Diyos ang inyong mga isip upang malaman ninyo ang ating inaasahan sa kanyang pagkatawag sa atin.”

Ang ating inaasahan … ang buhay na walang hanggan, na hindi para sa lupang ibabaw.

Marami ang nag-aasam umangat, umakyat, at makarating sa matataas na posisyon sa lipunan. Marami ang gustong mahalal at manatili sa pwesto, kahit buong pamilya na nila ay nasa pwesto na nang matagal.

Ang paglisan ni Jesus sa mundong ibabaw ay tanda ng kababaang loob. Sa kanya ay karapat-dapat lamang na maluklok sa kanan ng Ama. Ika nga, kung di ukol, ay di bubukol.

Iniakyat, umakyat? Alin ang tama? Pareho. Pero hindi ito ang mahalaga … Ang mahalaga ay ito … Sa kanyang pag-akyat, tayo naman ay dapat bumaba, magpakumbaba, lumuhod at magpasalamat. Tayo rin, balang araw, sa tamang panahong itinakda ng Diyos, ay may karapatang mapasama sa mga umaawit ng papuri sa Diyos sa langit na tunay nating bayan. Amen.

Saturday, May 4, 2013

PAG-IBIG, PAGTUPAD, PATNUBAY

-->
Ika-anim na Linggo ng Pagkabuhay Taon K
Mayo 5, 2013

Mga Pagbasa: Gw 15:1-2.22-29 / Pah 21:10-14.22-23 / Jn 14:23-29


PAG-IBIG, PAGTUPAD, PATNUBAY!



Maraming bagong usong salita ngayon sa Tagalog … pati ang salitang “kaya” ay iba na ang kahulugan ngayon. Marami ngayon ang napapa-praning dahil sa maraming dahilan. Noong kami ay bata pa, walang salitang “praning.”



Sa araw na ito,  ang habilin sa atin ni Kristong muling nabuhay ay ito … hindi dapat tayo ma-praning … walang lugar ang pagkabalisa o pag-aagam-agam sa puso ng isang nagmamahal, at tumutupad sa mga salita niya.



Praning na praning kamakailan ang mga taga South Korea dahil sa pagbabanta ng mga taga Nokor. Praning rin ang mga kandidatong hindi nangunguna sa mga survey. Balisa rin ang taong hindi tiyak na may nagmamahal sa kanya, kung hindi siya siguradong pinahahalagahan ninuman.



Ito ang paraan ayon sa Panginoon para mapawi ang pagkabalisa … ang magmahal at tumupad sa kanyang mga salita. Di ba’t malinaw na kapag tayo ay nagkasala ay wala tayong kapayapaan sa kalooban? Di ba’t kapag tayo ay sumuway sa magulang o sa nakatatanda ay hindi rin tayo panatag? Walang kapanatagan ang taong walang pananagutan, walang responsabilidad, at walang anumang pinagmamalasakitan.



Tatlong mahahalagang paalala ang hatid ng Panginoon sa atin: pag-ibig, pagtupad at patnubay.



Hangga’t wala tayong minamahal at pinagmamalasakitan, wala rin tayong kapanatagan. Hindi nagdudulot ng kasiyahan ang taong pasaway at pakawala. Masaya ang mag-inom, pero pag nalasing ay sakit ng ulo at katawan ang dulot kinabukasan. Hindi ito nagbubunga ng tunay na kapanatagan at kaligayahan. Hagga’t wala tayong minamahal at inaalagaan, wala tayong tunay na kagalakan ng puso.



Pero, hindi lamang isang damdamin ang pag-ibig. Kasama nito ang pagtupad. Ang pag-ibig sa Diyos ay hindi lamang kapag Pasko o fiesta, o kung kailan maganda ang panahon. Ang tumutupad ng kanyang salita ang siyang tunay na may pag-ibig. Hindi ito nakukuha sa pangako o sa mga magandang pananalita at talumpati bago mag-eleksyon, kundi sa tunay na pagtupad sa pangako.



Salamat na lamang at may patunay rin ang pangako ng Diyos. Nagsugo siya ng Patnubay, ang Espiritu Santo, na magtuturo sa atin ng lahat at maggagabay sa atin.



Sa ngayon, napa-praning pa rin ako sa maraming bagay … sa trapiko, sa daming problema sa lipunan, sa iba-ibang pagsubok sa buhay. Maraming problema ay walang solusyon. Maraming dapat tanggapin na lamang at tiisin, sapagka’t wala tayong angking kapangyarihang pagbaguhin nang iglap ang maraming bagay.



Nguni’t sa araw na ito, sapat nang mabatid natin na may pangakong hindi napapako sa kawalan ang Panginoon – kapayapaan! Ito ang kapayapaang hindi kayang ipagkaloob ng mundo, ng mga tao. Ito ang kapayapaang galing sa kabatirang tayo ay nagmamahal at may pananagutan sa ating minamahal – tumutupad sa turo ng Panginoon.



“Huwag kayong mabalisa. Huwag kayong matakot.” Kasama natin ang Diyos. Kaakbay natin ang Espiritu Santo. Hindi tayo dapat ma-praning kailanman. May kinabukasan ang mga sumasampalataya sa kanya!