Friday, March 29, 2013

MAY GUWANG, PERO WALANG PUWANG!


Pasko ng Pagkabuhay (K)
Marso 31, 2013

GUWANG, PERO WALANG PUWANG

Walang laman ang puntod. Guwang … walang nakalibing. Bago pa man sumikat ang araw, ay naglaho na ang kanilang hanap. Papahiran pa naman sana ng mga kababaihan ang bangkay, ayon sa kanilang kagawian.

May kulang baga at nawala na ang kanilang pakay? May puwang kaya at hindi naganap ang kanilang inaasam? Dapat kayang ibaon na na puntod ng pagkalimot ang nabaon noong isang araw, nguni’t naglaho at lumisan sa kanyang pagkalibing?

Kung guwang ang libingan, may puwang pa kaya sa ating mga pag-asa? … sa ating mga pangarap? … sa ating mga pinakaaasam?

Marami ngayon ang nakararanas ng iba-ibang uri ng kamatayan at pagkagupiling sa mga bagay na malayo sa buhay. Nandyan ang mga kabataang nagumon sa droga … mga binata’t dalagang pinanawan na ng pag-asang sila ay makababangon pa sa maraming mga suliranin … mga kabataang lumaking walang nakilalang ama o ina … mga batang murang-mura ang isipan ay nalukuban na ng lahat ng uri ng bisyong hindi kailanman dapat ipamata at ipamulat sa mga batang paslit … mga batang sa halip na mag-aral ay naghahanap ng basura upang ipagtawid-buhay … mga batang padre o made de familia na dapat lumisan sa malalayong lugar upang makapaghanap ng trabaho ay papag-aralin ang kanilang mga anak na nangungulila sa sarili nilang bayan …

Mahaba ang listahan natin. Sa ating kapaligiran, kay raming mga taong buhay pa ay nagmimistula nang patay dahil sa maraming mga iba-ibang pamamaraan ng pagkitil sa diwa ng buhay pantao.

Sa araw na ito, malaking kabalintunaan ang ipinagdiriwang natin. Narito siyang sinalubong noong isang Linggo nang buong kagalakan sa kanyang pagpasok sa Jerusalem. Narito siyang itinanghal bilang tugon sa lahat ng kanilang mga adhikain at panagimpan. Nguni’t narito siya’t noong isang araw ay pinaratangan, dinakip, hinagupit, pinahirapan, pinagpasan ng krus at ipinako sa pinaka masahol na paraan ng pagkitil ng buhay bilang parusa sa isang pinakamasahol na salarin. Narito siyang matapos itanghal bilang Anak ni David, ay inatangan ng paratang na hindi kailanman niya inisip man o binalak.

Malaking guwang ang naiwan ng yumao. Malaking dagok sa pangarap ng mga disipulo. At eto nga’t dalawa sa kanila ay pauwi na ng Emaus, nakatungo, at puno ng kalungkutan at at pag-aagam-agam o panghihinayang.

Nguni’t guwang nga bang tunay ang puntod? Sumandali nating isipin. Nang makita ni Pedro at ng mas batang disipulo ang puntod na guwang, hindi kailanman nila inisip na may puwang sa kanilang pananampalataya. Nagtakbuhan sila upang ipamalita, hindi ang walang lamang libingan kundi ang napagtanto nilang tunay na kahulugan ng guwang na puntod. Naisip nila at nagunita at nauwaan ang kanyang sinabi: “Ang Anak ng Tao ay dapat magdaan sa pahirap at pagkamatay … nguni’t sa ikatlong araw ay mabubuhay na mag-uli.”

Guwang ang puntod! Salamat sa Diyos! Samakatuwid kung guwang at walang laman, totoo ngang ayon sa kanyang sinabi ay muli siyang nabuhay! Ito ang sumagi sa kanilang isipan … na ang katotohanang nasa harap ng kanilang mga mata ay mayroong mas malalim na katotohanan … ayon sa kanyang mga wika, ayon sa kanyang pangaral, na noon ay hindi nila lubos na naunawaan.

May guwang, oo … nguni’t walang puwang sa kanilang pananampalataya at pag-asa, tulad nang pati mga nakakulong na kabataan sa Casa del Marmo prison sa Roma ay biglang sinagian ng bagong pag-asa sa pagbisita sa kanila ni Papa Francisco noong nakaraang Jueves.

Tayo man ay di miminsang nawalan ng pag-asa at pagtitiwala. Mayroon ring bahagi sa buhay ko bilang pari na ako ay nanghinawa, nagsawa sa paggawa ng mabuti sapagka’t sa aking pakiwari ay hindi nasusuklian nang nararapat. May mga pagkakataong sinasagian rin kami ng kawalan ng pag-asa, na para bagang lahat ng ginagawa namin ay bukod sa pinagdududahan na, ay hindi pa pinahahalagagahan. Di miminsang sa dami ng kabutihang nagawa mo, ay ikaw pa ang masama, at halos patayin ka sa masasamang salita ng mga taong hindi bilib sa iyo.

Araw ngayon ng mga namatay na sa mata ng madla … mga taong nawalan na ng pag-asa, tulad ng mga taong dahil sa kasalanan ay tila nakapiit sa kulungan, mga taong hindi malaman kung ano ang dapat gawin upang makapagsimula nang wasto at magbalik-loob sa Panginoon.

Nakita ko ito nang harapan sa nakaraang mga araw … mga taong mahigit sa 25 hanggang 30 taong hindi nangungumpisal ngunit sa araw ng Biyernes Santo ay biglang nakaramdam ng panawagan ng pagbabago at panibagong buhay. At ang ilan dito ay sapagka’t namangha sila sa kababaang loob ni Papa Benedicto XVI at ang kababaang-loob rin ni Papa Francisco, sampu ng kanilang mga pangaral.

Malaking guwang ang iniwan sa buhay natin ng kasalanan. Malaking kawalan … malaking kakulangan. Nguni’t sa araw na ito, sa muling pagkabuhay ni Kristo, ang malinaw na turo sa atin ay walang iba kundi ito …

Bagama’t malaki ang guwang sa kanyang pagpanaw, walang anumang puwang … walang anumang kulang sa ating buhay bilang tagasunod ni Kristo. At ito ay dahil sa iisang katotohanan, ayon na rin sa kanyang pangaral: Si Kristo ay namatay. Si Kristo ay muling nabuhay. At si Kristo’y babalik sa wakas ng panahon!

Maligayang Pasko ng Pagkabuhay sa inyong lahat!

Thursday, March 21, 2013

OSANA? O SIGE NA?


LINGGO NG PALASPAS
Marso 24, 2013

OSANA? O BAKA NAMAN, O SIGE NA!

Sanay tayo sa larawan ng mga alalay. Halos lahat ng tanyag na tunay na tanyag ay sandamakmak ang alalay. At yamang ang politica natin ay showbiz na showbiz na rin, pinakamaraming alalay ang mga politico sa bayan natin. Saanman sila pumunta … saanman sila naroroon, ang mga alalay ay parang patunay sa awiting ganito ang linya: “Saan ka man, naroroon sinta ..”

Pero nang pumasok ang Panginoon sa Jerusalem, sandamakmak rin ang mga alalay. Hinatak at dinala nila lahat ang unang mahugot sa kanilang katawan at kapaligiran. May nagtanggal ng mga balabal … ginawa nilang alfombra o tapakan ng Panginoon. May nagsira ng mga puno at palumpong … Pinitas ang mga sanga, ginupit ang mga dahon at iwinagayway, kundi ilinatag sa daraanan ng Panginoong dumarating sa ngalan ng Diyos.

Hindi magkamayaw sa ingay, sa galak, sa tuwa at pagbubunyi nang dumating si Jesus sa lungsod.

Pero uso na rin yata noon ang palitan ng partido. Hindi naglaon ay ang mga maiingay na alalay ay nagsipagbaligtaran na ng partido. Yaong mga dating napaos sa kasisigaw ng Osana ay nagbago ng tugtugin … nagpalit ng awitin … at nagbaligtad sa kanilang hiyaw … En vez na Osana ay naging O sige na! ipako yan sa krus!

Sa buhay natin, ilang beses na tayo nagbago ng isip? Ako, inaamin ko … pabago-bago ang isip ko rin sa maraming bagay. Ilang beses tayo bumaligtad sa ating pangako? Ako … may mga pangako ring tinalikuran … Ilang beses tayo bumalikwas at lumayo sa orihinal nating mga layunin at adhikain?

At yamang narito tayo sa paksang ito? Ilan ang kilala ninyong balimbing na dati-rati ay kakampi noong si kwan, pero ngayon ay kakampi na ni ano? Ilan sa atin ang sanga-sanga ang dila at kapag nabusalan ay nagsasalawahan?

Di ba’t ito ang kwento ni David? Di ba’t ito ang kwento ng mga propeta tulad ni Jonas? Na sa halip na tumungo sa Nineve ay bagkus lalu namang umalis palayo? Di ba’t tayong lahat ay salawahan? Di ba’t tayong lahat ay makasalanan?

O anyare sa Jerusalem? Sandamakmak na alalay ang sumalubong, parang dumating sa bayan si Sir Chief at naglabasan ang lahat ng halos mahimatay sa kanyang pagdating. Pero pagkatapos ng ilang araw ay ano ang nangyare? Nasaan sila?

Hayun! Matapos sumigaw ng Osana, ay iba na ang sigaw nila … O Sige Na! Ipako na yan sa krus! Palayain na ang aming bagong Sir Chief, si Barabas!

Banal ang buong Linggong ito. Banal at handa tayong makarinig ng kaunting pasaring mula sa Diyos … bukas ang looban natin na magtika at gumawa ng kaunting pagsisisi.

Eto ang dapat siguro natin marinig. Malimit sa buhay natin, ito ang ating sigaw … At kung yan man ay kasalanan, ay sapagka’t kami ay tao lamang … Alam ko masama, pero sige na, wala na tayong magagawa. Alam kong mali, pero sino ang hindi nagkakamali? Sige na!

Alam nating hindi angkop sa kalooban ng Diyos, pero anong karapatan ng mga pari upang humusga? Sino ang dapat magsabi sa akin kung ano ang aking dapat gawin? Malinis ang aking konsiyensiya … Siya, sige na!

Sa halip na unahin ang Diyos at bumigkas ng Osana, anyare? Heto … napapalitan tuwina ng O SIGE NA! BAHALA NA! PUEDE NA!

Sa dinami-dami ng mga alalay ng Panginoon, nang tumiwalag ang karamihan at nag-asal balimbing, mayroong kaunting nanatili sa kanyang likuran. Ito ang mga hindi pansamantalang mga alalay at tagahanga. Ito ang mga tunay na disipulo.

Ang kailangan ng Panginoon ay hindi mga alalay, bagkus mga tunay na tagasunod!

Friday, March 15, 2013

MG LUMANG PLAKA; MGA BAGONG AWITIN


Ikalimang Linggo ng Kwaresma (K)
Marso 17, 2013

Mga Pagbasa: Is 43:16-21 / Phil 3:8-14 / Jn 8:1-11

MGA LUMANG PLAKA; MGA BAGONG AWITIN

Hindi na alam ng mga bata ang plaka. Hindi na rin nila nainintindihan ang kasabihang sirang plaka. Kasama ng mga casette tapes, at ng mga Walkwan, nabibilang na ito sa mga lumang dapat nang ibaon, ika nga, sa pagkalimot. Pero, ayon sa ating karanasan, maraming mga mapait na bagay ang hindi natin nalilimot agad-agad.

Ang mga pagbasa ngayong araw na ito ay pawang may kinalaman sa pagbabago, sa pagwawaksi ng luma, at sa pagharap sa bago. Sa unang pagbasa, nakatuon ang ating pansin sa bagong daan sa disyerto at sa mga ilog sa ilang. Pangako ng Diyos sa kanyang bayan na siya ay gagawa ng paraan, at maglalaan ng daan, at gagawa ng mga bagong bagay para sa kanyang bayan.

Pati si San Pablo sa ikalawang pagbasa ay nakatuon ang isipan hindi sa mga lumang karanasan, kundi sa mga darating pang mga dakilang bagay. Ito ang kaligtasan na dulot sa ngalan ni Kristo.

Subali’t sa ebanghelyo natin nakita ang tunay na bago – ang isang bagong pamamaraan upang harapin ang isang suliraning dulot ng mga tampalasang ang hanap ay ihulog sa patibong ang Panginoon.

Sa buhay natin, malimit tayong manatili sa mga lumang pamamaraan. Marami sa atin ang hindi kayang magtapon ng lumang bagay, mga lumang larawan, o lumang gamit sa bahay, kahit hindi na napapakinabangan. Pati ako ay nakikinig pa rin sa mga lumang awit, lumang tugtugin, o retro ang tawag – oldies but goodies! Merong mga taong hindi kayang limutin ang mga masamang nagawa ng iba sa kanila. Dala-dala nila habang buhay ang mga pasakit, ang mga mapapait na karanasan, mga lumang plaka, ika nga.

Sa araw na ito pawang bago ang dapat nating bigyang-pansin, ayon sa mga pagbasa. Ang mga lumang plaka ay dapat maging mga bagong awitin ng puso – puno ng pag-asa at paghahangad sa kung ano ang dapat bigyang-halaga.

Sa panahon natin, madali sa atin ang humusga at manggamit ng tao para sa ating sariling layunin. Tulad ng ginawa ng mga Pariseo na kinaladkad pa ang babae sa harapan ni Jesus, para lamang masubukan siya at lansihin. Hindi nila pakay ang gawan ng hustisya ang sino mang naapi, kundi upang hulihin ang Panginoon sa kanyang sasabihin, at ihabla o ideklarang isang ereje.

Kung minsan, pati tayo ay nalalansi ng makaluma, ng mga bagay na wala nang silbi. Kung minsan, tayo ay patuloy na nakakulong sa mga nagdaang karanasan, at hindi tayo makabangon sa isang panibagong umaga. Kung minsan rin, ang ating pag-asa ay tila nalulukuban ng isang kalungkutang may kinalaman sa mga lumang plaka at lumang tugtugin – mga kagawian at kaugaliang hindi na natin mabago at naglulubog sa atin sa isang kawalan ng tiwala o paniniwala na magbabago pa rin ang lahat.

Ito ang malinaw na turo ng liturhiya sa araw na ito. Huwag mahirati sa luma. Huwag masanay sa lumang bagay at ituon ang mata sa mga bagong dumarating at darating pa. Ano ba ang bagong ito?

Si Pablo ang may malinaw na larawan kung ano ang bagong ito. At ito ay walang iba kundi ang lisanin ang lumang plaka ng ating buhay, ang mga kagawiang makasalanan at malayo sa kalooban ng Diyos at harapin ang bagong hangarin – ang dakilang adhikain na tumugon at tumalima sa panawagan ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo.

Hindi na uubra ang mga lumang plaka. Dapat dito ay mga bagong awitin ng pag-asa at panibagong buhay.

Kaya ba natin ito? Oo. Ayon mismo sa ating sinagot matapos ng unang pagbasa: “Gumawa ang Diyos ng mga dakilang bagay para sa atin; puno tayo ng kagalagan”

Thursday, March 7, 2013

TINGNAN AT TIKMAN!


Ika-apat na Linggo ng Taon K
Marso 10, 2013

Mga Pagbasa: Josue 5:9a, 10-12 / 2 Cor 5:17-21 /Lucas 15:1-3, 11-32

TINGNAN AT TIKMAN!

Malaki ang nagagawa ng presentasyon sa pagkain. Kapag may kulay, may kaayusan, at nakalagay sa magandang bandeha o bulusan, sumasarap ang pagkain. Bago natin tikman, tama lang na tingnan muna, diba? Sa mga Pinoy tulad natin, may ikatlo pa … hindi natin kakainin ang mangga o tsiko hanggang hindi natin muna inaamoy. Ang langka, ang atis, ang mabolo, at pati litson galing Cebu o Iloilo o Cagayan de Oro … inaamoy natin, tinitingnan natin, saka tinitikman!

Ang unang pagbasa ay may kinalaman sa kasayahang dulot ng pagkain, at ang pagsasalo ng pagkain bunsod ng kasayahan. Bakit nga ba? Tingnan natin: “Inalis ko ngayon ang kahihiyan ng pagkaalipin ninyo sa Egipto.” Sino nga ba ang hindi matutuwa nito? Hinango sila sa kahihiyan! At sino sa inyo, vamos a ver, ang hindi maghahanda dahil sa naahon kayo sa kahihiyan?

Ngayong malapit na naman ang mga gradwesyon, a ver, sino sa inyo ang hindi maghahanda man lamang ng litsong manok, o Chooks-to-go? Pag masaya, may kainan; pag may kainan (at inuman) ay masaya!

Pero higit pa rito sa sa mababaw na kainan ang dahilan ayon kay San Pablo. Aniya, ang sinumang naging bago ay dapat lamang magsaya: “Ang sinumang nakipag-isa kay Kristo ay isa nang bagong nilalang. Wala ang ang dating pagkatao; siya’y bago na.” O di ba? Pag may bago kayong celfon, di ba masaya? Pag may bago kahit man lang Bench T-shirt, sino ang hindi masaya? Eh, iyon pa kayang pinagbago tayo ng Diyos nang kabuuan, sa kaibuturan, sa kaluob-looban ng ating pagkatao?

Pwes, simple lang ang kwento natin ngayon. Pag bago, masaya. Pag masaya, may kainan, may katuwaan, at lahat ay nakangiti!

Teka … pero sa kwento sa ebanghelyo, may iba-ibang asal ang nakita natin. Nanduon ang batang kapatid, hindi makahintay mag-good time … Buhay pa ang tatay ay kinubra na ang kanyang mana. Sadya yatang may mabait na tatay sa mundo … walang dalawang salita … walang dalawang isip … kapagdaka’y binunot ang pinakatago-tagong special deposit sa bangko (wala na ngayong time deposit … hindi na uso … walang kita!). Kagya’t lumayas … nagliwaliw at inubos ang datung!

Ayon, nang mauntog sa ulo ay natauhan … nahabag sa sarili nang darak na lamang ang kanyang kinakain. Nagbalik-loob, at lumuhod sa ulirang ama. Aba! At nag painom pa mandin ang tatay na mapagpatawad … naghanda ng litsong baka at lahat.

At dito pumasok ang kwento ng tampo, ng inggit, ng nagkukubling galit … mula sa nakatatandang kapatid. Masasaya ang lahat; pero ang may sakit sa puso at ulo, ay may sakit rin sa puson, sa tiyan … hindi matunaw ang kanyang galit at tampo … akala nyo ba matutunawan rin siya sa kanyang kakainin?

Napakayaman ng pagbasa sa Linggong ito … at napakahirap bigyang lagom sa sampung minutong paliwanag. Sapat na sigurong tanungin natin ang sarili natin … may balakid ba sa puso natin upang magsaya? May balakid ba sa pangkatao natin upang, dahil sa pagsasaya ay matuto tayong makibahagi sa kainan, at makiisa sa mga nagpapasalamat din at nagsasaya?

Nakita ng mga Israelita ang biyayang dakila na sinapit nila. Naiahon sila sa kahihiyan. At sila’y nagkainan, hindi ng mana, kundi ng tunay na pagkain, mga bunga ng kalupaan! Tiningnan rin ni Pablo ang dakilang kaloob ng pagbabago mula sa Diyos. At ang tiningnan ay nagbunsod sa kanya upang matikman ang kagandahang loob ng Diyos.

Tingnan … Alin? Ang mga biyayang nasa atin na ngayon. Huwag hayaang ang tampo o galit ay maging balakid sa ating wastong pagtingin, wastong pagkakita.

Sa Misang ito, wag lang tingnan, wag lang dinggin … tikman ang kagandahang loob ng Diyos sa pamamagitan ni Kristong nag-alay ng kanyang katawan at dugo. Buksan ang mga mata … palitan ang lente ng camera … alisin ang macro at palitan ng wide angle, upang makita ang lawak ng panorama, ang lawak at lalim ng pag-ibig ng Ama, na siyang tunay na alibugha sa pagpapatawad at pagmamahal sa ating kanyang mga anak na makasalanan!

Hali! Wag nang patumpik-tumpik pa … Tingnan at tikman ang pag-ibig ng Diyos!